Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?

Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?

Ito Kaya ang Pinakamagaling na Karera Para sa Iyo?

KUNG isa kang bautisadong Kristiyano, walang alinlangan na ang pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa iyo na gawin ang kaniyang kalooban. Karagdagan pa, tiyak na ang ministeryo ang iyong bokasyon. Kung sa bagay, inatasan naman ni Jesu-Kristo ang lahat ng kaniyang tagasunod na gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Oo, maaaring may sekular na trabaho ka na upang suportahan ang iyong sarili. Ngunit bilang isang tagasunod ni Jesus at isa sa mga Saksi ni Jehova, ikaw ay pangunahin nang isang Kristiyanong ministro​—isa na inuuna sa buhay ang gawaing pangangaral ng Kaharian.​—Mateo 24:14.

Marahil ikaw ay malapit nang lumampas sa pagkatin-edyer o wala pang 25. Posible na pinag-iisipan mong mabuti kung anong kurso ang iyong itataguyod sa buhay. Sa pagtitimbang-timbang mo sa iyong mga mapagpipilian, malamang na ang personal na kasiyahan ay isang mahalagang salik.

Isaalang-alang kung gayon kung ano ang sinasabi ni Jørgen sa Denmark hinggil sa kaniyang pinili. Inilalarawan ito ni Jørgen bilang “isang minimithing paraan ng pamumuhay kung saan maaari mong pagtuunan ng pansin ang pinakamahalagang gawain na maaaring isagawa.” Si Eva, isang 31-taóng-gulang na babae sa Gresya, ay nagsabi: “Kapag inihahambing ko ang aking buhay sa buhay ng aking mga kasamahan, lagi kong natatanto na ito ay mas makabuluhan, mas kasiya-siya, at mas kapana-panabik.” Anong karera ang nakapaglalaan ng gayong kasiyahan? Paano mo matatamo ang gayong paraan ng pamumuhay?

Ipinakikita ba ng Diyos ang Daan?

Maaaring napakahirap pumili ng isang karera. Sa katunayan, maaaring hinahangad ng ilan na ang Diyos ang eksaktong magsasabi sa kanila kung ano ang gusto niyang gawin nila.

Nang si Moises ay nasa Midian, inutusan siya ni Jehova na bumalik sa Ehipto at akayin ang mga Israelita mula sa pagkaalipin. (Exodo 3:1-10) Nagpakita ang anghel ng Diyos kay Gideon, na inatasang magligtas sa Israel mula sa paniniil. (Hukom 6:11-14) Nag-aalaga si David ng tupa nang sabihin ng Diyos kay Samuel na pahiran siya bilang ang susunod na hari ng Israel. (1 Samuel 16:1-13) Hindi tayo ginagabayan sa pamamagitan ng gayong mga paraan sa ngayon. Sa halip, kailangan nating timbangin ang mga bagay-bagay at magpasiya kung paano gagamitin ang ating bigay-Diyos na mga kakayahan.

Binuksan ni Jehova ang “isang malaking pinto na umaakay sa gawain” para sa mga kabataang Kristiyano ngayon. (1 Corinto 16:9) Paano? Noong nakaraang dekada, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay tumaas mula sa mahigit na 2,125,000 tungo sa mahigit na 6,000,000 sa buong daigdig. Sino ang tumutulong na maglaan ng milyun-milyong Bibliya, aklat, brosyur, magasin, at mga tract na kinakailangan sa espirituwal na panustos at para sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng mabuting balita? Ang pinagpalang pribilehiyong ito ay tinatamasa ng mga miyembro ng pandaigdig na pamilyang Bethel.

Isang Kapaki-pakinabang na Buhay

Ang ibig sabihin ng Bethel ay “Bahay ng Diyos,” at ang mga tahanang Bethel ay mga lugar na tinitirhan ng mga Kristiyanong boluntaryo na naglilingkod sa punong-tanggapan at sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. (Genesis 28:19, talababa sa Ingles) Ang mga pamilyang Bethel sa kasalukuyan ay maihahalintulad sa lubhang organisadong mga ‘sambahayan na pinatibay ng karunungan’ at nakasalig sa pag-ibig kay Jehova.​—Kawikaan 24:3.

