Isang Mahalagang Espirituwal na Pangyayari!
Isang Mahalagang Espirituwal na Pangyayari!
Paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Cebuano, Iloko, at Tagalog
NOONG Disyembre 1, 2000, naganap ang isang mahalagang espirituwal na pangyayari: Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Tagalog at ipinatalastas ang paglalabas nito sa hinaharap sa Cebuano at Iloko.
Ang Bagong Sanlibutang Salin ay kasama na ngayon ng mga Bibliyang matagal nang ginagamit ng mga taong may takot sa Diyos sa Pilipinas. Gayunman, bakit kailangan ang iba pang mga salin ng Bibliya? Sino ang nasa likod nito? At paano kayo makatitiyak na mapananaligan ang Bagong Sanlibutang Salin?
Bakit Napakaraming Salin ng Bibliya?
Napakaraming bagong bersiyon ng Bibliya ang nailathala na nitong nakalipas na mga taon. Ang ilan sa mga bagong bersiyon ay nagpangyaring mailathala ang Salita ng Diyos sa ilang wika sa kauna-unahang pagkakataon. Gayunman, ang mga bagong Bibliya ay inilalabas din sa mga wika na doo’y dati nang may umiiral na mga bersiyon. Ang dahilan? Ang aklat na So Many Versions?, nina Sakae Kubo at Walter Specht ay nagsasabi: “Walang salin ng Bibliya ang maituturing kailanman na siyang pinakahuli. Ang mga salin ay kailangang umalinsabay sa pagsulong ng kaalaman sa Bibliya at sa mga pagbabago sa wika.”
Nasaksihan ng siglong ito ang malaking pagsulong sa pagkaunawa ng Hebreo, Aramaiko, at Griego—ang mga wika kung saan orihinal na isinulat ang Bibliya. Gayundin, may natagpuang mga manuskrito sa Bibliya na mas matatanda at higit na tumpak kaysa sa mga ginamit ng nakalipas na mga henerasyon ng mga tagapagsalin ng Bibliya. Kaya ang Salita ng Diyos ay maaari nang isalin nang may higit na kawastuan ngayon higit kailanman!
Hinggil sa mga negosyo, ang The Atlantic Monthly ay nagsasabi: “Ang paglalathala ng Bibliya
ay malaking negosyo—pagkalaki-laking negosyo.” At kung minsan ang pagnanais na makagawa ng isang pinakamabiling aklat ay waring nakahihigit kaysa sa pagmamalasakit ukol sa katumpakan nito. Ang isang bagong Bibliya ay nangahas na mag-alis ng mga teksto na sa palagay ng mga tagapaglathala nito ay masyadong “nakababagot.” Pinalitan ng isa pang Bibliya ang mga salita o mga pananalita na maaaring makasakit sa damdamin ng makabagong mga mambabasa. Halimbawa, sinisikap nitong makalugod sa mga tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan sa pamamagitan ng pagtawag sa Diyos na “Ama-Ina.”Pagkukubli sa Banal na Pangalan
Marahil ang nakababagabag na pinakakalakaran ay may kinalaman sa personal na pangalan ng Diyos—Jehova. (Isinasalin ito ng ilang iskolar na “Yahweh.”) Sa sinaunang mga kopya ng Bibliya, ang banal na pangalan ay kinakatawan ng apat na Hebreong katinig na maaaring katawanin ng mga titik na YHWH o JHVH. Ang natatanging pangalang ito ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa tinatawag na Matandang Tipan lamang. (Exodo 3:15; Awit 83:18) Maliwanag kung gayon na nilayon ng ating Maylalang na malaman at gamitin din ng kaniyang mga mananamba ang pangalang iyan!
Gayunman, sa nakalipas na mga siglo, ang takot sa pamahiin ay naging dahilan upang hindi na bigkasin ng mga Judio ang banal na pangalan. Nang maglaon, nahawa na rin ang Kristiyanismo sa gayong mapamahiing mga punto-de-vista. (Ihambing ang Gawa 20:29, 30; 1 Timoteo 4:1.) Naging kaugalian ng mga tagapagsalin ng Bibliya na palitan ang banal na pangalan ng titulong “Panginoon.” Sa ngayon, lubusan nang inaalis ng karamihan ng mga Bibliya ang pangalan ng Diyos. Inalis ng ilang makabagong Ingles na Bibliya maging ang pagtukoy sa salitang “pangalan” sa Juan 17:6, kung saan sinasabi ni Jesus: “Inihayag ko ang iyong pangalan.” Ang salin ng Today’s English Version sa talatang ito ay: “Ipinakilala kita.”
