Pananaig sa Kahinaan ng Tao
Pananaig sa Kahinaan ng Tao
“Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan.”—ROMA 8:6.
1. Paano minamalas ng ilan ang katawan ng tao, at anong tanong ang nararapat na isaalang-alang?
“PUPURIHIN kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.” (Awit 139:14) Ganiyan ang inawit ng salmistang si David habang pinag-iisipan ang isa sa mga nilalang ni Jehova—ang katawan ng tao. Sa halip na magbigay ng ganoong makatotohanang papuri, itinuturing ng ilang guro ng relihiyon na ang katawan ay siyang kublihang dako at kasangkapan ng kasalanan. Tinawag itong “ang balatkayo ng kamangmangan, ang saligan ng bisyo, ang mga gapos ng katiwalian, ang hawla ng kadiliman, ang buhay na mistulang patay, ang buháy na bangkay, ang puntod na lumilipat-lipat.” Totoo, sinabi ni apostol Pablo: “Sa akin ngang laman, ay walang anumang mabuti na tumatahan.” (Roma 7:18) Subalit nangangahulugan ba ito na hindi na tayo makaaalpas sa bitag ng isang makasalanang katawan?
2. (a) Ano ang ibig sabihin ng “pagsasaisip ng laman”? (b) Anong labanan sa pagitan ng “laman” at “espiritu” ang nagaganap sa loob ng taong nagnanais na mapalugdan ang Diyos?
2 Tinutukoy kung minsan ng Kasulatan ang katawan ng tao bilang “laman.” (1 Hari 21:27) Ginagamit din nito ang “laman” upang kumatawan sa taong nasa kaniyang di-sakdal na kalagayan bilang isang makasalanang inapo ng mapaghimagsik na si Adan. (Efeso 2:3; Awit 51:5; Roma 5:12) Ang ating minana mula sa kaniya ay nagbunga ng ‘kahinaan ng laman.’ (Roma 6:19) At nagbabala si Pablo: “Ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan.” (Roma 8:6) Ang gayong “pagsasaisip ng laman” ay nangangahulugan ng pagiging kontrolado at nauudyukan ng mga pagnanasa ng makasalanang laman. (1 Juan 2:16) Kaya kung sinisikap nating paluguran ang Diyos, laging may labanan sa pagitan ng ating espirituwalidad at ng ating likas na pagkamakasalanan na walang-tigil na gumigipit sa atin upang gawin “ang mga gawa ng laman.” (Galacia 5:17-23; 1 Pedro 2:11) Matapos ilarawan ang mahirap na labanang ito sa loob niya, bumulalas si Pablo: “Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” (Roma 7:24) Si Pablo ba ay isang walang kalaban-laban na biktima ng tukso? Ang sagot ng Bibliya ay isang malakas na hindi!
Ang Katotohanan Tungkol sa Tukso at Kasalanan
3. Paano minamalas ng marami ang kasalanan at tukso, ngunit paano nagbababala ang Bibliya laban sa gayong saloobin?
3 Para sa marami sa ngayon, ang kasalanan ay isang di-kaayaayang ideya. Ginagamit ng ilan ang “kasalanan” sa katawa-tawang paraan bilang isang sinaunang termino upang ilarawan ang mga kahinaan ng tao. Hindi nila natatanto na “tayong lahat ay dapat na mahayag sa harap ng luklukan ng paghatol ng Kristo, upang makamit ng bawat isa ang kaniyang gantimpala para sa mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa mga bagay na isinagawa niya, ito man ay mabuti o buktot.” (2 Corinto 5:10) Ang iba ay basta na lamang magsasabi: “Malalabanan ko ang anuman maliban sa tukso!” Nabubuhay ang ilang tao sa isang kultura na nakasentro sa dagling pagbibigay-lugod, ito man ay may kinalaman sa pagkain, sekso, katuwaan, o tagumpay. Hindi lamang sa gusto nila ang lahat ng bagay kundi gusto nila ito ngayon mismo! (Lucas 15:12) Nakatingin lamang sila sa dagling kaluguran at hindi sa panghinaharap na kagalakan ng “tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Gayunman, tinuturuan tayo ng Bibliya na mag-isip nang maingat at magkaroon ng malayong pananaw, anupat iniiwasan ang anumang makapipinsala sa atin sa espirituwal o sa iba pang paraan. Sinasabi ng isang kinasihang kawikaan: “Ang matalino na nakakakita ng kapahamakan ay nagkukubli; ang mga walang-karanasan na dumaraan ay dumaranas ng kaparusahan.”—Kawikaan 27:12.
