Bakit Dapat Mong Pag-aralan ang Bibliya?
Bakit Dapat Mong Pag-aralan ang Bibliya?
SI Bill ay bata pa, malakas, may pinag-aralan, at maykaya sa buhay. Ngunit, hindi siya kontento. Walang direksiyon ang buhay niya, at lubha siyang nabagabag dahil dito. Yamang sinisikap na makasumpong ng layunin sa buhay, sinuri niya ang iba’t ibang relihiyon, ngunit hindi niya nasumpungan ang hinahanap niya. Noong 1991 ay nakausap niya ang isa sa mga Saksi ni Jehova na nag-iwan sa kaniya ng isang aklat na tumatalakay sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa layunin ng buhay. Isinaayos ang isang pag-aaral sa Bibliya upang mapagtuunan ni Bill ng pansin ang paksang ito at ang iba pa.
Naaalala ni Bill: “Idinaos namin ang aming unang pag-aaral, at dahil napakadalas naming tingnan ang Bibliya, alam ko na ito na nga ang aking hinahanap. Ang mga sagot sa Bibliya ay lubhang kapana-panabik. Pagkatapos ng pag-aaral na iyon, nagmaneho ako paakyat sa kabundukan, lumabas sa aking trak, at humiyaw ako dahil sa matinding kagalakan. Tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay nalalaman ko na ang mga sagot sa aking mga tanong.”
Siyempre pa, hindi naman lahat ng nakasusumpong Mateo 13:44.
ng katotohanan sa Bibliya ay literal na humihiyaw dahil sa kagalakan. Gayunman, ang pagkaalam sa mga sagot sa mahahalagang tanong sa buhay ay isang nakagagalak na karanasan para sa marami. Nadarama nila ang gaya ng nadama ng lalaki sa talinghaga ni Jesus na nakatuklas ng nakatagong kayamanan sa isang bukid. Sinabi ni Jesus: “Dahil sa kagalakang taglay niya ay humayo siya at ipinagbili ang mga bagay na taglay niya at binili ang bukid na iyon.”—Ang Susi sa Isang Makabuluhang Buhay
Pinag-isipan ni Bill ang isang pangunahing katanungan, Ano ang layunin ng buhay? Sa loob ng maraming milenyo, lubhang pinagsikapan ng mga pilosopo, teologo, at mga siyentipiko na hanapin ang sagot sa tanong na iyan. Di-mabilang na mga aklat ang isinulat ng mga indibiduwal na nagtangkang sagutin ito. Walang nangyari sa kanilang mga pagsisikap, at marami ang nagpasiya na ang tanong na iyan ay hindi masasagot. Subalit may kasagutan ito. Bagaman ito ay malalim, hindi naman ito masalimuot. Ipinaliliwanag ito sa Bibliya. Ang susi sa isang maligaya at makabuluhang buhay ay ito: Dapat tayong magkaroon ng isang wastong kaugnayan kay Jehova, ang ating Maylalang at makalangit na Ama. Paano natin ito matatamo?
May dalawang tila nagkakasalungatang aspekto ng paglapit sa Diyos. Yaong mga gumagawa nito ay kapuwa natatakot at umiibig sa kaniya. Isaalang-alang natin ang dalawang kasulatan na sumusuporta sa pangungusap na iyan. Noon, maingat na pinag-aralan ng matalinong hari na si Solomon ang sangkatauhan at itinala ang kaniyang mga natuklasan sa aklat ng Bibliya na Eclesiastes. Bilang buod ng kaniyang mga obserbasyon, sumulat siya: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Pagkalipas ng maraming siglo, nang tanungin kung ano ang pinakadakilang utos sa Kautusan na ibinigay kay Moises, sumagot si Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Kakatwa ba para sa iyo na dapat tayong kapuwa matakot at umibig sa Diyos? Suriin natin ang kahalagahan ng takot at pag-ibig at kung paano nagtutulungan ang mga ito upang makamit ng isa ang kasiya-siyang kaugnayan sa Diyos.
Ang Kahulugan ng Pagkatakot sa Diyos
Ang may-paggalang na takot ay mahalaga kung nais nating sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Sumulat si apostol Pablo: “Patuloy tayong magkaroon ng di-sana-nararapat na kabaitan, na sa pamamagitan nito ay kaayaayang makapag-uukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak.” (Hebreo 12:28) Sa katulad na paraan, ang isang anghel sa kalagitnaan ng langit na nakita ni apostol Juan sa pangitain ay nagsimulang magpahayag ng mabuting balita sa ganitong mga pananalita: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.”—Apocalipsis 14:6, 7.