Bakit may ganitong pag-ayaw sa pangalan ng Diyos? Isaalang-alang ang mga pananalita sa babasahing Practical Papers for the Bible Translator. (Tomo 43, bilang 4, 1992) Ito ay inilathala ng United Bible Societies (UBS), na siyang nagsasaayos sa kalakhang bahagi ng pambuong daigdig na pagsisikap na isalin ang Bibliya. Ang isang artikulo ay nagsabi: “Yamang ang YHWH ay walang alinlangang isang personal na pangalan, ang transliterasyon, batay sa simulain, ang siyang pinakalohikal na paraan ng pagsasalin.” Subalit ang artikulo ay nagbabala: “Gayunman, may mga katunayan na dapat isaalang-alang.”
Gaano ba katanggap-tanggap ang gayong “mga katunayan”? Alinsunod sa babasahing ito, ang ilang iskolar ay nangangatuwiran: “Kung ating ipakikilala ang isang pangalang gaya ng Yahweh [sa mga hindi Kristiyano], ito ay maaaring magbigay ng maling mga implikasyon . . . , na nagpapahiwatig na si ‘Yahweh’ ay isang banyagang Diyos, o isang bago at di-kilalang Diyos, na naiiba sa Diyos na kanila nang kilala.” Gayunman, mariing itinuturo ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay naiiba sa mga diyos na sinasamba ng mga hindi Kristiyano!—Isaias 43:10-12; 44:8, 9.
Inaangkin ng ilang iskolar na sila’y sumusunod lamang sa tradisyon kapag pinapalitan nila ang pangalan ng Diyos ng titulong “PANGINOON.” Subalit hinatulan ni Jesus ang pagsunod sa mga tradisyon na lumalapastangan sa Diyos. (Mateo 15:6) Bukod dito, ang buong ideya na palitan ang isang pangalan ng isang titulo ay walang saligan sa Kasulatan. Si Jesu-Kristo ay may iba’t ibang titulo, tulad ng “Ang Salita ng Diyos” at “Hari ng mga hari.” (Apocalipsis 19:11-16) Ang pangalan bang Jesus ay dapat na palitan ng isa sa mga titulong ito?
Ang isa pang artikulo sa nabanggit na babasahin ay nagsasabi: “Ang anyong ‘Jehova’ ay dapat lamang na iwasan.” Ang dahilan? “Ang mga iskolar ay karaniwan nang naniniwala na ang orihinal na bigkas ay pinakaangkop na katawanin
ng ‘Yahweh.’ ” Gayunman, ang pamilyar na mga pangalan sa Bibliya tulad ng Jeremias, Isaias, at Jesus ay isinasalin din sa mga paraang bahagya lamang ang pagkakahawig sa orihinal na bigkas ng mga ito sa Hebreo (Yir·meyahʹ, Yeshaʽ·yaʹhu, at Yehoh·shuʹaʽ). Yamang ang anyong “Jehova” ay isang lehitimong paraan ng pagsasalin sa pangalan ng Diyos—at isa na pamilyar sa maraming tao—ang mga pagtutol sa paggamit nito ay waring di-makatuwiran. Tunay nga, ang pagtangging gamitin ang pangalan ng Diyos ay waring salig sa emosyon at pagtatangi, hindi sa masusing pag-aaral.Gayunman, ang isyu rito ay hindi pangkaisipan lamang. Halimbawa, isang kasangguni ng UBS sa India ang sumulat hinggil sa mangyayari kapag inalis ang pangalan ng Diyos mula sa mga edisyon kung saan ito dating lumilitaw. Inamin niya: “Ang mga Hindu ay hindi interesado sa titulo ng Diyos; nais nilang malaman ang personal na pangalan ng Diyos, at malibang malaman nila ang pangalan, hindi nila maiuugnay ang kanilang sarili sa isa na nagtataglay nito.” Sa katunayan, ito’y totoo sa lahat ng humahanap sa Diyos. Ang pagkaalam sa pangalan ng Diyos ay mahalaga sa pag-unawa sa kaniya, hindi bilang isang puwersa lamang, kundi bilang isang persona—isa na maaari nating makilala. (Exodo 34:6, 7) Kaya ang Bibliya ay nagpapahayag: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Ang mga mananamba ay obligadong gamitin ang kaniyang pangalan!