4. Anong payo na nakaulat sa 1 Corinto 10:12, 13 ang ibinigay ni Pablo?
4 Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong naninirahan sa Corinto—isang lunsod na kilala sa kabuktutan ng moral nito—nagbigay siya ng makatotohanang babala laban sa tukso at sa kapangyarihan ng kasalanan. Sinabi niya: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal. Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:12, 13) Tayong lahat—bata at matanda, lalaki at babae—ay napapaharap sa maraming tukso sa paaralan, sa trabaho, o saanman. Kung gayon, suriin natin ang mga salita ni Pablo at tingnan kung ano ang kahulugan ng mga ito para sa atin.
Huwag Labis na Magtiwala sa Sarili
5. Bakit mapanganib ang labis na tiwala sa sarili?
5 Sinabi ni Pablo: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” Mapanganib ang labis na pagtitiwala sa ating sariling katatagan sa moral. Nagsisiwalat ito ng kakulangan ng unawa sa kalikasan at kapangyarihan ng kasalanan. Yamang nagkasala ang mga taong tulad nina Moises, David, Solomon, at apostol Pedro, dapat ba nating madama na hindi tayo madaling magkasala? (Bilang 20:2-13; 2 Samuel 11:1-27; 1 Hari 11:1-6; Mateo 26:69-75) “Ang marunong ay natatakot at lumalayo sa kasamaan, ngunit ang hangal ay napopoot at may tiwala sa sarili,” ang sabi ng Kawikaan 14:16. Bukod dito, sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mateo 26:41) Yamang walang taong di-sakdal ang hindi nagkakaroon ng maling mga pagnanasa, kailangan na seryoso nating isaalang-alang ang babala ni Pablo at labanan ang tukso, dahil kung hindi ay nanganganib tayong magkasala.—Jeremias 17:9.
6. Kailan at paano tayo dapat maghanda para sa tukso?
6 Isang katalinuhan na maghanda para sa problema na maaaring dumating nang di-inaasahan. Natanto ni Haring Asa na ang isang yugto ng kapayapaan ay siyang tamang panahon upang itayo niya ang kaniyang mga tanggulan. (2 Cronica 14:2, 6, 7) Batid niya na magiging huli na ang lahat para maghanda sa sandaling may sumalakay. Gayundin naman, ang mga pasiya hinggil sa kung ano ang gagawin kapag bumangon ang mga tukso ay pinakamabuting gawin sa panahong mahinahon ang isip habang mapayapa ang mga kalagayan. (Awit 63:6) Si Daniel at ang kaniyang mga kaibigang may takot sa Diyos ay nakapagpasiya nang maging tapat sa mga kautusan ni Jehova bago sila ginipit na kumain ng masasarap na pagkain ng hari. Dahil dito, hindi sila nag-atubiling manindigan sa kanilang mga pananalig at hindi sila kumain ng maruming pagkain. (Daniel 1:8) Bago bumangon ang nakatutuksong mga situwasyon, patibayin na natin ang ating kapasiyahang manatiling malinis sa moral. Kung gayon ay mapaglalabanan natin ang kasalanan.
7. Bakit nakaaaliw na malaman na matagumpay na nalabanan ng iba ang tukso?
7 Kay laking kaaliwan ang natatamo natin mula sa mga salita ni Pablo: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao”! (1 Corinto 10:13) Sumulat si apostol Pedro: “Manindigan kayo laban sa [Diyablo], matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:9) Oo, napaharap ang iba sa gayunding mga tukso at matagumpay na nalabanan ang mga ito sa tulong ng Diyos, at magagawa rin natin ito. Gayunman, bilang tunay na mga Kristiyano na nabubuhay sa isang buktot na daigdig, makaaasa tayong lahat na sa malao’t madali ay tutuksuhin tayo. Kung gayon, paano tayo makapagtitiwala na madaraig natin ang kahinaan ng tao at ang tukso na magkasala?
