Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?
Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?
“ANG lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran,” ang isinulat ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:16) Oo, ang Bibliya ay isang aklat ng katotohanan na galing sa tunay na Diyos, si Jehova.—Awit 83:18.
Yamang si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay, kabilang na ang mga tao, alam na alam niya kung ano ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay. (Hebreo 3:4; Apocalipsis 4:11) At sa kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, nagbigay siya ng makatotohanan at kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong hinggil sa kabilang-buhay.
Ano ba ang Espiritu?
Sa Bibliya, ang mga salitang isinaling “espiritu” ay may saligang kahulugan na “hininga.” Ngunit nagpapahiwatig ito ng higit pa kaysa sa basta paghinga. Halimbawa, ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsabi: “Ang katawan na walang espiritu ay patay.” (Santiago 2:26) Kaya ang espiritu ay yaong nagbibigay-buhay sa katawan.
Ang nagbibigay-buhay na puwersang ito ay hindi lamang basta ang hininga, o hangin, na dumaraan sa mga baga. Bakit hindi? Sapagkat kapag huminto ang paghinga, ang buhay ay nananatili sa mga selula ng katawan sa loob ng maikling yugto—“sa loob ng mga ilang minuto,” ayon sa The World Book Encyclopedia. Dahil dito, maaaring magtagumpay ang mga pagsisikap na panumbalikin ang malay-tao. Ngunit sa sandaling mamatay ang ningas ng buhay sa mga selula ng katawan, lahat ng pagsisikap upang mapanumbalik ang buhay ay wala nang saysay. Walang anumang hininga, o hangin, ang makabubuhay ng kahit na isang selula. Ang espiritu, kung gayon, ay ang di-nakikitang puwersa ng buhay—ang ningas ng buhay na nagpapanatili sa mga selula at sa tao na mabuhay. Ang puwersang ito ng buhay ay napananatili sa pamamagitan ng paghinga.—Job 34:14, 15.
Ang espiritu bang iyon ay aktibo lamang sa mga tao? Tinutulungan tayo ng Bibliya na sumapit sa wastong konklusyon may kinalaman sa bagay na ito. Kinilala ng matalinong hari na si Solomon na “lahat [ng mga tao at mga hayop] ay may iisang espiritu,” at tinanong niya: “Sino ang nakaaalam sa espiritu ng mga anak ng sangkatauhan, kung iyon ay umaakyat nang paitaas; at sa espiritu ng hayop, kung iyon ay lumulusong nang pababa sa lupa?” (Eclesiastes 3:19-21) Kaya ang mga hayop gayundin ang mga tao ay sinasabing may espiritu. Paano nagkagayon?
Ang espiritu, o puwersa ng buhay, ay maihahambing sa kuryente na dumadaloy sa isang makina o sa isang kagamitan. Ang di-nakikitang kuryente ay maaaring magsagawa ng iba’t ibang gawain, depende sa uri ng kasangkapan na pinaaandar nito. Halimbawa, ang isang de-kuryenteng lutuan ay maaaring paandarin upang magbigay ng init, ang isang computer upang magproseso ng impormasyon, at ang isang telebisyon upang maglabas ng mga larawan at tunog. Gayunpaman, hindi kailanman kinukuha ng kuryente ang panlabas na kaanyuan ng kasangkapang pinaaandar nito. Nananatili itong isang puwersa lamang. Sa katulad na paraan, hindi kinukuha ng puwersa ng buhay ang alinman sa mga katangian ng mga nilalang na binibigyang-buhay nito. Wala itong personalidad at kakayahang mag-isip. Ang mga tao at mga hayop ay “may iisang espiritu.” (Eclesiastes 3:19) Kaya kapag namatay ang isang tao, ang kaniyang espiritu ay hindi patuloy na iiral sa ibang dako bilang isang espiritung nilalang.
Ano, kung gayon, ang kalagayan ng mga patay? At ano ang nangyayari sa espiritu pagkamatay ng isang tao?
“Sa Alabok Ka Babalik”
Nang kusang labagin ng unang tao, si Adan, ang utos ng Diyos, sinabi Niya rito: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Nasaan si Adan bago siya lalangin ni Jehova mula sa alabok? Aba, wala pa siya! Talagang hindi siya umiiral. Kaya nang sabihin ng Diyos na Jehova na si Adan ay ‘babalik sa lupa,’ ang ibig niyang sabihin ay na si Adan ay mamamatay at babalik sa mga elemento ng lupa. Si Adan ay hindi lilipat sa dako ng mga espiritu. Sa kamatayan, hindi na muling iiral si Adan. Ang parusa sa kaniya ay kamatayan—ang kawalan ng buhay—hindi ang paglipat sa ibang dako.—Roma 6:23.
Kumusta naman yaong ibang namatay na? Ang kalagayan ng patay ay nililiwanag sa Eclesiastes 9:5, 10, kung saan mababasa natin: “Ang mga patay ay walang nalalamang anumang bagay . . . Walang gawa, ni plano man, ni kaalaman man o karunungan, sa loob ng libingan.” (Moffatt) Samakatuwid, ang kamatayan ay isang kalagayan ng hindi pag-iral. Isinulat ng salmista na kapag ang isang tao ay namatay, “ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”—Awit 146:4.
Maliwanag, ang mga patay ay hindi umiiral. Wala silang nalalamang anuman. Hindi ka nila nakikita, ni naririnig, o nakakausap man. Hindi ka rin nila matutulungan ni magagawan ng pinsala. Tiyak na hindi mo dapat katakutan ang mga patay. Ngunit paano nga “pumapanaw” ang espiritu mula sa isang tao pagkamatay niya?
