Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin

Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin

Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin

“Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.”​—SANTIAGO 1:22.

1. Nagkapribilehiyo ang bayan ng sinaunang Israel na masaksihan ang anong mga himala?

 “DI-MALILIMUTAN” ang angkop na salita upang ilarawan ang mga himalang ginawa ni Jehova sa sinaunang Ehipto. Ang bawat isa sa Sampung Salot ay talaga namang kasindak-sindak. Ang mga dagok na iyon ay sinundan ng kamangha-manghang pagkaligtas ng bayan ng Israel sa hinating katubigan ng Dagat na Pula. (Deuteronomio 34:10-12) Kung isa ka sa nakasaksi sa mga pangyayaring iyon, malamang na hindi mo kalilimutan kailanman ang Isa na gumawa ng mga iyon. Gayunman, umawit ang salmista: “Nilimot nila [ng mga Israelita] ang Diyos na kanilang Tagapagligtas, ang Gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto, mga kamangha-manghang gawa sa lupain ni Ham, mga kakila-kilabot na bagay sa Dagat na Pula.”​—Awit 106:21, 22.

2. Ano ang nagpapakita na panandalian lamang ang pagpapahalaga ng Israel sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos?

2 Pagkatapos tumawid sa Dagat na Pula, ang mga Israelita ay “nagsimulang matakot kay Jehova at manampalataya kay Jehova.” (Exodo 14:31) Ang mga lalaki ng Israel ay umalinsabay kay Moises sa pag-awit ng isang awit ng tagumpay para kay Jehova, at tumugon naman si Miriam at ang ibang mga babae sa pamamagitan ng pagtugtog ng mga tamburin at ng pagsayaw. (Exodo 15:1, 20) Oo, humanga ang bayan ng Diyos sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Ngunit ang kanilang pagpapahalaga sa Isa na nagpangyari ng gayong mga gawa ay panandalian lamang. Di-nagtagal pagkatapos noon, marami sa kanila ang gumawi na parang nagkaroon sila ng amnesya. Sila ay naging mga mapagbulong at reklamador laban kay Jehova. Ang ilan ay nakibahagi sa idolatriya at seksuwal na imoralidad.​—Bilang 14:27; 25:1-9.

Ano ang Maaaring Makapagpalimot sa Atin?

3. Dahil sa ating likas na di-kasakdalan, ano ang maaari nating malimutan?

3 Talagang nakapagtataka ang kawalan ng pagpapahalaga ng Israel. Gayunman, maaari ring mangyari iyon sa atin. Totoo, hindi natin nasaksihan ang gayong mga himala ng Diyos. Subalit sa ating kaugnayan sa Diyos, tiyak na may mga pangyayaring hindi malilimutan. Maaaring maalaala ng ilan sa atin nang tanggapin natin ang katotohanan mula sa Bibliya. Baka kasali sa ibang masasayang panahon ang ating panalangin ng pag-aalay kay Jehova at ang ating pagpapabautismo sa tubig bilang tunay na mga Kristiyano. Naranasan ng marami sa atin ang tulong ni Jehova sa iba’t ibang yugto ng ating buhay. (Awit 118:15) Higit sa lahat, sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ng sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, natanggap natin ang pag-asa ng kaligtasan. (Juan 3:16) Gayunman, dahil sa ating likas na di-kasakdalan, kapag napaharap sa mga maling pagnanasa at mga kabalisahan sa buhay, baka napakadali nating malimutan ang mabubuting bagay na ginawa ni Jehova para sa atin.

4, 5. (a) Paano nagbababala si Santiago hinggil sa panganib ng pagiging mga tagapakinig na malilimutin? (b) Paano natin maikakapit ang ilustrasyon ni Santiago tungkol sa tao at sa salamin?

4 Sa kaniyang liham sa mga kapuwa Kristiyano, nagbabala ang kapatid-sa-ina ni Jesus na si Santiago hinggil sa panganib ng pagiging mga tagapakinig na malilimutin. Sumulat siya: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran. Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao.” (Santiago 1:22-24) Ano ang ibig sabihin ni Santiago sa mga pananalitang iyon?

