Ang mga Ama ng Simbahan—Mga Tagapagtaguyod ba ng Katotohanan ng Bibliya?
Ang mga Ama ng Simbahan—Mga Tagapagtaguyod ba ng Katotohanan ng Bibliya?
Nag-aangkin ka mang Kristiyano o hindi, ang iyong pangmalas sa Diyos ng Bibliya, kay Jesus, at sa Kristiyanismo ay malamang na naimpluwensiyahan nila. Ang isa sa kanila ay tinatawag na May Ginintuang Bibig; ang isa naman, Dakila. Bilang kalipunan, sila’y inilarawan bilang “ang mga sukdulang kumakatawan sa buhay ni Kristo.” Sino sila? Sila ang sinaunang mga taong palaisip, mga manunulat, mga teologo, at mga pilosopo sa relihiyon na humubog sa kalakhang bahagi ng kaisipang “Kristiyano” sa ngayon—ang mga Ama ng Simbahan.
“ANG Bibliya ay hindi siyang kabuuan ng salita ng Diyos,” ang pag-aangkin ng Griego Ortodoksong propesor sa pag-aaral sa relihiyon na si Demetrios J. Constantelos. “Ang Espiritu Santo na nagsisiwalat sa salita ng Diyos ay hindi malilimitahan sa mga pahina ng isang aklat.” Ano pa kaya ang mapananaligang panggagalingan ng pagsisiwalat ng Diyos? Iginigiit ni Constantelos sa kaniyang aklat na Understanding the Greek Orthodox Church: “Ang Banal na Tradisyon at ang Banal na Kasulatan [ay] minamalas bilang dalawang mukha ng pagsisiwalat ng Diyos.”
Kalakip sa pinakapundasyon ng “Banal na Tradisyon” na iyan ang mga turo at mga akda ng mga Ama ng Simbahan. Sila’y mga prominenteng teologo at “Kristiyanong” pilosopo na nabuhay sa pagitan ng ikalawa at ikalimang siglo C.E. Gaano kalaki ang naging impluwensiya nila sa makabagong kaisipang “Kristiyano”? Nanghawakan ba sila sa Bibliya sa kanilang turo? Ano ang dapat na maging matibay na saligan ng katotohanang Kristiyano para sa isang tagasunod ni Jesu-Kristo?
Ang Kasaysayang Pinagmulan
Noong kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E., ipinagtatanggol ng nag-aangking mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya kapuwa laban sa mga Romanong mang-uusig at sa mga erehe. Gayunman, ito’y isang panahon ng napakaraming opinyon sa teolohiya. Ang mga pagtatalo sa relihiyon may kinalaman sa “pagkadiyos” ni Jesus at sa katangian at mga pagkilos ng banal na espiritu ay naging sanhi hindi lamang ng intelektuwal na mga hidwaan. Ang maiinit na di-pagkakasundo at di-malunasang pagkakabaha-bahagi hinggil sa doktrinang “Kristiyano” ay umabot sa larangan ng pulitika at kultura, na kung minsan ay nagbubunsod ng mga kaguluhan, himagsikan, labanang sibil, at maging ng digmaan. Sumulat ang istoryador na si Paul Johnson: “Ang [apostatang] Kristiyanismo ay nagsimula sa kalituhan, pagtatalo at pagkakabaha-bahagi at nagpatuloy itong gayon. . . . Ang gitna at silangang Mediteraneo noong una at ikalawang siglo AD ay hitik sa
pagkarami-raming ideya sa relihiyon, na pinagsisikapang palaganapin. . . . Kaya mula sa pasimula, may iba’t ibang uri ng Kristiyanismo na hindi gaanong magkakatulad.”Nang panahong iyon, nagsimulang dumami ang mga manunulat at mga taong palaisip na nakadama na kailangang bigyang-kahulugan ang mga turong “Kristiyano” sa pamamagitan ng mga pananalitang pilosopikal. Upang palugdan ang mga edukadong pagano na mga bagong kumberte sa “Kristiyanismo,” lubhang pinagbatayan ng gayong mga relihiyosong manunulat ang naunang literaturang Griego at Judio. Pasimula kay Justin Martyr (c. 100-165 C.E.), na sumulat sa wikang Griego, ang mga nag-aangking Kristiyano ay patuloy na naging makabago sa pagtanggap nila sa pamanang pilosopikal ng kulturang Griego.
