Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Mo Bang Paniwalaan Iyon?

Dapat Mo Bang Paniwalaan Iyon?

Dapat Mo Bang Paniwalaan Iyon?

NAHIHIRAPANG unawain ng isang 12-taóng-gulang na estudyante ang mga pangunahing simulain ng algebra. Ipinakita ng kaniyang guro sa klase ang isang tila maliwanag na kalkulasyon sa algebra.

“Ipagpalagay na ang x=y at ipagpalagay na ang katumbas nilang pareho ay 1,” pasimula niya.

‘Mukhang makatuwiran naman,’ naisip ng estudyante.

Gayunman, pagkatapos ng apat na linya na mukha namang makatuwirang kalkulasyon, naipalabas ng guro ang isang nakabibiglang resulta: “Kung gayon, 2=1!”

“Pabulaanan ninyo iyan,” ang hamon niya sa kaniyang mga nalitong estudyante.

Yamang limitado ang kaniyang kaalaman sa algebra, hindi malaman ng kabataang estudyante kung paano pabubulaanan iyon. Mukha namang tumpak at makatuwiran ang bawat hakbang sa pagkakalkula. Kung gayon, dapat ba niyang paniwalaan ang kakaibang konklusyon na ito? Tutal, mas marunong at mas makaranasan ang kaniyang guro sa matematika kaysa sa kaniya. Siyempre hindi dapat! ‘Hindi ko kailangang pabulaanan ito,’ sabi niya sa kaniyang sarili. ‘Sinasabi sa akin ng sentido-komon na ito ay di-makatuwiran.’ (Kawikaan 14:15, 18) Alam niya na hindi ipagpapalit ng kaniyang guro ni ng sinuman sa kaniyang mga kaklase ang dalawang dolyar sa isang dolyar!

Nang maglaon, nakita rin ng estudyante sa algebra ang pagkakamali sa pagkalkula. Samantala, ang karanasang ito ay nagturo sa kaniya ng isang mahalagang aral. Kahit na ipakita ng isang taong may malawak at nakahihigit na kaalaman ang isang argumento na maingat na kinatha at tila di-matututulan, hindi kailangang maniwala ang isang tagapakinig sa mangmang na konklusyon dahil lamang sa hindi pa niya mapabulaanan iyon. Ang totoo ay sinunod ng estudyante ang isang napakapraktikal na simulain sa Bibliya na masusumpungan sa 1 Juan 4:1​—na huwag paniwalaan kaagad-agad ang lahat ng iyong naririnig, kahit na ito’y tila nanggagaling sa isang may-awtoridad na pinagmulan.

Hindi naman ito nangangahulugan na dapat kang magmamatigas sa mga dating pinanghahawakang ideya. Isang pagkakamali ang isara ang iyong pag-iisip sa impormasyon na makapagtutuwid sa iyong mga maling palagay. Ngunit hindi ka rin naman dapat “mayanig nang madali mula sa [iyong] katinuan” sa harap ng panggigipit mula sa isa na nag-aangking may malaking kaalaman o awtoridad. (2 Tesalonica 2:2) Siyempre pa, niloloko lamang ng guro ang kaniyang mga estudyante. Gayunman, kung minsan, may mga bagay-bagay na talagang nakapipinsala. Maaaring ang mga tao ay maging lubhang may “katusuhan sa lalang na pagkakamali.”​—Efeso 4:14; 2 Timoteo 2:14, 23, 24.

Palagi Bang Tama ang mga Eksperto?

Gaano man sila karunong, ang mga eksperto sa anumang larangan ay maaaring may nagkakasalungatang mga ideya at nagbabagong mga pangmalas. Kuning halimbawa ang patuloy na pagtatalo sa siyensiya ng medisina tungkol sa isang bagay na kasinsimple ng mga sanhi ng pagkakasakit. “Ang pinagtatalunan na mahalagang kaugnayan sa sakit, ng minanang mga katangian laban sa pangkapaligiran at panlipunang mga salik, ay siyang saligan ng mainitang pagtatalo sa gitna ng mga siyentipiko,” sulat ng isang propesor sa medisina sa Harvard University. Yaong mga nasa grupo ng tinatawag na mga determinist ay mariing naniniwala na ang ating mga gene ay may mahalagang ginagampanang papel sa ating pagiging madaling makapitan ng iba’t ibang sakit. Gayunman, ang iba ay nangangatuwiran na ang kapaligiran at istilo ng pamumuhay ang mga pangunahing salik sa pagkakasakit ng tao. Ang magkabilang panig ay mabilis na bumabanggit ng mga pag-aaral at mga estadistika upang suportahan ang kanilang palagay. Gayunpaman, nagpapatuloy ang pagtatalo.