Malalabanan Natin ang Tukso!
8. Ano ang isang pangunahing paraan upang maiwasan ang tukso?
8 Ang isang pangunahing paraan upang hindi na “maging mga alipin ng kasalanan” ay umiwas sa tukso hangga’t maaari. (Roma 6:6) Hinihimok tayo ng Kawikaan 4:14, 15: “Sa landas ng mga balakyot ay huwag kang pumasok, at huwag kang lumakad patungo sa daan ng masasama. Iwasan mo iyon, huwag mong daanan; lihisan mo iyon, at yumaon ka.” Kadalasan ay patiuna na nating alam kung ang magkakaugnay na mga kalagayan ay malamang na aakay sa kasalanan. Kung gayon, ang maliwanag na dapat gawin bilang mga Kristiyano ay “yumaon,” anupat lumayo sa sinuman at sa anumang bagay at sa alinmang lugar na makapupukaw sa maling mga pagnanasa at magpapaalab ng maruruming simbuyo ng damdamin sa atin.
9. Paano idiniin sa Kasulatan ang pagtakas mula sa nakatutuksong mga situwasyon?
9 Ang pagtakas mula sa isang nakatutuksong situwasyon ay isa pang pangunahing hakbang sa pananaig sa tukso. Nagpayo si Pablo: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) At sumulat siya: “Tumakas kayo mula sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14) Pinaalalahanan din ng apostol si Timoteo na tumakas mula sa di-wastong paghahangad ng materyal na mga kayamanan, at “mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.”—2 Timoteo 2:22; 1 Timoteo 6:9-11.
10. Anong dalawang magkaibang halimbawa ang nagpapakita sa kahalagahan ng pagtakas mula sa tukso?
10 Isaalang-alang ang nangyari kay Haring David ng Israel. Habang nakapanunghay siya mula sa bubungan ng kaniyang palasyo, nakita niya ang isang magandang babae na naliligo, at napuspos ng maling mga pagnanasa ang kaniyang puso. Dapat sana ay umalis siya sa bubungan at tumakas mula sa tukso. Sa halip, nag-usisa siya tungkol sa babaing ito—si Bat-sheba—at kapaha-pahamak ang mga resulta. (2 Samuel 11:1–12:23) Sa kabilang panig naman, paano kumilos si Jose nang himukin siya ng imoral na asawa ng kaniyang panginoon na sumiping sa kaniya? Sinasabi sa atin ng ulat: “Habang nagsasalita siya kay Jose sa araw-araw ay hindi ito nakinig sa kaniya na sumiping sa tabi niya, na magpatuloy na kasama niya.” Kahit na wala ang mga utos ng Kautusang Mosaiko, na hindi pa ibinigay noon, ganito ang isinagot ni Jose sa kaniya: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Isang araw ay sinunggaban siya nito, at sinabi: “Sipingan mo ako!” Nanatili ba roon si Jose at nagsikap na makipagkatuwiranan sa kaniya? Hindi. “Tumakas [siya] at pumaroon sa labas.” Hindi binigyan ng pagkakataon ni Jose na madaig siya ng seksuwal na panunukso. Tumakas siya!—Genesis 39:7-16.
11. Ano ang maaaring gawin kapag nakararanas tayo ng paulit-ulit na tukso?
11 Itinuturing na karuwagan kung minsan ang pagtakas, subalit madalas na ang mismong paglisan natin mula sa isang situwasyon ang siyang matalinong hakbang na dapat gawin. Marahil ay nakararanas tayo ng paulit-ulit na tukso sa trabaho. Bagaman maaaring hindi natin kayang magpalit ng trabaho, baka may ibang mga paraan naman upang mailayo ang ating sarili mula sa nakatutuksong mga kalagayan. Kailangang tumakas tayo mula sa anuman na alam nating mali, at dapat tayong maging determinado na gawin lamang kung ano ang tama. (Amos 5:15) Sa ibang dako, ang pagtakas mula sa tukso ay maaaring mangahulugan ng pag-iwas sa pornograpikong mga site sa Internet at sa kahina-hinalang mga lugar ng libangan. Maaari ring mangahulugan ito ng pagtatapon ng isang magasin o paghahanap ng isang bagong grupo ng mga kaibigan—yaong mga umiibig sa Diyos at maaaring makatulong sa atin. (Kawikaan 13:20) Anuman ang tumutukso sa atin upang magkasala, tayo ay matalino kung determinado tayong talikuran ito.—Roma 12:9.
