Bakit Dapat Linangin ang Kagalingan?
Bakit Dapat Linangin ang Kagalingan?
ISANG lalaking Hapones na nasa kalagitnaang gulang na nagngangalang Kunihito ang nandayuhan sa Estados Unidos kamakailan lamang. a Sa loob ng ilang linggo pagdating niya, napaharap siya sa isang situwasyon na maaari sanang nakasira sa kaniyang karera sa buhay. Naglahad si Kunihito: “Nang tanungin ako ng aking amo kung kaya kong gawin ang isang pantanging pananagutan, naniniwala ako na talagang kaya ko namang gawin iyon. Gayunman, dahil pinalaki ako na malasin ang kahinhinan bilang isang kagalingan, sinabi ko: ‘Hindi ako sigurado kung magagawa ko iyon, ngunit gagawin ko ang aking buong makakaya.’ Sa aking Amerikanong superbisor, ito’y tila nagpapahiwatig na ako’y walang kakayahan at kulang sa kumpiyansa. Nang malaman ko iyon, natanto ko na kailangang gumawa ako ng ilang pagbabago.”
Si Maria, na naninirahan sa New York City, ay isang napakahusay na estudyante, na laging handang tumulong sa kaniyang mga kaklase. Si Juan ay isang kapuwa estudyante na paminsan-minsan ay nagpapatulong kay Maria. Ngunit siya ay nagkaroon din ng romantikong interes kay Maria at sinikap na pahangain ito. Sa kabila ng kaniyang pagnanais na manatiling malinis sa moral, napadala si Maria sa imoral na mga pang-aakit ni Juan at nasangkot sa imoral na paggawi.
Isang tunay na hamon ang pagpapakita ng kagalingan sa ngayon sa isang daigdig na iba-iba ang kultura at tiwali ang moralidad. Kaya bakit dapat linangin ang kagalingan? Dahil ang paggawi nang may kagalingan ay nakalulugod sa Diyos, at tiyak na ang karamihan sa atin ay naghahangad ng kaniyang pagsang-ayon.
Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagpapayo sa mga mambabasa nito na linangin ang kagalingan. Halimbawa, isinulat ni apostol Pablo: “Anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) At hinihimok tayo ni apostol Pedro na ‘marubdob na magsikap na idagdag sa ating pananampalataya ang kagalingan.’ (2 Pedro 1:5) Ngunit ano ba ang kagalingan? Maaari ba itong ituro sa paaralan? Paano natin ito malilinang?
[Talababa]
a Binago ang ilan sa mga pangalan.