Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Hayag ang Iyong Pagsulong

Gawing Hayag ang Iyong Pagsulong

Gawing Hayag ang Iyong Pagsulong

“Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”​—1 TIMOTEO 4:15.

1. Paano mo masasabi kung hinog na at puwede nang kainin ang isang prutas?

 ILARAWAN sa iyong isipan ang paborito mong prutas​—papaya, saging, mangga, o ibang prutas. Masasabi mo ba kung ito ay hinog na at puwede nang kainin? Siyempre. Ang amoy, kulay, at salat nito ay pawang nagsasabi sa iyo na naghihintay na sa iyo ang isang katakam-takam na karanasan. Minsang makakagat ka na ng isang piraso nito, baka mapabuntung-hininga ka sa sarap. Makatas! Kay tamis nito! Talagang tuwang-tuwa ka at lugod na lugod.

2. Paano naipamamalas ang pagkamaygulang, at ano ang epekto nito sa personal na pakikipag-ugnayan?

2 Ang simple ngunit nakalulugod na karanasang ito ay may mga katumbas sa ibang pitak ng buhay. Halimbawa, tulad ng pagkahinog ng prutas, makikita rin ang espirituwal na pagkamaygulang ng isang tao sa iba’t ibang paraan. Nalalaman natin ang pagkamaygulang ng isang tao kapag namamalas natin sa kaniya ang kaunawaan, malalim na unawa, karunungan, at iba pa. (Job 32:7-9) Tunay ngang kalugud-lugod na makasama at makatrabaho ang mga tao na nagpapamalas ng gayong mga katangian sa kanilang mga saloobin at mga kilos.​—Kawikaan 13:20.

3. Ano ang isinisiwalat ng paglalarawan ni Jesus sa mga tao noong kaniyang panahon tungkol sa pagkamaygulang?

3 Sa kabilang panig, ang isang tao ay maaaring may-gulang na sa pisikal, ngunit ang paraan niya ng pagsasalita at paggawi ay maaaring magsiwalat na siya ay hindi pa may-gulang sa emosyon at sa espirituwal. Halimbawa, sa pagtukoy sa likong salinlahi noong kaniyang panahon, sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Juan ay dumating na hindi kumakain ni umiinom, gayunma’y sinasabi ng mga tao, ‘Siya ay may demonyo’; ang Anak ng tao ay dumating na kumakain at umiinom, gayunma’y sinasabi pa rin ng mga tao, ‘Narito! Isang taong matakaw at mahilig uminom ng alak.’ ” Bagaman ang mga taong iyon ay may-gulang sa pisikal, sinabi ni Jesus na kumilos silang gaya ng “mga bata”​—hindi sila may-gulang. Kaya naman, sinabi pa niya: “Gayunpaman, ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.”​—Mateo 11:16-19.

4. Sa anu-anong paraan nahahayag ang pagsulong at pagkamaygulang?

4 Mula sa mga salita ni Jesus, makikita natin na kung ang isang tao ay nagtataglay ng tunay na karunungan​—isang pagkakakilanlang tanda ng pagkamaygulang​—nahahayag ito sa kaniyang mga ginagawa at sa mga resultang ibinubunga nito. May kinalaman dito, pansinin ang payo ni apostol Pablo kay Timoteo. Matapos isa-isahin ang mga bagay na dapat itaguyod ni Timoteo, sinabi ni Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Timoteo 4:15) Oo, ang pagsulong ng isang Kristiyano tungo sa pagkamaygulang ay ‘nahahayag,’ o malinaw na nahahalata. Ang Kristiyanong pagkamaygulang, tulad ng isang nagniningning na liwanag, ay hindi isang mahirap mapansin o nakatagong katangian. (Mateo 5:14-​16) Kaya naman, isasaalang-alang natin ang dalawang pangunahing paraan na doo’y maaaring mahayag ang pagsulong at pagkamaygulang: (1) paglago sa kaalaman, unawa, at karunungan; (2) pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu.

