Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nag-organisa si Pablo ng Abuluyan Upang Tulungan ang mga Banal

Nag-organisa si Pablo ng Abuluyan Upang Tulungan ang mga Banal

Nag-organisa si Pablo ng Abuluyan Upang Tulungan ang mga Banal

ESPIRITUWAL na mga kapakanan ang pinakamahalaga sa mga tunay na Kristiyano. Gayunman, mahalaga rin sa kanila ang pagmamalasakit sa pisikal na kalagayan ng iba. Madalas silang naglalaan para roon sa mga dumaranas ng kahirapan. Pag-ibig na pangkapatid ang nag-uudyok sa mga Kristiyano upang tulungan ang mga kapananampalatayang nangangailangan.​—Juan 13:34, 35.

Ang pag-ibig sa kaniyang espirituwal na mga kapatid ang nagpakilos kay apostol Pablo upang mag-organisa ng isang abuluyan sa mga kongregasyon sa Acaya, Galacia, Macedonia, at sa distrito ng Asia. Bakit kinailangang gawin ito? Paano inorganisa ang programa ng pagtulong? Ano ang naging tugon? At bakit tayo dapat maging interesado sa nangyari?

Ang Kalagayan ng Kongregasyon sa Jerusalem

Pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E., ang mga Judio at mga proselita mula sa ibang lugar na naging mga alagad noong Pentecostes ay nanatili sa Jerusalem nang ilang panahon upang matuto pa nang higit tungkol sa tunay na pananampalataya. Kung saan kailangan, ang mga kapuwa mananamba ay malugod na tumulong upang balikatin ang mga pangangailangan dahil sa tumagal na pamamalagi. (Gawa 2:7-11, 41-44; 4:32-37) Ang kaguluhang nilikha ng mga taong-bayan ay maaaring naging sanhi ng higit pang kakapusan habang ang mga Judiong makabansa ay nagsusulsol ng paghihimagsik at marahas na pang-uumog. Subalit upang walang sinuman sa mga tagasunod ni Kristo ang magutom, nagsagawa ng araw-araw na pamamahagi sa mga nagdarahop na babaing balo. (Gawa 6:1-6) May kalupitang pinag-usig ni Herodes ang kongregasyon, at noong kalagitnaan ng dekada 40 C.E., sinalanta ng taggutom ang Judea. Para sa mga tagasunod ni Jesus, ang lahat ng ito ay maaaring nagbunga niyaong tinawag ni Pablo na “mga pagdurusa,” “mga kapighatian,” at “ang pandarambong sa [kanilang] mga ari-arian.”​—Hebreo 10:32-34; Gawa 11:27–12:1.

Noong bandang 49 C.E., masama pa rin ang kalagayan. Dahil dito, matapos sumang-ayon na ang mga Gentil ang pagtutuunan ni Pablo ng pansin sa kaniyang pangangaral, pinayuhan siya nina Pedro, Santiago, at Juan na kaniyang “ingatan sa isipan ang mga dukha.” Iyan ang pinagsikapang gawin ni Pablo.​—Galacia 2:7-10.

Pag-oorganisa ng Paglikom

Pinangasiwaan ni Pablo ang isang pondo para sa mga dukhang Kristiyano sa Judea. Noong bandang 55 C.E., sinabi niya sa mga taga-Corinto: “May kinalaman sa paglikom na para sa mga banal, kung paanong nagbigay ako ng mga utos sa mga kongregasyon ng Galacia, gayon din ang gawin ninyo. Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan . . . [Pagkatapos] sinumang mga lalaki ang sang-ayunan ninyo sa pamamagitan ng mga liham, ang mga ito ang aking isusugo upang magdala ng inyong maibiging kaloob sa Jerusalem.” (1 Corinto 16:1-3) Makalipas ang isang taon, sinabi ni Pablo na makikibahagi rin ang Macedonia at Acaya. At nang ipadala sa Jerusalem ang nalikom, ang pagkanaroroon ng mga kinatawan mula sa distrito ng Asia ay waring nagpapahiwatig na nag-abuloy rin ang mga kongregasyon sa dakong iyon.​—Gawa 20:4; 2 Corinto 8:1-4; 9:1, 2.

Walang sinuman ang pinilit na magbigay ng higit pa sa kaya niyang ibigay. Sa halip, nagkaroon ng pagpapantay-pantay upang mapunan ng anumang labis ang kakulangan ng mga banal sa Jerusalem at Judea. (2 Corinto 8:13-15) “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso,” sabi ni Pablo, “hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”​—2 Corinto 9:7.

