Nananaig ang Tunay na Kristiyanismo!
Nananaig ang Tunay na Kristiyanismo!
“Sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova.”—GAWA 19:20.
1. Ilarawan ang paglago ng Kristiyanismo noong unang siglo.
PALIBHASA ay pinag-aalab ng kapangyarihan ng banal na espiritu, ipinahayag ng unang mga Kristiyano ang salita ng Diyos taglay ang kasigasigan na hindi mapahihina. Sumulat ang isang istoryador: “Kapansin-pansin ang mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo sa Romanong daigdig. Pagsapit ng taóng 100, marahil ay may isang pamayanang Kristiyano sa loob ng bawat lalawigan na nasa hangganan ng Mediteraneo.”
2. Paano tinangka ni Satanas na pawalang-bisa ang mabuting balita, at paano ito inihula?
2 Hindi mapatahimik ni Satanas na Diyablo ang unang mga Kristiyano. Sa halip, tinangka niyang pawalang-bisa ang epekto ng mabuting balita sa pamamagitan ng ibang paraan—apostasya. Inihula ni Jesus ang ganitong pangyayari sa kaniyang talinghaga tungkol sa trigo at panirang-damo. (Mateo 13:24-30, 36-43) Nagbabala rin si apostol Pedro na babangon ang mga bulaang guro sa loob ng kongregasyon, anupat magpapasok ng mapanirang mga sekta. (2 Pedro 2:1-3) Gayundin, espesipikong nagbabala si apostol Pablo na magaganap ang apostasya bago ang araw ni Jehova.—2 Tesalonica 2:1-3.
3. Ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol?
3 Pagkamatay ng mga apostol, ang mabuting balita ay nalambungan ng paganong mga turo at pilosopiya. Gaya ng inihula, pinilipit at dinumhan ng mga bulaang guro ang dalisay na mensahe ng katotohanan. Unti-unti, ang tunay na Kristiyanismo ay natakpan ng isang huwad na tinatawag na Sangkakristiyanuhan. Bumangon ang isang uring klero na nagsikap na ilayo ang Bibliya sa kamay ng mga pangkaraniwang tao. Bagaman dumami ang bilang niyaong mga nag-aangking Kristiyano, ang kanilang pagsamba ay hindi dalisay. Lumago sa heograpikal na paraan ang Sangkakristiyanuhan at naging isang makapangyarihang institusyon at isang nangingibabaw na puwersa sa Kanluraning kultura, ngunit hindi nito taglay ang pagpapala ng Diyos ni ang kaniyang espiritu.
4. Bakit hindi nagtagumpay ang pakana ni Satanas na hadlangan ang layunin ng Diyos?
4 Gayunman, ang pakana ni Satanas na hadlangan ang layunin ni Jehova ay nakatakdang mabigo. Maging noong pinakamadidilim na panahon ng apostasya, buháy pa rin sa ilan ang tunay na Kristiyanismo. Pinaghirapan ng mga lalaki ang pagkopya sa Bibliya upang magawa ito nang tumpak. Dahil doon, ang Bibliya ay nanatiling dalisay, bagaman ang mensahe nito ay pinilipit ng marami na nag-aangking may awtoridad na ituro ito. Sa paglipas ng maraming siglo, may-katapangang nagsalin at namahagi ng Salita ng Diyos ang mga iskolar na tulad nina Jerome at Tyndale. Milyun-milyong tao ang nakaalam sa Bibliya at sa isang uri ng Kristiyanismo, bagaman iyon ay huwad.
5. Ano ang inihula ni propeta Daniel hinggil sa “tunay na kaalaman”?
5 Nang dakong huli, gaya ng inihula sa aklat ng Daniel, ‘ang tunay na kaalaman ay sumagana.’ Ito ay naganap sa “panahon ng kawakasan”—ang panahong kinabubuhayan natin sa ngayon. (Daniel 12:4) Ang mga umiibig sa katotohanan sa buong lupa ay inakay ng banal na espiritu sa isang tumpak na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang layunin. Kahit pagkaraan ng maraming siglo ng apostatang pagtuturo, nananaig pa rin ang salita ng Diyos! Sa ngayon, ang mabuting balita ay ipinahahayag sa lahat ng dako, anupat itinuturo sa mga tao ang pag-asa tungkol sa isang kaiga-igayang bagong sanlibutan. (Awit 37:11) Suriin natin ngayon ang makabagong-panahong paglagong ito ng salita ng Diyos.