Ano ang masasabi sa tulad-pamilyang kalagayan sa Bethel? Isang 25-taóng-gulang na miyembro ng pamilyang Bethel sa Estonia ang nagsabi: “Nasisiyahan ako sa pagkadama na palagi kong kasama ang mga kaibigan ni Jehova. Ito pa rin ang pinakamahalagang bagay para sa akin sa Bethel.”​—Awit 15:1, 2.

Sa buong daigdig, mga 19,500 indibiduwal ang nagtatamasa ngayon ng pribilehiyong makapaglingkuran sa Bethel. (Awit 110:3) Sa Estados Unidos, ang 46 na porsiyento ng mga nasa Bethel ay nasa pagitan ng edad na 19 at 29. Tulad ni Isaias, sinabi nila: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 6:8) Si Isaias​—na nakaalay na kay Jehova​—ay nagboluntaryo para sa isa pang karagdagang pribilehiyo ng paglilingkuran. Maliwanag na nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo sa ilang personal na mga bentaha. Iniiwan niyaong mga naglilingkod sa Bethel ang kanilang mga tahanan at pamilyar na mga kapaligiran, gayundin ang kani-kanilang mga ina, ama, kapatid, at mga kaibigan. Kusang-loob na ginawa ang mga sakripisyong ito “alang-alang sa mabuting balita.”​—Marcos 10:29, 30.

Bilang resulta, ano ngang espirituwal na mga pagpapala ang nasa Bethel! Isang kabataang miyembro ng pamilyang Bethel sa Russia ang nagpapaliwanag: “Sa pamamagitan ng pagiging mapagsakripisyo-sa-sarili, marami tayong matututuhan na tutulong sa atin na mamuhay sa bagong sanlibutan. Masasabi ko na sa aking situwasyon, mas marami ang mga pagpapala ni Jehova kaysa sa aking mga sakripisyo.”​—Malakias 3:10.

Buhay sa Bethel

Paano ba ang buhay sa Bethel? Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay sumasang-ayon na ito ay kapuri-puri, at kasiya-siya, at kapana-panabik pa nga. Si Jens, 43 ang edad, ay nasisiyahan sa paglilingkuran sa Bethel. Bakit? Sinabi niya: “Dahil sa pagkadama na tayo ay bahagi ng isang malaking pagsisikap upang maisagawa ang isang mahalagang gawain. Nagagawa kong maunawaan ang lawak at kahalagahan ng gawain ni Jehova.”

Mula Lunes hanggang Sabado, nagsisimula ang araw sa Bethel sa pamamagitan ng pang-umagang pagsamba. Ito ay isang pagtalakay sa Bibliya, na pinangangasiwaan ng isang makaranasang matanda. Kapag Lunes ng gabi, isang oras ang inilalaan sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng Ang Bantayan, na sinusundan kung minsan ng isang pahayag salig sa isang maka-Kasulatang tema na iniangkop sa pamilyang Bethel.

Ano ang nangyayari kapag ang isang tao ay bagong dating sa Bethel? Upang maipaalam sa mga bagong miyembro ang buhay sa Bethel, nagbibigay ang may-gulang na mga kapatid na lalaki ng pamilya ng mga lektyur hinggil sa iba’t ibang pitak ng paglilingkuran sa Bethel. Sa loob ng ilang linggo sa unang taon, ang bagong miyembro ng pamilyang Bethel ay dumadalo sa isang mainam na lingguhang paaralan na dinisenyo upang palawakin ang kaniyang kaunawaan sa Kasulatan. Ang mga bagong dating sa Bethel ay nagtatamasa rin ng isang pantanging programa sa pagbabasa ng Bibliya. Sa kanilang unang taon ng paglilingkuran sa Bethel, binabasa ng mga bagong miyembro ng pamilya ang buong Bibliya mula sa simula hanggang sa wakas.

