Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Mo Sinusukat ang Tagumpay?

Paano Mo Sinusukat ang Tagumpay?

Paano Mo Sinusukat ang Tagumpay?

ISANG diksyunaryo ang nagbigay kahulugan sa tagumpay bilang “ang pagkakamit ng kayamanan, pagsang-ayon, o katanyagan.” Iyan ba ay isang kumpletong pagpapakahulugan? Ang kayamanan, pagsang-ayon, o katanyagan ba ang tanging mga sukatan ng tagumpay? Bago ka sumagot, isaalang-alang ito: hindi nagkamal ng materyal na kayamanan si Jesu-Kristo sa buong buhay niya. Hindi niya nakamit ang pagsang-ayon ng karamihan sa mga tao; ni siya man ay lubusang tiningala ng mga tanyag na tao noong kaniyang kapanahunan. Subalit, si Jesus ay isang matagumpay na tao. Bakit?

Samantalang nasa lupa, si Jesus ay naging “mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, ginantimpalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagkokorona sa kaniya “ng kaluwalhatian at karangalan.” Itinaas ni Jehova ang kaniyang Anak “sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan.” (Hebreo 2:9; Filipos 2:9) Ang paraan ng pamumuhay ni Jesus ay nagpagalak sa puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Naging matagumpay ang kaniyang makalupang buhay dahil sa natupad ang layunin nito. Ginawa ni Jesus ang kalooban ng Diyos at nagdulot ng kapurihan sa Kaniyang pangalan. Bilang ganti, pinarangalan ng Diyos si Jesus ng natatanging kayamanan, pagsang-ayon, at katanyagan na walang sinumang may mataas na pinag-aralan, pulitiko, o hinahangaang manlalaro ang makararanas kailanman. Talagang si Jesus ang pinakamatagumpay na tao na lumakad kailanman sa lupa.

Batid ng Kristiyanong mga magulang na kung susundin ng kanilang mga kabataang anak ang mga yapak ni Kristo, na maging mayaman sa paningin ng Diyos sa diwa na tulad ni Jesus, aanihin nila ang mayayamang pagpapala sa ngayon at tatamasahin ang di-malirip na mga gantimpala sa dumarating na sistema ng mga bagay. Wala nang ibang mas mabuting paraan para sundin ng isang kabataan ang mga yapak ni Kristo kundi ang gawin ang ginawa ni Jesus​—sa pamamagitan ng pagiging abala sa buong-panahong ministeryo kung ito’y posible.

Gayunman, sa ilang kultura ay laganap ang kaugalian na hindi pumasok sa buong-panahong ministeryo ang mga kabataan. Kapag natapos na ng isang kabataang lalaki ang kaniyang pag-aaral, maaaring siya’y inaasahang kumuha ng buong-panahong hanapbuhay, mag-asawa, at lumagay sa tahimik. Kung minsan, ang mga kabataan na may gayong pinagmulan ay may kamaliang napipigilan na pumasok sa buong-panahong ministeryo. (Kawikaan 3:27) Bakit? Dahil sa panggigipit, sumusunod sila sa umiiral na mga pamantayan ng kultura. Iyan ang nangyari kay Robert. *

Kapag Nagkasalungatan ang Kultura at Budhi

Si Robert ay pinalaki na isang Saksi ni Jehova. Noong tin-edyer pa siya, hindi naging kaayaaya ang kaniyang paggawi at pinipiling mga kasama. Nagsimulang mag-alala ang kaniyang ina sa kaniya. Kaya naman, hiniling ng ina sa isang payunir, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, na pasiglahin si Robert. Ipinaliwanag ni Robert ang sumunod na nangyari.

“Talagang pinahalagahan ko ang interes na ipinakita sa akin ng payunir na brother. Ang kaniyang mabuting halimbawa ang nagpangyari sa akin na pasukin din ang pagpapayunir bilang isang karera pagkatapos na pagkatapos ng aking pag-aaral. Iyan ang panahon na nag-alalang muli si Inay​—subalit sa ibang kadahilanan naman. Alam mo, sa aming kultura ay ayos lang na magpayunir agad ang isang kabataang babae pagkatapos ng kaniyang pag-aaral, subalit ang lalaki ay inaasahang maging matatag muna sa pinansiyal, at saka pa lamang niya maaaring pag-isipan ang pagpapayunir.

