Bakit Dapat Maging Mapagsakripisyo-sa-Sarili?
Bakit Dapat Maging Mapagsakripisyo-sa-Sarili?
Si Bill ay isang de-pamilyang tao na mga edad 50 na isang guro ng teknolohiya sa pagtatayo. Sa buong taon, sa kaniyang sariling gastos, gumugugol siya ng maraming linggo sa pagtulong upang magplano at magtayo ng mga Kingdom Hall para sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Si Emma ay isang 22-anyos na dalaga na may pinag-aralan at lubhang kuwalipikado. Sa halip na magtaguyod ng pawang personal na mga tunguhin at mga kasiyahan, siya’y gumugugol ng mahigit na 70 oras sa bawat buwan bilang isang ministro, na tumutulong sa mga tao na maunawaan ang Bibliya. Sina Maurice at Betty ay mga retirado na. Sa halip na magpahinay-hinay ngayon, sila’y lumipat sa ibang bansa upang tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa layunin ng Diyos para sa lupa.
HINDI itinuturing ng mga taong ito ang kanilang mga sarili na natatangi o pambihira. Sila’y mga normal na tao lamang na ginagawa ang bagay na inaakala nilang nararapat gawin. Bakit nila ginagamit ang kanilang panahon, lakas, mga kakayahan, at mga kayamanan sa kapakanan ng iba? Ang matinding pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa ang nag-uudyok sa kanila. Ang pag-ibig na ito ay lumikha sa bawat isa sa kanila ng tunay na espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili.
Ano ang ibig naming tukuyin sa espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili? Buweno, ang pagiging mapagsakripisyo-sa-sarili ay hindi humihiling ng pamumuhay ng isang di-marangya o mapagpasakit na buhay. Hindi ito kailangang magsangkot ng labis na pagkakait-sa-sarili na nag-aalis sa atin ng kagalakan o kasiyahan. Gaya ng pagkakasabi rito ng The Shorter Oxford English Dictionary, ang sakripisyo-sa-sarili ay basta nangangahulugan ng “pagsusuko ng sariling interes, kaligayahan, at kagustuhan, alang-alang sa tungkulin o kapakanan ng iba.”
Si Jesu-Kristo—Ang Pinakamainam na Halimbawa
Ang bugtong na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang pinakamainam na halimbawa ng isa na may espiritung mapagsakripisyo-sa-sarili. Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ang kaniyang buhay ay masaya at kasiya-siya sa sukdulang antas. Mayroon siyang malapit at matalik na pakikisama sa kaniyang Ama at sa espiritung mga nilalang. Bukod pa riyan, ginamit ng Anak ng Diyos ang kaniyang mga kakayahan sa mapanghamon at kapana-panabik na mga gawain bilang “isang dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:30, 31) Tiyak na namuhay siya sa gitna ng mga kalagayang lubhang nakahihigit sa anumang bagay na kailanma’y maaaring natamasa ng pinakamayamang tao sa lupa. Pangalawa sa Diyos na Jehova, taglay niya ang isang mataas at pribilehiyadong katayuan sa langit.
Gayunman, ‘hinubad [ng Anak ng Diyos] ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao.’ (Filipos 2:7) Kusa niyang iniwan ang lahat niyang personal na mga kapakinabangan sa pagiging isang tao at ibinigay ang kaniyang buhay bilang isang pantubos upang alisin ang pinsalang ginawa ni Satanas. (Genesis 3:1-7; Marcos 10:45) Nangangahulugan iyan ng pagparito niya upang mamuhay sa gitna ng makasalanang sangkatauhan sa isang daigdig na nasa kapangyarihan ni Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Nangangahulugan din ito ng pagbabata ng personal na mga kahirapan at di-kaalwanan. Subalit, anuman ang naging halaga nito sa kaniya, si Jesu-Kristo ay determinadong gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Mateo 26:39; Juan 5:30; 6:38) Sinubok nito ang pag-ibig at katapatan ni Jesus sa sukdulan. Hanggang saan siya handang magsakripisyo? “Nagpakababa siya,” ang sabi ni apostol Pablo, “at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.”—Filipos 2:8.
“Panatilihin sa Inyo ang Pangkaisipang Saloobin na Ito”
Tayo ay hinihimok na sundin ang halimbawa ni Jesus. “Panatilihin sa inyo ang pangkaisipang saloobin na ito na nasa kay Kristo Jesus,” ang paghimok ni Pablo. (Filipos 2:5) Paano natin magagawa ito? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng ‘pagtutuon ng mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.’ (Filipos 2:4) Ang tunay na pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito.”—1 Corinto 13:5.