5 Kapag bumabangon tayo sa umaga, karaniwan ay tumitingin tayo sa salamin upang makita kung anong mga pag-aayos ang kailangan nating gawin sa ating hitsura. Habang abala tayo sa iba’t ibang gawain at ang isip ay nagtutuon ng pansin sa ibang mga bagay, hindi na natin naiisip ang nakita natin sa salamin. Maaari rin itong mangyari sa espirituwal na diwa. Habang tumitingin tayo sa Salita ng Diyos, maihahambing natin kung ano tayo sa kung ano ang inaasahan sa atin ni Jehova. Dahil dito, tuwiran tayong napapaharap sa ating mga kahinaan. Ang kaalamang ito ang dapat magpakilos sa atin upang gumawa ng mga pagbabago sa ating personalidad. Ngunit habang isinasagawa natin ang ating mga gawain sa araw-araw at nakikipagpunyagi sa ating mga suliranin, madali nating maihihinto ang pag-iisip sa mga espirituwal na bagay. (Mateo 5:3; Lucas 21:34) Para bang nalilimutan natin ang maibiging mga gawa ng Diyos alang-alang sa atin. Kapag nangyari ito, madali tayong mahihikayat ng makasalanang mga hilig.

6. Anong maka-Kasulatang pagsasaalang-alang ang tutulong sa atin na hindi malimutan ang salita ni Jehova?

6 Sa kaniyang unang kinasihang liham sa mga taga-Corinto, tinukoy ni apostol Pablo ang malilimuting mga Israelita sa ilang. Kung paanong nakinabang ang unang-siglong mga Kristiyano sa mga salita ni Pablo, ang pagrerepaso sa kaniyang isinulat ay makatutulong sa atin na hindi malimutan ang salita ni Jehova. Isaalang-alang natin kung gayon ang 1 Corinto 10:1-12.

Itakwil ang Makasanlibutang mga Pagnanasa

7. Anong di-maikakailang katibayan ng pag-ibig ni Jehova ang natanggap ng mga Israelita?

7 Ang sinasabi ni Pablo tungkol sa mga Israelita ay nagsisilbing babala para sa mga Kristiyano. Ganito ang bahagi ng isinulat ni Pablo: “Hindi ko nais na kayo ay maging walang-alam, mga kapatid, na ang ating mga ninuno ay napasailalim na lahat sa ulap at lahat ay tumawid sa dagat at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat.” (1 Corinto 10:1-4) Nakita ng bayan ng Israel noong panahon ni Moises ang mga dakilang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos, lakip na ang makahimalang haliging ulap ng Diyos na umakay sa kanila sa araw at tumulong sa kanila na makatakas patawid sa Dagat na Pula. (Exodo 13:21; 14:21, 22) Oo, natanggap ng mga Israelitang iyon ang di-maikakailang katibayan ng pag-ibig ni Jehova sa kanila.

8. Ano ang mga ibinunga ng espirituwal na pagkamalilimutin ng Israel?

8 “Gayunpaman,” ang pagpapatuloy ni Pablo, “sa karamihan sa kanila ay hindi nagpahayag ang Diyos ng kaniyang pagsang-ayon, sapagkat ibinuwal sila sa ilang.” (1 Corinto 10:5) Nakalulungkot nga! Pinangyari ng karamihan sa mga Israelitang umalis sa Ehipto na sila ay maging di-kuwalipikado sa pagpasok sa Lupang Pangako. Palibhasa ay di-sinang-ayunan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, namatay sila sa ilang. (Hebreo 3:16-19) Ano ang matututuhan natin dito? Sinasabi ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong maging mga taong nagnanasa ng nakapipinsalang mga bagay, gaya nga ng pagnanasa nila sa mga iyon.”​—1 Corinto 10:6.

9. Paano naglaan si Jehova para sa kaniyang bayan, at paano tumugon ang Israel?

9 Maraming taglay ang mga Israelita upang makapanatiling nakatuon ang kanilang pansin sa espirituwal samantalang nasa ilang. Nakipagtipan sila kay Jehova at naging isang bansang nakaalay sa kaniya. Bukod dito, pinagkalooban sila ng isang pagkasaserdote, isang tabernakulo na nagsilbing sentro ng pagsamba, at isang kaayusan sa paghahandog ng mga hain kay Jehova. Subalit sa halip na magsaya dahil sa espirituwal na mga kaloob na ito, hinayaan nilang sila ay maging di-kontento sa mga materyal na paglalaan ng Diyos.​—Bilang 11:4-6.