Isang Salin na Nagpaparangal sa Diyos
Kaya isa ngang mahalagang pangyayari noong 1950 nang ang bersiyong Ingles ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay unang ilathala. Nang sumunod na dekada, mga bahagi ng karaniwang tinatawag na Matandang Tipan, o Hebreong Kasulatan, ang inilathala nang baha-bahagi. Noong 1961 ang kumpletong Bibliya sa Ingles ay inilabas sa isang tomo. Kapansin-pansin, isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ng Diyos bilang Jehova sa halos lahat ng 7,000 paglitaw nito sa “Matandang Tipan.” Ang lalo nang katangi-tangi ay ang pagsasauli sa pangalan ng Diyos nang 237 ulit sa “Bagong Tipan,” o sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ang pagsasauli sa pangalang iyon ay hindi lamang nagpaparangal sa Diyos kundi nagbubukas din ng mga bagong pananaw ukol sa kaunawaan. Bilang paghahalimbawa, maraming salin ang nagsalin sa Mateo 22:44: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon.” Subalit sino nga ba ang nagsasalita patungkol kanino? Isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang talatang ito na, “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon,” anupat wastong sinisipi ang Awit 110:1. Kaya makikilala ng mga mambabasa ang mahalagang pagkakaiba ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak.
Sino ang Nasa Likod Nito?
Ang Bagong Sanlibutang Salin ay inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang legal na ahensiyang kumakatawan sa mga Saksi ni Jehova. Sa mahigit nang isang daang taon, ang Samahang ito ay nag-iimprenta at namamahagi ng mga Bibliya sa buong daigdig. Ang partikular na bersiyong ito ay isinumite sa Samahan ng isang grupo ng mga Kristiyano na kilala bilang ang New World Bible Translation Committee. Palibhasa’y talagang hindi naghahanap ng personal na katanyagan, hiniling ng mga miyembro ng komite na sila’y manatiling hindi kilala maging pagkamatay nila.—Ihambing ang 1 Corinto 10:31.
Bakit kung gayon pinamagatan ang akdang ito na Bagong Sanlibutang Salin? Ipinababanaag nito ang matatag na pananalig na ang sangkatauhan ay “nasa pintuan na ng bagong sanlibutan” na ipinangako sa 2 Pedro 3:13. Gaya ng isinulat mismo ng komite, sa “panahong ito ng pagbabago mula sa matandang sanlibutan,” mahalaga na pahintulutan ng mga salin ng Bibliya na sumikat “ang dalisay na katotohanan ng Salita ng Diyos.”—Tingnan ang Paunang Salita sa edisyon ng 1950.
Isang Wastong Salin
Binigyang-priyoridad kung gayon ang kawastuan. Ang mga tagapagsalin ng edisyong Ingles ay gumawa nang tuwiran mula sa orihinal na mga wika na Hebreo, Aramaiko, at Griego, na ginagamit ang makukuhang pinakamahuhusay na teksto. a Isinagawa rin ang di-karaniwang pag-iingat upang isalin ang sinaunang teksto nang literal hangga’t maaari—subalit sa wika na madaling maunawaan ng makabagong panahong mga mambabasa.
Hindi kataka-taka, pinuri ng ilang iskolar ang Bagong Sanlibutang Salin dahil sa katapatan at kawastuan nito. Si Propesor Benjamin Kedar, isang Hebreong iskolar sa Israel, ay nagsabi noong 1989: “Sa aking pagsasaliksik sa wika may kaugnayan sa Bibliyang Hebreo at sa mga salin nito, malimit akong sumasangguni sa edisyong Ingles ng tinatawag na Bagong Sanlibutang Salin. Sa paggawa nito, paulit-ulit kong napatutunayan ang aking nadarama na ang akdang ito ay nagpapamalas ng taimtim na pagsisikap na maabot ang kaunawaan sa teksto sa pinakawastong posibleng paraan.”
Pagkakaroon ng Iba Pang mga Edisyon
Angkop kung gayon, pinapangyari ng Samahang Watch Tower na may makuhang Bagong Sanlibutang Salin ang mga hindi nagsasalita ng Ingles. Sa kasalukuyan ay inilalathala ito, sa kabuuan o sa bahagi nito, sa 41 wika. Upang mas madaling maisagawa ang pagsisikap na ito, bumuo ang Samahan ng isang pamamaraan ng pagsasalin ng Bibliya kung saan pinagsama ang pag-aaral sa mga salita ng Bibliya at ang teknolohiya ng computer. Itinatag din ng Samahan ang Translation Services, na ngayon ay nasa Patterson, New York, upang tulungan ang mga tagapagsalin. Pinananatili ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang maingat na pangangasiwa sa pagsasalin ng Bibliya sa pamamagitan ng Writing Committee nito. Subalit paano nga ba isinasagawa ang gawaing ito?
Una, isang grupo ng naaalay na mga Kristiyano ang inaatasan upang magsilbing pangkat ng tagapagsalin. Pinatutunayan ng karanasan na kapag ang mga tagapagsalin ay gumagawang sama-sama bilang isang pangkat sa halip na nag-iisa, sila’y nakagagawa ng mas mahusay at higit na balanseng salin. (Ihambing ang Kawikaan 11:14.) Sa pangkalahatan, bawat miyembro ng pangkat ay mayroon nang karanasan sa pagsasalin ng mga publikasyon ng Samahan. Pagkatapos, ang pangkat ay tumatanggap ng lubusang pagsasanay sa mga saligang simulain ng pagsasalin ng Bibliya at sa paggamit ng mga pantanging binuong mga programa sa computer.
