Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pandaigdig na Samahan na Nagmamalasakit sa Isa’t Isa

Isang Pandaigdig na Samahan na Nagmamalasakit sa Isa’t Isa

Isang Pandaigdig na Samahan na Nagmamalasakit sa Isa’t Isa

HANGGANG sa abot ng tanaw ay may mga tao. Marami ang may edad na, ang ilan ay may malulubhang kapansanan anupat halos hindi na sila makalakad. May mga babaing nagdadalang-tao at mga kabataang mag-asawa na may akay na maliliit na anak. Silang lahat ay mga refugee​—mga lalaki, mga babae, at mga bata​—na dahil sa digmaang sibil, mga likas na kasakunaan, o iba pang mga pangyayari ay napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan upang maghanap ng kanlungan sa isang kalapit na bansa. Ang ilan ay paulit-ulit nang napilitang umalis sa kanilang mga tirahan. Sa unang tanda pa lamang ng kaguluhan sa bayan o ng isang likas na kasakunaan, kinukuha na nila ang ilang kagamitan sa bahay, tinitipon ang kanilang mga anak, at nagtutungo sa mas ligtas na kanlungan. Pagkatapos, kapag normal na uli ang mga kalagayan, bumabalik ang maraming refugee upang muling itayo ang kanilang mga tirahan at magsimula na naman.

Sa nakalipas na mga taon, binuksan ng Central African Republic ang mga pintuan nito sa mga refugee na nanggagaling sa ilang bansa. Kamakailan lamang, libu-libo katao, kasama na ang maraming Saksi ni Jehova, ang napilitang lumikas mula sa Democratic Republic of Congo na sinalanta ng digmaan tungo sa Central African Republic kung saan mas ligtas sila.

Sumaklolo ang mga Kapatid

Itinuturing ng mga Saksi sa Central African Republic na isang pribilehiyo ang mag-organisa ng mapagkawanggawang pagtulong. Isinaayos ang mga tuluyan para sa dumarating na mga kapatid na Kristiyano. Sa umpisa, ang mga kuwartong ginamit ay yaong nasa mga pribadong tahanan, ngunit habang dumarami ang mga refugee, nakita na mas malalaking tuluyan ang kinakailangan. Ang ilang Kingdom Hall ay ginawang dormitoryo. Ang mga Saksi sa lugar na iyon ay nagsimula nang maglagay ng karagdagang ilaw, magkabit ng mga tubo ng tubig, at magsemento ng mga sahig para sa kaalwanan ng mga patutuluyin doon. Ang mga refugee ay nagtrabaho kasama mismo ng mga kapatid na tagaroon upang maitayo ang pansamantalang mga dormitoryong ito. Isang kumpletong programa ng mga Kristiyanong pagpupulong ang isinaayos sa wikang Lingala upang ang mga nagsisirating ay mapaglaanan ng sumusustine-sa-buhay na espirituwal na pagkain. Ang malapít na pagtutulungan ng mga Saksing tagaroon at ng kanilang mga panauhin ay nagpakita na ang isang internasyonal na kapatiran ay talagang umiiral.

Hindi laging dumarating na magkakasama ang mga pamilyang refugee. Kung minsan, ang nagkahiwa-hiwalay na mga miyembro ng pamilya ay muling nagkakasama-sama sa kanilang destinasyon. Isang listahan ng mga nakarating nang ligtas ang iniingatan sa bawat Kingdom Hall. Ilang kaayusan ang ginawa upang hanapin ang mga nawawala pa rin. Ang tanggapang pansangay na namamahala sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa ay nagpadala ng tatlong sasakyan bawat araw upang tulungan ang mga Saksi na nasa daan pa at upang hanapin ang sinuman na maaaring naligaw. Ang mga sasakyang ito ay makikilala sa pamamagitan ng isang malaking karatula, na kababasahan ng “WATCH TOWER​—Mga Saksi ni Jehova.”

Gunigunihin ang kagalakang naranasan nang matanaw ng isang grupo ng pitong batang refugee na napahiwalay sa kanilang mga magulang ang isang van na pag-aari ng mga Saksi ni Jehova. Dali-dali silang tumakbo patungo sa sasakyan at nagpakilala bilang mga Saksi. Tinulungan sila ng mga kapatid na sumakay sa van at dinala sila sa isang Kingdom Hall, kung saan sa wakas ay muli nilang nakapiling ang kani-kanilang pamilya.

Ano ang nagpangyari sa taimtim na mga Kristiyanong ito na maharap ang gayong mga kalagayan, hindi lamang minsan, kundi paulit-ulit? Sila ay lubos na kumbinsido na nabubuhay tayo sa mga huling araw na inihula sa Banal na Kasulatan.​—2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 6:3-8.

Dahil dito, alam nila na malapit nang wakasan ng Diyos na Jehova ang mga digmaan, poot, karahasan, at alitan. Ang problema sa mga refugee ay magiging isang bagay na lumipas na. Samantala, kasuwato ng payo ni apostol Pablo sa 1 Corinto 12:14-26, pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na magpakita ng pagmamalasakit sa isa’t isa. Bagaman pinaghihiwalay ng mga ilog, mga hangganan, mga wika, at distansiya, nababahala sila hinggil sa isa’t isa, kaya mabilis silang kumikilos kapag may nangangailangan.​—Santiago 1:22-27.

[Mapa sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

Central African Republic

Democratic Republic of Congo

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 30]

Tatlong Kingdom Hall ang ginamit bilang mga pansamantalang tuluyan

[Larawan sa pahina 31]

Kaagad na inilagay ang mga pasilidad na pangkusina

[Larawan sa pahina 31]

Parami nang parami ang dumarating

[Mga larawan sa pahina 31]

Kasisilang pa lamang at mga refugee na agad