Paglago ng Salita sa Ngayon
6. Anong mga katotohanan ang naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya pagsapit ng taóng 1914?
6 Noong papatapos na ang ika-19 na siglo, pinasigla ng katotohanan sa Bibliya ang isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova. Pagsapit ng 1914, naging buháy ang Bibliya sa kanila. Naunawaan nila ang mga kamangha-manghang katotohanan may kinalaman sa layunin ng Diyos. Sila ay lubhang naantig sa pag-ibig ni Jehova sa pagsusugo ng kaniyang Anak sa lupa, sa gayon ay nabuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Nalaman din nila at pinahalagahan ang pangalan at personalidad ng Diyos. Bukod dito, natanto nila na “ang panahon ng mga Gentil” ay natapos na, anupat nagpapahiwatig na malapit na ang panahon para isakatuparan ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos ang mga pagpapala sa sangkatauhan. (Lucas 21:24, King James Version) Maluwalhating mabuting balita nga! Ang mapuwersang mga katotohanang ito ay dapat na ibahagi sa lahat ng tao saanmang dako. Mga buhay ang nakataya!
7. Paano nananaig ang katotohanan ng Bibliya sa makabagong panahon?
7 Pinagpala ni Jehova ang kaunting mga Kristiyanong iyon na pinahiran ng espiritu. Sa ngayon, ang bilang niyaong mga yumayakap sa tunay na Kristiyanismo ay lumampas na sa anim na milyon. Ang salita ng Diyos ay lumaganap din sa heograpikal na paraan, sapagkat matatagpuan na ang mga Saksi ni Jehova sa 235 lupain. Bukod dito, naging makapangyarihan ang katotohanan ng Bibliya, anupat nananaig ito sa lahat ng hadlang, sa relihiyon at iba pa. Ang pangglobong gawaing pangangaral na ito ay nakadaragdag sa di-matututulang patotoo na si Jesus ay naririto na taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.—Mateo 24:3, 14.
8. Ano ang sinabi ng ilan tungkol sa paglago ng mga Saksi ni Jehova?
8 Kung paanong ang mga istoryador ay nagkomento tungkol sa kahanga-hangang paglago ng Kristiyanismo noong unang siglo, marami ring iskolar ang nagkomento tungkol sa paglago ng bayan ni Jehova sa makabagong panahon. Sa Estados Unidos, magkasamang sumulat ang dalawang iskolar: “Sa nakalipas na 75 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagkaroon ng pambihirang bilis ng paglago . . . at nagawa nila ito sa pangglobong lawak.” Isang babasahin sa Silangang Aprika ang tumukoy sa mga Saksi bilang “isa sa pinakamabilis lumago at lubhang iginagalang na relihiyon na kilala sa buong daigdig dahil sa lubos na pagsunod nito sa mga turo ng Bibliya.” At isang konserbatibong babasahing Katoliko, na inilalathala sa Europa, ang bumanggit sa “mabilis na paglago ng mga Saksi ni Jehova.” Ano ang dahilan ng paglagong ito?
Kumikilos Ngayon ang Banal na Espiritu
9. (a) Ano ang isang pangunahing dahilan kung bakit nananaig ngayon ang salita ng Diyos? (b) Paano inilalapit ni Jehova ang mga tao sa kaniya?
9 Ang isang pangunahing dahilan kung bakit nananaig ngayon ang salita ng Diyos ay sapagkat kumikilos sa makapangyarihang paraan ang espiritu ni Jehova, gaya ng pagkilos nito noong unang siglo. Sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Ipinahihiwatig ng mga salitang ito na malumanay na inaakit ng Diyos yaong mga wastong nakaayon, anupat sumasamo siya sa mga puso. Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ng kaniyang mga Saksi, kinukuha ni Jehova upang maglingkod sa kaniya “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa”—ang maaamo at tulad-tupang mga tao ng lupa.—Hagai 2:6, 7.
