Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap ng Katiwasayan sa Isang Daigdig na Punô ng Panganib

Paghahanap ng Katiwasayan sa Isang Daigdig na Punô ng Panganib

Paghahanap ng Katiwasayan sa Isang Daigdig na Punô ng Panganib

MAAARING ikamatay ang paglalakad sa isang lugar na tinamnan ng mga bomba. Gayunman, hindi ba makatutulong kung mayroon kang mapa na nagpapakita sa kinaroroonan ng mga nakatanim na bomba? Isa pa, ipagpalagay na sinanay ka upang makilala ang iba’t ibang uri ng nakatanim na bomba. Maliwanag, na ang gayong kaalaman ay makababawas nang malaki sa panganib na ikaw ay malumpo o mapatay.

Ang Bibliya ay maihahambing sa mapang iyon kalakip na ang pagsasanay sa pagkilala sa mga nakatanim na bomba. Ang Bibliya ay naglalaman ng karunungan na di-mapapantayan pagdating sa pag-iwas sa mga peligro at pagharap sa mga problemang bumabangon sa buhay.

Pansinin ang nagbibigay-katiyakan na pangakong ito na masusumpungan sa Kawikaan 2:10, 11: “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.” Ang karunungan at kaunawaan na binabanggit dito ay hindi nagmumula sa tao kundi nagmumula sa Diyos. “Kung tungkol sa sinumang nakikinig sa [makadiyos na karunungan], tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Tingnan natin kung paano mapasusulong ng Bibliya ang ating katiwasayan at kung paano tayo matutulungan na maiwasan ang maraming problema.

Pag-iwas sa Nakamamatay na mga Aksidente

Ipinakikita ng mga bilang na inilathala kamakailan ng World Health Organization (WHO) na mga 1,171,000 ang namamatay taun-taon sa buong daigdig dahil sa mga aksidente sa sasakyan. Halos 40 milyong iba pa ang napipinsala, at bahagya lamang na mahigit sa 8 milyon ang dumaranas ng pangmatagalang kapansanan.

Bagaman imposibleng maging lubusang ligtas habang nagmamaneho, ang ating personal na kaligtasan ay napapabuti nang malaki kapag sinusunod natin ang mga batas trapiko. Hinggil sa mga awtoridad ng pamahalaan na nagtatakda at nagpapatupad sa mga batas trapiko, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Kapag ang mga motorista ay sumusunod sa payong ito, nababawasan ang panganib na maaksidente, pati na ang madalas na malulubhang bunga nito.

Ang isa pang pangganyak upang magmaneho nang maingat ay ang paggalang sa buhay. Sinasabi ng Bibliya hinggil sa Diyos na Jehova: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Kaya ang buhay ay isang kaloob mula sa Diyos. Dahil dito, wala tayong karapatan na kunin ang kaloob na iyan mula sa sinuman o magpakita ng kawalang-galang sa buhay, sabihin pa, pati na ang sa atin.​—Genesis 9:5, 6.

Mangyari pa, kasali sa paggalang sa buhay ng tao ang pagtiyak na ang ating kotse at tahanan ay ligtas sa abot ng ating kakayahan. Sa sinaunang Israel, ang kaligtasan ay isang pangunahing priyoridad sa lahat ng pitak ng buhay. Halimbawa, kapag itinayo ang isang bahay, hinihiling ng Kautusan ng Diyos na ang bubong nito​—isang dako na doo’y maraming ginagawa ang pamilya​—ay lagyan ng halang. “Gagawa ka rin ng isang halang para sa iyong bubong, upang hindi ka makapaglagay ng pagkakasala sa dugo sa iyong bahay dahil baka may sinumang mahulog . . . mula roon.” (Deuteronomio 22:8) Kapag may nahulog dahil hindi sinunod ang pangkaligtasang kautusang ito, pananagutin ng Diyos ang may-ari nito. Walang alinlangang ang pagkakapit ng maibiging simulain na nakapaloob sa kautusang ito ay makababawas sa mga aksidente sa lugar ng trabaho o maging sa paglilibang.

Pagsugpo sa Nakamamatay na mga Pagkasugapa

Ayon sa WHO, mayroon na ngayong mahigit sa isang bilyong maninigarilyo sa daigdig, at ang mga apat na milyong namamatay bawat taon ay maaaring isisi sa tabako. Ang bilang na ito ay inaasahang aabot ng mga 10 milyon sa loob ng susunod na 20 hanggang 30 taon. Sisirain ng milyun-milyong iba pang maninigarilyo, at gayundin ng mga gumagamit ng mga drogang “panlibangan,” ang kanilang kalusugan at kalidad ng pamumuhay dahil sa kanilang pagkasugapa.

Bagaman hindi espesipikong binabanggit ng Salita ng Diyos ang paggamit ng tabako at pag-aabuso sa droga, ang mga simulain nito ay makapagsasanggalang sa atin mula sa mga bisyong ito. Halimbawa, nagpapayo ang 2 Corinto 7:1: “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” Walang-alinlangan na ang laman ay narurumhan, o nadudungisan, ng maraming nakapipinsalang kemikal dahil sa tabako at droga. Karagdagan pa, nais ng Diyos na ang ating mga katawan ay maging “banal,” na nangangahulugang dalisay at malinis. (Roma 12:1) Hindi ka ba sasang-ayon na ang pagkakapit sa mga simulaing ito ay makababawas ng malaking panganib sa buhay ng isa?