“Mayroon akong hanapbuhay at nagsimula ako ng sarili kong negosyo. Di-nagtagal ay naging labis na abala ako sa negosyo at nakaugalian ko na lamang ang pagdalo sa mga pulong at pangangaral. Inusig ako ng aking budhi​—alam kong makapaglilingkod pa ako ng higit kay Jehova. Magkagayon man, naging isa talagang pakikipagpunyagi na makaalpas mula sa inaasahan ng iba sa akin, subalit maligaya ako na nagawa ko iyon. May asawa na ako ngayon, at kaming mag-asawa ay nagpapayunir sa loob ng nakalipas na dalawang taon. Kamakailan lamang, ako ay nahirang bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. May katapatan kong masasabi na nakadarama ako ngayon ng tunay na pagkakontento sa paglilingkod kay Jehova nang buong puso ko, nang buong kaya ko.”

Paulit-ulit na hinihimok ng magasing ito ang mga kabataan na matuto ng isang hanapbuhay o maglinang ng ilang kapaki-pakinabang na mga kasanayan​—samantalang nag-aaral pa hangga’t maaari. Sa anong layunin? Upang maging mayaman? Hindi. Ang pangunahing dahilan ay upang kanilang masuportahan nang tama ang kanilang sarili bilang mga nasa hustong gulang at lubos na makapaglingkod kay Jehova hangga’t magagawa nila, lalo na sa buong-panahong ministeryo. Ngunit madalas mangyari na ang mga kabataang lalaki at babae ay nagiging labis na abala sa pagtataguyod ng sekular na karera anupat nababawasan ang kahalagahan ng ministeryo. Ang iba ay hindi man lamang pinag-iisipan ang pagpasok sa buong-panahong paglilingkuran. Bakit hindi?

Nagbigay liwanag ang mga komento ni Robert hinggil sa bagay na ito. Pagkatapos niyang matutuhan ang kaniyang hanapbuhay, nagsimula ng isang negosyo si Robert. Hindi nagtagal, para siyang nasa makasagisag na treadmill na doo’y wala naman siyang patutunguhan. Ang kaniyang tunguhin ay maging matatag sa pinansiyal. Subalit may sinuman ba sa loob o labas ng kongregasyong Kristiyano ang lubusang nagkamit ng gayong tunguhin? Ang mga Kristiyano ay dapat na magsikap na maging responsable sa pinansiyal, hindi nagpapabaya sa kanilang pinansiyal na mga obligasyon; subalit dapat din nilang matanto na sa panahong ito na walang katiyakan, kakaunti ang talagang nakaabot sa punto na talagang masasabi nila sa kanilang sarili na sila nga’y matatag sa pinansiyal. Iyan ang dahilan kung bakit ang nakaulat na pangako ni Jesus sa Mateo 6:33 ay totoong nakaaaliw sa mga Kristiyano.

Masaya si Robert dahil sa naipasiya niyang sundin ang hinahangad ng kaniyang puso sa halip na ang idinidikta ng kaniyang kultura. Sa ngayon, nasisiyahan siya sa kaniyang karera na buong-panahong paglilingkuran. Oo, isang kapita-pitagang karera ang buong-panahong ministeryo. Si Robert ay may kapayapaan sa kaniyang sarili dahil siya’y naglilingkod kay Jehova, gaya ng sabi niya, ‘nang buong kaya niya.’

Gamitin sa Pinakamabuting Paraan ang Iyong Likas na Kakayahan

Maraming tao na may likas na kakayahan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan ay may namumukod-tanging talino; ang iba naman ay may likas na kakayahan sa manu-manong gawain. Ang lahat ng kaloob na ito ay mula kay Jehova, na siyang nagbibigay “sa lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Kung walang buhay, magiging walang kabuluhan ang mga kaloob na ito.

Kung gayon, angkop lamang na gamitin natin ang ating inialay na mga buhay sa paglilingkod kay Jehova. Iyan ang ipinasiyang gawin ng isang kabataang lalaki na may likas na kakayahan. Siya’y nabuhay noong unang siglo C.E. Palibhasa’y isang miyembro ng kilalang pamilya, ginugol niya ang panahon ng kaniyang kabataan sa tanyag na lunsod ng Tarsus sa Cilicia. Bagaman ipinanganak na isang Judio, minana niya ang pagkamamamayang Romano mula sa kaniyang ama. Iyan ang nagpangyari sa kaniya na mabigyan ng maraming karapatan at mga pribilehiyo. Nang siya’y lumaki na, nag-aral siya ng Batas sa ilalim ng pagtuturo ng isa sa pinakamahusay na “mga propesor” noong panahong iyon​—si Gamaliel. Waring sa kalaunan, ang ‘kayamanan, pagsang-ayon, at katanyagan’ ay mapapasakaniya.​—Gawa 21:39; 22:3, 27, 28.