10. Anu-anong uri ng tao ang tumugon sa salita ng Diyos?
10 Hindi lamang pinalalakas ng banal na espiritu ang bayan ng Diyos upang dalhin ang salita ng Diyos sa pinakamalayong bahagi ng lupa; pinakikilos din nito ang lahat ng uri ng tao upang tumugon sa mabuting balita. Tunay na yaong mga yumakap sa salita ng Diyos ay nagmula sa “bawat tribo at wika at bayan at bansa.” (Apocalipsis 5:9; 7:9, 10) Sila ay masusumpungan sa mga mayayaman at mahihirap, sa mga may mataas na pinag-aralan at sa mga hindi nakapag-aral. Tinanggap ng ilan ang salita sa ilalim ng mga kalagayan ng digmaan at ng malupit na pag-uusig, samantalang ang iba naman ay gumawa ng gayon sa mga panahon ng kapayapaan at kasaganaan. Sa ilalim ng lahat ng uri ng pamahalaan, sa lahat ng kultura, mula sa mga kampong piitan hanggang sa mga palasyo, ang mga lalaki at babae ay positibong tumugon sa mabuting balita.
11. Paano kumikilos ang banal na espiritu sa mga buhay ng bayan ng Diyos, at anong pagkakaiba ang kitang-kita?
11 Sa kabila ng kamangha-manghang pagkakaiba-iba ng bayan ng Diyos, sila ay naninirahang magkakasama nang may pagkakaisa. (Awit 133:1-3) Ito ay karagdagang katibayan na kumikilos ang banal na espiritu sa mga buhay ng mga naglilingkod sa Diyos. Ang kaniyang espiritu ay isang makapangyarihang puwersa ukol sa ikabubuti na nagpapangyari sa mga lingkod niya na magpamalas ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, at iba pang kaakit-akit na mga katangian. (Galacia 5:22, 23) Sa ngayon, maliwanag na nauunawaan natin ang inihula ng propetang si Malakias noong unang panahon: ‘Makikita ninyo . . . ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’—Malakias 3:18.
Nananaig ang Salita ng Diyos sa Masisigasig na Manggagawa
12. Ano ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa gawaing pag-eebanghelyo, at anong pagtugon sa kanilang gawaing pangangaral ang inaasahan nila?
12 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay hindi basta nagtutungo lamang sa mga bahay-sambahan. Aktibo silang nakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo. Gaya ng unang mga Kristiyano, kusang-loob nilang inihaharap ang kanilang sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos, anupat sinisikap na tulungan ang iba na malaman ang tungkol sa mga pangako ng Kaharian ni Jehova. Sila ay mga kamanggagawa ng Diyos na, kaisa ng kaniyang banal na espiritu, nagtitipon sa iba upang paglingkuran si Jehova. Sa paggawa ng gayon, kanilang ipinamamalas ang awa at pag-ibig ni Jehova sa di-nananampalatayang sangkatauhan. At ginagawa nila iyon bagaman napapaharap sila sa kawalan ng interes, pangungutya, at pag-uusig. Inihanda ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa pagharap sa iba’t ibang pagtugon sa mabuting balita. Sinabi niya: “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang sa inyo.”—Juan 15:20.
13. Anong mga katangian na wala sa Sangkakristiyanuhan ang sagana sa gitna ng mga Saksi ni Jehova?
13 Hindi natin maiwasang humanga sa pagkakatulad ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon at niyaong mga yumakap sa tunay na Kristiyanismo noong unang siglo. Kapansin-pansin din ang pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Pagkatapos sumulat hinggil sa sigasig ng unang mga Kristiyano sa pag-eebanghelyo, isang iskolar ang naghinagpis: “Malibang magkaroon ng pagbabago sa kasalukuyang patakaran ng simbahan upang minsan pa ay makitang tungkulin ng bawat bautisadong Kristiyano ang atas na mag-ebanghelyo, at ito ay patunayan ng isang kalidad ng pamumuhay na nakahihigit sa pinakamainam na maipakikita ng mga di-nananampalataya, malabo tayong makagawa ng malaking pagsulong.” Ang mismong mga katangian na wala sa Sangkakristiyanuhan ay sagana naman sa gitna ng mga Saksi ni Jehova! Ang sa kanila ay isang buháy na pananampalataya, isang tunay na pananampalataya, at isang pananampalataya na nakasalig sa katotohanan ng Bibliya anupat nadarama nila na dapat itong ibahagi sa lahat ng makikinig.—1 Timoteo 2:3, 4.