Pagkakaisa sa Pananampalataya at sa Kaalaman

5. Paano maaaring bigyan ng katuturan ang pagkamaygulang?

5 Ang pagkamaygulang ay inilalarawan ng karamihan sa mga diksyunaryo bilang ang kalagayan ng ganap na paglaki, ng pagiging hustong ang gulang, at ng pagiging nakaabot sa isang pangwakas na kalagayan o hinahangad na pamantayan. Ang isang prutas, gaya ng binanggit kanina, ay magulang na, o hinog na, kapag nalubos na ang likas na siklo ng paglaki at ang hitsura, kulay, amoy, at lasa nito ay nakaabot na sa itinuturing na kanais-nais. Kaya naman, ang pagkamaygulang ay singkahulugan ng kahusayan, kaganapan, o maging ng kasakdalan.​—Isaias 18:5; Mateo 5:45-​48; Santiago 1:4.

6, 7. (a) Ano ang nagpapakita na lubhang interesado si Jehova na lahat ng kaniyang mga mananamba ay sumulong tungo sa espirituwal na pagkamaygulang? (b) Sa ano may malapit na kaugnayan ang espirituwal na pagkamaygulang?

6 Ang Diyos na Jehova ay lubhang interesado na ang lahat ng kaniyang mga mananamba ay sumulong tungo sa espirituwal na pagkamaygulang. Dahil sa layuning iyan, gumawa siya ng kamangha-manghang mga paglalaan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa mga Kristiyano sa Efeso, sumulat si apostol Pablo: “Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo, hanggang sa makamtan nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo; upang huwag na tayong maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.”​—Efeso 4:11-14.

7 Sa mga talatang ito, ipinaliwanag ni Pablo na kabilang sa mga dahilan kung bakit gumawa ang Diyos ng gayong saganang espirituwal na mga paglalaan sa kongregasyon ay upang ang lahat ay ‘magkamit ng pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman,’ maging “isang tao na husto ang gulang,” at magkaroon ng ‘sukat ng laki ng Kristo.’ Saka lamang kung gayon magiging ligtas tayo mula sa pagiging gaya ng espirituwal na mga sanggol na sinisiklut-siklot ng huwad na mga ideya at turo. Kaya nakikita natin ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng pagsulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang at ng pagtatamo ng “pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos.” May ilang punto sa payo ni Pablo na makabubuting pakinggan natin.

8. Ano ang kailangan upang makamtan ang “pagkakaisa” sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman?

8 Una, yamang ang “pagkakaisa” ay nararapat panatilihin, ang isang may-gulang na Kristiyano ay kailangang kaisa at lubusang kasuwato ng mga kapananampalataya kung tungkol sa pananampalataya at kaalaman. Hindi siya nagtataguyod o naggigiit ng personal na mga opinyon o nanghahawakan sa pribadong mga ideya may kinalaman sa pagkaunawa sa Bibliya. Sa halip, siya ay may lubos na tiwala sa katotohanan na isiniwalat ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at ng “tapat at maingat na alipin.” Sa pamamagitan ng regular na pagkuha ng espirituwal na pagkain na inilalaan “sa tamang panahon”​—sa pamamagitan ng mga Kristiyanong publikasyon, pulong, asamblea, at mga kombensiyon​—makatitiyak tayo na mapananatili natin ang ‘pakikipagkaisa’ sa mga kapuwa Kristiyano sa pananampalataya at kaalaman.​—Mateo 24:45.

9. Ipaliwanag ang kahulugan ng pananalitang “pananampalataya” na ginamit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso.

9 Ikalawa, ang pananalitang “pananampalataya” ay tumutukoy, hindi sa kombiksiyon na itinataguyod ng bawat indibiduwal na Kristiyano, kundi sa kabuuan ng ating paniniwala, “ang lapad at haba at taas at lalim” nito. (Efeso 3:18; 4:5; Colosas 1:23; 2:7) Sa katunayan, paanong ang isang Kristiyano ay magiging kaisa ng mga kapananampalataya kung pinaniniwalaan o tinatanggap lamang niya ang ilang bahagi ng “pananampalataya”? Nangangahulugan ito na hindi tayo dapat maging kontento sa pagkaalam lamang sa saligang mga turo ng Bibliya o sa pagkakaroon lamang ng malabo o kaunting kaalaman sa katotohanan. Sa halip, dapat na maging interesado tayo na samantalahin ang lahat ng paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon upang masaliksik nang husto ang kaniyang Salita. Dapat na magsikap tayong magtamo ng tumpak at lubos na unawa sa kalooban at layunin ng Diyos hangga’t maaari. Kasali rito ang paggugol ng panahon upang magbasa at mag-aral ng Bibliya at mga publikasyon sa Bibliya, upang manalangin sa Diyos ukol sa kaniyang tulong at patnubay, upang dumalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong, at upang magkaroon ng lubusang bahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.​—Kawikaan 2:1-5.