Ang ibinunga ng kalakarang ito ay ang mga akda ni Origen (c. 185-254 C.E.), isang awtor na Griego mula sa Alexandria. Ang nakasulat na argumento ni Origen na On First Principles ang siyang unang sistematikong pagsisikap upang maipaliwanag ang mga pangunahing doktrina ng teolohiyang “Kristiyano” ayon sa mga pananalita ng pilosopiyang Griego. Ang Konseho ng Nicaea (325 C.E.), na nagtangkang ipaliwanag at itatag ang “pagkadiyos” ni Kristo, ang mahalagang pangyayari na muling nagpasigla sa interpretasyon ng turong “Kristiyano.” Ang konsehong iyon ang naghudyat sa pasimula ng isang yugto na doo’y pinagsikapan ng panlahat na mga konseho ng simbahan na ipaliwanag ang turo sa paraang mas detalyado.
Mga Manunulat at mga Orador
Si Eusebius ng Cesarea, na sumulat noong panahon ng unang Konseho ng Nicaea, ay nakiugnay kay Emperador Constantino. Sa loob ng mahigit nang kaunti sa 100 taon pagkatapos ng naganap sa Nicaea, binuo ng mga teologo, na ang karamihan sa kanila ay sumulat sa wikang Griego, sa isang mahaba at mainit na pagtatalo, ang doktrinang siyang magiging pagkakakilanlan ng Sangkakristiyanuhan, ang Trinidad. Pangunahin sa kanila si Athanasius, ang mapaggiit na obispo ng Alexandria, at ang tatlong lider ng simbahan mula sa Capadocia, Asia Minor—si Basil na Dakila, ang kapatid niyang si Gregory ng Nyssa, at ang kaibigan nilang si Gregory ng Nazianzus.
Ang mga manunulat at mga mangangaral nang panahong iyon ay nakaaabot sa matataas na pamantayan ng kahusayan sa pagsasalita. Sina Gregory ng Nazianzus at John Chrysostom (na nangangahulugang “May Ginintuang Bibig”) sa wikang Griego at gayundin sina Ambrose ng Milan at Augustine ng Hippo sa wikang Latin ay mga batikang orador, mga dalubhasa sa lubhang iginagalang at popular na uri ng sining na ito noong kanilang kapanahunan. Ang pinakamaimpluwensiyang manunulat nang panahong iyon ay si Augustine. Ang kaniyang mga nakasulat na argumento sa teolohiya ay nakaimpluwensiya nang malaki sa kaisipang “Kristiyano” sa ngayon. Si Jerome, ang pinakabantog na iskolar ng yugtong iyon, ang siyang pangunahing may pananagutan sa salin ng Bibliya na Latin Vulgate mula sa orihinal na mga wika.
Gayunman, ang mahahalagang katanungan ay: Maingat bang sinunod ng mga Amang iyon ng Simbahan ang Bibliya? Sa kanilang turo, mahigpit ba silang nanghawakan sa kinasihang Kasulatan? Ang kanila bang mga akda ay mapananaligang patnubay tungo sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos?
Mga Turo ng Diyos o mga Turo ng Tao?
Kamakailan, isinulat ng metropolitan (obispo) ng Griego Ortodokso na si Methodius ng Pisidia ang aklat na The Hellenic Pedestal of Christianity upang ipakita na ang kultura at pilosopiyang Griego ang siyang naglaan ng balangkas ng
makabagong kaisipang “Kristiyano.” Sa aklat na iyan, walang-pasubali niyang inaamin: “Itinuring ng halos lahat ng prominenteng Ama ng Simbahan na ang mga elementong Griego ay lubhang kapaki-pakinabang, at hiniram nila ang mga ito sa sinaunang klasikong Griego, anupat ginagamit ang mga ito bilang isang paraan upang maunawaan at maipaliwanag nang wasto ang mga katotohanang Kristiyano.”Kuning halimbawa ang ideya na ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay bumubuo ng Trinidad. Pagkatapos ng Konseho ng Nicaea, maraming Ama ng Simbahan ang naging panatikong mga Trinitaryo. Ang kanilang mga akda at mga paliwanag ay naging napakahalagang batayan upang ang Trinidad ang maging tampok na doktrina ng Sangkakristiyanuhan. Ngunit nasa Bibliya ba ang Trinidad? Wala. Kung gayon, saan ito kinuha ng mga Ama ng Simbahan? Binanggit ng A Dictionary of Religious Knowledge na sinasabi ng marami na ang Trinidad “ay isang paglihis mula sa orihinal na hiniram sa mga relihiyong pagano, at inilakip sa pananampalatayang Kristiyano.” At pinatototohanan ng The Paganism in Our Christianity: “Ang pinagmulan ng [Trinidad] ay ganap na pagano.” a—Juan 3:16; 14:28.
