Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hanggang saan dapat tutulan ng isang tapat na Kristiyanong asawang babae ang pakikipagdiborsiyo na pinasimunuan ng kaniyang kabiyak?
Nang magsimula ang pag-aasawa ng tao, sinabi ng Diyos na ang mag-asawa ay dapat na ‘magpisan.’ (Genesis 2:18-24) Naging di-sakdal ang mga tao, na nagbunga ng mga problema sa maraming pag-aasawa, ngunit hangad ng Diyos na dapat pa ring magpisan ang mag-asawa. Sumulat si apostol Pablo: “Sa mga may-asawa ay nagbibigay ako ng mga tagubilin, gayunma’y hindi ako kundi ang Panginoon, na ang isang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawang lalaki; ngunit kung talaga ngang hihiwalay siya, manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawang lalaki; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae.”—1 Corinto 7:10, 11.
Kinikilala ng gayong mga salita na sa di-sakdal na mga tao, ang isang kabiyak ay nagpapasiya kung minsan na humiwalay. Halimbawa, sinabi ni Pablo na kapag humiwalay ang isang kabiyak, ang magkabilang panig ay ‘manatiling walang asawa.’ Bakit? Buweno, humiwalay nga ang kabiyak, ngunit nananatili silang nakatali sa isa’t isa sa paningin ng Diyos. Maaaring sabihin ito ni Pablo dahil itinakda ni Jesus ang pamantayan para sa Kristiyanong pag-aasawa: “Sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligang pakikiapid [Griego, por·neiʹa], at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya.” (Mateo 19:9) Oo, ang tanging saligan sa diborsiyo na maka-Kasulatang tumatapos sa isang pag-aasawa ay ang “pakikiapid,” alalaong baga’y seksuwal na imoralidad. Lumilitaw na sa kasong tinukoy ni Pablo, hindi naging imoral ang alinman sa mag-asawa, kaya nang humiwalay ang asawang lalaki o asawang babae, hindi nagtapos ang pag-aasawa sa paningin ng Diyos.
Pagkatapos ay sinabi ni Pablo ang isang kalagayan kung saan ang isang tunay na Kristiyano ay may kabiyak na hindi nananampalataya. Isaalang-alang ang mga tagubilin ni Pablo: “Kung ang di-nananampalataya ay magpatuloy na humiwalay, hayaang humiwalay siya; ang isang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi natataliang maglingkod sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kundi tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.” (1 Corinto 7:12-16) Ano ang maaaring gawin ng isang tapat na asawang babae kung hiniwalayan siya ng kaniyang di-nananampalatayang asawang lalaki, anupat hinihiling pa nga sa kaniya na gawing legal ang diborsiyo?
Maaaring nais sana ng asawang babae na ang kaniyang kabiyak ay manatiling kasama niya. Maaaring mahal pa rin niya ito, anupat nababatid ang kanilang emosyonal at seksuwal na mga pangangailangan, at nalalaman na siya at ang kanilang minor de-edad na mga anak, kung mayroon man, ay nangangailangan ng suporta sa materyal. Maaaring inaasahan din niya na, sa kalaunan, ang kaniyang asawa ay magiging isang mananampalataya at maligtas. Gayunman, kung ang asawang lalaki ay gumawa ng mga hakbang upang tapusin ang pag-aasawa (salig sa di-makakasulatang dahilan), maaaring ‘hayaan siya [ng asawang babae] na humiwalay,’ gaya ng isinulat ni Pablo. Kapit din iyan kapag ang isang nananampalatayang asawang lalaki ay nagwalang-bahala sa pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa at nagpilit na humiwalay.
Gayunman, sa gayong situwasyon, maaaring kailangan ng asawang babae na legal na mapangalagaan ang kaniyang sarili at ang mga bata. Paano? Baka nanaisin niya na makuha ang karapatan sa pangangalaga sa kaniyang minamahal na mga anak upang patuloy niyang maipakita sa kanila ang pagmamahal ng isang ina, mabigyan sila ng pagsasanay sa moral, at maikintal sa kanila ang pananampalatayang salig sa maiinam na turo ng Bibliya. (2 Timoteo 3:15) Maaaring isapanganib ng diborsiyo ang kaniyang mga karapatan. Kung gayon, maaaring gumawa siya ng mga hakbang upang may angkop na kumatawan sa kaniya sa harap ng mga awtoridad para mapangalagaan ang kaniyang karapatan na makipag-ugnayan sa kaniyang mga anak at makatiyak na obligado ang kaniyang asawa na suportahan ang pamilya na kaniyang iniiwan. Sa ilang lugar, ang isang babae na tumututol sa isang diborsiyo ay maaaring pumirma ng mga legal na dokumento na nagtatakda ng mga probisyon para sa karapatan sa pangangalaga sa bata at pinansiyal na suporta, nang hindi sumasang-ayon sa diborsiyo na ninanais ng kaniyang asawa. Sa ibang lugar, ang pananalita sa mga dokumento ay nagpapahiwatig na siya ay sumasang-ayon sa diborsiyo; kaya, kung ang kaniyang asawang lalaki ay nagkasala ng pangangalunya, ang pagpirma ng asawang babae sa mga ito ay mangangahulugang itinatakwil na niya ang kaniyang asawang lalaki.
