Paano Ka Magkakaroon ng Timbang na Pangmalas sa Salapi?
Paano Ka Magkakaroon ng Timbang na Pangmalas sa Salapi?
Hindi na bago ang pag-ibig sa salapi at ang paghahangad sa mga ari-arian; ni tahimik man ang Bibliya hinggil sa mga ito, na para bang mga bagong kaganapan ang mga ito. Matagal na matagal na ang mga ito. Sa Kautusan, itinagubilin ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag mong nanasain ang bahay ng iyong kapuwa . . . ni ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.”—Exodo 20:17.
ANG pag-ibig sa salapi at sa mga ari-arian ay karaniwan na noong panahon ni Jesus. Isaalang-alang ang ulat na ito hinggil sa pakikipag-usap ni Jesus sa isang “napakayaman” na kabataang lalaki. “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘May isa pang bagay na kulang sa iyo: Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.’ Nang marinig niya ito, siya ay lubhang napighati, sapagkat napakayaman niya.”—Lucas 18:18-23.
Isang Tamang Pangmalas sa Salapi
Gayunman, magiging mali na isiping hinahatulan ng Bibliya ang salapi mismo o ang anumang pangunahing gamit nito. Ipinakikita ng Bibliya na ang salapi ay naglalaan ng praktikal na pananggalang laban sa karukhaan at sa mga suliraning kaakibat nito, anupat pinangyayari nitong masapatan ng mga tao ang mga pangangailangan. Sumulat si Haring Solomon: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang.” At: “Ang tinapay ay para sa pagtawa ng mga manggagawa, at ang alak ay nagpapasaya ng buhay; ngunit salapi ang siyang nakatutugon sa lahat ng bagay.”—Eclesiastes 7:12; 10:19.
Ang tamang paggamit ng salapi ay sinasang-ayunan ng Diyos. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Makipagkaibigan kayo sa ganang inyo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan.” (Lucas 16:9) Kasama rito ang pag-aabuloy para sa ikasusulong ng tunay na pagsamba sa Diyos, yamang tiyak na nais nating maging Kaibigan ang Diyos. Si Solomon mismo, bilang pagtulad sa halimbawa ng kaniyang amang si David, ay nag-abuloy ng napakalaking halaga ng salapi at ari-arian para sa pagtatayo ng templo ni Jehova. Ang isa pang utos sa mga Kristiyano ay ang magbigay ng materyal na tulong sa mga nangangailangan. “Mamahagi kayo sa mga banal ayon sa kanilang mga pangangailangan,” sabi ni apostol Pablo. Idinagdag pa niya: “Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.” (Roma 12:13) Kadalasan nang kasangkot dito ang paggugol ng salapi. Gayunman, kumusta naman ang pag-ibig sa salapi?
‘Ang Pagkahumaling sa Pilak’
Lubos na tinalakay ni Pablo “ang pag-ibig sa salapi”—o sa literal, “pagkahumaling sa pilak”—nang sumulat siya sa kaniyang nakababatang kapuwa Kristiyano na si Timoteo. Ang payo ni Pablo ay masusumpungan sa 1 Timoteo 6:6-19. Nagkomento siya tungkol sa “pag-ibig sa salapi” bilang bahagi ng kaniyang pagsasaalang-alang sa mas mahahalagang punto tungkol sa materyal na mga bagay. Dahil sa pagpapahalaga ng lipunan sa ngayon sa salapi, makabubuting maingat nating pag-aralan ang kinasihang mga komento ni Pablo. Ang gayong pagsusuri ay tiyak na kapaki-pakinabang yamang isinisiwalat nito ang lihim kung paano ‘makapanghahawakan nang mahigpit sa tunay na buhay.’
Nagbabala si Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:10) Hindi sinasabi sa tekstong ito na ang salapi mismo ay masama—ni sinasabi man ito ng iba pang kasulatan. Hindi rin sinasabi ng apostol na ang salapi ang pangunahing sanhi ng “nakapipinsalang mga bagay” o na ang salapi ang pangunahing ugat ng bawat suliranin. Sa halip, ang pag-ibig sa salapi ay maaaring maging isang sanhi—kung hindi man ang tanging sanhi—ng lahat ng uri ng “nakapipinsalang mga bagay.”