Sino ang kabataang lalaking ito? Ang pangalan niya ay Saulo. Subalit si Saulo ay naging isang Kristiyano at sa dakong huli’y naging si apostol Pablo. Isinaisantabi niya ang kaniyang dating mga ambisyon sa buhay at iniukol ang kaniyang buong buhay sa paglilingkuran kay Jehova bilang isang Kristiyano. Si Pablo ay naging kilala, hindi bilang isang bantog na abogado, kundi isang masigasig na mángangarál ng mabuting balita. Pagkatapos na gumugol nang halos 30 taon bilang isang misyonero, sumulat si Pablo ng isang liham sa kaniyang mga kaibigan sa Filipos. Dito’y ginunita niya ang ilan sa kaniyang mga nakalipas na tagumpay bago siya naging isang Kristiyano, at pagkatapos ay sinabi niya: “Dahil [kay Jesu-Kristo] ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng mga bagay at itinuturing ko ang mga iyon bilang mga basura, upang matamo ko si Kristo.” (Filipos 3:8) Hinding-hindi pinagsisihan ni Pablo kung paano niya ginamit ang kaniyang buhay!

Ano naman ang tungkol sa pagsasanay na tinanggap ni Pablo mula kay Gamaliel? Naging kapaki-pakinabang ba iyon sa kaniya? Oo! Sa ilang pagkakataon ay nakatulong siya sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.” Subalit ang pangunahing gawain ni Pablo ay ang pagiging isang mángangarál ng mabuting balita​—isang bagay na hindi kailanman naituro sa kaniya ng kaniyang naunang pag-aaral.​—Filipos 1:7; Gawa 26:24, 25.

Gayundin sa ngayon, nagamit ng ilan ang kanilang mga kaloob at mga likas na kakayahan at maging ang kanilang pinag-aralan upang mapalawak ang mga kapakanang pang-Kaharian. Halimbawa, si Amy ay nagtamo ng isang titulo sa komersiyo sa pamantasan at isa pang titulo sa batas. Noon ay may trabaho siya na malaki ang kita sa isang kompanya ng mga abogado, subalit sa ngayon siya’y naglilingkuran bilang isang boluntaryong ministro na hindi binabayaran sa isa sa mga sangay ng Samahang Watch Tower. Ganito ang paglalarawan ni Amy sa kaniyang buhay sa ngayon: “Naniniwala ako na nagawa ko ang pinakamabuting pasiya sa aking buhay. . . . Wala akong balak na ipagpalit ang aking kalagayan sa sinuman sa aking mga kasamahan sa pamantasan. Ipinagmamalaki ko ang pinili kong karera. Taglay ko ang lahat ng kailangan ko at gusto ko​—isang buhay na kontento at maligaya at isang matagumpay at kasiya-siyang karera.”

Pinili ni Amy ang isang karera na nagdulot sa kaniya ng kapayapaan ng isip, kasiyahan, at pagpapala ni Jehova. Tiyak na wala nang iba pang bagay na hahangarin ang mga Kristiyanong magulang para sa kanilang mga anak!

Tagumpay sa Kristiyanong Ministeryo

Sabihin pa, mahalaga na magtaglay ng tamang pangmalas tungkol sa tagumpay sa Kristiyanong ministeryo mismo. Hindi mahirap na madama ang tagumpay kapag nakagugol tayo ng kasiya-siyang panahon sa ministeryo sa larangan, nakapagpasakamay ng literatura sa Bibliya o masiglang nakipag-usap sa mga maybahay hinggil sa Bibliya. Subalit kung bihira tayong makatagpo ng makikinig, baka matukso tayong mag-isip na sinasayang lamang natin ang ating panahon. Subalit tandaan na ang isa sa pagpapakahulugan ng tagumpay ay ‘ang pagtatamo ng pagsang-ayon.’ Kaninong pagsang-ayon ang nais nating makamit? Mangyari pa, ang kay Jehova. Matatanggap natin ito makinig man o hindi ang mga tao sa ating mensahe. May mahalagang aral na itinuro si Jesus sa kaniyang mga alagad hinggil sa bagay na ito.