Ang pagkatakot na ito sa Diyos, na napakahalaga sa isang makabuluhang buhay, ay hindi katulad ng nakapanlulumong panghihilakbot. Maaari tayong manghilakbot kapag pinagbabantaan ng isang malupit at mapanganib na kriminal. Ngunit ang pagkatakot sa Diyos—o makadiyos na takot—ay ang pagkasindak at matinding pagpipitagan sa Maylalang. Kasangkot din dito ang wastong pagkatakot na hindi mapaluguran ang Diyos dahil siya ang Kataas-taasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na kapuwa may kapangyarihan at awtoridad na parusahan ang mga sumusuway.
Nagtutulungan ang Takot at Pag-ibig
Gayunman, hindi nais ni Jehova na maglingkod ang mga tao sa kaniya dahil lamang sa nasisindak sila sa kaniya. Namumukod-tangi si Jehova bilang Diyos ng pag-ibig. Napakilos si apostol Juan na sumulat: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Maibiging pinakitunguhan ng Diyos na Jehova ang sangkatauhan, at nais niya na tugunin ito ng mga tao sa pamamagitan ng pag-ibig din sa kaniya. Gayunman, paano nakakasuwato ng gayong pag-ibig ang makadiyos na takot? Ang totoo, ang dalawa ay may malapit na kaugnayan. Sumulat ang salmista: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.”—Awit 25:14.
Isip-isipin na lamang ang pagkadama ng paggalang at pagkasindak ng isang bata sa kaniyang malakas at marunong na ama. Kasabay nito, ang batang iyon ay tutugon sa pag-ibig ng kaniyang ama. Ang bata ay magtitiwala sa ama at aasa sa kaniyang patnubay, anupat nananalig na ang patnubay na ito ay magdudulot ng mga kapakinabangan. Sa katulad na paraan, kung tayo’y umiibig at natatakot kay Jehova, susunod tayo sa kaniyang patnubay, at makikinabang tayo rito. Pansinin ang sinabi ni Jehova hinggil sa mga Israelita: “Kung huhubugin lamang nila ang puso nilang ito upang matakot sa akin at tuparin ang lahat ng aking mga utos sa tuwina, upang mapabuti sila at ang kanilang mga anak hanggang sa panahong walang takda!”—Deuteronomio 5:29.
Oo, ang makadiyos na takot ay hindi nauuwi sa pagkaalipin kundi sa kalayaan, hindi sa kalungkutan kundi sa kagalakan. Inihula ni Isaias hinggil kay Jesus: “Magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:3) At sumulat ang salmista: “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na sa kaniyang mga utos ay lubha siyang nalulugod.”—Awit 112:1.
Maliwanag, hindi tayo maaaring matakot sa Diyos o umibig sa kaniya kung hindi natin siya kilala. Iyan ang dahilan kung bakit ang pag-aaral ng Bibliya ay napakahalaga. Ang gayong pag-aaral ay tumutulong sa atin na maunawaan ang personalidad ng Diyos at mapahalagahan ang karunungan ng pagsunod sa kaniyang patnubay. Habang lalo tayong nagiging malapít sa Diyos, ninanais nating gawin ang kaniyang kalooban at nagaganyak tayong sundin ang kaniyang mga utos, yamang nalalaman na makikinabang tayo sa mga ito.—1 Juan 5:3.
Nakagagalak na malaman na ang isa ay nasa tamang landasin sa buhay. Totoo ito kay Bill, na binanggit sa pasimula. Kamakailan ay sinabi niya: “Sa nakalipas na siyam na taon mula noong aking unang pag-aaral sa Bibliya, ang aking kaugnayan kay Jehova ay lumago. Ang panimulang silakbo ng kagalakang nadama ko ay naging isang tunay na nakagagalak na paraan ng pamumuhay. Mayroon akong di-nagbabagong positibong pananaw sa buhay. Ang aking mga araw ay punô ng makabuluhang gawain, hindi ng walang patutunguhang paghahanap ng kaluguran. Si Jehova ay naging isang tunay na persona sa akin, at alam kong hangad niya ang pinakamagaling para sa akin.”
Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang pa natin kung paanong ang kaalaman ni Jehova ay nagdudulot ng kagalakan at kapakinabangan sa mga nagkakapit nito sa kanilang buhay.
[Blurb sa pahina 5]
Ang pagiging malapit sa Diyos ay nangangahulugang kapuwa tayo umiibig at natatakot sa kaniya
[Larawan sa pahina 6]
Si Jesus ay nagagalak sa pagkatakot kay Jehova