14. Ano ang turing ni Jesus sa kaniyang ministeryo, at anong saloobin ang ipinamamalas ng kaniyang mga alagad sa ngayon?
14 Talagang dinibdib ni Jesus ang kaniyang ministeryo, anupat ginawa niya itong pangunahin sa kaniyang buhay. Sinabi niya kay Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Ang nadarama ng bayan ng Diyos ay kagaya ng nadama ni Jesus. Taglay ang katotohanan ng Bibliya sa kanilang puso, nagsisikap sila na humanap ng mga paraan upang maibahagi ito sa pinakamarami hangga’t maaari. Mababanaag sa ilan sa mga paraang ito ang kakaibang pagkamapamaraan.
15. Paano ipinakita ng ilan ang pagkamapamaraan sa pangangaral ng mabuting balita?
15 Sa isang bansa sa Timog Amerika, ang mga Saksi ay naglakbay nang pababa sa isang sangang-ilog ng Ilog Amazon upang maipaabot ang katotohanan sa mga tao. Gayunman, nang sumiklab ang alitang sibil noong 1995, ipinagbawal ang pagdaan ng mga sibilyan sa ilog. Palibhasa’y determinadong patuloy na tustusan ng mga publikasyon sa Bibliya ang mga interesado, ipinasiya ng mga Saksi na palutangin ang mensahe sa bumababang agos. Gumawa sila ng mga liham at inilagay ang mga ito kalakip ang mga kopya ng magasing Ang Bantayan at Gumising! sa loob ng mga boteng plastik na walang laman. Pagkatapos ay inihagis nila ang mga bote sa ilog. Nagpatuloy ito sa loob ng apat at kalahating taon hanggang sa mabuksang muli ang ilog para sa mga sibilyan. Sa buong kahabaan ng ilog, pinasalamatan ng mga tao ang mga Saksi dahil sa mga literatura. Isang babae na dati’y estudyante ng Bibliya ang yumakap sa kanila habang lumuluha at nagsabi: “Akala ko’y hindi ko na kayo muling makikita. Gayunman, nang magsimula akong makatanggap ng literatura sa mga bote, alam ko na hindi ninyo ako nakalimutan!” Ang iba na nakatira sa kahabaan ng ilog ay nagsabi na paulit-ulit nilang binasa ang mga magasin. Maraming pamayanan ang may isang “tanggapan ng koreo”—isang alimpuyo ng tubig kung saan pansamantalang natitipon ang mga lumulutang na bagay. Doon madalas na nagtutungo ang mga interesado upang tingnan kung may anumang “liham” mula sa agos na galing sa itaas.
16. Paano nabubuksan kung minsan ang daan sa paggawa ng alagad kung ihahanda lamang natin ang ating sarili?
16 Ang pangangaral ng mabuting balita ay pinapatnubayan at inaalalayan ng Diyos na Jehova at ng kaniyang makapangyarihang mga anghel. (Apocalipsis 14:6) Kung ihahanda lamang natin ang ating sarili, bumabangon kung minsan ang di-inaasahang mga pagkakataong gumawa ng mga alagad. Sa Nairobi, Kenya, dalawang babaing Kristiyano na naglilingkod sa larangan ang natapos na sa paggawa sa mga bahay na nakaatas sa kanila. Walang anu-ano ay lumapit sa kanila ang isang kabataang babae at tuwang-tuwa na nagsabi: “Idinadalangin ko na makatagpo ang isa na gaya ninyo.” Nagsumamo siya sa mga Saksi na magtungo kaagad sa kaniyang tahanan para sa isang talakayan, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa kaniya nang mismong araw na iyon. Bakit gayon na lamang ang pag-aapura ng babae nang lapitan niya ang dalawang Kristiyano? Mga dalawang linggo bago noon, namatay ang kaniyang sanggol. Kaya nang makita niya ang isang kabataan na may dalang tract na “Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na Mga Minamahal?,” talagang nagustuhan niya ito at hiniling sa batang lalaki na ibigay na lamang iyon sa kaniya. Tumanggi ang bata, ngunit itinuro ang mga Saksi na nagbigay sa kaniya ng tract. Di-nagtagal at ang babae ay sumulong nang mainam sa espirituwal at mas nakakayanan na niya ang masakit na pagpanaw ng kaniyang anak.