10. Ano ang kahulugan ng mga salitang “hanggang sa makamtan nating lahat,” na ginamit sa Efeso 4:13?

10 Ikatlo, nilakipan ni Pablo ng patiunang pananalita ang paglalarawan sa tatlong-uring tunguhin sa pamamagitan ng mga salitang “hanggang sa makamtan nating lahat.” Hinggil sa pananalitang “nating lahat,” isang manwal tungkol sa Bibliya ang nagbibigay ng kahulugan bilang “hindi lahat, alalaong baga’y isa-isa, anupat magkakahiwalay, kundi lahat na magkakasama.” Sa ibang salita, bawat isa sa atin ay dapat mag-ukol ng makatuwirang pagsisikap upang maabot ang tunguhing Kristiyanong pagkamaygulang kasama ng buong kapatiran. Sinabi ng The Interpreter’s Bible: “Ang kalubusan ng espirituwal na tagumpay ay hindi makakamtan ng indibiduwal nang nakabukod, kung paanong ang isang bahagi ng katawan ay hindi maaaring umabot sa pagiging may-gulang malibang ang buong katawan ay nagpapatuloy sa malusog na paglaki nito.” Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na dapat silang magsikap “kasama ng lahat ng mga banal” na maunawaan ang buong saklaw ng pananampalataya.​—Efeso 3:18a.

11. (a) Ano ang hindi ipinahihiwatig ng paggawa ng pagsulong sa espirituwal? (b) Ano ang kailangan nating gawin upang makagawa ng pagsulong?

11 Maliwanag mula sa mga salita ni Pablo na ang pagsulong sa espirituwal ay hindi nangangahulugang pupunuin lamang natin ng kaalaman at malaking kabatiran ang ating isip. Ang may-gulang na Kristiyano ay hindi isa na nagpapahanga sa iba dahil sa kaniyang katalinuhan. Sa halip, sinasabi ng Bibliya: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Oo, “ang landas,” hindi ang indibiduwal, ang “lumiliwanag nang lumiliwanag.” Kung mag-uukol tayo ng patuluyang pagsisikap upang makaalinsabay sa paningning nang paningning na kaunawaan sa Salita ng Diyos na ipinagkakaloob ni Jehova sa kaniyang bayan, makagagawa tayo ng espirituwal na pagsulong. Sa bagay na ito, ang pag-alinsabay ay nangangahulugang sumulong, at iyan ay isang bagay na maaari nating gawing lahat.​—Awit 97:11; 119:105.

Ipamalas “ang mga Bunga ng Espiritu”

12. Bakit mahalaga na maipamalas ang mga bunga ng espiritu sa ating pagpapagal na sumulong sa espirituwal?

12 Bagaman mahalaga na makamtan ang “pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman,” mahalaga rin na maipamalas natin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Bakit? Sapagkat ang pagkamaygulang, gaya ng nakita na natin, ay hindi mahirap mapansin o nakatago, kundi ito ay kakikitaan ng malinaw na nahahalatang mga katangian na maaaring magdulot ng kapakinabangan at magpatibay sa iba. Sabihin pa, ang ating pagpapagal upang sumulong sa espirituwal ay hindi lamang upang magtinging may mabuting paggawi o maghambog lamang. Sa halip, habang lumalaki tayo sa espirituwal na paraan, anupat sinusunod ang pag-akay ng espiritu ng Diyos, magkakaroon ng kamangha-manghang pagbabago sa ating mga saloobin at paggawi. “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa,” ang sabi ni apostol Pablo.​—Galacia 5:16.