Ano ang epekto ng lahat ng pagsasanay na ito? Sumagot si Joshua, isang 33-taóng-gulang na miyembro ng pamilyang Bethel sa Hong Kong: “Talagang pinasidhi ng Bethel ang aking pagpapahalaga kay Jehova. Maaari kong makasama ang maraming makaranasang kapatid na gumugol ng malaking bahagi ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova. Nasisiyahan ako lalo na sa espirituwal na mga programa, tulad ng pang-umagang pagsamba at ang Pag-aaral sa Bantayan ng pamilya. Bukod pa rito, gusto ko ang maayos at simpleng paraan ng pamumuhay. Pinalalaya ako nito mula sa di-kinakailangang pagkabalisa. Natutuhan ko ring pakitunguhan ang mga bagay-bagay sa Kristiyanong paraan, at lagi itong napatutunayang kapaki-pakinabang.”

Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay gumugugol ng malaking bahagi ng kanilang panahon at lakas sa ibinoluntaryo nilang gawin. Iyan ay ang paggamit ng kanilang pisikal at mental na mga kakayahan pangunahin na sa pagsasagawa ng atas na ibinigay sa kanila sa Bethel. Maraming iba’t ibang bagay ang kailangang gawin. Ang ilan ay nagpapatakbo ng mga imprentahan o nagtatrabaho sa bindery, gumagawa ng mga aklat na ipinadadala sa maraming kongregasyon. Ang iba ay naglilingkod sa kusina, sa silid-kainan, o sa labanderiya. Kalakip sa mga atas ang paglilinis, pagsasaka, pagtatayo ng gusali, at iba pa. Ang ilan ay may pananagutan na pangalagaan ang mga kagamitan sa mga departamentong ito. Ang iba ay naglalaan ng pangangalaga sa kalusugan o nagtatrabaho sa opisina. Ang lahat ng atas ng pagtatrabaho sa Bethel ay nagsasangkot ng nakasisiyang mga hamon at kamangha-mangha ang dulot na kapakinabangan. Ang trabahong ginagawa sa Bethel ay lalo nang kasiya-siya dahil itinataguyod nito ang mga kapakanan ng Kaharian at ginagawa ito dahil sa pag-ibig sa Diyos.

Inaatasan ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa mga kongregasyon, kung saan tuwiran nilang nararanasan ang mga kapakinabangan ng kanilang gawain. Nasisiyahan sila sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Bilang resulta, nalilinang ng mga miyembro ng pamilyang Bethel ang matitibay na ugnayan sa kanilang mga kapatid sa lokal na mga kongregasyon.​—Marcos 10:29, 30.

Si Rita, isang miyembro ng pamilyang Bethel sa Britanya, ay nagsabi: “Lubos akong nagpapasalamat sa kongregasyon! Kapag nasa mga pulong ako o nasa ministeryo, lubos na napatitibay ang aking pananampalataya na makita ang mga mahal na kapatid, mga bata, at mga may edad na naroon! Anuman ang mangyari, naroroon sila. Iyan ang nakatutulong sa akin na maging mas masigasig sa aking paglilingkuran sa Bethel.”

Ang buhay sa Bethel ay hindi puro trabaho, pulong, paglilingkuran sa larangan, at pag-aaral. Natatamasa rin ng pamilya ang mga panahon ng paglilibang. Sa pana-panahon, may nakalilibang at kapaki-pakinabang sa espirituwal na mga programang “Family Night,” na naglalaan ng mga pagkakataon upang masiyahan sa mga kakayahan ng marami at upang matutuhan ang nakapagpapasiglang mga bagay hinggil sa buhay ng iba na naglilingkod sa Bethel. Nakalulugod din ang kapuri-puri at nakapagpapatibay na mga palakaibigang pagdalaw kasama ang iba. Maaaring inilaan ang ilang pasilidad para sa paglilibang, at gayundin ang mga aklatan para sa personal na pagbabasa at pagsasaliksik. At hindi dapat kalimutan ang kaayaayang usapan sa mga hapag-kainan sa panahon ng pagkain.

Si Tom, isang miyembro ng pamilyang Bethel sa Estonia, ay nagsabi: “Isang bloke lang mula sa Bethel ang dagat, at malapit doon ay may isang magandang kagubatan kung saan kaming mag-asawa ay nasisiyahan na maglakad-lakad. Paminsan-minsan ay naglalaro rin ako ng golf, hockey, at tenis kasama ng mga kaibigan sa kongregasyon at sa Bethel. At kapag maganda ang panahon, nagbibisikleta kami.”

