Cyril at Methodius—Mga Tagapagsalin ng Bibliya na Umimbento ng Isang Alpabeto
Cyril at Methodius—Mga Tagapagsalin ng Bibliya na Umimbento ng Isang Alpabeto
“Ang aming bansa ay nabautismuhan gayunma’y wala kaming guro. Hindi namin nauunawaan ang Griego ni ang Latin. . . . Hindi namin nauunawaan ang nasusulat na mga titik ni ang kahulugan ng mga ito; kaya padalhan ninyo kami ng mga guro na magtuturo sa amin ng mga salita sa Kasulatan at ng kahulugan ng mga ito.”—Si Rostislav, prinsipe ng Moravia, 862 C.E.
SA NGAYON, mahigit na 435 milyon katao na nagsasalita ng mga wikang Slavo ang may makukuhang isang salin ng Bibliya sa kanilang katutubong wika. a Sa mga ito, 360 milyon ang gumagamit ng alpabetong Cyrillic. Gayunman, 12 siglo ang nakalipas ay walang nasusulat na wika ni isang alpabeto sa mga diyalekto ng kanilang mga ninuno. Ang mga lalaking tumulong upang lunasan ang kalagayang iyon ay nagngangalang Cyril at Methodius, na magkapatid sa laman. Masusumpungan ng mga taong umiibig sa Salita ng Diyos na ang walang-takot at ang pagsisikap ukol sa pagbabago ng magkapatid na ito ay gumagawa ng isang kawili-wiling kabanata sa kasaysayan ng pag-iingat at pagtataguyod ng Bibliya. Sino ang mga lalaking ito, at anu-anong hadlang ang nakaharap nila?
“Ang Pilosopo” at ang Gobernador
Sina Cyril (827-869 C.E., na ang dating pangalan ay Constantino) at Methodius (825-885 C.E.) ay isinilang sa isang maharlikang pamilya sa Tesalonica, Gresya. Ang Tesalonica noon ay isang lunsod na nagsasalita ng dalawang wika; ang mga mamamayan nito ay nagsasalita ng Griego at isang anyo ng Slavo. Ang pagkanaroroon ng maraming Slavo at ang malapit na pakikisalamuha ng mga mamamayan nito at ng nakapaligid na mga pamayanang Slavo ay marahil nagbigay kina Cyril at Methodius ng pagkakataon upang maging pamilyar sa wika ng mga Slavo sa timugan. At binabanggit pa nga ng isang manunulat ng talambuhay ni Methodius na ang kanilang ina ay may Slavong pinagmulan.
Pagkamatay ng kaniyang ama, si Cyril ay lumipat sa Constantinople, ang kabisera ng Imperyong Byzantine. Doon ay nag-aral siya sa unibersidad ng imperyo at nakasalamuha ang bantog na mga tagapagturo. Naging katiwala siya ng aklatan sa Hagia Sophia, ang pinakaprominenteng gusaling simbahan sa Silangan, at nang maglaon ay naging isang propesor ng pilosopiya. Sa katunayan, dahil sa kaniyang akademikong mga tagumpay, si Cyril ay binansagang Ang Pilosopo.
Samantala, itinaguyod naman ni Methodius ang karera na katulad niyaong sa kaniyang ama—pangangasiwa sa pulitika. Naabot niya ang ranggo ng archon (gobernador) sa isang hangganang distrito
ng Byzantine kung saan nakatira ang maraming Slavo. Gayunpaman ay umalis siya at nagtungo sa isang monasteryo sa Bitinia, Asia Minor. Sumama sa kaniya roon si Cyril noong 855 C.E.Noong 860 C.E., isinugo ng patriyarka ng Constantinople ang magkapatid sa isang misyon sa ibang lupain. Sila’y ipinadala sa Khazar, isang bayang nakatira sa hilagang-silangan ng Dagat na Itim, na nag-aatubili pa ring magpasiya sa pagitan ng Islam, Judaismo, at Kristiyanismo. Sa pagtungo roon, si Cyril ay nanatili sumandali sa Chersonese, sa Crimea. Ipinalalagay ng ilang iskolar na doon niya pinag-aralan ang wikang Hebreo at Samaritano at na isinalin niya ang isang balarila ng Hebreo sa wika ng Khazar.