Pagdaig sa Mapanganib na mga Kaugalian

Maraming tao ang nagpapakalabis sa pagkain at pag-inom. Maaaring mapabilang sa mga resulta ng labis na pagkain ang diyabetis, kanser, at sakit sa puso. Ang pag-aabuso sa alkohol ay umaakay sa karagdagang mga problema, tulad ng alkoholismo, cirrhosis, wasak na mga pamilya, at mga aksidente sa sasakyan. Kabaligtaran naman, ang pagkahumaling sa pagdidiyeta ay maaari ring makapinsala at maaaring umakay sa mga sakit na nagsasapanganib ng buhay na nauugnay sa pagkain, tulad ng anorexia nervosa.

Bagaman ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa medisina, nagbibigay naman ito ng prangkahang payo sa pangangailangan na maging katamtaman sa pagkain at pag-inom. “O anak ko, ikaw ay makinig at magpakarunong, at akayin mo ang iyong puso sa daan. Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan.” (Kawikaan 23:19-21) Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ang pagkain at pag-inom ay dapat na maging kasiya-siya. ‘Bawat tao ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.’​—Eclesiastes 3:13.

Ipinapayo rin ng Bibliya ang isang timbang na saloobin hinggil sa pag-eehersisyo ng katawan, anupat tinitiyak na “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti.” Ngunit idinagdag nito: “Ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Maaaring maitanong mo, ‘Paanong kapaki-pakinabang ang makadiyos na debosyon maging sa ngayon?’ Sa maraming paraan. Bukod sa nakapagdaragdag ito ng mahalagang espirituwal na aspekto sa buhay ng isa, nililinang ng makadiyos na debosyon ang kapaki-pakinabang na mga katangian na gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, at pagpipigil sa sarili​—na pawang nakatutulong sa pagkakaroon ng isang positibong pangmalas at mabuting kalusugan.​—Galacia 5:22, 23.

Mapapait na Bunga ng Imoralidad

Sa ngayon, milyun-milyon ang wala nang anumang pagpipigil may kinalaman sa moral. Ang epidemya ng AIDS ang isa sa mga bunga nito. Ayon sa WHO, mahigit na sa 16 na milyon ang namatay mula noong magsimula ang epidemya ng AIDS, at sa kasalukuyan, mga 34 na milyon ang nahawahan na ng HIV, ang virus na sanhi ng AIDS. Nakuha ng maraming may AIDS ang sakit na ito dahil sa walang-pinipiling pakikipagtalik, nahawahang mga heringgilya na ginagamit ng mga sugapa sa droga, o mga pagsasalin ng nahawahang dugo.

Ang iba pang mga bunga ng kahalayan sa moral ay herpes, gonorrhea, hepatitis B at C, at syphilis. Bagaman ang gayong mga termino sa medisina ay hindi ginagamit noong panahon ng Bibliya, kilala ang mga sangkap ng katawan na naaapektuhan ng ilang mga sakit na naililipat sa pagtatalik na karaniwan noong panahong iyon. Halimbawa, inilalarawan ng Kawikaan 7:23 ang nakatatakot na bunga ng pakikiapid bilang ‘isang palaso na bumibiyak sa atay.’ Ang syphilis, gaya ng hepatitis, ay karaniwan nang pumipinsala sa atay. Oo, talagang napapanahon at maibigin ang payo ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay ‘umiwas sa dugo at sa pakikiapid’!​—Gawa 15:28, 29.

Ang Silo ng Pag-ibig sa Salapi

Sa pagsisikap na yumaman kaagad, lubhang ipinakikipagsapalaran ng maraming tao ang kanilang salapi. Nakalulungkot, ang gayong mga pakikipagsapalaran ay kadalasang nauuwi sa pagkalugi o pagdarahop. Gayunman, sinasabi ng Bibliya sa lingkod ng Diyos: “Magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:28) Totoo, ang masikap na manggagawa ay hindi laging yumayaman. Gayunman, mayroon siyang kapayapaan ng isip, paggalang sa sarili, at marahil pati salapi na maaari niyang iabuloy ukol sa kapaki-pakinabang na layunin.

Nagbababala ang Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Hindi maikakaila na ang marami na “determinadong maging mayaman” ay yumayaman nga. Ngunit ano ang kapalit nito? Hindi ba’t totoo na ang kanilang kalusugan, pamilya, espirituwalidad, at maging ang himbing ng kanilang pagtulog ay naaapektuhan?​—Eclesiastes 5:12.

Natatanto ng isang matalinong tao na ang “buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Kailangan ang salapi at ilang ari-arian sa karamihan ng mga lipunan. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang,” ngunit idinagdag nito na “ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Di-tulad ng salapi, ang tamang kaalaman at karunungan ay makatutulong sa atin sa lahat ng kalagayan, ngunit lalung-lalo na sa mga bagay na nakaaapekto sa ating buhay.​—Kawikaan 4:5-9.