10. Bakit dapat na lagi nating panatilihin ang Diyos sa ating isipan?

10 Di-tulad ng mga Israelita sa ilang, tinatamasa ng bayan ni Jehova sa ngayon ang pagsang-ayon ng Diyos. Gayunman, bilang mga indibiduwal, mahalaga na panatilihin natin ang Diyos sa ating isipan. Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa atin na tanggihan ang makasariling mga pagnanasa na maaaring magpalabo sa ating espirituwal na pananaw. Dapat na maging determinado tayo “na itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Yaong mga kabilang sa atin na nakaugnay sa kongregasyong Kristiyano mula pa sa pagkasanggol ay hindi dapat mag-isip kailanman na pinagkakaitan tayo ng isang bagay na mabuti. Kung sumagi man sa ating isipan ang gayong ideya, makabubuting alalahanin si Jehova at ang mga kamangha-manghang pagpapala na inilalaan niya para sa atin.​—Hebreo 12:2, 3.

Lubusang Pagsunod kay Jehova

11, 12. Paano maaaring magkasala ng idolatriya ang isang tao kahit hindi nakikibahagi sa pagsamba sa mga imahen?

11 Binibigyan tayo ni Pablo ng isa pang babala nang sumulat siya: “Ni maging mga mananamba sa idolo, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; gaya nga ng nasusulat: ‘Umupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig sila upang magkasayahan.’ ” (1 Corinto 10:7) Tinutukoy ni Pablo ang pangyayari nang mahikayat ng mga Israelita si Aaron na gumawa ng isang ginintuang guya. (Exodo 32:1-4) Bagaman malayong mangyari na babaling tayo sa tuwirang pagsamba sa idolo, maaari tayong maging mga mananamba sa idolo kung hahayaan nating ilihis tayo ng ating makasariling mga pagnanasa mula sa buong-kaluluwang pagsamba kay Jehova.​—Colosas 3:5.

12 Sa isa pang pagkakataon, sumulat si Pablo hinggil sa ilan na ang pangunahing ikinababahala ay ang mga materyal na bagay sa halip na ang mga espirituwal na bagay. Tungkol sa mga “lumalakad bilang mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo,” sumulat siya: “Ang katapusan nila ay pagkapuksa, at ang diyos nila ay ang kanilang tiyan.” (Filipos 3:18, 19) Ang pinag-ukulan nila ng idolatriya ay hindi isang inukit na imahen. Iyon ay ang kanilang pagnanasa sa mga materyal na bagay. Sabihin pa, hindi naman lahat ng pagnanasa ay mali. Nilalang tayo ni Jehova na may mga pangangailangan ng tao at kakayahang masiyahan sa iba’t ibang bagay na nakalulugod. Ngunit yaong ang inuuna ay ang pagtataguyod ng kaluguran kaysa sa kanilang kaugnayan sa Diyos ay, sa katunayan, nagiging mga mananamba nga sa idolo.​—2 Timoteo 3:1-5.

13. Ano ang matututuhan natin mula sa ulat tungkol sa ginintuang guya?

13 Nang sila ay makaalis na sa Ehipto, ang mga Israelita ay gumawa ng isang ginintuang guya upang sambahin. Bukod sa babala laban sa idolatriya, mayroon pang mahalagang aral sa ulat na ito. Sinuway ng mga Israelita ang malinaw na tagubilin ni Jehova. (Exodo 20:4-6) Gayunman, hindi nila nilayong itakwil si Jehova bilang kanilang Diyos. Naghain sila sa binubong guya at tinawag ang okasyon na “isang kapistahan para kay Jehova.” Sa paano man ay nilinlang nila ang kanilang sarili sa pag-iisip na ipagwawalang-bahala ng Diyos ang kanilang pagsuway. Ito ay isang insulto kay Jehova, at labis itong nagpagalit sa kaniya.​—Exodo 32:5, 7-10; Awit 106:19, 20.

14, 15. (a) Bakit walang maidadahilan ang mga Israelita sa pagiging mga tagapakinig na malilimutin? (b) Kung determinado tayong hindi maging mga tagapakinig na malilimutin, ano ang gagawin natin may kaugnayan sa mga utos ni Jehova?

