Walang-Hanggang Kaligayahan—Sa Langit o sa Lupa?
Walang-Hanggang Kaligayahan—Sa Langit o sa Lupa?
ANG iyo bang kaligayahan ay pangunahin nang nakasalalay sa kung saan ka nakatira? Agad na kinikilala ng karamihan ng tao na ang kaligayahan ay higit na nakasalalay sa mga salik na tulad ng mabuting kalusugan, isang layunin sa buhay, at mabubuting kaugnayan sa iba. Ganito ang pagkakasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.”—Kawikaan 15:17.
Gayunman, nakalulungkot na ang ating makalupang tahanan ay may mahabang kasaysayan ng poot, karahasan, at iba pang anyo ng kabalakyutan. Ngunit kumusta naman ang langit, o ang dako ng mga espiritu, na inaasahang patutunguhan ng maraming tao pagkamatay nila? Ito ba’y laging isang dako ng lubos na kapayapaan at katahimikan, na walang anumang uri ng kaguluhan, gaya ng karaniwan nang ipinalalagay?
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay naninirahan sa langit kasama ang milyun-milyong espiritung nilalang na tinatawag na mga anghel. (Mateo 18:10; Apocalipsis 5:11) Inilalarawan ang mga ito bilang espiritung “mga anak ng Diyos.” (Job 38:4, 7) Tulad ng mga tao, ang mga anghel ay may kalayaang magpasiya; hindi sila mga robot. Kung gayon, nangangahulugan ito na makapamimili rin sila na gumawa ng mabuti o ng masama. Pipiliin ba ng mga anghel na gumawa ng masama? Maaaring magulat ang ilan na malamang libu-libong taon na ang nakalipas, isang malaking bilang ng mga anghel, sa katunayan, ang nagkasala laban sa Diyos—sila’y naghimagsik laban sa kaniya!—Judas 6.
Mga Rebelde sa Langit
Lumitaw ang kasalanan sa dako ng mga espiritu dahil sa paghihimagsik ng isang anghel, na tinawag na Satanas (Mananalansang) at Diyablo (Maninirang-Puri). Pinili ng dating-masunuring anghel na ito na gumawa ng masama ayon sa kaniyang sariling malayang kalooban. Pagkatapos nito ay naging masamang impluwensiya siya sa iba pang mga espiritung nilalang, anupat noong panahon ni Noe, bago ang Baha, isang malaking bilang nila ang sumama kay Satanas sa paghihimagsik laban sa Diyos.—Genesis 6:2, talababa; 2 Pedro 2:4.
Ang nagkasalang mga anghel na ito ay hindi karaka-rakang pinalayas sa langit. Sa halip, pinayagan ang kanilang pagpaparoo’t parito—maliwanag na taglay ang ilang pagbabawal—sa loob ng libu-libong taon. * Gayunman, nang matapos ang pagpaparaya ng Diyos sa mga manggagawa ng kasamaang ito, sila’y “inihagis” mula sa langit, upang sa wakas ay lipulin. Pagkatapos ay isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon!” (Apocalipsis 12:7-12) Maliwanag, laking tuwa ng tapat na mga anghel na, sa wakas, nalinis na rin ang mga langit mula sa balakyot na mga manggugulo!
Sa pagsasaalang-alang sa pangkalahatang di-alam na mga detalyeng ito, maliwanag na hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan kailanma’t ipinagwawalang-bahala ng matatalinong nilalang ang mga batas at mga simulain ng Diyos. (Isaias 57:20, 21; Jeremias 14:19, 20) Sa kabilang panig, kapag sinusunod ng lahat ang batas ng Diyos, nananaig ang kapayapaan at katahimikan. (Awit 119:165; Isaias 48:17, 18) Kaya kung iniibig at sinusunod ng lahat ng tao ang Diyos at iniibig nila ang isa’t isa, hindi ba’t ang lupa’y magiging isang tunay na kasiya-siya at maligayang tirahan? Ang Bibliya ay sumasagot ng oo!
Ngunit kumusta naman yaong mga sakim na tumututol na baguhin ang kanilang balakyot na mga daan? Kanila bang gagambalain nang walang-hanggan ang kapayapaan niyaong mga tunay na nagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos? Hindi, kumilos ang Diyos laban sa balakyot na mga anghel sa langit, at siya’y kikilos din laban sa balakyot na mga tao rito sa lupa.
