“Ang mga Sugat ng Isang Kaibigan”
“Ang mga Sugat ng Isang Kaibigan”
NAKITA ni apostol Pablo ang pangangailangang maglapat ng ilang pagtutuwid sa mga Kristiyano sa Galacia noong unang siglo. Malamang na upang maiwasan ang anumang hinanakit kung kaya niya itinanong: “Kung gayon nga, ako ba ay naging kaaway ninyo dahil sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?”—Galacia 4:16.
Sa ‘pagsasabi ng katotohanan,’ hindi nila naging kaaway si Pablo. Sa katunayan, kumikilos siya kasuwato ng simulain sa Bibliya: “Tapat ang mga sugat ng isang kaibigan.” (Kawikaan 27:6, King James Version) Alam niya na maaaring masugatan ang amor propyo ng mga nagkasala. Gayunman, batid niya na kung hindi niya ilalapat sa nagkasala ang disiplinang kailangan nito, maaaring mangahulugan ito ng pagkakait sa kaniya ng isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na Jehova. (Hebreo 12:5-7) Dahil dito, bilang isang tapat na kaibigan na ang iniisip ay ang pangmatagalang kapakanan ng kongregasyon, hindi umurong si Pablo sa pagbibigay ng nagtutuwid na payo.
Sa ngayon, tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos [ni Jesu-Kristo].” Sa paggawa nito, hindi ikinokompromiso ng taimtim na mga Kristiyanong ito ang mga katotohanan sa Bibliya na naglalantad at humahatol sa kamalian sa doktrina at di-makakristiyanong paggawi. (Mateo 15:9; 23:9; 28:19, 20; 1 Corinto 6:9, 10) Sa halip na maging mga kaaway na dapat itakwil, ipinamamalas nila ang pagmamalasakit ng tunay na mga kaibigan.
Taglay ang kaunawaang may pagkasi ng Diyos, sumulat ang salmista: “Saktan man ako ng matuwid, magiging maibiging-kabaitan pa nga iyon; at sawayin man niya ako, magiging langis pa nga iyon sa aking ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Awit 141:5.