Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaya Mo Bang “Makilala Kapuwa ang Tama at ang Mali”?

Kaya Mo Bang “Makilala Kapuwa ang Tama at ang Mali”?

Kaya Mo Bang “Makilala Kapuwa ang Tama at ang Mali”?

“Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”​—EFESO 5:10.

1. Sa anong paraan maaaring nakalilito ang buhay sa ngayon, at bakit?

 “NALALAMAN kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang mahalagang katotohanang ito na kinilala ni Jeremias ay lalo nang kumakapit sa atin ngayon. Bakit? Sapagkat tayo ay nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” gaya ng inihula ng Bibliya. (2 Timoteo 3:1) Araw-araw, napapaharap tayo sa nakalilitong mga situwasyon na humihiling na tayo ay gumawa ng mga pasiya. Mabibigat man o magagaan, ang mga pasiyang ito ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa ating kapakanan​—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan.

2. Anong mga pagpili ang maaaring ituring na di-gaanong mahalaga, subalit paano ito minamalas ng nakaalay na mga Kristiyano?

2 Marami sa mga pagpili natin sa ating araw-araw na pamumuhay ay maaaring ituring na rutin o di-gaanong mahalaga. Halimbawa, sa bawat araw ay kailangan nating piliin ang mga damit na isusuot, pagkain na kakainin, mga taong kakatagpuin, at mga iba pa. Halos basta na lamang natin ginagawa ang mga pagpiling ito, nang hindi gaanong pinag-iisipan. Ngunit talaga bang di-gaanong mahalaga ang mga bagay na ito? Para sa nakaalay na mga Kristiyano, lubha nating ikinababahala na ang mga pagpili natin may kinalaman sa ating pananamit at hitsura, sa ating kinakain at iniinom, at sa ating pananalita at paggawi ay laging nagpapamalas na tayo ay mga lingkod ng Kataas-taasan, ang Diyos na Jehova. Tayo ay pinaaalalahanan ng mga salita ni apostol Pablo: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31; Colosas 4:6; 1 Timoteo 2:9, 10.

3. Anong mga pagpili ang lalong dapat na seryosong pag-isipan?

3 Nariyan din ang mga pagpili na lalong dapat na seryosong pag-isipan. Halimbawa, ang pasiyang mag-asawa o manatiling walang asawa ay tiyak na may malaki at nagtatagal na epekto sa buhay ng isa. Walang-alinlangan, ang pagpili ng angkop na mapapangasawa, upang maging habambuhay na kasama, ay hindi isang maliit na bagay. a (Kawikaan 18:22) Bukod dito, ang ating piniling mga kaibigan at mga kasamahan, edukasyon, trabaho, at libangan ay may malaking impluwensiya at may tiyak na ginagampanang papel pa nga sa ating espirituwalidad​—samakatuwid nga, sa ating walang-hanggang kapakanan.​—Roma 13:13, 14; Efeso 5:3, 4.

4. (a) Anong kakayahan ang lubhang kapaki-pakinabang? (b) Anong mga tanong ang kailangang isaalang-alang?

4 Palibhasa’y napapaharap sa lahat ng ito, tiyak na kapaki-pakinabang para sa atin na magkaroon ng kakayahang makilala ang pagkakaiba ng tama at ng mali o makilala ang pagkakaiba ng tila tama at ng talagang tama. “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito,” ang babala ng Bibliya. (Kawikaan 14:12) Dahil dito, baka itanong natin: ‘Paano natin malilinang ang kakayahang makilala ang pagkakaiba ng tama at ng mali? Saan tayo maaaring bumaling upang masumpungan ang kinakailangang patnubay sa ating pagpapasiya? Ano ang ginagawa ng mga tao, noon at ngayon, may kinalaman sa bagay na ito, at ano ang naging resulta?’

Ang “Pilosopiya at Walang-Katuturang Panlilinlang” ng Sanlibutan

5. Anong uri ng daigdig ang pinamuhayan ng unang mga Kristiyano?

5 Ang unang-siglong mga Kristiyano ay nabuhay sa isang daigdig na pinangingibabawan ng Griego-Romanong mga pamantayan at mithiin. Sa isang panig, umiiral noon ang mga kaalwanan at mga karangyaan ng Romanong paraan ng pamumuhay, na itinuturing ng marami bilang isang bagay na kaiinggitan. Sa kabilang panig, ang grupo ng mga intelektuwal noong panahong iyon ay sabik hindi lamang sa mga pilosopiya nina Plato at Aristotle kundi maging yaong sa mga mas bagong pangkat, tulad niyaong sa mga Epicureo at mga Estoico. Nang dumating si apostol Pablo sa Atenas noong ikalawang paglilibot niya bilang misyonero, siya ay napaharap sa mga pilosopong Epicureo at Estoico na nakadamang sila ay nakahihigit sa “daldalerong ito” na si Pablo.​—Gawa 17:18.

6. (a) Natukso ang ilan sa unang mga Kristiyano na gawin ang ano? (b) Anong babala ang ibinigay ni Pablo?