Isang Nilinis na Lupa
“Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan,” ang sabi ng Diyos. (Isaias 66:1) Bilang ang pinakasukdulan ng kabanalan, hindi pahihintulutan ng Diyos na dungisan ng kasamaan ang kaniyang “tuntungan” nang walang-takda. (Isaias 6:1-3; Apocalipsis 4:8) Gaya ng pag-aalis niya sa balakyot na mga espiritu sa mga langit, kaniya ring aalisin ang lahat ng balakyot na mga tao sa lupa, tulad ng ipinakikita ng sumusunod na mga talata sa Bibliya:
“Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.”—Awit 37:9.
“Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”—Kawikaan 2:21, 22.
“Matuwid sa bahagi ng Diyos na gantihan ng kapighatian yaong mga pumipighati sa inyo, ngunit, sa inyo na dumaranas ng kapighatian, ay ginhawa na kasama namin sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito mismo ay daranas ng panghukumang kaparusahan na walang-hanggang pagkapuksa mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas.”—2 Tesalonica 1:6-9.
“Ang sanlibutan [ng balakyot na sangkatauhan] ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Mananatili Bang Mapayapa ang Lupa?
Bagaman malinaw na ipinakikita ng Kasulatan na ang pagpaparaya ng Diyos sa balakyot ay may hangganan, paano tayo makatitiyak na ang kasamaan, minsang maalis ito, ay hindi na magbabalik? Kung sa bagay, pagkatapos ng Baha noong kaarawan ni Noe, di-nagtagal at muli itong lumitaw nang gayon na lamang katindi anupat kinailangang biguin ng Diyos ang balakyot na mga pakana ng sangkatauhan sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang wika.—Genesis 11:1-8.
Ang ating pangunahing dahilan ng pagtitiwala na hindi na muling babangon ang kasamaan ay sapagkat ang lupa ay hindi na pamamahalaan ng mga tao gaya noong pagkatapos-na-pagkatapos ng Baha. Sa halip, ito’y pamamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Habang namamahala mula sa langit, ang Kahariang ito ang magiging tanging pamahalaan sa lupa. (Daniel 2:44; 7:13, 14) Ito’y kikilos karaka-raka laban sa sinumang magtatangkang ibalik ang kasamaan. (Isaias 65:20) Sa katunayan, wawakasan nito sa kalaunan ang mismong nagpasimula ng kabalakyutan—si Satanas na Diyablo—kasama na ang mga demonyo, ang balakyot na mga anghel na sumunod sa kaniya.—Roma 16:20.
Karagdagan pa, wala nang mga dahilan para mabalisa ang sangkatauhan tungkol sa pagkain, damit, tirahan, at trabaho—ang kakulangan ng mga ito sa ngayon ay nagtutulak sa ilan upang mamuhay bilang mga kriminal. Oo, ang buong lupa ay babaguhin upang maging isang mabungang paraiso na may kasaganaan para sa lahat.—Isaias 65:21-23; Lucas 23:43.
Higit na mahalaga, tuturuan ng Kaharian ang mga nasasakupan nito sa mapayapang paraan ng pamumuhay samantalang kasabay nito ay itinataas sila sa pinakasukdulan ng kasakdalan ng tao. (Juan 17:3; Roma 8:21) Pagkatapos nito, hindi na kailangang makipagpunyagi ang sangkatauhan sa mga kahinaan at makasalanang mga hilig, anupat pinagiging kapuwa posible at kasiya-siya ang sakdal na pagsunod sa Diyos, gaya sa kaso ng sakdal na taong si Jesus. (Isaias 11:3) Sa katunayan, si Jesus ay nanatiling matapat sa Diyos maging sa harap ng matinding tukso at pagpapahirap—mga bagay na lubusang hindi na iiral pa sa buhay sa Paraiso.—Hebreo 7:26.
Kung Bakit ang Ilan ay Nagtutungo sa Langit
Gayunman, maraming mambabasa ng Bibliya ang nakababatid sa mga salita ni Jesus: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo.” (Juan 14:2, 3) Hindi ba ito sumasalungat sa ideya ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa?
