Naalis ang Upasala sa Pangalan ng Diyos
Naalis ang Upasala sa Pangalan ng Diyos
ANG Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagsasabi: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Pedro 2:12) Kaya naman sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na panatilihin ang mainam na paggawi upang hindi makapagdulot ng upasala sa pangalan ni Jehova.
Sa isang liblib na lugar sa Zambia na tinatawag na Senanga, isang guro sa paaralan ang ninakawan ng radyo sa kaniyang bahay. Yamang nangangaral sa lugar na iyon ang mga Saksi ni Jehova, inakusahan sila ng lalaki sa pagnanakaw. Inireport niya ang bagay na ito sa pulisya, na sinasabing ninakaw ng mga Saksi ang kaniyang radyo. Bilang patotoo na nanggaling ang mga Saksi sa kaniyang bahay, ipinakita niya ang isang tract na natagpuan niya sa sahig. Gayunman, ayaw maniwala ng pulisya sa kaniya. Pinayuhan nila siya na humayo at gumawa ng mas masinsinang imbestigasyon.
Pinasigla ng lupon ng matatanda ang mga Saksi na gumawa sa pamayanan ng guro nang araw na iyon na pumunta at makipag-usap sa guro hinggil sa bagay na iyon. Ang ilan sa mga kapatid ay nagpunta at nakipag-usap sa kaniya, na ipinaliliwanag na nais nilang alisin ang upasala sa pangalan ni Jehova. Sa kanilang pag-uusap, sinabi nila sa kaniya na nakausap nila ang isang kabataang lalaki sa kaniyang bahay at binigyan ito ng isang tract. Mula sa kanilang paglalarawan, nakilala ng guro ang lalaki. Sa katunayan, magkarelihiyon sila. Kinausap ng guro ang kabataang lalaki, ngunit itinanggi nito ang mga paratang. Pagkatapos nito ay ipinakipag-usap ng guro ang mga bagay-bagay sa mga magulang ng kabataang lalaki at umuwi ng bahay. Sa loob ng isang oras, isinauli ng ina ng kabataang lalaki ang ninakaw na radyo.
Dahil sa kahihiyan, nilapitan ng guro ang lupon ng matatanda at humingi ng tawad dahil sa mga maling pagpaparatang. Tinanggap ng matatanda ang kaniyang pagpapaumanhin ngunit hiniling na ipaalam sa publiko ang resulta ng imbestigasyon upang malaman ng lahat na walang-sala ang mga Saksi. Isang patalastas ang ginawa sa paaralan, sa gayo’y naalis ang upasala sa pangalan ni Jehova. Makapagpapatuloy ang mga Saksi ni Jehova sa malayang pangangaral sa lugar na iyon.
[Mga mapa/Larawan sa pahina 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
APRIKA
Zambia
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.