Isang Panawagan Mula sa Moravia
Noong 862 C.E., si Rostislav, prinsipe ng Moravia (makabagong-panahon na silangang Czechia, kanlurang Slovakia, at kanlurang Hungary), ay nagpadala kay Emperador Michael III ng Byzantine ng isang kahilingan na lumilitaw sa panimulang parapo—na siya’y magpadala ng mga guro sa Kasulatan. Ang mga mamamayan ng Moravia na nagsasalita ng Slavo ay naturuan na sa mga turo ng simbahan ng mga misyonerong galing sa kaharian ng Silangang Franko (Alemanya at Austria ngayon). Gayunman, nabahala si Rostislav sa pulitikal at eklesyastikong impluwensiya ng mga tribong Aleman. Inaasahan niyang ang relihiyosong mga kaugnayan sa Constantinople ay tutulong na mapanatili ang pulitikal at relihiyosong kasarinlan ng kaniyang bansa.
Ang emperador ay nagpasiyang ipadala sina Methodius at Cyril sa Moravia. Kung ang pagbabatayan ay ang akademya, edukasyon, at wika, ang magkapatid ay lubhang nasasangkapan upang pangunahan ang gayong misyon. Isang manunulat ng talambuhay noong ikasiyam na siglo ang nagsasabi sa atin na ang emperador, sa paghimok sa kanila na magtungo sa Moravia, ay nangatuwiran: “Kapuwa kayo mga katutubo ng Tesalonica, at lahat ng mga taga-Tesalonica ay nagsasalita ng purong Slavo.”
Ang Paglitaw ng Isang Alpabeto at Isang Salin ng Bibliya
Nang mga buwan bago ang kanilang pag-alis, si Cyril ay naghanda para sa misyon sa pamamagitan ng paggawa ng isang nasusulat na alpabeto para sa mga Slavo. Sinasabing matalas ang pakinig niya sa mga palatinigan. Kaya, sa paggamit ng mga titik na Griego at Hebreo, sinikap niyang gumawa ng isang titik para sa bawat tunog ng salitang Slavonic. b Naniniwala ang ilang mananaliksik na gumugol na siya ng mga taon sa paglalatag ng pinakasaligan para sa gayong alpabeto. At hindi pa rin matiyak ang tungkol sa eksaktong anyo ng alpabetong ginawa ni Cyril.—Tingnan ang kahon na “Cyrillic o Glagolitic?”
Kasabay nito, si Cyril ay naglunsad ng isang mabilis na programa sa pagsasalin ng Bibliya. Ayon sa tradisyon, nagsimula siya sa pamamagitan ng pagsasalin mula sa Griego tungo sa Slavonic ng unang parirala sa Ebanghelyo ni Juan, na ginagamit ang bagong gawang alpabeto: “Sa pasimula ay ang Salita . . .” Isinalin ni Cyril ang apat na Ebanghelyo, ang mga liham ni Pablo, at ang aklat ng Mga Awit.
Mag-isa ba siya sa paggawa nito? Malamang na tumulong si Methodius sa atas na ito. Bukod pa riyan, ang aklat na The Cambridge Medieval History ay nagsasabi: “Malamang na [si Cyril] ay nagpatulong sa iba pa, na una sa lahat ay mga katutubong Slavo na may Griegong pinag-aralan. Kung susuriin natin ang pinakamatatandang salin, . . . taglay natin ang pinakamainam na patotoo ng isang lubhang maunlad na wikang Slavonic, na maipalalagay na mula sa mga Slavo mismo na tumulong sa paggawa nito.” Ang iba pang bahagi ng Bibliya ay tinapos ni Methodius nang dakong huli, gaya ng makikita natin.
“Tulad ng mga Uwak sa Isang Dumagat”
Noong 863 C.E., pinasimulan nina Cyril at Methodius ang kanilang misyon sa Moravia, kung saan sila ay mainit na tinanggap. Kalakip sa kanilang gawain ang pagtuturo sa isang grupo ng mga tao roon ng bagong imbentong alpabetong Slavonic, bukod pa sa pagsasalin ng mga teksto sa Bibliya at sa liturhiya.
Gayunman, hindi madali ang lahat. May kabagsikang sinalansang ng mga klerong Franko sa Moravia ang paggamit ng Slavonic. Nanghawakan sila sa teoriya ng tatlong wika, na nagsasabing ang Latin, Griego, at Hebreo lamang ang karapat-dapat tanggapin para gamitin sa pagsamba. Palibhasa’y umaasang susuportahan ng papa ang kanilang bagong gawang nasusulat na wika, ang magkapatid ay naglakbay patungong Roma noong 867 C.E.
