Isang ‘Kagalingan sa Iyong Pusod’
Isang ‘Kagalingan sa Iyong Pusod’
PINANINIWALAAN na ang sanhi ng maraming sakit ng sangkatauhan ay mga kaigtingan ng damdamin tulad ng takot, kalungkutan, inggit, hinanakit, poot, at pagkadama ng kasalanan. Dahil dito, tunay ngang nakaaaliw ang sinabi ng Bibliya na ang ‘pagkatakot kay Jehova’ ay isang ‘kagalingan sa iyong pusod at kaginhawahan sa iyong mga buto’!—Kawikaan 3:7, 8.
Ang mga buto ang balangkas na sumusuporta sa katawan. Kaya ginagamit ng Bibliya ang pananalitang “mga buto” upang ilarawan sa makasagisag na paraan, ang katauhan ng isa—lalo na hinggil sa epekto ng masisidhing damdamin at emosyon. Ngunit paano naging isang ‘kagalingan sa iyong pusod’ ang pagkatakot kay Jehova?
Magkakaiba ang mga opinyon ng mga iskolar ng Bibliya hinggil sa pagbanggit sa “pusod” sa bahaging ito. Sinabi ng isang komentarista na dahil sa ito ay nasa “gitnang bahagi ng katawan,” ang “pusod” ay maaaring kumakatawan sa lahat ng mahahalagang sangkap ng katawan. Ipinapalagay naman ng isa pang iskolar na ang salitang “pusod” ay maaaring tumutukoy sa talimpusod, tulad ng pagkagamit sa Ezekiel 16:4. Kung gayon nga, maaaring idiniriin ng Kawikaan 3:8 ang pangangailangan nating lubos na umasa sa Diyos—kung paanong ang isang walang-kakayahang sanggol sa tiyan ay lubos na umaasa sa ina nito upang makakain. Ang isa pang ideya ay na ang “pusod” dito ay maaaring tumutukoy sa mga kalamnan at mga litid ng katawan. Sa konteksto ng bersikulong ito, maaaring ang mga bahaging ito ay inihahambing sa “mga buto”—ang mas matitigas na bahagi ng katawan.
Anuman ang espesipikong kahulugan, isang bagay ang tiyak: Ang pagpapakita ng mapitagang pagkatakot kay Jehova ang landasin ng karunungan. Ang pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos ay makatutulong sa ating pisikal na kalusugan sa ngayon. Higit pa riyan, ito ay makapagdudulot sa atin ng pagsang-ayon ni Jehova, na aakay sa walang-hanggang buhay taglay ang sakdal na kalusugan—sa pisikal at emosyonal—sa kaniyang dumarating na bagong sanlibutan.—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4; 22:2.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Dr. G. Moscoso/SPL/Photo Researchers