O isaalang-alang ang turong imortalidad ng kaluluwa, ang paniwala na isang bahagi ng tao ang patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Muli, ang mga Ama ng Simbahan ay naging kasangkapan sa pagpapasok ng ideyang ito sa isang relihiyon na walang turo tungkol sa pananatiling buháy ng kaluluwa pagkamatay ng isang tao. Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na maaaring mamatay ang kaluluwa: “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ang mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ano ang saligan ng paniwala ng mga Ama ng Simbahan sa isang imortal na kaluluwa? “Ang Kristiyanong paniniwala sa isang espirituwal na kaluluwang nilikha ng Diyos na ipinasok sa katawan sa panahon ng paglilihi upang bumuo ng isang taong may buhay ay resulta ng matagal na paglinang ng pilosopiyang Kristiyano. Tangi lamang noong panahon ni Origen sa Silangan at ni San Agustin sa Kanluran natatag ang paniniwala sa kaluluwa bilang isang espirituwal na bagay at nabuo ang pilosopikong ideya ng kayarian nito. . . . [Ang doktrina ni Agustin] . . . sa kalakhan ay hango (lakip na rin ang ilang mga pagkukulang) sa Neoplatonismo,” sabi ng New Catholic Encyclopedia. At ang magasing Presbyterian Life ay nagsabi: “Ang imortalidad ng kaluluwa ay isang paniniwalang Griego na nabuo sa sinaunang mahiwagang mga kulto at higit na ipinaliwanag ng pilosopong si Plato.” b
Ang Matibay na Saligan ng Katotohanang Kristiyano
Kahit pagkatapos ng maikling pagsusuring ito ng kasaysayan ng mga Ama ng Simbahan, at gayundin ng mga pinagmulan ng kanilang mga turo, angkop lamang na itanong, Dapat bang ibatay ng isang taimtim na Kristiyano ang kaniyang mga paniniwala sa mga turo ng mga Ama ng Simbahan? Hayaang ang Bibliya ang sumagot.
Halimbawa, ipinagbawal ni Jesu-Kristo mismo ang paggamit ng relihiyosong titulo na “Ama” nang sabihin niya: “Huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit.” (Mateo 23:9) Ang paggamit ng terminong “Ama” upang tumukoy sa sinumang relihiyosong indibiduwal ay di-maka-Kristiyano at di-makakasulatan. Ang nasusulat na Salita ng Diyos ay natapos noong mga 98 C.E. sa mga isinulat ni apostol Juan. Sa gayon, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi kailangang tumingin sa sinumang tao bilang panggagalingan ng kinasihang pagsisiwalat. Iniingatan nilang huwag ‘pawalang-bisa ang salita ng Diyos’ dahil sa tradisyon ng tao. Ang pagpapahintulot na halinhan ng tradisyon ng tao ang Salita ng Diyos ay nakamamatay sa espirituwal. Nagbabala si Jesus: “Kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:6, 14.
Kailangan pa ba ng isang Kristiyano ng anumang pagsisiwalat bukod sa salita ng Diyos na nakasaad sa Bibliya? Hindi. Ang aklat ng Apocalipsis ay nagbababala laban sa pagdaragdag ng anuman sa kinasihang ulat: “Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga bagay na ito, idaragdag sa kaniya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa balumbong ito.”—Apocalipsis 22:18.
Ang katotohanang Kristiyano ay nakapaloob sa nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16; 2 Juan 1-4) Ang tamang pagkaunawa rito ay hindi nakasalig sa sekular na pilosopiya. May kinalaman sa mga tao na nagtangkang gumamit ng karunungan ng tao upang maipaliwanag ang pagsisiwalat ng Diyos, angkop lamang na ulitin ang mga tanong ni apostol Pablo: “Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan?”—1 Corinto 1:20.
Karagdagan pa, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Pinangangalagaan ng mga tagapangasiwa nito ang kadalisayan ng kanilang turo sa loob ng kongregasyon, anupat hinahadlangan ang pagpasok ng anumang pamparumi ng doktrina. (2 Timoteo 2:15-18, 25) Inaalis nila sa kongregasyon ang ‘mga bulaang propeta, mga bulaang guro, at mapanirang mga sekta.’ (2 Pedro 2:1) Pagkamatay ng mga apostol, pinahintulutan ng mga Ama ng Simbahan na mag-ugat ang “nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo” sa kongregasyong Kristiyano.—1 Timoteo 4:1.