Kung Paano Makatutulong ang Panalangin
12. Ano ang hinihiling natin sa Diyos kapag idinadalangin nating: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso”?
12 Ibinibigay ni Pablo ang nakapagpapasiglang katiyakang ito: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:13) Ang isang paraan ng pag-alalay sa atin ni Jehova ay sa pamamagitan ng pagsagot sa ating mga panalangin ng paghiling sa kaniyang tulong upang makayanan ang tukso. Tinuruan tayo ni Jesu-Kristo na manalangin: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:13) Bilang tugon sa gayong marubdob na panalangin, hindi tayo pababayaan ni Jehova sa tukso; ililigtas niya tayo mula kay Satanas at sa mapanlinlang na mga gawa nito. (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Dapat nating hilingin sa Diyos na tulungan tayong makilala ang mga tukso at tulungan tayong magkaroon ng lakas upang malabanan ang mga ito. Kung magsusumamo tayo sa kaniya na huwag tayong hayaang mabigo kapag tinutukso tayo, tutulungan niya tayo upang hindi tayo madaig ni Satanas, ‘ang isa na balakyot.’
13. Ano ang dapat nating gawin kapag napaharap sa patuloy na panunukso?
13 Lalo nang kailangan na tayo ay manalangin nang taimtim kapag napapaharap sa patuloy na panunukso. Ang ilang tukso ay maaaring maging sanhi ng matitinding panloob na labanan, ng mga kaisipan at mga saloobin na lubhang nagpapaalaala sa atin kung gaano talaga tayo kahina. (Awit 51:5) Halimbawa, ano ang maaari nating gawin kapag ginigiyagis tayo ng mga alaala ng ilan sa dati nating buktot na kaugalian? Paano kung natutukso tayong balikan ito? Sa halip na sikapin lamang na supilin ang gayong mga damdamin, idulog ang bagay na ito kay Jehova sa panalangin—nang paulit-ulit kung kinakailangan. (Awit 55:22) Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kaniyang Salita at banal na espiritu, matutulungan niya tayo na linisin ang ating isipan mula sa maruruming hilig.—Awit 19:8, 9.
14. Bakit napakahalaga ang panalangin upang mapanagumpayan ang tukso?
14 Nang mapansin ang pag-aantok ng kaniyang mga apostol sa hardin ng Getsemani, nanghimok si Jesus: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso. Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mateo 26:41) Ang isang paraan upang madaig ang tukso ay maging alisto sa iba’t ibang anyo ng tukso at talasan ang pakiramdam sa mga katusuhan nito. Mahalaga rin na ipanalangin natin kaagad ang tungkol sa tuksong iyon sa layuning masangkapan tayo sa espirituwal na paraan upang malabanan ito. Yamang tinutukso tayo kung saan tayo mahina, hindi natin kayang labanan ito nang nag-iisa. Napakahalaga ang panalangin sapagkat ang lakas na ibinibigay ng Diyos ay makapagpapatibay sa ating mga pananggalang laban kay Satanas. (Filipos 4:6, 7) Baka kakailanganin din natin ang espirituwal na tulong at mga panalangin ng “matatandang lalaki ng kongregasyon.”—Santiago 5:13-18.