Ang pangkat ng tagapagsalin ay tinatagubilinan na gumawa ng Bibliya na (1) tumpak, (2) di-nagbabago, (3) literal ayon sa ipinahihintulot ng wika, subalit (4) madaling maunawaan ng karaniwang mga tao. Paano ito isinasagawa? Isaalang-alang ang bagong labas na mga Bibliya. Ang mga pangkat ng tagapagsalin ay nagpasimula sa pamamagitan ng pagpili ng katumbas sa Cebuano, Iloko at Tagalog para sa lahat ng pangunahing mga termino sa Bibliya na ginamit sa Ingles na Bagong Sanlibutang Salin. Ang computer ay isinaprograma upang ipakita ang kaugnay at singkahulugan na mga salita sa Bibliya. Ipinakikita rin nito ang orihinal na mga salitang Griego o Hebreo kung saan kinuha ang mga salitang Ingles upang mapag-aralan ng tagapagsalin kung paano isinalin yaong mga salitang Griego o Hebreo sa iba pang mga paglitaw nito. Ang lahat ng ito ay malaking tulong sa pagpili ng katumbas na mga termino sa Cebuano, Iloko at Tagalog. Minsang magkasundo na ang bawat pangkat hinggil sa mga salitang iyon, pinasimulan na nilang isalin ang Bibliya, na ginagamit ang computer upang ipakita ang mga katumbas sa Cebuano, Iloko at Tagalog habang isinasalin nila ang bawat talata.
Gayunman, ang pagsasalin ay nangangahulugan
ng higit pa kaysa basta pagpapalit ng isang grupo ng mga salita upang ihalili sa iba. Malaking trabaho ang kinailangang isagawa upang matiyak na naitatawid ng piniling mga termino sa Cebuano, Iloko, at Tagalog ang wastong maka-Kasulatang kaisipan sa bawat konteksto. Kinailangan ding gumawa ng pag-iingat upang matiyak na ang balarila at ang paghahanay ng mga salita ay kalugud-lugod at natural. Ang pagpapagal na ginugol sa proyektong ito ay nangungusap para sa sarili nito. Ang edisyong Cebuano, Iloko at Tagalog ng Bagong Sanlibutang Salin ay nagsalin sa Salita ng Diyos sa paraang madaling basahin, maliwanag at madaling maunawaan, at naaayon sa sinaunang teksto.Hinihimok namin kayong suriin ninyo mismo ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Maaari kayong makakuha nito mula sa tagapaglathala ng magasing ito o mula sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maaari ninyong basahin ito taglay ang pagtitiwala na may katapatang isinalin nito ang mismong kapahayagan ng Diyos sa mga wikang nabanggit. Walang alinlangan na di-magtatagal at kayo ay sasang-ayon na ang paglalabas nito kamakailan ay tunay na isang mahalagang espirituwal na pangyayari!
[Talababa]
a Ang The New Testament in the Original Greek, nina Westcott at Hort, ang siyang nagsilbing saligang teksto sa Griego. Ang Biblia Hebraica ni R. Kittel, ang siyang naging saligang teksto para sa Hebreong Kasulatan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]
Ilang Katangian ng Bagong Sanlibutang Salin
Malinaw at Madaling Basahin ang mga Letra
Ang mga Talata ay Pinagsama-sama sa mga Parapo: Sa halip na gawing isang hiwalay na parapo ang bawat talata, ang mga talata ay pinagsama-sama sa mga parapo. Ito’y nakatutulong upang masubaybayan ng mambabasa ang binubuong kaisipan ng mga manunulat ng Bibliya.
Mga Uluhan: Lumilitaw sa itaas ng karamihan sa mga pahina, ang mga ito ay pantulong upang madaling hanapin ang mga ulat sa Bibliya.
Panggilid na mga Reperensiya: Bawat pahina ay naglalaman ng mga reperensiya na aakay sa inyo sa kaugnay na mga teksto sa Bibliya.
Konkordansiya: Ang isang seksiyon sa bandang likuran ng aklat ay pinamagatang “Indise ng mga Salita sa Bibliya.” Ang piniling mga salita at ang kanilang kinaroroonan sa Bibliya ay nakalista, at kadalasang ipinakikita ng isang maikling pagsipi ang konteksto.
Apendise: Isang serye ng maiikling artikulo hinggil sa saligang mga doktrina ng Bibliya at kaugnay na mga bagay.