Ano ang Magagawa Mo Upang Maging Kuwalipikado?

Siyempre pa, ang Bethel ay pangunahin nang isang lugar kung saan ang mga may-gulang na mga Kristiyano ay nag-uukol ng sagradong paglilingkuran kay Jehova at nagtatrabaho alang-alang sa mga kapuwa mananampalataya sa buong daigdig. Dapat na matugunan niyaong mga nagiging miyembro ng pamilyang Bethel ang ilang mga kuwalipikasyon. Ano ang magagawa mo upang maging kuwalipikado sa paglilingkuran sa Bethel?

Tulad ni Timoteo, na naglingkod kasama ni apostol Pablo, yaong mga tinatanggap sa paglilingkuran sa Bethel ay dapat na may mabuting katayuan sa kongregasyon. (1 Timoteo 1:1) Si Timoteo “ay may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gawa 16:2) Bagaman bata pa, alam ni Timoteo ang Kasulatan at matibay ang kaniyang pundasyon sa katotohanan. (2 Timoteo 3:14, 15) Gayundin naman, ang kaalaman sa Bibliya ay inaasahan sa mga tinatanggap para sa paglilingkuran sa Bethel.

Dapat na may espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ang mga miyembro ng pamilyang Bethel. Kitang-kita kay Timoteo ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili at ang kaniyang pagnanais na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian sa halip na ang kaniyang sarili anupat masasabi ni Pablo hinggil sa kaniya: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. Sapagkat ang lahat ng iba pa ay naghahangad ng kanilang sariling mga kapakanan, hindi yaong mga kay Kristo Jesus. Ngunit alam ninyo ang katunayan na ipinakita niya tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.”​—Filipos 2:20-22.

Kailangan sa paglilingkuran sa Bethel ang mga espirituwal na lalaki’t babae. Ang mga kaayusang ginawa para sa mga miyembro ng pamilyang Bethel ay nagpapangyari sa kanila na sumulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, pagiging regular sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo sa larangan, at sa pakikisama sa mga may-gulang na Kristiyano. Kaya yaong mga nasa Bethel ay natutulungan na sundin ang payo ni Pablo: “Patuloy na lumakad na kaisa [ni Kristo Jesus], na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya, kung paanong kayo ay tinuruan, na nag-uumapaw sa pasasalamat taglay ang pananampalataya.”​—Colosas 2:6, 7.

Dahil sa uri ng trabaho sa Bethel, yaong mga tinatanggap sa pribilehiyong ito ng paglilingkuran ay dapat na may malakas na pangangatawan at may mabuting kalusugan. Kung ikaw ay nakatutugon sa mga kuwalipikasyon na binanggit namin, may 19 na taóng gulang o higit pa, at nabautismuhan na nang di-kukulangin sa isang taon, pinasisigla ka namin na isaalang-alang ang paglilingkuran sa Bethel.

Tayong Lahat ay May Bahagi

Bilang mga Kristiyano, tiyak na tayong lahat ay nagnanais na unahin muna sa ating buhay ang mga kapakanan ng Kaharian at maging buong-kaluluwa sa ating paglilingkuran kay Jehova. (Mateo 6:33; Colosas 3:23) Mapasisigla rin natin ang mga naglilingkod sa Bethel na patuloy na mag-ukol ng sagradong paglilingkuran doon. At dapat na lalo nang himukin ang mga kabataang kapatid na lalaki na kuwalipikado sa paglilingkuran sa Bethel na abutin ang pinagpalang pribilehiyong ito.

Ang paglilingkuran sa Bethel ay isang paraan ng pamumuhay na nakasisiya sa espirituwal na paraan​—isa na talagang maaaring maging ang pinakamagaling na karera para sa iyo. Ganoon nga iyon para kay Nick, na nagsimulang maglingkod sa Bethel sa edad na 20. Pagkaraan ng sampung taon ng paglilingkuran sa Bethel, sinabi niya: “Madalas akong nananalangin kay Jehova upang pasalamatan siya sa kaniyang di-sana nararapat na kabaitan. Ano pa ang aking hihilingin? Dito, napalilibutan tayo ng tapat na mga Kristiyano na gumagawa ng kanilang buong makakaya upang maglingkod kay Jehova.”