Patungo roon, sa Venice ay nakaengkuwentro na naman nina Cyril at Methodius ang isang grupo ng mga klerigong Latin na nanghahawakan sa tatlong wika. Isang manunulat ng talambuhay ni Cyril noong Edad Medya ang nagsasabi sa atin na siya’y binatikos ng mga obispo, mga pari, at mga monghe roon na “tulad ng mga uwak sa isang dumagat.” Ayon sa ulat na iyon, si Cyril ay sumagot sa pamamagitan ng pagsipi sa 1 Corinto 14:8, 9: “Sapagkat sa katotohanan, kung ang trumpeta ay nagpapatunog ng malabong panawagan, sino ang maghahanda para sa pakikipagbaka? Sa gayunding paraan, malibang bumigkas kayo sa pamamagitan ng dila ng pananalitang madaling maunawaan, paano malalaman kung ano ang sinasalita? Kayo sa katunayan ay magsasalita lamang sa hangin.”
Nang dumating sa wakas sa Roma ang magkapatid, pinagkalooban sila ni Papa Adrian II ng lubos na pagsang-ayon para sa kanilang paggamit ng Slavonic. Pagkalipas ng ilang buwan, at samantalang nasa Roma pa, si Cyril ay nagkasakit nang malubha. Pagkalipas ng wala pang dalawang buwan, siya’y namatay sa gulang na 42.
Hinimok ni Papa Adrian II si Methodius na bumalik upang gumawa sa Moravia at sa palibot ng bayan ng Nitra, ang Slovakia ngayon. Sa paghahangad na palakasin ang kaniyang impluwensiya sa dakong iyon, binigyan ng papa si Methodius ng mga liham na sumasang-ayon sa paggamit ng Slavonic at hinirang itong arsobispo. Gayunman, noong 870 C.E., ipinadakip ng obispong Franko na si Hermanrich si Methodius sa tulong ni Prinsipe Svatopluk ng Nitra. Siya’y nabilanggo sa loob ng dalawa at kalahating taon sa isang monasteryo sa timog-silangan ng Alemanya. Sa wakas, ipinag-utos ng kahalili ni Adrian II, si Papa John VIII, na palayain si Methodius, at muli siyang iniluklok sa kaniyang diyosesis, at muling pinagtibay ang suporta ng papa sa paggamit ng Slavonic sa pagsamba.
Subalit nagpatuloy ang pagsalansang mula sa mga klerong Franko. Matagumpay na naipagtanggol ni Methodius ang kaniyang sarili laban sa mga paratang ng erehiya, at sa katapusan ay natamo niya ang isang liham mula kay Papa John VIII na nagpapahayag ng pagbibigay-karapatan sa paggamit ng Slavonic sa simbahan. Gaya ng inamin ng kasalukuyang papa, si John Paul II, ang buhay ni Methodius ay ginugol “sa mga paglalakbay, paghihirap, pagdurusa, pakikipag-alit at pag-uusig, . . . maging ng panahon ng malupit na pagkabilanggo.” Balintuna nga, ito’y sa kamay ng mga obispo at mga prinsipe na malapít sa Roma.
Naisalin ang Buong Bibliya
Sa kabila ng walang-lubay na paglaban, natapos ni Methodius, sa tulong ng ilang manunulat ng shorthand, ang pagsasalin ng natitirang bahagi ng Bibliya sa Slavonic. Ayon sa tradisyon, naisagawa niya ang malaking atas na ito sa loob lamang ng walong buwan. Gayunman, hindi niya isinalin ang apokripang mga aklat ng Mga Macabeo.
Sa ngayon, hindi madaling makalkula nang tumpak ang kalidad ng salin na ginawa nina Cyril at Methodius. Iilang manuskritong kopya na lamang ang umiiral pa na may petsang malapit sa panahon ng unang pagkakasalin nito. Sa pagsusuri sa iilang unang mga kopya, napansin ng mga dalubwika na ang salin ay wasto at simple mula sa orihinal na wika. Binabanggit ng akdang Our Slavic Bible na ang magkapatid ay “kailangang lumikha ng maraming bagong salita at mga kataga . . . At ginawa nila ang lahat ng ito nang may kahanga-hangang kawastuan [at] binigyan ang wikang Slavo ng isang walang-katulad at saganang bokabularyo.”