Ang nagmamalasakit na mga tao ay kadalasang puspusang itinatalaga ang kanilang sarili sa paglilingkod sa iba. Subalit sa ngayon, maraming tao ang may hilig na maging makasarili. Ang sanlibutan ay may saloobing ako-muna. Kailangan tayong magbantay laban sa espiritu ng sanlibutan sapagkat kung magtagumpay ito sa paghubog sa ating pangmalas at saloobin, malamang na gagawin nating napakahalaga ng ating sariling mga hangarin. Sa gayon ang lahat ng ating gagawin—kung paano natin gugugulin ang ating panahon, ang ating lakas, ang ating mga kayamanan—ay pangingibabawan ng makasariling mga kapakanan. Kaya kailangan nating paglabanan nang husto ang impluwensiyang ito.
Kahit na ang payo na may mabuting intensiyon kung minsan ay maaaring magpalamig sa ating espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Sa pagkaalam kung saan aakayin si Jesus ng kaniyang landasin ng pagsasakripisyo-sa-sarili, si apostol Pedro ay nagsabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon.” (Mateo 16:22) Malamang na nasumpungan niyang mahirap tanggapin ang pagkukusa ni Jesus na magsakripisyo hanggang kamatayan sa kapakanan ng pagkasoberano ng kaniyang Ama at ng kaligtasan ng sangkatauhan. Kaya sinikap niyang payuhan si Jesus na huwag itaguyod ang gayong landasin.
‘Itatwa Mo ang Iyong Sarili’
Paano tumugon si Jesus? Ang ulat ay nagsasabi: “Bumaling siya, tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway si Pedro, at sinabi: ‘Lumagay ka sa likuran ko, Satanas, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.’ ” Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang mga pulutong sa kaniya kasama ng kaniyang mga alagad at sinabi: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at sundan ako nang patuluyan.”—Marcos 8:33, 34.
Mga 30 taon pagkaraang ibigay niya kay Jesus ang payong ito, ipinakita ni Pedro na naunawaan na niya ang kahulugan ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Hindi niya hinimok ang kaniyang mga kapananampalataya na magrelaks at maging mabait sa kanilang sarili. Sa halip, pinayuhan sila ni Pedro na bigkisan ang kanilang mga pag-iisip ukol sa gawain at huwag nang pahubog alinsunod sa dati nilang makasanlibutang mga pagnanasa. Sa kabila ng mga pagsubok, dapat nilang unahin ang paggawa ng kalooban ng Diyos sa kanilang buhay.—1 Pedro 1:6, 13, 14; 4:1, 2.
Ang pinakakapaki-pakinabang na landasin na maaaring itaguyod ng sinuman sa atin ay ang ibigay ang lahat ng ating tinataglay kay Jehova, na matapat na sinusunod si Jesu-Kristo at hinahayaang patnubayan ng Diyos ang ating mga gawain. Sa bagay na ito, si Pablo ay nagbigay ng isang mainam 2 Corinto 12:15) Ginamit ni Pablo ang kaniyang mga kakayahan upang isulong ang mga kapakanan ng Diyos, hindi ang sa kaniyang sarili.—Gawa 20:24; Filipos 3:8.
na halimbawa. Ang pagkadama niya sa pagkaapurahan ng panahon at ang kaniyang pagpapasalamat kay Jehova ang nagpakilos sa kaniya na iwan ang makasanlibutang mga hangarin o mga pag-asa na maaaring magpalihis sa kaniya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. “Sa ganang akin,” ang sabi niya, “ay may malaking katuwaan na gugugol ako at magpapagugol nang lubusan” sa paglilingkod sa kapakanan ng iba. (Paano natin masusuri ang ating mga sarili upang makita kung taglay ba natin ang isang pangmalas na gaya niyaong kay apostol Pablo? Maaari nating tanungin ang ating mga sarili ng mga tanong na katulad nito: Paano ko ginagamit ang aking panahon, ang aking lakas, ang aking mga kakayahan, at ang aking mga kayamanan? Ginagamit ko ba ang mga ito at ang iba pang mahahalagang kaloob upang isulong lamang ang aking sariling mga kapakanan, o ginagamit ko ba ang mga ito upang tumulong sa iba? Napag-isipan ko na bang makibahagi nang higit sa gawaing nagliligtas-buhay na paghahayag ng mabuting balita, marahil bilang isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian? Maaari kayang higit pa akong masangkot sa mga gawaing gaya ng pagtatayo o pagmamantini ng mga Kingdom Hall? Sinasamantala ko ba ang mga pagkakataon upang tulungan ang mga nangangailangan? Ibinibigay ko ba ang pinakamainam kay Jehova?—Kawikaan 3:9.