Binigyan ng apostol ang mga taga-Corinto ng mabuting dahilan upang maging bukas-palad. Si Jesus ay ‘nagpakadukha alang-alang sa kanila, upang yumaman sila’ sa espirituwal. (2 Corinto 8:9) Tiyak na nanaisin nilang tularan ang kaniyang espiritu ng pagkabukas-palad. Karagdagan pa, yamang pinayayaman sila ng Diyos “ukol sa bawat uri ng pagkabukas-palad,” angkop naman na tumulong sila upang mailaan ang mga pangangailangan ng mga banal.​—2 Corinto 9:10-12.

Ang Saloobin ng mga Nakibahagi

Marami tayong matututuhan tungkol sa kusang-loob na pagbibigay sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa saloobin ng mga nakibahagi sa programa ng pagtulong sa mga banal noong unang siglo. Ang paglikom ay higit pa sa pagmamalasakit sa mga dukhang kapuwa mananamba ni Jehova. Ipinakita nito na may buklod ng pagkakapatiran sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Ang pag-aalok at pagtanggap ng mga abuloy ay nagpahiwatig ng pagkakaisa at pagkakaibigan sa pagitan ng mga Gentil at mga Judio. Ang ibinabahagi nila sa isa’t isa ay kapuwa materyal at espirituwal.​—Roma 15:26, 27.

Maaaring sa pasimula ay hindi inanyayahan ni Pablo na makibahagi ang mga Kristiyanong taga-Macedonia​—sila rin ay dumaranas ng matinding karalitaan. Gayunman, sila’y ‘patuloy na nagsumamo upang magkaroon ng pribilehiyong magbigay.’ Aba, kahit na dumaranas sila ng “isang malaking pagsubok sa ilalim ng kapighatian,” may kagalakan silang nagbigay nang ‘higit pa sa kanilang talagang kakayahan’! (2 Corinto 8:1-4) Maliwanag na kalakip sa malaking pagsubok sa kanila ang mga paratang na nagsasagawa sila ng isang relihiyon na bawal para sa mga Romano. Kaya mauunawaan kung bakit sila’y handang makiramay sa kanilang mga kapatid na taga-Judea, na dumaranas ng katulad na mga paghihirap.​—Gawa 16:20, 21; 17:5-9; 1 Tesalonica 2:14.

Bagaman ginamit ni Pablo ang panimulang sigasig ng mga taga-Corinto sa paglikom upang himukin ang mga taga-Macedonia, ang sigla sa Corinto ay lumamig. Ngayon naman ay binanggit ng apostol ang pagkabukas-palad ng mga taga-Macedonia upang pakilusin ang mga taga-Corinto. Nadama niya na kailangang ipaalaala sa kanila na panahon na upang tapusin ang sinimulan nila isang taon na ang nakalilipas. Ano na ang nangyari?​—2 Corinto 8:10, 11; 9:1-5.

Pinasimulan ni Tito ang paglikom sa Corinto, ngunit may bumangong mga problema na malamang na humadlang sa kaniyang mga pagsisikap. Pagkatapos na sumangguni kay Pablo sa Macedonia, bumalik si Tito na may dalawa pang kasama upang patibayin ang kongregasyon sa Corinto at tapusin ang paglikom. Maaaring naghinala ang ilan na sinasamantala ni Pablo ang mga taga-Corinto. Ito marahil ang dahilan kung bakit siya nagsugo ng tatlong lalaki upang siyang tumapos sa paglikom at nagbigay ng mga rekomendasyon para sa bawat isa sa kanila. “Iniiwasan namin na ang sinumang tao ay makakita sa amin ng pagkakamali may kaugnayan sa saganang abuloy na ito na pangangasiwaan namin,” sabi ni Pablo. “Sapagkat kami ay ‘matapat na naglalaan, hindi lamang sa paningin ni Jehova, kundi gayundin sa paningin ng mga tao.’ ”​—2 Corinto 8:6, 18-23; 12:18.