14 Bihirang-bihirang mangyari na ang isang Saksi ni Jehova ay umanib sa isang huwad na relihiyon. Gayunman, bagaman nananatili sa loob ng kongregasyon, baka tanggihan ng ilan ang tagubilin ni Jehova sa ibang mga paraan. Ang bayan ng Israel ay walang maidadahilan sa pagiging mga tagapakinig na malilimutin. Narinig nila ang Sampung Utos at naroroon sila nang ibigay sa kanila ni Moises ang utos ng Diyos: “Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin, at huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.” (Exodo 20:18, 19, 22, 23) Gayunman, sinamba pa rin ng mga Israelita ang ginintuang guya.

15 Wala rin tayong makatuwirang maidadahilan kung tayo ay magiging mga tagapakinig na malilimutin. Sa Kasulatan, may tagubilin ang Diyos sa atin hinggil sa maraming pitak ng buhay. Halimbawa, espesipikong hinahatulan ng Salita ni Jehova ang kinaugaliang panghihiram at hindi pagbabayad. (Awit 37:21) Inuutusan ang mga anak na maging masunurin sa kanilang mga magulang, at inaasahan na palalakihin ng mga ama ang kanilang mga anak sa “pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:1-4) Ang mga walang-asawang Kristiyano ay tinatagubilinan na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon,” at ang mga lingkod ng Diyos na may asawa ay sinasabihan: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (1 Corinto 7:39; Hebreo 13:4) Kung determinado tayong hindi maging mga tagapakinig na malilimutin, didibdibin nating mabuti at susundin ang mga ito at ang iba pang mga tagubilin mula sa Diyos.

16. Ano ang mga ibinunga ng pagsamba sa ginintuang guya?

16 Hindi tinanggap ni Jehova ang pagtatangka ng mga Israelita na sambahin siya batay sa kanilang mga kondisyon. Sa halip, 3,000 ang pinuksa, dahil marahil sa pangunahing papel na kanilang ginampanan sa rebelyosong pagkilos na sambahin ang ginintuang guya. Ang ibang mga nagkasala ay dumanas ng salot mula kay Jehova. (Exodo 32:28, 35) Isa ngang aral ito para sa sinumang nagbabasa ng Salita ng Diyos ngunit nagpapasiya sa ganang sarili kung ano ang kanilang susundin!

“Tumakas Kayo Mula sa Pakikiapid”

17. Anong pangyayari ang tinutukoy sa 1 Corinto 10:8?

17 Ang isang pitak kung saan ang mga pagnanasa ng laman ay maaaring umakay sa espirituwal na pagkamalilimutin ay itinawag-pansin ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Ni mamihasa man tayo sa pakikiapid, kung paanong ang ilan sa kanila ay nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.” (1 Corinto 10:8) Tinutukoy rito ni Pablo ang isang pangyayari sa Kapatagan ng Moab sa katapusan ng 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang. Hindi pa natatagalan noon nang matanggap ng mga Israelita ang tulong ni Jehova sa pagsakop sa mga lupain sa silangan ng Jordan, ngunit marami ang naging malilimutin at di-mapagpahalaga. Sa hanggahan ng Lupang Pangako, naakit sila sa seksuwal na imoralidad at sa maruming pagsamba sa Baal ng Peor. Mga 24,000 ang pinuksa, ang 1,000 sa mga ito ang mga nagpasimuno.​—Bilang 25:9.

18. Anong uri ng paggawi ang maaaring umakay sa seksuwal na imoralidad?

18 Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay kilalá sa kanilang matataas na pamantayang moral. Ngunit kapag tinuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, ang ilang Kristiyano ay humihinto sa pag-iisip tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga simulain. Sila ay nagiging mga tagapakinig na malilimutin. Sa simula, ang tukso ay maaaring hindi nagsasangkot ng isang gawang pakikiapid. Baka ito ay ang hilig na mag-usisa sa pornograpya, magbigay-daan sa di-angkop na pagbibiro o pag-alembong, o magtaguyod ng malapit na pakikipagsamahan sa mga indibiduwal na mahina ang moral. Ang lahat ng bagay na ito ay umakay sa mga Kristiyano sa makasalanang paggawi.​—1 Corinto 15:33; Santiago 4:4.