“Higit na Kaligayahan sa Pagbibigay”
Gayunman, talaga bang katalinuhan ang maging mapagsakripisyo-sa-sarili? Tunay nga! Alam ni Pablo mula sa personal na karanasan na ang gayong espiritu ay nagdudulot ng maraming gantimpala. Nagdulot ito sa kaniya ng malaking kaligayahan at matinding personal na kasiyahan. Ipinaliwanag niya ito sa matatandang lalaki mula sa Efeso nang makita niya sila sa Miletus. Sinabi ni Pablo: “Itinanghal ko sa inyo sa lahat ng bagay na sa pagpapagal nang gayon [sa paraang mapagsakripisyo-sa-sarili] ay dapat ninyong tulungan yaong mahihina, at dapat na taglayin sa isipan ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang sabihin niya mismo, ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ ” (Gawa 20:35) Milyun-milyong tao ang nakasumpong na ang pagpapamalas ng ganitong uri ng espiritu ay nagdudulot ng malaking kaligayahan ngayon. Magdudulot din ito ng kagalakan sa hinaharap kapag ginantimpalaan ni Jehova yaong inuuna ang kaniyang kapakanan at yaong sa iba kaysa kanilang sariling kapakanan.—1 Timoteo 4:8-10.
Nang tanungin kung bakit nagsusumikap siya sa pagtulong sa iba na magtayo ng mga Kingdom Hall, si Bill ay nagkomento: “Ang pagtulong sa karaniwang itinuturing na mas maliliit na mga kongregasyon ay nagbibigay sa akin ng malaking personal na kasiyahan. Nasisiyahan ako sa paggamit
ng mga kasanayan at kadalubhasaang taglay ko sa kapakanan ng iba.” Bakit pinili ni Emma na italaga ang kaniyang mga lakas at mga kakayahan upang tulungan ang iba na matutuhan ang katotohanan sa Kasulatan? “Hindi ko maisip ang paggawa ng anumang iba pang bagay. Samantalang bata pa at nagagawa pa iyon, gusto ko lamang gawin ang lahat ng magagawa ko upang palugdan si Jehova at matulungan ang iba. Ang pagsasakripisyo ng ilang materyal na mga kapakinabangan ay isang maliit na bagay. Ginagawa ko lamang ang nararapat kong gawin dahil sa nagawa ni Jehova para sa akin.”Hindi pinagsisisihan nina Maurice at Betty ang kanilang hindi pahinay-hinay na pamumuhay, kasunod ng mga taon ng pagpapagal sa pagpapalaki at paglalaan para sa kanilang pamilya. Ngayon na sila’y retirado na, gusto nilang patuloy na gumawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang at makabuluhan sa kanilang buhay. “Ayaw namin na basta maupo at magrelaks ngayon,” ang sabi nila. “Ang pagtulong sa iba na matuto tungkol kay Jehova sa isang banyagang bansa ay nagbibigay sa amin ng pagkakataon na patuloy na gumawa ng isang makabuluhang bagay.”
Determinado ka bang maging mapagsakripisyo-sa-sarili? Hindi ito magiging madali. May palagiang pakikipagbaka sa pagitan ng ating di-sakdal na makataong mga hangarin at ng ating masikap na hangaring palugdan ang Diyos. (Roma 7:21-23) Subalit isa itong pakikipagbaka na mapagtatagumpayan kung hahayaan nating patnubayan ni Jehova ang ating buhay. (Galacia 5:16, 17) Tiyak na aalalahanin niya ang ating gawaing pagsasakripisyo-sa-sarili sa kaniyang paglilingkod at pagpapalain tayo nang sagana. Tunay, ‘bubuksan [ng Diyos na Jehova] ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa atin ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’—Malakias 3:10; Hebreo 6:10.
[Larawan sa pahina 23]
Taglay ni Jesus ang espiritung mapagsakripisyo-sa-sarili. Taglay mo ba ito?
[Mga larawan sa pahina 24]
Itinuon ni Pablo ang kaniyang mga pagsisikap sa gawaing pangangaral ng Kaharian