Muli’t muling napapatunayan na nagkamali ang mga pinakatanyag sa mga intelektuwal, bagaman ang kanilang itinuro ay tila hindi matututulan noon. Inilarawan ng pilosopong si Bertrand Russell si Aristotle bilang isa sa “pinakamaimpluwensiya sa lahat ng mga pilosopo.” Gayunman, binanggit din ni Russell na marami sa mga doktrina ni Aristotle ay “mali sa kabuuan.” “Sa buong makabagong panahon,” isinulat niya, “halos ang bawat pagsulong sa siyensiya, sa lohika, o sa pilosopiya ay kinailangang isagawa sa harap ng tuwirang pagtutol ng mga alagad ni Aristotle.”​—History of Western Philosophy.

Ang “May-Kabulaanang Tinatawag na ‘Kaalaman’ ”

Malamang na nakatagpô ng mga sinaunang Kristiyano ang maraming alagad ng mga kilalang pilosopong Griego, tulad nina Socrates, Plato, at Aristotle. Itinuturing ng mga taong may pinag-aralan noong panahong iyon na mas matatalino sila kaysa sa karamihan ng mga Kristiyano. Kakaunti lamang sa mga alagad ni Jesus ang maituturing na “marunong sa makalamang paraan.” (1 Corinto 1:26) Sa katunayan, itinuring niyaong mga tinuruan sa mga pilosopiya noon na ang pinaniniwalaan ng mga Kristiyano ay “kamangmangan” o “ganap na walang kabuluhan” lamang.​—1 Corinto 1:23; Phillips.

Kung isa ka sa mga sinaunang Kristiyanong iyon, mapapahanga ka kaya sa mapanghikayat na mga argumento ng natatanging grupo ng mga intelektuwal noon o labis na mapapahanga sa kanilang pagpapakita ng karunungan? (Colosas 2:4) Walang anumang dahilan para diyan, ayon kay apostol Pablo. Pinaalalahanan niya ang mga Kristiyano na minamalas ni Jehova “ang karunungan ng mga taong marurunong” at “ang katalinuhan ng mga taong intelektuwal” noon bilang kamangmangan. (1 Corinto 1:19) “Ano,” tanong niya, “ang maipapakita ng pilosopo, ng manunulat at ng kritiko ng sanlibutang ito na bunga ng lahat ng kanilang karunungan?” (1 Corinto 1:20, Phillips) Sa kabila ng kanilang katalinuhan, ang mga pilosopo, mga manunulat, at ang mga kritiko noong panahon ni Pablo ay walang naibigay na tunay na sagot sa mga problema ng sangkatauhan.

Kaya natutuhan ng mga Kristiyano na iwasan ang sinabi ni apostol Pablo na “mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ ” (1 Timoteo 6:20) Tinawag ni Pablo na ‘bulaan’ ang gayong kaalaman dahil sa hindi nito taglay ang isang mahalagang salik​—ang isang pinagmulan o reperensiya na galing sa Diyos na sa pamamagitan nito ay masusuri ang kanilang mga teoriya. (Job 28:12; Kawikaan 1:7) Yamang wala iyon, at kasabay nito ay nabubulagan pa ng punong-mandaraya, si Satanas, yaong mga nanghahawakan sa gayong kaalaman ay hindi kailanman makaaasang makasumpong ng katotohanan.​—1 Corinto 2:6-8, 14; 3:18-​20; 2 Corinto 4:4; 11:14; Apocalipsis 12:9.

Ang Bibliya​—Isang Kinasihang Patnubay

Hindi kailanman pinag-alinlanganan ng mga sinaunang Kristiyano na isiniwalat ng Diyos ang kaniyang kalooban, layunin, at mga simulain sa Kasulatan. (2 Timoteo 3:16, 17) Ipinagsanggalang sila nito mula sa pagiging ‘natangay bilang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao.’ (Colosas 2:8) Gayundin ang situwasyon sa ngayon. Kabaligtaran ng nakalilito at nagkakasalungatang mga opinyon ng mga tao, naglalaan ang kinasihang Salita ng Diyos ng isang matibay na saligan na doo’y maaari nating isalig ang ating mga paniniwala. (Juan 17:17; 1 Tesalonica 2:13; 2 Pedro 1:21) Kung wala ito, masasadlak tayo sa napakahirap na situwasyon na doo’y sinisikap nating itayo nang matatag ang isang bagay sa ibabaw ng mabuway na buhanginan ng mga teoriya at mga pilosopiya ng tao.​—Mateo 7:24-27.