19. Anong maka-Kasulatang payo ang tumutulong sa atin na ‘tumakas mula sa pakikiapid’?

19 Kapag tinuksong makibahagi sa imoral na paggawi, hindi tayo dapat huminto sa pag-iisip tungkol kay Jehova. Sa halip, dapat nating sundin ang mga paalaala sa kaniyang Salita. (Awit 119:1, 2) Bilang mga Kristiyano, ginagawa ng karamihan sa atin ang buong makakaya natin upang makapanatiling malinis sa moral, ngunit ang paggawa ng tama sa paningin ng Diyos ay nangangailangan ng patuluyang pagsisikap. (1 Corinto 9:27) Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Ang inyong pagkamasunurin ay napapansin ng lahat. Kaya nagsasaya ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong maging marunong kayo sa mabuti, ngunit walang muwang sa masama.” (Roma 16:19) Kung paanong pinatay ang 24,000 Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan, malapit na ring maranasan ng mga mapakiapid at ng iba pang mga manggagawa ng kamalian ang matinding paghatol ni Jehova. (Efeso 5:3-6) Kung gayon, sa halip na maging mga tagapakinig na malilimutin, dapat na patuloy tayong ‘tumakas mula sa pakikiapid.’​—1 Corinto 6:18.

Laging Pahalagahan ang mga Paglalaan ni Jehova

20. Paano inilagay ng mga Israelita si Jehova sa pagsubok, at ano ang naging resulta?

20 Hindi kailanman nagpadaig sa seksuwal na imoralidad ang lubhang nakararami sa mga Kristiyano. Gayunman, kailangan tayong mag-ingat na hindi natin hinahayaan ang ating sarili na magtaguyod ng isang landasing umaakay sa patuluyang pagbubulung-bulungan na maaaring magbunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Pinaaalalahanan tayo ni Pablo: “Ni ilagay man natin sa pagsubok si Jehova, kung paanong inilagay siya sa pagsubok ng ilan sa [mga Israelita], upang malipol lamang sa pamamagitan ng mga serpiyente. Ni maging mga mapagbulong, kung paanong ang ilan sa kanila ay nagbulung-bulungan, upang malipol lamang sa pamamagitan ng tagapuksa.” (1 Corinto 10:9, 10) Nagbulung-bulungan ang mga Israelita laban kina Moises at Aaron​—oo, laban pa nga sa Diyos mismo​—​anupat nagrereklamo tungkol sa makahimalang inilaan na manna. (Bilang 16:41; 21:5) Si Jehova ba ay hindi gaanong nagalit sa kanilang pagbubulung-bulungan kung ihahambing sa kanilang pakikiapid? Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na maraming mapagbulong ang pinatay ng mga serpiyente. (Bilang 21:6) Sa isang naunang pangyayari, mahigit sa 14,700 rebelyosong mapagbulong ang pinuksa. (Bilang 16:49) Kaya huwag nating ilagay sa pagsubok ang pagtitiis ni Jehova sa pamamagitan ng di-paggalang sa kaniyang mga paglalaan.

21. (a) Kinasihan si Pablo na isulat ang anong payo? (b) Ayon sa Santiago 1:25, paano tayo magiging tunay na maligaya?

21 Nang sumulat siya sa mga kapuwa Kristiyano, tinapos ni Pablo ang talaan ng mga babala sa ganitong payo: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay. Dahil dito siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:11, 12) Tulad ng mga Israelita, marami tayong natanggap na mga pagpapala mula kay Jehova. Subalit di-tulad nila, huwag nawa tayong makalimot at hindi magpahalaga sa mabubuting bagay na ginagawa ng Diyos para sa atin. Kapag tayo ay nabibigatan dahil sa mga kabalisahan sa buhay, bulay-bulayin natin ang mga kamangha-manghang pangako na masusumpungan sa kaniyang Salita. Alalahanin nawa natin ang ating napakahalagang kaugnayan kay Jehova at patuloy na ganapin ang gawaing pangangaral ng Kaharian na ipinagkatiwala sa atin. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang gayong landasin ay tiyak na magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan, sapagkat ipinangangako ng Kasulatan: “Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Santiago 1:25.

Paano Ka Tutugon?

• Ano ang maaaring magpangyari sa atin na maging mga tagapakinig na malilimutin?

• Bakit mahalaga ang lubusang pagsunod sa Diyos?

• Paano tayo ‘makatatakas mula sa pakikiapid’?

• Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga paglalaan ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Nakalimutan ng mga Israelita ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova alang-alang sa kanila

[Larawan sa pahina 16]

Determinado ang bayan ni Jehova na mapanatili ang matataas na pamantayang moral