Mag-ingat Laban sa Kasakiman
Ang babala ni Pablo ay hindi dapat pagaanin ng bagay na ang salapi mismo ay hindi hinahatulan ng Kasulatan. Ang mga Kristiyanong nagsisimulang umibig sa salapi ay nanganganib na mapaharap sa lahat ng uri ng suliranin, na ang pinakamalubha rito ay ang mapalayo mula sa pananampalataya. Lalong pinatibay ni Pablo ang katotohanang ito sa kaniyang sinabi sa mga Kristiyano sa Colosas: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa . . . nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Colosas 3:5) Paano magiging katumbas ng idolatriya ang kaimbutan, kasakiman, o “pag-ibig sa salapi”? Nangangahulugan ba ito na mali ang maghangad ng mas malaking bahay, mas bagong kotse, o ng isang trabahong may mas malaking sahod? Hindi, wala sa mga bagay na ito ang masama sa ganang sarili. Ang tanong ay: Anong saloobin ng puso ang nag-uudyok sa isa na maghangad ng alinman sa mga bagay na ito, at talaga bang kailangan ang mga ito?
Ang pagkakaiba ng normal na hangarin at ng kasakiman ay maaaring maihambing sa pagkakaiba ng maliit na sigâ na nakaluluto ng pagkain at ng isang naglalagablab na apoy na nakatutupok ng isang kagubatan. Ang mabuti at angkop na hangarin ay maaaring maging kapaki-pakinabang. Ginaganyak tayo nito na magtrabaho at maging mabunga. Sinasabi sa Kawikaan 16:26: “Ang kaluluwa ng masipag na manggagawa ay nagpagal para sa kaniya, sapagkat pinilit siya ng kaniyang bibig.” Ngunit ang kasakiman ay mapanganib at mapangwasak. Ito’y hangarin na walang pagpipigil.
Ang pagpipigil ang pangunahing suliranin. Ang salapi ba na ating iniipon o ang materyal na mga bagay na ating hinahangad ang maglilingkod sa ating mga pangangailangan, o ang atin bang mga pangangailangan ang maglilingkod sa salapi? Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo na ang “taong sakim . . . [ay] nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo.” (Efeso 5:5) Sa katunayan, ang pagiging sakim sa isang bagay ay nangangahulugang isinusuko natin ang ating kalooban dito—anupat ginagawa na natin itong ating panginoon, ating diyos, ang bagay na ating pinaglilingkuran. Sa kabaligtaran, mariing sinasabi ng Diyos: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.”—Exodo 20:3.
Ipinahihiwatig din ng ating pagiging sakim na hindi tayo nagtitiwalang tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangakong ibibigay niya ang ating kailangan. (Mateo 6:33) Kung gayon, ang kasakiman ay katumbas ng pagtalikod sa Diyos. Sa ganito ring diwa, ito ay “idolatriya.” Hindi nga kataka-taka na gayon kalinaw ang babala ni Pablo laban dito!
Nagbigay rin si Jesus ng isang tuwirang babala laban sa kasakiman. Inutusan niya tayong mag-ingat laban sa paghahangad ng isang bagay na hindi natin taglay: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Ayon sa tekstong ito at sa kasunod na ilustrasyon ni Jesus, ang kasakiman ay nakasalig sa hangal na pag-aakalang ang mahalaga sa buhay ay kung gaano karami ang taglay ng isa. Maaaring ito ay salapi, katayuan sa buhay, kapangyarihan, o kaugnay na mga bagay. Posibleng maging sakim sa anumang bagay na maaaring matamo. Ang kaisipan ay na makokontento tayo kapag taglay na natin ang bagay na iyon. Ngunit ayon sa Bibliya at sa karanasan ng tao, ang Diyos lamang ang maaaring makasapat—at tiyak na makasasapat—sa ating tunay na mga pangangailangan, tulad ng ikinatuwiran ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod.—Lucas 12:22-31.