‘Ngunit sandali lamang,’ maaaring sabihin ng isa. ‘Hindi ba totoo na ipinakita ng mga katotohanan sa siyensiya na nagkamali ang Bibliya at kung gayon ay hindi rin mapagkakatiwalaan katulad ng patuloy na nagbabagong mga pilosopiya ng mga tao?’ Halimbawa, inangkin ni Bertrand Russell na “kinailangang makipagtalo sina Copernicus, Kepler, at Galileo kay Aristotle at gayundin sa Bibliya para mapatunayan ang pangmalas na ang lupa ay hindi siyang sentro ng sansinukob.” (Amin ang italiko.) At, halimbawa, hindi ba totoo na sa ngayon ay iginigiit ng mga creationist na itinuturo ng Bibliya na ang lupa ay nilalang sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras, samantalang ipinakikita ng lahat ng patotoo na ang mismong lupa ay bilyun-bilyong taon nang umiiral?

Ang totoo, hindi sinasabi ng Bibliya na ang lupa ang sentro ng sansinukob. Iyan ay isang turo ng mga pinuno ng simbahan na sa ganang sarili nila ay hindi nanghawakan sa Salita ng Diyos. Ipinahihintulot ng ulat ng paglalang sa Genesis na ang lupa ay bilyun-bilyong taon nang umiiral at hindi nito nililimitahan ang bawat araw ng paglalang sa 24 na oras. (Genesis 1:1, 5, 8, 13, 19, 23, 31; 2:3, 4) Ang isang tapat na pagsusuri sa Bibliya ay nagpapakita na bagaman hindi ito isang aklat-aralin sa siyensiya, tiyak na hindi ito “ganap na walang kabuluhan.” Sa katunayan, lubusan itong kasuwato ng napatunayan sa siyensiya. *

Ang “Kakayahan sa Pangangatuwiran”

Bagaman marami sa mga alagad ni Jesus ay mga simpleng lalaki at babae lamang, na posibleng limitado ang edukasyon, mayroon naman silang magagamit na isa pang bigay-Diyos na kakayahan. Anuman ang kanilang pinagmulan, pinagkalooban silang lahat ng kakayahang mangatuwiran at mag-isip. Pinasigla ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na lubusang gamitin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran” upang “mapatunayan [nila] sa [kanilang] mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:1, 2.

Taglay ang kanilang bigay-Diyos na “kakayahan sa pangangatuwiran,” malinaw na nakita ng mga sinaunang Kristiyano na walang silbi ang anumang pilosopiya o turo na hindi kasuwato ng isiniwalat na Salita ng Diyos. Sa ilang kaso, ang matatalinong tao noong panahon nila ay, sa katunayan, “sumasawata sa katotohanan” at ipinagwawalang-bahala ang ebidensiya sa palibot nila na may Diyos. “Bagaman iginigiit na sila ay marurunong, sila ay naging mangmang,” sulat ni apostol Pablo. Dahil sa itinakwil nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin, “sila ay naging walang-isip sa kanilang mga pangangatuwiran at ang kanilang walang-talinong puso ay naging madilim.”​—Roma 1:18-22; Jeremias 8:8, 9.

Yaong mga naggigiit na sila’y matatalino ay madalas na bumubuo ng mga palagay na tulad ng “Walang Diyos” o “Hindi dapat pagkatiwalaan ang Bibliya” o “Hindi ito ang ‘mga huling araw.’ ” Ang gayong mga ideya ay kamangmangan sa mga mata ng Diyos na tulad ng pagpapalagay na ang “2=1.” (1 Corinto 3:19) Anumang awtoridad ang angkinin ng mga tao sa kanilang mga sarili, hindi mo dapat tanggapin ang kanilang mga palagay kung ang mga ito ay sumasalungat sa Diyos, nagwawalang-bahala sa kaniyang Salita, at di-kasuwato ng sentido-komon. Sa katapus-tapusan, ang matalinong landasin ay laging hayaan na “masumpungan nawang totoo ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling.”​—Roma 3:4.

[Talababa]

^ par. 20 Para sa mga detalye, tingnan ang mga aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? at Is There a Creator Who Cares About You?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Mga larawan sa pahina 31]

Kabaligtaran ng pabagu-bagong mga opinyon ng mga tao, naglalaan ang Bibliya ng isang matibay na saligan para sa paniniwala

[Credit Lines]

Kaliwa, Epicurus: Photograph taken by courtesy of the British Museum; gitna sa bandang itaas, Plato: National Archaeological Museum, Athens, Greece; kanan, Socrates: Roma, Musei Capitolini