Kailangang Manaig ang Pag-ibig ng Diyos
17-19. Anong pag-ibig ang ipinakita ni Jehova sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pantubos?
17 Ang paglago ng salita ng Diyos sa buong lupa ay may malapit na kaugnayan sa haing pantubos ni Kristo Jesus. Gaya ng pantubos, ang gawaing pangangaral ay isang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova para sa mga tao sa lahat ng dako. Si apostol Juan ay kinasihan upang isulat: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
18 Isip-isipin ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa paglalaan ng pantubos. Sa loob ng bilyun-bilyong taon, nasiyahan ang Diyos sa matalik na pakikipag-ugnayan sa kaniyang minamahal at bugtong na Anak, “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14) Masidhi ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama, at iniibig ni Jehova ang kaniyang Anak “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 14:31; 17:24) Pinahintulutan ni Jehova na makaranas ng kamatayan ang sinisintang Anak na ito upang makatanggap ng buhay na walang hanggan ang mga tao. Tunay ngang isang kahanga-hangang kapahayagan ng pag-ibig sa sangkatauhan!
19 Sinasabi sa Juan 3:17: “Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.” Samakatuwid, isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak sa isang maibiging atas ng pagliligtas, hindi sa isang atas ng paghuhukom o paghatol. Kasuwato ito ng mga salita ni Pedro: ‘Hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’—2 Pedro 3:9.
20. Sa anong paraan nauugnay ang kaligtasan sa pangangaral ng mabuting balita?
20 Palibhasa’y inilaan ang legal na saligan para sa kaligtasan kapalit ng malaking halaga mula sa kaniya, nais ni Jehova na makinabang dito ang pinakamarami hangga’t maaari. Sumulat si apostol Pablo: “ ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?”—Roma 10:13, 14.
21. Ano ang dapat nating madama tungkol sa pagkakataong makibahagi sa gawaing pangangaral?
21 Tunay na kamangha-manghang pribilehiyo na makibahagi sa pangglobong gawaing pangangaral at pagtuturong ito! Hindi ito isang madaling gawain, subalit gayon na lamang ang kagalakan ni Jehova kapag nakikita niya ang kaniyang bayan na tapat na namumuhay ayon sa katotohanan at ibinabahagi ang mabuting balita sa iba! Kaya anuman ang iyong kalagayan, hayaang pakilusin ka ng espiritu ng Diyos at ng pag-ibig sa iyong puso na makibahagi sa gawaing ito. At tandaan na ang nakikita nating naisasakatuparan sa buong daigdig ay nagbibigay ng nakakakumbinsing patotoo na malapit nang isakatuparan ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako na dalhin ang maluwalhating “mga bagong langit at isang bagong lupa” na doo’y “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit hindi mapatahimik ng apostasya ang mga mángangarál ng mabuting balita?
• Paano nananaig ang salita ng Diyos sa ating panahon?
• Sa anu-anong paraan kumikilos ang espiritu ng Diyos sa ngayon?
• Paanong ang pantubos ay nauugnay sa pangangaral ng mabuting balita?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Graph/Larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglago ng bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa ika-20 siglo
Katamtamang Bilang ng mga Mamamahayag (sa milyon)
6.0
5.5
5.0
4.5
4.0
3.5
3.0
2.5
2.0
1.5
1.0
0.5
1900 1910 1920 1930 1940 1950 1960 1970 1980 1990 2000
[Mga larawan sa pahina 15]
JEROME
TYNDALE
GUTENBERG
HUS
[Credit Line]
Sina Gutenberg at Hus: From the book The Story of Liberty, 1878
[Larawan sa pahina 15]
Mga Estudyante ng Bibliya na naghahayag ng mabuting balita noong dekada ng 1920
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sa buong daigdig, ang mga tao ay tumutugon sa mabuting balita
[Larawan sa pahina 18]
Tulad ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, dinadakila ng gawaing pangangaral ang pag-ibig ng Diyos