Ang lipunan sa ngayon na mahilig sa pamimili at pagbebenta ng mga kalakal ay mahusay pumukaw ng kasakiman. Yamang naimpluwensiyahan ng tuso ngunit mabisang mga paraan, marami ang napaniniwala na hindi pa sapat ang anumang taglay nila. Kailangan nila ang higit pa, mas malalaki, at mas mahuhusay na bagay. Bagaman hindi natin maaasahan na mababago natin ang daigdig sa palibot natin, paano natin personal na malalabanan ang kalakarang ito?
Pagkakontento Laban sa Kasakiman
Ibinibigay ni Pablo ang mapagpipilian bukod sa kasakiman, ang pagkakontento. Sinabi niya: “Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Ang paglalarawang ito hinggil sa lahat ng talagang kailangan natin—“pagkain at pananamit”—ay baka waring napakasimple o di-makatotohanan. Maraming tao ang nalilibang sa mga programa sa telebisyon kung saan ang mga manonood ay dumadalaw sa mga sikat na taong naninirahan sa mararangyang tahanan. Hindi ganiyan ang paraan upang matamo ang pagkakontento.
Siyempre pa, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi Kawikaan 30:8, 9) Gayunman, tunay na ipinaaalaala sa atin ni Pablo kung ano talaga ang karukhaan: kawalan ng sapat na pagkain, pananamit, at tirahan upang mabuhay sa lugar na kinaroroonan ng isa. Sa kabilang dako naman, kung taglay natin ang mga bagay na iyon, may dahilan tayo na maging kontento.
hinihilingang mamuhay sa karukhaang ipinataw sa sarili. (Talaga bang seryoso si Pablo sa gayong paglalarawan sa pagkakontento? Talaga bang posibleng masiyahan sa mga pangunahing pangangailangan lamang —pagkain, pananamit, at tirahan? Alam ito ni Pablo. Naranasan niya mismo ang pagkakaroon ng kayamanan at mga pribilehiyo ng isang may mataas na katayuan sa pamayanang Judio at ng isang may pagkamamamayang Romano. (Gawa 22:28; 23:6; Filipos 3:5) Dumanas din si Pablo ng matinding hirap sa kaniyang mga gawaing pangmisyonero. (2 Corinto 11:23-28) Sa lahat ng ito, natutuhan niya ang lihim na tumulong sa kaniya na manatiling kontento. Ano iyon?
“Natutuhan Ko ang Lihim”
Ipinaliwanag ni Pablo sa isa sa kaniyang mga liham: “Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.” (Filipos 4:12) Tila gayon na lamang ang pagtitiwala at pagiging positibo ni Pablo! Napakadaling isipin na ang kaniyang buhay ay lubhang kaayaaya nang isulat niya ang mga salitang ito, ngunit hindi gayon. Nakabilanggo siya sa Roma!—Filipos 1:12-14.
Kung isasaalang-alang ang nakapupukaw-kaisipang katotohanang iyan, ipinababatid ng tekstong ito ang isang mapuwersang mensahe hinggil sa isyu ng pagkakontento hindi lamang sa materyal na mga ari-arian kundi maging sa mga kalagayan din naman. Ang labis na kayamanan o kahirapan ay maaaring sumubok sa atin kung ano ang ating uunahin. Binanggit ni Pablo ang hinggil sa mga espirituwal na kayamanan na nagpangyaring maging kontento siya anuman ang kaniyang kalagayan sa materyal: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa [Diyos] na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Sa halip na magtiwala sa kaniyang mga ari-arian, marami man ito o kaunti, o sa kaniyang kalagayan, kaayaaya man ito o hindi, nagtiwala si Pablo sa Diyos upang masapatan ang kaniyang mga pangangailangan. Ang resulta ay pagkakontento.