Ang mga resulta ng apostasyang ito ay nakikita ngayon sa Sangkakristiyanuhan. Ang mga paniniwala at mga gawain nito ay malayung-malayo sa katotohanan sa Bibliya.
[Mga talababa]
a Isang masusing pagtalakay sa doktrina ng Trinidad ang matatagpuan sa brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Para sa isang detalyadong pagtalakay sa turo ng Bibliya tungkol sa kaluluwa, tingnan ang pahina 100-5 at 105-11 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
MGA AMANG TAGA-CAPADOCIA
“Ang Simbahang Ortodokso . . . ay may partikular na pagpipitagan sa mga manunulat ng ikaapat na siglo, at lalo na roon sa mga tinatagurian nitong ‘ang tatlong Dakilang Herarko,’ sina Gregory ng Nazianzus, Basil na Dakila, at John Chrysostom,” ang sabi ng manunulat na si Kallistos, na isang monghe. Ibinatay ba ng mga Amang ito ng Simbahan ang kanilang mga turo sa kinasihang Kasulatan? May kinalaman kay Basil na Dakila, ang aklat na The Fathers of the Greek Church ay nagsabi: “Ipinakikita ng kaniyang mga akda na pinanatili niya ang isang panghabambuhay at matalik na kaugnayan kina Plato, Homer, at sa mga istoryador at mga orador, at walang pagsalang naimpluwensiyahan nila ang kaniyang istilo. . . . Si Basil ay nanatiling isang ‘Griego.’ ” Totoo rin ito kay Gregory ng Nazianzus. “Sa kaniyang pangmalas ang pinakamabuting paraan upang maipakita ang tagumpay at kahigitan ng Simbahan ay sa lubusan nitong pagtanggap sa mga tradisyon ng kulturang klasiko.”
May kinalaman sa kanilang tatlo, isinulat ni Propesor Panagiotis K. Christou: “Bagaman paminsan-minsan ay nagbababala sila laban sa ‘pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang’ [Colosas 2:8]—upang maging kasuwato ng utos sa Bagong Tipan—sila, kasabay nito, ay masigasig namang nag-aaral ng pilosopiya at ng kaugnay na mga turo at inirerekomenda pa nga sa iba na pag-aralan ang mga ito.” Maliwanag na inaakala ng gayong mga guro ng simbahan na hindi sapat ang Bibliya upang suportahan ang kanilang mga ideya. Ang kanila kayang paghahanap ng ibang mga haligi ng awtoridad ay nangangahulugan na ang kanilang mga turo ay naiiba sa Bibliya? Nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Huwag kayong magpapadala sa sari-sari at ibang mga turo.”—Hebreo 13:9.
[Credit Line]
© Archivo Iconografico, S.A./CORBIS
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
CYRIL NG ALEXANDRIA—ISANG KONTROBERSIYAL NA AMA NG SIMBAHAN
Ang isa sa pinakakontrobersiyal na tao sa mga Ama ng Simbahan ay si Cyril ng Alexandria (c. 375-444 C.E.). Inilarawan siya ng istoryador ng simbahan na si Hans von Campenhausen bilang “dogmatiko, marahas, at tuso, lipos ng kadakilaan ng pagkatawag sa kaniya at ng dignidad ng kaniyang tungkulin,” at idinagdag pa na “hindi niya kailanman itinuring na tama ang anuman malibang kapaki-pakinabang ito sa kaniya sa pagpapasulong ng kaniyang kapangyarihan at awtoridad . . . Ang kalupitan at kawalang-prinsipyo ng kaniyang mga pamamaraan ay hindi kailanman nakapigil sa kaniya.” Habang siya ang obispo ng Alexandria, si Cyril ay gumamit ng panunuhol, libelo, at paninirang-puri upang alisin sa tungkulin ang obispo ng Constantinople. Siya ang itinuturing na may pananagutan sa malupit na pagpaslang noong 415 C.E. sa isang bantog na pilosopo na nagngangalang Hypatia. Tungkol sa mga akda ni Cyril sa teolohiya, sinabi ni Campenhausen: “Pinasimulan niya ang kaugaliang pagpasiyahan ang mga tanong tungkol sa paniniwala hindi lamang salig sa Bibliya kundi sa pamamagitan ng angkop na mga pagsipi at pagtitipon ng mga pagsipi mula sa mga kinikilalang awtoridad.”
[Larawan sa pahina 19]
Jerome
[Credit Line]
Garo Nalbandian