Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Ka Naglilingkod sa Diyos?

Bakit Ka Naglilingkod sa Diyos?

Bakit Ka Naglilingkod sa Diyos?

Isang may-takot sa Diyos na hari ang minsang nagbigay ng ganitong payo sa kaniyang anak: “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa.” (1 Cronica 28:9) Maliwanag, nais ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay maglingkod sa kaniya nang may mapagpasalamat at mapagpahalagang puso.

BILANG mga Saksi ni Jehova, tiyak na aaminin natin na nang unang ipaliwanag sa atin ang mga pangako sa Bibliya, ang ating puso ay nag-umapaw sa pasasalamat. Bawat araw ay may bagong bagay tayong natututuhan tungkol sa mga layunin ng Diyos. Habang natututo tayo nang higit tungkol kay Jehova, lalo namang tumitindi ang pagnanais nating maglingkod sa kaniya “nang may sakdal na puso at nakalulugod na kaluluwa.”

Marami sa naging mga Saksi ni Jehova ang patuloy na naglilingkod kay Jehova taglay ang malaking kagalakan sa buong buhay nila. Gayunman, ang ilang Kristiyano ay nagkaroon ng mabuting pasimula, ngunit nang maglaon ay nawala sa kanilang isipan ang nag-uudyok na mga dahilan na nagpapakilos sa atin upang maglingkod sa Diyos. Nangyari na ba iyan sa iyo? Kung oo, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang nawalang kagalakan ay maaaring matamong muli. Paano?

Isaisip ang Iyong mga Pagpapala

Una, bulay-bulayin ang mga pagpapala sa araw-araw na tinatanggap mo mula sa Diyos. Isipin ang tungkol sa mabubuting kaloob ni Jehova: ang kaniyang sari-saring gawa ng paglalang​—na nakalaan sa lahat anuman ang katayuan o kalagayan ng kabuhayan ng isa​—ang kaniyang likas na mga paglalaan ng pagkain at inumin, ang sapat na kalusugan na tinatamasa mo, ang iyong kaalaman sa katotohanan ng Bibliya, at pangunahin na, ang kaloob ng kaniyang Anak. Ang kaniyang kamatayan ang naghanda ng daan upang makapaglingkod ka sa Diyos taglay ang isang malinis na budhi. (Juan 3:16; Santiago 1:17) Habang nagbubulay-bulay ka nang higit tungkol sa kabutihan ng Diyos, lalo namang lalago ang iyong pagpapahalaga sa kaniya. Pakikilusin ka ng iyong puso na paglingkuran siya bilang pasasalamat sa lahat ng kaniyang ginawa. Walang alinlangang madarama mong muli ang gaya ng nadama ng salmista na sumulat: “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos, maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo. . . . Ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.”​—Awit 40:5.

Ang mga salitang ito ay isinulat ni David, isang tao na ang buhay ay hindi nalibre sa mga suliranin. Bilang kabataang lalaki, ginugol ni David ang malaking bahagi ng kaniyang panahon na tulad sa isang takas habang tinutugis siya upang patayin ng balakyot na si Haring Saul at ng mga tagapagbantay nito. (1 Samuel 23:7, 8, 19-​23) Si David ay may sariling mga kahinaan din na dapat paglabanan. Kinilala niya ito sa ika-40 Awit: “Pinalibutan ako ng mga kapahamakan hanggang sa hindi na mabilang ang mga iyon. Inabutan ako ng mga kamalian ko na higit pa kaysa sa kaya kong tingnan; ang mga iyon ay naging mas marami kaysa sa mga buhok sa aking ulo.” (Awit 40:12) Oo, dumanas ng mga suliranin si David, ngunit hindi siya lubusang nadaig ng mga iyon. Nakatutok siya sa mga pamamaraan kung paanong pinagpapala siya ni Jehova, sa kabila ng kaniyang mga problema, at nasumpungan niyang lalong nakahihigit ang mga pagpapalang iyon kaysa sa kaniyang mga kaabahan.

Kung sa pakiramdam mo ay nasasakmal ka ng personal na mga problema o damdamin na ikaw ay walang-kakayahan, makabubuting huminto sandali at pag-isipan ang iyong mga pagpapala, gaya ng ginawa ni David. Walang alinlangan, ang pagpapahalaga sa gayong mga pagpapala ang nagpakilos sa iyo na ialay ang iyong sarili kay Jehova; ang gayong kaisipan ay makatutulong din sa iyo na paningasing muli ang nawalang kagalakan at tutulong sa iyo na maglingkod sa Diyos dahil sa isang mapagpahalagang puso.