Kapag ang Karunungan Lamang ang Makapagsasanggalang sa Atin

Malapit nang ‘ingatang buháy [ng tunay na karunungan] ang mga nagtataglay nito’ sa isang paraan na hindi pa nangyayari kailanman​—pananggalang mula sa “malaking kapighatian” na mabilis na dumarating, kapag pupuksain na ng Diyos ang mga balakyot. (Mateo 24:21) Ayon sa Bibliya, sa panahong iyon ay itatapon ng mga tao ang kanilang salapi sa mga lansangan na gaya ng “nakamumuhing bagay.” Bakit? Sapagkat mapipilitan silang matutuhan na ang ginto at pilak ay hindi nila maipambibili ng buhay “sa araw ng poot ni Jehova.” (Ezekiel 7:19) Sa kabilang panig, “isang malaking pulutong,” na maingat na ‘nag-imbak ng kanilang mga kayamanan sa langit’ sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga kapakanan sa kanilang buhay, ang makikinabang mula sa kanilang matatag na pamumuhunan at magtatamo ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.​—Apocalipsis 7:9, 14; 21:3, 4; Mateo 6:19, 20.

Paano natin matatamo ang matiwasay na hinaharap na ito? Sumasagot si Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Milyun-milyon ang nakasumpong sa kaalamang ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Hindi lamang kamangha-manghang pag-asa ang taglay ng gayong mga tao sa hinaharap kundi nararanasan din nila ang isang sukat ng kapayapaan at katiwasayan sa ngayon. Ito’y tulad ng ipinahayag ng salmista: “Sa kapayapaan ay mahihiga ako at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin nang tiwasay.”​—Awit 4:8.

May naiisip ka pa bang ibang pagmumulan ng impormasyon na makatutulong na mabawasan ang mga panganib sa iyong kalusugan at buhay na gaya ng nagagawa ng Bibliya? Wala nang iba pang aklat ang may awtoridad na gaya ng sa Bibliya, at wala nang iba pang aklat ang makatutulong sa iyo na masumpungan ang tunay na katiwasayan sa daigdig ngayon na punô ng panganib. Bakit hindi ito suriin nang higit pa?

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mas Mabuting Kalusugan at Katiwasayan​—Sa Tulong ng Bibliya

Upang matakasan ang mga katotohanan ng buhay, isang kabataang babae na nagngangalang Jane a ang palaging gumagamit ng marihuwana, tabako, cocaine, mga amphetamine, LSD, at iba pang mga droga. Malakas din siyang uminom. Ayon kay Jane, pareho lamang sila ng asawa niya. Madilim ang kanilang kinabukasan. Pagkatapos ay nakausap ni Jane ang mga Saksi ni Jehova. Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong Kristiyano at nagbasa ng Ang Bantayan at ng kasama nitong magasin, ang Gumising!, na ipinababasa rin niya sa kaniyang asawa. Kapuwa sila nagpasimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Habang napasusulong nila ang pagpapahalaga sa matataas na pamantayan ni Jehova, itinigil nila ang lahat ng pag-aabuso sa nakasusugapang mga sangkap. Ang resulta? “Ang aming bagong buhay ay nagdulot sa amin ng labis-labis na kagalakan,” ang isinulat ni Jane pagkalipas ng ilang taon. “Lubos akong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa nakapagpapalinis na kapangyarihan ng kaniyang Salita at dahil sa malaya at malusog na buhay na tinatamasa namin sa ngayon.”

Ang kahalagahan ng pagiging isang matapat na empleado ay mahusay na inilalarawan ng nangyari kay Kurt, na ang trabaho ay may kinalaman sa pag-aasikaso sa mga sistema ng computer. Kinailangan ang bagong kagamitan, at ipinagkatiwala ng amo ni Kurt sa kaniya ang atas ng pagbili nito sa murang halaga. Nakakita si Kurt ng isang angkop na mabibilhan, at napagkasunduan ang presyo. Gayunman, ang kawani ng nagbebenta ay nagkamali sa nasusulat na alok na halaga, anupat ang presyo ay naialok nang mas mababa ng halos $40,000 (U.S.). Nang mapansin ang pagkakamali, tinawagan ni Kurt ang kompanya, at sinabi ng manedyer na sa kaniyang 25-​taóng karera ay hindi pa siya nakakita ng gayong uri ng katapatan. Ipinaliwanag ni Kurt na ang kaniyang budhi ay hinubog ng Bibliya. Bilang resulta nito, humiling ang manedyer ng 300 kopya ng isang isyu ng Gumising! na tumatalakay sa katapatan sa negosyo upang maibigay niya ang mga ito sa kaniyang mga kamanggagawa. Kung tungkol naman kay Kurt, dahil sa kaniyang katapatan ay itinaas ang kaniyang tungkulin.

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan.

[Larawan sa pahina 7]

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”​—ISAIAS 48:17