Paghahatid sa Abuloy

Pagsapit ng tagsibol ng 56 C.E., ang salaping iniabuloy ay nakahanda na upang maipadala sa Jerusalem. Sasamahan ni Pablo ang mga kinatawan na pinili ng mga nag-abuloy. Sinabi sa Gawa 20:4: “Sinamahan siya ni Sopatro na anak ni Pirro ng Berea, nina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, at ni Gayo ng Derbe, at ni Timoteo, at mula sa distrito ng Asia ay nina Tiquico at Trofimo.” Maliwanag na kasama rin nila si Lucas, na malamang na siyang kumatawan sa mga Kristiyano sa Filipos. Samakatuwid, di-kukulangin sa siyam na lalaki ang nagsagawa ng atas na ito.

“Malamang na malaki-laki rin ang kabuuang halaga na natipon para sa paglikom,” sabi ng iskolar na si Dieter Georgi, “sapagkat kung hindi, ang mga pagsisikap sa dakong huli, na isinagawa ni Pablo at ng napakaraming kinatawan, ay hindi sana naging sulit sa ginugol na pagpapakahirap at gastos.” Ang pangkat ay hindi lamang nagsilbing tagapag-ingat kundi nagsanggalang din kay Pablo laban sa anumang paratang hinggil sa pagiging di-matapat. Yaong mga isinugo ay kumatawan sa mga kongregasyong Gentil sa harap ng mga banal sa Jerusalem.

Sa paglalayag mula sa Corinto patungong Sirya, ang mga kinatawan ay makararating sana sa Jerusalem sa panahon ng Paskuwa. Ngunit nabago ang mga plano dahil sa isang balita na may mga nagpapakanang patayin si Pablo. (Gawa 20:3) Marahil ay binalak ng kaniyang mga kaaway na patayin siya habang nasa dagat.

May iba pang ikinababahala si Pablo. Bago umalis, sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma na ipanalangin nilang siya’y ‘maligtas mula sa mga di-sumasampalataya sa Judea at na ang kaniyang ministeryo na para sa Jerusalem ay maging kaayaaya sa mga banal.’ (Roma 15:30, 31) Bagaman tiyak na tinanggap ng mga banal ang abuloy nang may malaking pasasalamat, malamang na ikinabahala ni Pablo ang kaguluhang lilikhain ng kaniyang pagdating sa gitna ng mga Judio sa pangkalahatan.

Tiyak na iningatan ng apostol sa isipan ang mga dukha. Bagaman hindi sinasabi sa Kasulatan kung kailan ibinigay ang abuloy, ang paghahatid nito ay nagtaguyod ng pagkakaisa at nagbigay ng pagkakataon sa mga Kristiyanong Gentil na ipakita sa kapananampalataya nilang mga taga-Judea ang pasasalamat sa espirituwal na kayamanang tinanggap mula sa mga ito. Ang pagpunta ni Pablo sa templo di-kalaunan pagdating niya sa Jerusalem ay nagbunsod ng kaguluhan at humantong sa pagkakadakip sa kaniya. Ngunit sa dakong huli ay nagbigay ito sa kaniya ng pagkakataong magpatotoo sa mga gobernador at mga hari.​—Gawa 9:15; 21:17-36; 23:11; 24:1–26:32.

Ang Ating mga Abuloy sa Ngayon

Mula noong unang siglo, marami nang nagbago​—ngunit hindi ang mga saligang simulain. Makatuwiran lamang na ipabatid sa mga Kristiyano ang mga pinansiyal na pangangailangan. Ang anumang abuloy na ibibigay nila para sa mga nangangailangan ay dapat na kusang-loob, udyok ng pag-ibig sa Diyos at sa mga kapuwa tao.​—Marcos 12:28-31.

Ang mga pagtulong na isinagawa alang-alang sa mga banal noong unang siglo ay nagpapakita na ang pag-aasikaso sa gayong mga kontribusyon ay dapat na lubusang organisado at pinangangasiwaan nang buong katapatan. Sabihin pa, batid ng Diyos na Jehova kung ano ang mga pangangailangan, at pinaglalaanan niya ang kaniyang mga lingkod upang patuloy nilang maibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian sa kabila ng mga kahirapan. (Mateo 6:25-34) Gayunman, tayong lahat ay maaaring magkaroon ng bahagi, anuman ang ating kalagayan sa pananalapi. Sa ganitong paraan, ‘ang taong nagtataglay ng marami ay hindi magkakaroon ng napakarami, at ang taong nagtataglay ng kaunti ay hindi magkakaroon ng napakakaunti.’​—2 Corinto 8:15.