13. Anong pagbabago ang maliwanag na nagpapahiwatig ng pagsulong?

13 Pagkatapos ay itinala ni Pablo “ang mga gawa ng laman,” na napakarami at “hayag.” Bago mapahalagahan ng isang tao ang mga kahilingan ng Diyos, ang kaniyang buhay ay nakaayon sa mga daan ng sanlibutan at maaaring lipos ng ilan sa mga bagay na binanggit ni Pablo: “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” (Galacia 5:19-​21) Ngunit habang sumusulong ang tao sa espirituwal, unti-unti niyang nadaraig ang di-kanais-nais na “mga gawa ng laman” at hinahalinhan ang mga ito ng “mga bunga ng espiritu.” Ang pagbabagong ito na kitang-kita sa labas ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang tao ay sumusulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang.​—Galacia 5:22.

14. Ipaliwanag ang dalawang pananalitang “mga gawa ng laman” at “mga bunga ng espiritu.”

14 Dapat nating pansinin ang dalawang pananalitang “mga gawa ng laman” at “mga bunga ng espiritu.” Ang “mga gawa” ay resulta ng ginagawa ng isa, ang bunga ng kaniyang ikinikilos. Sa ibang salita, ang mga bagay na itinala ni Pablo bilang mga gawa ng laman ay mga resulta ng alinman sa sinasadyang pagpili ng isa o ng impluwensiya ng makasalanang laman. (Roma 1:24, 28; 7:21-​25) Sa kabilang panig, ang pananalitang “mga bunga ng espiritu” ay nagpapahiwatig na ang mga katangiang nakatala ay, hindi mga resulta ng mga pagsisikap sa tinatawag na pagpapabuti ng ugali o pagpapaunlad ng personalidad, kundi mga resulta ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa isang tao. Kung paanong ang isang punungkahoy ay mamumunga kapag ito ay wastong inalagaan, maipamamalas din ng isang tao ang mga bunga ng espiritu kapag malayang dumadaloy ang banal na espiritu sa kaniyang buhay.​—Awit 1:1-3.

15. Bakit mahalaga na magbigay-pansin sa lahat ng aspekto ng “mga bunga ng espiritu”?

15 Ang isa pang punto na isasaalang-alang ay ang paggamit ni Pablo ng pananalitang “mga bunga” upang sumaklaw sa lahat ng kanais-nais na mga katangian na binanggit niya. a Ang espiritu ay hindi nagluluwal ng sari-saring bunga para makapili tayo ng gusto natin. Lahat ng katangian na itinala ni Pablo​—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili​—ay pare-parehong mahalaga, at sama-sama nitong ginagawang posible ang bagong Kristiyanong personalidad. (Efeso 4:24; Colosas 3:10) Kaya nga, bagaman maaaring masumpungan natin na ang ilan sa mga katangiang ito ay mas kitang-kita sa ating buhay dahil sa ating sariling personalidad at mga hilig, mahalaga na magbigay-pansin tayo sa lahat ng aspekto na binanggit ni Pablo. Sa paggawa ng gayon, lalo nating lubusang maipamamalas ang isang tulad-Kristong personalidad sa ating buhay.​—1 Pedro 2:12, 21.

16. Ano ang ating tunguhin sa ating pagsisikap na maabot ang Kristiyanong pagkamaygulang, paano ito makakamit?

16 Ang mahalagang aral na matututuhan natin mula sa pagtalakay ni Pablo ay na sa pagsisikap na maabot ang Kristiyanong pagkamaygulang, ang ating tunguhin ay hindi ang magkaroon ng malaking kaalaman at kabatiran ni ang maglinang ng pinahusay na katangian ng personalidad. Ang tunguhin natin ay ang matamo ang malayang pagdaloy ng espiritu ng Diyos sa ating buhay. Kung hanggang saan tumutugon ang ating pag-iisip at pagkilos sa pag-akay ng espiritu ng Diyos, hanggang doon din tayo nagiging may-gulang sa espirituwal. Paano natin makakamit ang tunguhing ito? Dapat nating buksan ang ating puso at isip sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos. Kasangkot dito ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong. Dapat din nating pag-aralan nang regular at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos, anupat hinahayaang akayin ng mga simulain nito ang ating pakikitungo sa iba at ang mga pagpili at mga pagpapasiya natin. Kung gayon, tiyak na malinaw na mahahayag ang ating pagsulong.