Makatutulong ang mga Pulong sa Kongregasyon

Bilang karagdagan sa sarilinang pagbubulay-bulay tungkol sa kabutihan ni Jehova, kailangan nating makisalamuha sa mga kapuwa Kristiyano. Nakapagpapasigla ang palagiang pakikisama sa mga lalaki, babae, at mga kabataan na umiibig sa Diyos at determinadong maglingkod sa kaniya. Ang kanilang halimbawa ay makapagpapaganyak sa atin sa buong-kaluluwang gawain ng paglilingkod kay Jehova. Ang pagkanaroroon natin sa Kingdom Hall ay makapagpapasigla rin sa kanila.

Totoo, kapag umuuwi tayo galing sa buong maghapong pagpapagal sa trabaho o kapag nasisiraan tayo ng loob dahil sa ilang problema o kahinaan, maaaring hindi madali ang mag-isip tungkol sa pagdalo sa pulong sa Kingdom Hall. Sa gayong mga pagkakataon, baka kailangang maging istrikto tayo sa ating mga sarili, na ‘binubugbog ang ating katawan,’ wika nga, upang masunod natin ang utos na makipagtipong kasama ng mga kapuwa Kristiyano.​—1 Corinto 9:26, 27; Hebreo 10:23-25.

Kung kinakailangang gawin iyon, iisipin ba nating hindi natin talaga iniibig si Jehova? Hindi naman. Ang maygulang na mga Kristiyano noong nakalipas na panahon na may di-mapag-aalinlanganang pag-ibig sa Diyos ay nagsagawa rin ng puspusang pagsisikap upang gawin ang kalooban ng Diyos. (Lucas 13:24) Si apostol Pablo ay isa sa gayong Kristiyano. Tahasan niyang inilarawan ang kaniyang damdamin sa ganitong paraan: “Alam ko na sa akin, alalaong baga, sa aking laman, ay walang tumatahang mabuti; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa ng kung ano ang mainam ay wala. Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” (Roma 7:18, 19) At sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Ngayon, kung ipinapahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon upang maghambog ako, sapagkat ang pangangailangan ay iniatang sa akin. . . . Kung isinasagawa ko ito nang maluwag sa kalooban, ako ay may gantimpala; ngunit kung ginagawa ko ito nang laban sa aking kalooban, gayunpaman ay mayroon akong pagiging katiwala na ipinagkatiwala sa akin.”​—1 Corinto 9:16, 17.

Tulad ng marami sa atin, si Pablo ay may makasalanang hilig na humahadlang sa kaniyang pagnanais na gawin ang tama. Gayunman, puspusan niyang pinaglabanan ang gayong mga hilig, at halos sa lahat ng pagkakataon ay nagtagumpay siya. Sabihin pa, hindi ito nagawa ni Pablo sa kaniyang sariling lakas. Sumulat siya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Si Jehova, ang isa na nagbigay ng kapangyarihan kay Pablo, ay magpapalakas din sa iyo upang gawin ang tama kung hihingin mo ang tulong niya. (Filipos 4:6, 7) Kaya “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya,” at pagpapalain ka ni Jehova.​—Judas 3.

Hindi mo kailangang gawin ang pakikipaglabang ito sa iyong ganang sarili. Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang mga maygulang na Kristiyanong matatanda, na nagbabata rin mismo sa ‘pakikipaglaban ukol sa pananampalataya,’ ay laging nakahanda upang tumulong sa iyo. Kung lalapit ka sa isang matanda para humingi ng tulong, sisikapin niyang “magsalita nang may pang-aliw” sa iyo. (1 Tesalonica 5:14) Ang magiging tunguhin niya ay ang magsilbing “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.”​—Isaias 32:2.

“Ang Diyos ay pag-ibig,” at nais niya na ang kaniyang mga lingkod ay maglingkod sa kaniya dahil sa pag-ibig. (1 Juan 4:8) Kung kailangang paningasing muli ang iyong pag-ibig sa Diyos, gawin ang nararapat na mga hakbangin, gaya ng binalangkas sa itaas. Magagalak ka na ginawa mo iyon.