Maging Aktibo sa Paglaban sa Tukso
15. Ano ang nasasangkot sa paglaban sa tukso?
15 Bukod sa pag-iwas sa tukso kailanma’t maaari, dapat na maging aktibo tayo sa paglaban dito hanggang sa lumipas ito o magbago ang situwasyon. Nang si Jesus ay tuksuhin ni Satanas, lumaban siya hanggang sa umalis ang Diyablo. (Mateo 4:1-11) Sumulat ang alagad na si Santiago: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Nagsisimula ang paglaban sa pagpapatibay sa ating isip sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at sa matatag na pagpapasiyang susunod tayo sa kaniyang mga pamantayan. Makabubuti na sauluhin natin at bulay-bulayin ang mga susing kasulatan na tumatalakay sa ating espesipikong kahinaan. Isang katalinuhan na humanap ng isang may-gulang na Kristiyano—marahil isang matanda—na mapagsasabihan ng ating mga ikinababahala at mahihingan natin ng tulong kapag natutukso tayo.—Kawikaan 22:17.
16. Paano tayo makapananatiling may matuwid na moral?
16 Hinihimok tayo ng Kasulatan na magbihis ng bagong personalidad. (Efeso 4:24) Nangangahulugan ito na hinahayaan nating hubugin at baguhin tayo ni Jehova. Nang sumulat siya sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo, sinabi ni Pablo: “Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban. Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan na ukol dito ay tinawag ka.” (1 Timoteo 6:11, 12) ‘Maitataguyod natin ang katuwiran’ sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos upang matamo ang malalim na kaalaman hinggil sa kaniyang personalidad at pagkatapos ay kumilos tayo kasuwato ng kaniyang mga kahilingan. Mahalaga rin na punô ang iskedyul natin sa mga gawaing Kristiyano, gaya ng pangangaral ng mabuting balita at pagdalo sa mga pulong. Ang paglapit sa Diyos at ang lubos na pagsasamantala sa kaniyang espirituwal na mga probisyon ay tutulong upang sumulong tayo sa espirituwal at manatiling may matuwid na moral.—Santiago 4:8.
17. Paano natin nalalaman na hindi tayo pababayaan ng Diyos sa panahon ng tukso?
17 Tinitiyak sa atin ni Pablo na anumang tukso na mararanasan natin ay hindi kailanman hihigit sa ating bigay-Diyos na kakayahang harapin ito. ‘Gagawa [si Jehova] ng daang malalabasan upang mabata natin iyon.’ (1 Corinto 10:13) Sa katunayan, hindi pinahihintulutan ng Diyos na maging napakatindi ang isang tukso anupat mawawalan tayo ng sapat na espirituwal na lakas upang manatiling tapat kung patuloy tayong aasa sa kaniya. Gusto niya na magtagumpay tayo sa aktibong paglaban sa tukso na gumawa ng mali sa kaniyang paningin. Bukod dito, makapagtitiwala tayo sa kaniyang pangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
18. Bakit tayo makatitiyak na madaraig natin ang kahinaan ng tao?
18 Hindi naman sa hindi natitiyak ni Pablo ang kalalabasan ng kaniyang personal na pakikipaglaban sa kahinaan ng tao. Hindi niya itinuring ang kaniyang sarili na isang kaawa-awa at walang kalaban-labang tau-tauhan ng kaniyang makalamang mga pagnanasa. Sa kabaligtaran, sinabi niya: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan; ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin; kundi binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.” (1 Corinto 9:26, 27) Tayo rin ay makapananagumpay sa pakikibaka laban sa di-sakdal na laman. Sa pamamagitan ng Kasulatan, salig-Bibliyang mga publikasyon, mga pulong Kristiyano, at may-gulang na mga kapuwa Kristiyano, ang ating maibiging Ama sa langit ay naglalaan ng patuloy na paalaala na umaalalay sa atin upang maitaguyod ang isang matuwid na landasin. Sa tulong niya, madaraig natin ang kahinaan ng tao!
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang ibig sabihin ng ‘isaisip ang laman’?
• Paano natin mapaghahandaan ang tukso?
• Ano ang maaari nating gawin upang mapanagumpayan ang tukso?
• Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pagharap sa tukso?
• Paano natin nalalaman na posibleng madaig ang kahinaan ng tao?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 10]
Hindi itinuturo ng Bibliya na tayo ay walang kalaban-labang mga biktima ng ating makalamang mga pagnanasa
[Larawan sa pahina 12]
Ang pagtakas mula sa tukso ay isang pangunahing paraan upang maiwasan ang kasalanan