Ang karamihan sa mga nasa komunidad at nasa loob ng kongregasyon ay hindi makaaalam ng mga detalye, tulad halimbawa ng kung ang pagdidiborsiyo ba ay isinagawa salig sa Kasulatan. Kaya bago umabot sa ganiyan ang mga bagay-bagay, makabubuti na ipagbigay-alam ng asawang babae ang mga katotohanan sa punong tagapangasiwa at sa isa pang matanda sa kongregasyon (mas mabuti kung sa sulat). Sa ganiyang paraan, magagamit ang mga patotoong iyon kung sakaling may mga tanong na bumangon—sa panahong iyon o sa kalaunan.
Balikan natin ang komento ni Jesus: “Sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligang pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya.” Kung ang asawang lalaki ay talagang nagkasala ng seksuwal na imoralidad ngunit nagnanais na manatiling kasal sa kaniyang asawang babae, siya (ang di-nagkasala sa halimbawa ni Jesus) ay dapat magpasiya Oseas 1:1-3; 3:1-3.
kung patatawarin niya ang kaniyang asawang lalaki at patuloy na makikisama sa higaang pangmag-asawa o itatakwil niya ito. Kung nais niyang patawarin at patuloy na makipisan sa kaniyang legal na asawang lalaki, hindi siya nadudungisan sa moral sa paggawa ng gayon.—Sa isang kaso na doo’y nagnanais ang imoral na asawang lalaki na makipag-diborsiyo, maaaring handa pa rin ang asawang babae na magpatawad, anupat umaasa na makikipagbalikan ang kaniyang asawa. Ang asawang babae ang magpapasiya, salig sa kaniyang budhi at kalagayan, kung tututulan niya ang pakikipagdiborsiyo ng kaniyang kabiyak. Sa ibang lugar, ang isang babae na tumututol sa isang diborsiyo ay maaaring pumirma ng mga dokumentong nagtatakdang karapatan sa pangangalaga sa mga bata at sa pinansiyal na suporta nang hindi ipinahihiwatig na sumasang-ayon siya sa diborsiyo; ang kaniyang pagpirma sa gayong mga papeles ay hindi nagpapahiwatig sa ganang sarili na itinatakwil niya ang kaniyang asawa. Gayunman, sa ibang lugar, ang isang asawang babae na tumututol sa diborsiyo ay maaaring hilingan na pumirma sa mga dokumentong nagpapahiwatig na sumasang-ayon siya sa diborsiyo; ang pagpirma sa gayong mga dokumento ay hayagang magsasabi na itinatakwil niya ang kaniyang nagkasalang asawa.
Upang maiwasan ang posibilidad ng di-pagkakaunawaan, makabubuti sa kaso ring ito na sumulat ang asawang babae ng isang liham sa mga kinatawan ng kongregasyon na nagbabalangkas sa mga ginagawang hakbang at sa mga saloobin na napapaloob sa mga hakbanging ito. Maaari niyang banggitin na sinabi niya sa kaniyang asawang lalaki na nais niyang patawarin ito at manatiling asawa nito. Mangangahulugan iyan na labag sa kaniyang kalooban ang isinagawang diborsiyo; sa halip na itakwil ang kaniyang asawa, handa pa rin siyang magpatawad. Pagkatapos na linawin nang gayon na siya ay handang magpatawad at manatiling kasal sa kaniya, ang kaniyang pagpirma sa mga papeles na nagsasaad lamang kung paano maisasaayos ang mga bagay hinggil sa pinansiyal at/o sa karapatan sa pangangalaga ng mga bata ay hindi magpapahiwatig na itinatakwil niya ang kaniyang asawa. *
Matapos patunayan na handa siyang magpatawad kahit na pagkatapos ng diborsiyo, kapuwa siya at ang kaniyang asawang lalaki ay hindi malayang mag-asawa ng iba. Kung siya, ang di-nagkasalang kabiyak na tinanggihan sa kaniyang alok na magpatawad, ay magpasiya sa dakong huli na itakwil ang kaniyang asawang lalaki dahil sa pagiging imoral nito, pareho na silang magiging malaya. Ipinakita ni Jesus na ang di-nagkasalang kabiyak ay may karapatan na gumawa ng gayong pasiya.—Mateo 5:32; 19:9; Lucas 16:18.
[Talababa]
^ par. 11 Iba-iba ang mga legal na pamamaraan at papeles sa iba’t ibang lugar. Dapat na maingat na suriin ang mga kondisyon sa diborsiyo na itinakda sa mga legal na dokumento bago ito pirmahan. Kung ang isang di-nagkasalang kabiyak ay pumirma sa mga papeles na nagpapahiwatig na hindi siya tumututol sa diborsiyo na ninanais ng kaniyang kabiyak, iyan ay katumbas ng pagtatakwil sa kaniyang kabiyak.—Mateo 5:37.