Ang mga turong ito ay hindi nagkakasalungatan. Sa katunayan, sinusuhayan nito ang isa’t isa. Una, binabanggit ng Bibliya na limitadong bilang lamang ng tapat na mga Kristiyano—alalaong baga, 144,000 sa kanila—ang itinaas bilang espiritung mga nilalang upang manirahan sa langit. Bakit sila pinagkalooban ng kamangha-manghang gantimpalang ito? Sapagkat binubuo nila ang grupo na nakita ni Juan sa isang pangitain na “nabuhay at namahala bilang mga hari kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 14:1, 3; 20:4-6) Kung ihahambing sa bilyun-bilyong nasa lupa, ang 144,000 ay tunay na isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Karagdagan pa, palibhasa’y naranasan nila ang mga suliranin na karaniwan sa sangkatauhan, tulad ni Jesus magagawa nilang “makiramay sa ating mga kahinaan” habang pinangangasiwaan nila ang rehabilitasyon ng sangkatauhan at ng lupa.—Hebreo 4:15.
Ang Lupa—Walang-Hanggang Tahanan ng Sangkatauhan
Sa pamamagitan ng paglalaan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, sinimulang tipunin ng Diyos ang 144,000 halos 2,000 taon na ang nakalipas, at may mga palatandaan na ang grupong ito ay kumpleto na ngayon. (Gawa 2:1-4; Galacia 4:4-7) Gayunman, ang hain ni Jesus ay hindi lamang para sa kasalanan ng 144,000, “kundi para sa buong sanlibutan din naman.” (1 Juan 2:2) Kaya naman, lahat ng nagsasagawa ng pananampalataya kay Jesus ay may pag-asa sa buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Yaong mga natutulog sa libingan ngunit nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli, hindi patungo sa langit, kundi sa buhay sa isang nilinis na lupa. (Eclesiastes 9:5; Juan 11:11-13, 25; Gawa 24:15) Ano ang naghihintay sa kanila roon?
Ang Apocalipsis 21:1-4 ay sumasagot, na sinasabi: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Gunigunihin—mga taong pinalalaya sa kamatayan, at ang kirot at paghiyaw na idinudulot nito ay mawawala na magpakailanman! Sa wakas, ang orihinal na layunin ni Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan ay sasapit sa maluwalhating katuparan nito.—Genesis 1:27, 28.
Ang Ating Pagpipilian—Buhay o Kamatayan
Sina Adan at Eva ay hindi kailanman pinapili na magtungo sa langit. Ang kanilang pagpipilian ay alinman sa sumunod sa Diyos at mabuhay ng walang hanggan sa isang paraisong lupa o sumuway sa kaniya at mamatay. Nakalulungkot, pinili nila ang pagsuway at sa gayo’y bumalik sila sa “alabok” ng lupa. (Genesis 2:16, 17; 3:2-5, 19) Hindi kailanman nilayon ng Diyos para sa pamilya ng tao sa pangkalahatan na mamatay at manirahan sa langit sa pamamagitan ng libingan. Nilikha ng Diyos ang laksa-laksang anghel upang mabuhay sa langit; ang espiritung mga nilalang na ito ay hindi mga taong namatay at pagkatapos ay binuhay-muli sa langit.—Awit 104:1, 4; Daniel 7:10.
Ano ang dapat nating gawin upang tanggapin ang pagpapala na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Ang unang hakbang ay ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” ang sabi ni Jesus sa panalangin, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Ang pagsasagawa sa kaalamang iyan ay isa pang hakbang tungo sa walang-hanggang kaligayahan sa Paraiso. (Santiago 1:22-24) Yaong mga namumuhay ayon sa Salita ng Diyos ay may pag-asang makita ng kanilang sariling mga mata ang katuparan ng gayong kapana-panabik na mga hula na gaya ng isa na nakaulat sa Isaias 11:9, na nagsasabi: “Hindi sila [ang sangkatauhan] mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”
[Talababa]
^ par. 7 Para sa pagtalakay kung bakit pinapayagan ng Diyos ang kasamaan sa langit at sa lupa, tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 70-9.
[Mga larawan sa pahina 7]
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29