Ang halimbawa ni Pablo ay lalo nang mahalaga kay Timoteo. Hinimok ng apostol ang kabataang lalaking iyon na itaguyod ang isang istilo ng pamumuhay na nag-uuna sa makadiyos na debosyon at sa isang malapít na ugnayan sa Diyos sa halip na sa kayamanan. Sinabi ni Pablo: “Gayunman, ikaw, O tao ng Diyos, tumakas ka mula sa mga bagay na ito. Ngunit itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.” (1 Timoteo 6:11) Ang mga pananalitang iyon ay malamang na para kay Timoteo, ngunit ang mga ito ay kapit sa sinumang nagnanais na parangalan ang Diyos at magkaroon ng isang tunay na maligayang buhay.
Kinailangang mag-ingat si Timoteo laban sa kasakiman katulad ng iba pang Kristiyano. Malamang na may mayayamang mananampalataya sa kongregasyon ng Efeso, na kinaroonan niya nang sulatan siya ni Pablo. (1 Timoteo 1:3) Naipaabot noon ni Pablo ang mabuting balita ni Kristo sa mayamang sentrong ito ng komersiyo, anupat marami ang nakumberte. Walang-alinlangan, ang ilan sa mga ito ay mayayaman, gaya ng ilan sa mga nasa kongregasyong Kristiyano sa ngayon.
Ang tanong, kung gayon, lalo na sa liwanag ng turo sa 1 Timoteo 6:6-10, ay: Ano ang dapat gawin ng mga tao na nagtataglay ng higit sa karaniwang dami ng salapi kung nais nilang parangalan ang Diyos? Sinasabi ni Pablo na dapat silang magsimula sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang saloobin. Ang salapi ay may hilig na lumikha ng mga damdaming pagka-nasisiyahan-sa-sarili. Sinasabi ni Pablo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” (1 Timoteo 6:17) Ang mga taong mayayaman ay dapat na matutong umasa hindi lamang sa kanilang salapi; kailangan silang umasa sa Diyos, ang orihinal na pinagmumulan ng anumang kayamanan.
Ngunit ang saloobin ay bahagi lamang ng pakikipagpunyagi. Sa malao’t madali, kailangang may-katalinuhang gamitin ng mayayamang Kristiyano ang kanilang kayamanan. Ipinaalaala ni Pablo: ‘Gumawa ng mabuti, maging mayaman sa maiinam na gawa, maging mapagbigay, handang mamahagi.’—1 Timoteo 6:18.
“Ang Tunay na Buhay”
Ang pangunahing punto ng payo ni Pablo ay ang pangangailangan na paalalahanan ang ating sarili hinggil sa relatibong halaga ng materyal na mga bagay. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang mahahalagang pag-aari ng mayaman ay kaniyang matibay na bayan, at ang mga iyon ay gaya ng pananggalang na pader sa kaniyang guniguni.” (Kawikaan 18:11) Oo, sa katapus-tapusan, ang katiwasayan na mailalaan ng kayamanan ay guniguni lamang at sa katunayan ay mapanlinlang. Mali na ang mga ito ang maging sentro ng ating buhay sa halip na ang pagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
Ang kawalang-katiyakan ng materyal na kayamanan ang siyang dahilan ng pagiging napakarupok nito upang paglagakan ng ating pag-asa. Ang tunay na pag-asa ay dapat na mahigpit na nakasalig sa isang bagay na matibay, makabuluhan, at nagtatagal. Ang Kristiyanong pag-asa ay nakatuon sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, at sa kaniyang pangakong buhay na walang hanggan. Bagaman totoo na hindi mabibili ng salapi ang kaligayahan, lalong totoo na hindi mabibili ng salapi ang kaligtasan. Tanging ang pananampalataya natin sa Diyos ang makapagbibigay sa atin ng gayong pag-asa.
Kaya mayaman man tayo o mahirap, itaguyod natin ang landasin sa buhay na magpapangyari sa atin na maging “mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Wala nang higit pang mahalaga kaysa sa isang sinang-ayunang katayuan sa Maylalang. Ang lahat ng pagsisikap na panatilihin ito ay makadaragdag sa ating ‘pag-iimbak para sa ating sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan tayong mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:19.
[Larawan sa pahina 7]
Natutuhan ni Pablo ang lihim ng pagkakontento
[Mga larawan sa pahina 8]
Maaari tayong maging maligaya at kontento sa kung ano ang taglay natin