Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit binabanggit ng Bagong Sanlibutang Salin sa 2 Pedro 3:13 ang “mga bagong langit [pangmaramihan] at isang bagong lupa,” samantalang sa Apocalipsis 21:1 ay inihuhula ang “isang bagong langit [pang-isahan] at isang bagong lupa”?
Ito’y pangunahin nang isang detalye sa balarila may kaugnayan sa orihinal na mga wika. Waring wala naman itong anumang pantanging kahalagahan kung kahulugan ang pag-uusapan.
Isaalang-alang muna ang Hebreong Kasulatan. Sa teksto sa orihinal na wika, ang salitang Hebreo na sha·maʹyim, na isinaling “(mga) langit,” ay laging pangmaramihan. Ang pagiging pangmaramihan nito ay lumilitaw na nagpapahiwatig, hindi ng pagiging marami dahil sa kadakilaan, kundi ng ideya ng pagiging marami dahil sa “lawak ng nasasakupan,” o ng ideya ng “isang kabuuan na binubuo ng di-mabilang at hiwa-hiwalay na mga bahagi o mga punto.” Mauunawaan naman iyan sapagkat malawak ang saklaw ng pisikal na langit mula sa lupa patungo sa lahat ng direksiyon at lakip ang bilyun-bilyong bituin. Kapag ang pamanggit na pantukoy (definite article) ay nauuna sa sha·maʹyim (sa literal, “ang mga langit”), sa kalakhang bahagi ay isinasalin ito ng Bagong Sanlibutang Salin bilang “mga langit,” gaya ng sa Isaias 66:22. Kapag lumitaw ang sha·maʹyim na walang pamanggit na pantukoy, maaari itong isalin na pang-isahan (“langit,” gaya ng sa Genesis 1:8; 14:19, 22; Awit 69:34) o pangmaramihan (“mga langit,” gaya ng sa Isaias 65:17).
Kapuwa sa Isaias 65:17 at 66:22, ang salitang Hebreo para sa langit ay nasa anyong pangmaramihan, at ang magkaparehong salin na pinili ay “mga bagong langit at [ng isang, o, ang] bagong lupa.”
Ang salitang Griego na ou·ra·nosʹ ay nangangahulugang “langit,” at ang pangmaramihang ou·ra·noiʹ ay nangangahulugang “mga langit.” Kawili-wiling malaman na ginamit ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang anyong pang-isahan kapuwa sa Isaias 65:17 at 66:22.
Kumusta naman ang dalawang paglitaw ng pariralang “bagong langit [o mga langit] at isang bagong lupa” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
Sa 2 Pedro 3:13, ginamit ng apostol ang Griegong pangmaramihan. Sa unahan lamang niyan (mga talatang 7, 10, 12), binanggit niya ang kasalukuyang balakyot na “mga langit,” na ginagamit ang pangmaramihan. Kaya hindi siya nagbago sa paggamit ng pangmaramihan sa talatang 13. Karagdagan pa, waring sinisipi niya ang orihinal ng Isaias 65:17, kung saan pangmaramihan ang ginamit sa Hebreo, kung paanong sa 2 Pedro 2:22, sinipi niya ang tekstong Hebreo ng Kawikaan 26:11. Sa gayon ay tinukoy ni Pedro ang “mga bagong langit [pangmaramihan] at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako.”
May bahagyang kaibahan naman, sa Apocalipsis 21:1, kung saan maliwanag na ginamit ni apostol Juan ang salin ng Isaias 65:17 sa Septuagint, na kinaroroonan, gaya ng nabanggit na, ng salitang Griego para sa “langit” sa anyong pang-isahan. Kaya ang isinulat ni Juan ay: “At nakita ko ang isang bagong langit [pang-isahan] at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.”
Ang mga ito ay detalye sa balarila na may kaugnayan sa pagsasalin. Angkop ulitin na waring walang anumang pagkakaiba sa kahulugan kung ang mabasa man ng isa, o sabihin, ay “mga bagong langit” o “bagong langit.” Ang diwa ng pagkakapit ay pareho.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Mga bituin: Frank Zullo