Isang Namamalaging Pamana
Pagkamatay ni Methodius noong 885 C.E., ang kaniyang mga alagad ay pinaalis sa Moravia ng kanilang kalabang mga Franko. Nanganlong sila sa Bohemia, timugang Poland, at Bulgaria. Kaya ang akda nina Cyril at Methodius ay nagpatuloy at aktuwal na lumaganap. Ang wikang Slavonic, na binigyan ng isang nasusulat at higit na permanenteng anyo ng magkapatid na ito, ay lumaganap, umunlad, at nang maglaon ay naging haluan. Sa ngayon, kabilang sa wikang Slavo ang 13 magkakaibang wika at maraming diyalekto.
Bukod pa riyan, ang walang-takot na mga pagsisikap nina Cyril at Methodius sa pagsasalin ng Bibliya ay nagbunga ng iba’t ibang Slavong mga salin ng Kasulatan na makukuha sa ngayon. Milyun-milyong nagsasalita ng mga wikang ito ay nakikinabang sa pagkakaroon ng Salita ng Diyos sa kanilang sariling wika. Sa kabila ng mahigpit na pagsalansang, anong pagkatotoo nga ng pananalitang: ‘Ang salita ng ating Diyos ay mananatili hanggang sa panahong walang takda’!—Isaias 40:8.
[Mga talababa]
a Ang mga wikang Slavo ay sinasalita sa Silangan at Gitnang Europa at kasama ang Ruso, Ukrainiano, Serbiano, Polako, Czech, Bulgariano, at kahawig na mga wika.
b Ang “Slavonic,” gaya ng ginagamit sa artikulong ito, ay nangangahulugan ng diyalektong Slavo na ginamit nina Cyril at Methodius sa kanilang misyon at akdang pampanitikan. Ginagamit ng ilan sa ngayon ang mga katagang “Matandang Slavonic” o “Matandang Slavonic ng Simbahan.” Ang mga dalubwika ay sumasang-ayon na walang isang karaniwang wika ang sinasalita ng mga Slavo noong ikasiyam na siglo C.E.
[Kahon sa pahina 29]
Cyrillic o Glagolitic?
Ang katitikan ng alpabeto na ginawa ni Cyril ay pumukaw ng labis na pagtatalo, yamang hindi matiyak ng mga dalubwika kung anong alpabeto ito. Ang alpabeto na tinatawag na Cyrillic ay batay sa orihinal na alpabetong Griego, na may di-kukulangin sa labindalawang karagdagang titik na inimbento upang kumatawan sa Slavonic na mga tunog na hindi masusumpungan sa Griego. Gayunman, ang ilan sa unang mga manuskritong Slavonic ay gumamit ng lubhang naiibang alpabeto, na nakilala bilang Glagolitic, at ang alpabetong ito ang ipinalalagay ng maraming iskolar na inimbento ni Cyril. Ang ilang titik Glagolitic ay waring nagmula sa pahilig na pagsulat (cursive) ng Griego o Hebreo. Ang ilang titik ay maaaring mula sa panandang-bigkas noong Edad Medya, subalit ang karamihan ay orihinal at masalimuot na mga likha. Ang Glagolitic ay waring isang lubhang naiiba at orihinal na likha. Gayunman, ang Cyrillic ang siyang naging kasalukuyang-panahong alpabetong Ruso, Ukrainiano, Serbiano, Bulgariano, at Macedonian, bukod pa sa 22 karagdagang wika, na ang ilan dito ay hindi Slavonic.
[Artwork—Cyrillic and Glagolitic characters]
[Mapa sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat Baltic
(Poland)
Bohemia (Czechia)
Moravia (S. Czechia, K. Slovakia, K. Hungary)
Nitra
KAHARIAN NG SILANGANG FRANKO (Alemanya at Austria)
ITALYA
Venice
Roma
Dagat Mediteraneo
BULGARIA
GRESYA
Tesalonica
(Crimea)
Dagat na Itim
Bitinia
Constantinople (Istanbul)
[Larawan sa pahina 31]
Isang Bibliyang Slavonic sa tekstong Cyrillic mula sa 1581
[Credit Line]
Bibliya: Narodna in univerzitetna knjižnica-Slovenija-Ljubljana