Gumawa ng Pagsulong Ukol sa Ikaluluwalhati ng Diyos

17. Paanong ang paggawa ng pagsulong ay nauugnay sa pagluwalhati sa ating makalangit na Ama?

17 Sa kahuli-hulihan, ang ipinamamalas nating pagsulong ay nagdudulot ng kaluwalhatian at papuri, hindi sa atin, kundi sa ating makalangit na Ama, si Jehova, na nagpapangyaring matamo natin ang espirituwal na pagkamaygulang. Noong gabi bago patayin si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad.” (Juan 15:8) Kapuwa sa pamamagitan ng mga bunga ng espiritu at ng mga bunga ng kanilang ministeryo sa Kaharian, ang mga alagad ay nagdulot ng kaluwalhatian kay Jehova.​—Gawa 11:4, 18; 13:48.

18. (a) Anong nakagagalak na pag-aani ang nagaganap sa ngayon? (b) Anong hamon ang inihaharap ng pag-aaning ito?

18 Sa ngayon, ang pagpapala ni Jehova ay nasa kaniyang bayan habang nakikibahagi sila sa isang pandaigdig na espirituwal na pag-aani. Sa loob ng ilang taon na ngayon, mga 300,000 baguhan taun-taon ang nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova at sinasagisan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ito ay nagpapaligaya sa atin at tiyak rin na nagpapasaya sa puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Gayunman, upang ito ay maging patuluyang pinagmumulan ng kagalakan at papuri kay Jehova, lahat ng baguhang iyon ay kailangang “patuloy na lumakad na kaisa [ni Kristo], na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya.” (Colosas 2:6, 7) Ito ay naghaharap ng dalawang-uring hamon sa bayan ng Diyos. Sa isang panig, kung ikaw ay bagong bautisado, tatanggapin mo ba ang hamon na magsikap upang ang “iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao”? Sa kabilang panig naman, kung ikaw ay matagal-tagal na sa katotohanan, tatanggapin mo ba ang hamon na balikatin ang pananagutan na asikasuhin ang espirituwal na kapakanan ng mga baguhan? Alinman dito, maliwanag na kailangang sumulong tungo sa pagkamaygulang.​—Filipos 3:16; Hebreo 6:1.

19. Anong pribilehiyo at mga pagpapala ang mapapasaiyo kung maihahayag mo ang iyong pagsulong?

19 Kamangha-manghang mga pagpapala ang naghihintay sa lahat ng nagpapagal upang mahayag ang kanilang pagsulong. Alalahanin ang nakapagpapatibay na mga salita ni Pablo matapos niyang himukin si Timoteo na gumawa ng pagsulong: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Sa pamamagitan ng pagsisikap na mahayag ang iyong pagsulong, ikaw man ay magkakaroon ng bahagi sa pribilehiyo ng pagluwalhati sa pangalan ng Diyos at pagtatamasa ng kaniyang mga pagpapala.

[Talababa]

a Ang pananalitang “mga bunga” ay “bunga” lamang sa orihinal na wika.​—Galacia 5:22, Kingdom Interlinear Translation.

Natatandaan Mo Ba?

• Sa anu-anong paraan maaaring mahayag ang espirituwal na pagkamaygulang?

• Anong uri ng kaalaman at kaunawaan ang nagpapakita ng pagkamaygulang?

• Paanong ang pagpapamalas ng “mga bunga ng espiritu” ay nagpapahiwatig ng pagsulong sa espirituwal?

• Anong hamon ang dapat nating tanggapin habang sumusulong tayo tungo sa pagkamaygulang?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Ang pagkahinog, o pagkamaygulang, ay malinaw na nahahalata

[Larawan sa pahina 15]

Gumagawa tayo ng espirituwal na pagsulong sa pamamagitan ng pag-alinsabay sa isiniwalat na katotohanan

[Larawan sa pahina 17]

Tinutulungan tayo ng panalangin na magpamalas ng “mga bunga ng espiritu”