Matatandaan mo na isinugo ni Jesus ang 70 mángangarál ng Kaharian “sa bawat lunsod at dako na kung saan siya mismo ay paroroon.” (Lucas 10:1) Sila’y kailangang mangaral sa mga bayan at mga nayon nang hindi kasama si Jesus. Ito’y isang bagong karanasan para sa kanila. Kaya nagbigay si Jesus ng detalyadong mga tagubilin bago sila isinugo. Kapag sila’y nakatagpo ng “isang kaibigan ng kapayapaan,” kailangan silang magpatotoo nang lubusan sa kaniya hinggil sa Kaharian. Gayunman, kapag sila’y tinanggihan, kailangan silang magpatuloy, nang hindi nababahala. Ipinaliwanag ni Jesus na ang talagang tinatanggihan ng mga ayaw makinig sa kanila ay si Jehova mismo.​—Lucas 10:4-7, 16.

Nang matapos ng 70 ang kanilang atas na pangangaral, nagbalik sila upang mag-ulat kay Jesus “na may kagalakan, na nagsasabi: ‘Panginoon, maging ang mga demonyo ay napasasakop sa amin sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan.’ ” (Lucas 10:17) Tiyak na nakatutuwa nga para sa di-sakdal na mga lalaking iyon na makapagpalayas ng makapangyarihang mga espiritung nilalang! Gayunman, nagbabala si Jesus sa kaniyang tuwang-tuwang mga alagad: “Huwag ninyong ipagsaya ito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa mga langit.” (Lucas 10:20) Maaaring hindi palaging taglay ng 70 ang kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, ni lagi man silang makararanas ng kaayaayang mga resulta sa ministeryo. Subalit kung sila’y mananatiling tapat, lagi nilang tataglayin ang pagsang-ayon ni Jehova.

Pinahahalagahan Mo ba ang Buong-Panahong mga Lingkod?

Minsa’y nasabi ng isang kabataang lalaki sa isang Kristiyanong matanda: “Kapag nakatapos na ako sa high school, sisikapin kong maghanap ng trabaho. Kung hindi ako makahanap ng trabaho, saka ko pag-iisipan ang pagpasok sa anumang anyo ng buong-panahong paglilingkuran.” Subalit, hindi ganiyan ang pangmalas ng karamihan sa mga pumasok sa ministeryong pagpapayunir. Upang makapagpayunir, tinanggihan ng ilan ang mga alok na itaguyod ang mga karerang malalaki ang pakinabang. Tinanggihan naman ng iba ang magagandang pagkakataon sa edukasyon. Tulad ni apostol Pablo, sila’y nagsakripisyo, subalit gaya nina Pablo, Robert, at Amy, hindi nila pinagsisihan ang ginawa nilang mga pasiya. Pinahahalagahan nila ang kanilang pribilehiyo na magamit ang kanilang mga kaloob upang purihin si Jehova, na siyang karapat-dapat sa pinakamabuti na maibibigay nila.

Dahil sa iba’t ibang kadahilanan, maraming tapat na mga Saksi ni Jehova ang wala sa kalagayan para makapagpayunir. Marahil ay mayroon silang mga maka-Kasulatang pananagutan na dapat asikasuhin. Gayunpaman, kung sila’y naglilingkod sa Diyos ng kanilang buong ‘puso, kaluluwa, at pag-iisip,’ nalulugod si Jehova sa kanila. (Mateo 22:37) Bagaman hindi sila mismo makapagpayunir, batid nila na pinili ng mga nagpapayunir ang isang mainam na karera.

Sumulat si apostol Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.” (Roma 12:2) Kasuwato ng payo ni Pablo, hindi natin dapat na pahintulutan na ang mga pangkultura o pansekular na mga pamantayan ng sistemang ito ang siyang humubog sa ating pag-iisip. Ikaw man ay makapagpapayunir o hindi, gawing sentro ng iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. Magtatagumpay ka hangga’t taglay mo ang pagsang-ayon ni Jehova.

[Talababa]

^ par. 5 Pinalitan ang mga pangalan.

[Larawan sa pahina 19]

Huwag mong hayaang masadlak ka sa makasagisag na treadmill na walang patutunguhan