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

ANO ANG MAAARING GAWIN NG MATATANDA AT MGA MAGULANG?

Ang matatanda at mga naglalakbay na tagapangasiwa ay lalo nang dapat magpasigla sa mga kabataang lalaki na mag-aplay sa Bethel. Kamakailan, isiniwalat ng isang di-pormal na pagsusuri sa mga mas nakababatang miyembro ng pamilyang Bethel na ang 34 na porsiyento sa mga ito ay pangunahin nang hinimok ng mga Kristiyanong tagapangasiwa upang gawin nilang tunguhin ang paglilingkuran sa Bethel. Oo, maaaring hahanap-hanapin sila ng kanilang lokal na kongregasyon. Ngunit mabuting alalahanin na bagaman si Timoteo ay walang alinlangang nagdulot ng mabuting impluwensiya sa ibang kabataan sa Listra at Iconio, hindi siya pinigilan ng matatanda roon sa kaniyang paglilingkod kasama ni Pablo. Hindi nila ipinalagay na ang pagsama ni Timoteo sa apostol ay magbubunga ng napakalaking kawalan sa kanilang kongregasyon.​—1 Timoteo 4:14.

Lalong dapat pagsikapan ng mga Kristiyanong magulang na sila’y maging isang positibong impluwensiya sa kanilang mga anak sa bagay na ito. Sa pagsusuri na kababanggit lamang, 40 porsiyento niyaong mga tinanong ang nagsabi na ang kanilang mga magulang ang pangunahing pinagmumulan ng pampasigla sa pagpasok sa paglilingkuran sa Bethel. Isang kapatid na babae na naglilingkod sa Bethel sa loob ng ilang taon ang nagsabi: “Ang buhay ng aking mga magulang sa paglilingkuran kay Jehova ay isang napakabisang pangganyak sa akin upang pumasok sa paglilingkuran sa Bethel. Yamang nakikita ko ang kanilang halimbawa sa buong-panahong ministeryo, alam ko na ito ang pinakamahusay at pinakakasiya-siyang paraan ng pamumuhay na dapat piliin.”

[Kahon sa pahina 24]

PINAHAHALAGAHAN NILA ANG PAGLILINGKURAN SA BETHEL

“Mahal ko ang aking paglilingkuran sa Bethel. Nakasisiyang malaman na nakapaglingkod ako kay Jehova nang buong araw at na gagawin ko itong muli kinabukasan, sa susunod pang araw, at patuloy. Nagdudulot ito sa akin ng isang mabuting budhi at pinupuno ang aking isipan ng mga positibong bagay.”

“Ang Bethel ay isang lugar kung saan maaari mong iukol ang lahat ng iyong panahon at lakas sa paglilingkuran kay Jehova nang walang pagkagambala. Nagdudulot ito ng panloob na kagalakan. Ngunit makikita mo rin ang organisasyon ni Jehova sa naiibang pangmalas. Nadarama mong mas malapit ka sa sentro ng gawain ng organisasyong iyon, at ito ang nagpapangyaring maging lubos na kapana-panabik ito.”

“Ang pagpasok sa paglilingkuran sa Bethel ang pinakamabuting bagay na nangyari sa akin. Dito, hindi natatapos ang pag-aaral. At dito, ang pag-aaral ay, hindi para sa aking personal na tagumpay, kundi para kay Jehova. Ang trabaho ko rito ay hindi kailanman magiging walang kabuluhan.”

“Ang paggamit ko sa aking mga kakayahan sa Bethel ang nagpapangyari sa akin na maging kontento at mapayapa dahil nagagamit ang mga ito para kay Jehova at para sa mga kapatid.”

“Hindi ko masumpungan ang tunay na kasiyahan at kaligayahan sa aking dating karera. Maraming taon ko nang pinangarap na magtrabahong kasama ng aking mga kapatid at para sa aking mga kapatid. Iyan ang dahilan kung bakit ako pumasok sa Bethel. Nasusumpungan ko ang tunay na kasiyahan sa pagkaalam na ang lahat ng aking pagsisikap ay magiging kapaki-pakinabang sa iba sa espirituwal na paraan at magdudulot ng kapurihan kay Jehova.”