Ang Espiritu ay “Babalik sa Tunay na Diyos”
Sinasabi ng Bibliya na kapag namatay ang isang tao, “ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.” (Eclesiastes 12:7) Nangangahulugan ba ito na isang espiritung nilalang ang literal na naglalakbay sa kalawakan patungo sa kinaroroonan ng Diyos? Hinding-hindi! Ang paraan ng paggamit ng Bibliya sa salitang “babalik” ay hindi humihiling ng aktuwal na paglipat mula sa isang dako tungo sa iba pa. Halimbawa, ang di-tapat na mga Israelita ay sinabihan: “ ‘Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Malakias 3:7) Ang ‘pagbabalik’ ng Israel kay Jehova ay nangangahulugan ng pagtalikod sa isang maling landasin at muling pag-ayon sa matuwid na daan ng Diyos. At ang ‘pagbabalik’ ni Jehova sa Israel ay nangangahulugan ng muling pagbabaling ng kaniyang paglingap sa kaniyang bayan. Sa dalawang kasong ito, ang ‘pagbabalik’ ay nagsasangkot ng isang saloobin, hindi ng isang literal na pag-alis mula sa isang partikular na lokasyon tungo sa iba pa.
Sa katulad na paraan, sa panahon ng kamatayan ay walang nangyayaring aktuwal na paglipat mula sa lupa tungo sa makalangit na dako kapag ang espiritu ay ‘bumabalik’ sa Diyos. Sa sandaling mawala sa isang tao ang puwersa ng buhay, tanging ang Diyos ang may kakayahang magsauli nito sa kaniya. Kaya ang espiritu ay “babalik sa tunay na Diyos” sa diwa na anumang pag-asa ng buhay sa hinaharap para sa taong iyon ay lubusang nakasalalay na ngayon sa Diyos.
Halimbawa, isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Inilalahad ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas: “Si Jesus ay tumawag sa malakas na tinig at nagsabi: ‘Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.’ Nang masabi na niya ito, siya ay nalagutan ng hininga.” (Lucas 23:46) Nang pumapanaw ang espiritu ni Jesus mula sa kaniya, hindi siya literal na umaalis patungong langit. Si Jesus ay hindi binuhay-muli mula sa mga patay kundi noong ikatlong araw, at lumipas pa ang 40 araw bago siya umakyat sa langit. (Gawa 1:3, 9) Gayunman, sa panahon ng kaniyang kamatayan, may-pananalig na ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang espiritu sa mga kamay ng kaniyang Ama, anupat lubusang nagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na buhayin siyang muli.
Oo, kayang buhaying-muli ng Diyos ang isang tao. (Awit 104:30) Kay dakilang pag-asa nga ang binubuksan nito!
Isang Tiyak na Pag-asa
Sinasabi ng Bibliya: ‘Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.’ (Juan 5:28, 29) Oo, ipinangako ni Jesu-Kristo na lahat niyaong nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying-muli, o ibabalik tungo sa buhay. Tunay na ang ilan sa kanila ay yaong mga nagtaguyod ng isang matuwid na landasin bilang mga lingkod ni Jehova. Ngunit milyun-milyong iba pang tao ang namatay nang hindi naipakita kung sila ba’y susunod sa matutuwid na pamantayan ng Diyos o hindi. Iyon ay dahil sa hindi nila alam ang mga kahilingan ni Jehova o dahil sa nawalan sila ng sapat na panahon upang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago. Ang gayong mga indibiduwal ay nasa alaala rin ng Diyos at bubuhaying-muli, yamang sinasabi ng Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
Sa ngayon, ang lupa ay punô ng poot at alitan, karahasan at pagbububo ng dugo, polusyon at sakit. Kung bubuhaying-muli ang mga patay sa ganitong kalagayan ng lupa, tiyak na anumang kaligayahang ibubunga nito ay panandalian lamang. Ngunit ipinangako ng Maylalang na malapit na niyang wakasan ang kasalukuyang lipunan ng sanlibutan na nasa kontrol ni Satanas na Diyablo. (Kawikaan 2:21, 22; Daniel 2:44; 1 Juan 5:19) Kung gayon, ang isang matuwid na lipunan ng tao—“isang bagong lupa”—ay magiging isang kamangha-manghang katotohanan.—2 Pedro 3:13.
Sa panahong iyon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Maging ang pagdadalamhati ng kamatayan ay papawiin, yamang “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Kay laking pag-asa ito para sa mga “nasa mga alaalang libingan”!
Kapag nilipol ni Jehova ang kabalakyutan sa lupa, hindi niya pupuksain ang mga matuwid kasama ng mga balakyot. (Awit 37:10, 11; 145:20) Sa katunayan, “isang malaking pulutong” ng mga tao “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang makaliligtas sa “malaking kapighatian,” na pupuksa sa kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito. (Apocalipsis 7:9-14) Samakatuwid, isang lubhang karamihan ang naroroon upang salubungin ang mga patay.
Hinahangad mo bang muling makita ang iyong mga mahal sa buhay? Nais mo bang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Kung gayon ay kailangan mong kumuha ng tumpak na kaalaman hinggil sa kalooban at mga layunin ng Diyos. (Juan 17:3) Kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.
[Larawan sa pahina 4]
“Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik”
[Larawan sa pahina 5]
Ang espiritu ay maihahambing sa kuryente
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkabuhay-muli ay magdudulot ng namamalaging kagalakan