6 Dahil dito, hindi mahirap unawain kung bakit ang ilan sa unang mga Kristiyano ay naakit sa mapagparangyang landasin at istilo ng pamumuhay ng mga taong nakapalibot sa kanila. (2 Timoteo 4:10) Yaong mahahalagang bahagi ng sistema ay waring nagtatamasa ng maraming kapakinabangan at bentaha, at ang mga pagpili nila ay tila mahuhusay. Ang sanlibutan ay waring may mahalagang maibibigay na hindi maibibigay ng nakaalay na Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Gayunman, nagbabala si apostol Pablo: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Colosas 2:8) Bakit sinabi iyon ni Pablo?

7. Ano talaga ang halaga ng karunungan ng sanlibutan?

7 Nagbigay ng gayong babala si Pablo dahil napagwari niya na may tunay na panganib na nakakubli sa likod ng kaisipan ng mga naakit ng sanlibutan. Ang paggamit niya sa pananalitang “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang” ay lubhang mahalaga. Ang salitang “pilosopiya” ay literal na nangangahulugang “ang pag-ibig at pagsisikap na magtamo ng karunungan.” Iyan sa ganang sarili ay maaaring kapaki-pakinabang. Sa katunayan, pinasisigla ng Bibliya, lalo na sa aklat ng Mga Kawikaan, ang pagsisikap na magtamo ng tamang uri ng kaalaman at karunungan. (Kawikaan 1:1-7; 3:13-18) Gayunman, pinagsama ni Pablo ang “pilosopiya” at ang “walang-katuturang panlilinlang.” Sa ibang pananalita, minalas ni Pablo ang karunungang ibinibigay ng sanlibutan bilang walang-saysay at mapanlinlang. Gaya ng isang lobo na nilagyan ng hangin, taglay nito ang anyo ng pagiging solido, ngunit wala itong saysay. Tiyak na magiging walang-kabuluhan, o kapaha-pahamak pa nga, na isalig ang pagpili ng isa hinggil sa tama at mali sa isang bagay na walang-saysay na gaya ng “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang” ng sanlibutan.

Yaong mga Nagsasabi na ang “Mabuti ay Masama at ang Masama ay Mabuti”

8. (a) Kanino bumabaling ang mga tao ukol sa payo? (b) Anong uri ng payo ang ibinibigay?

8 Hindi gaanong naiiba ang mga bagay-bagay sa ngayon. Sa halos lahat ng larangan na pinagsusumikapan ng tao, may napakaraming eksperto. Ang mga tagapayo sa pag-aasawa at pamilya, kolumnista, nag-aangking terapist, astrologo, espiritistang midyum, at iba pa ay handang magbigay ng payo​—nang may bayad. Ngunit anong uri ng payo ang ibinibigay? Kadalasan, ang mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad ay hinahalinhan ng tinatawag na bagong moralidad. Halimbawa, sa pagtalakay sa pagtanggi ng pamahalaan na irehistro ang “pag-aasawa ng mga magkapareho ang kasarian,” isang editoryal sa kilalang pahayagan sa Canada na The Globe and Mail ang nagpahayag: “Sa taóng 2000, lubhang kakatwa na ang nagmamahalan at tapat na magkapareha ay pagkaitan ng kanilang pinakamimithing pangarap dahil nagkataon lamang na pareho ang kasarian nila.” Ang kalakaran ngayon ay ang maging mapagparaya, hindi maging mapamuna. Lahat ng bagay ay itinuturing na relatibo; wala na ngayong ganap na tama at ganap na mali.​—Awit 10:3, 4.

9. Ano ang kadalasang ginagawa ng mga taong itinuturing na kagalang-galang sa lipunan?

9 Ang iba ay umaasa sa mga taong matagumpay sa lipunan at pananalapi​—ang mga mayayaman at tanyag​—bilang mga huwaran sa kanilang pagpapasiya. Bagaman ang mga mayayaman at tanyag ay itinuturing na kagalang-galang sa kasalukuyang lipunan, kadalasan ay hanggang bibig lamang nila ang mga kagalingang gaya ng pagkamatapat at pagkamapagkakatiwalaan. Dahil sa pagsisikap na magkamit ng kapangyarihan at pakinabang, marami ang hindi nababagabag sa pagwawalang-bahala sa mga regulasyon o mga alituntunin at sa pagyurak sa moral na mga simulain. Upang matamo ang katanyagan at popularidad, basta na lamang binabale-wala ng ilan ang nakatatag na mga simulain at mga pamantayan upang masunod ang mga paggawi na kakatwa at nakagigitla. Ang resulta ay isang lipunan na naudyukan ng pakinabang at kunsintidor kung saan ang kasabihan ay, “Lahat ay puwede.” Nakapagtataka ba na ang mga tao ay nalilito at di-alam ang gagawin kung may kinalaman sa tama at mali?​—Lucas 6:39.

10. Paano napatunayang totoo ang mga salita ni Isaias hinggil sa mabuti at masama?

10 Ang kalunus-lunos na mga bunga ng di-matalinong mga pasiya na ginawa salig sa maling patnubay ay nasa paligid natin​—wasak na mga pag-aasawa at pamilya, pag-aabuso sa droga at alak, mararahas na pangkat ng mga kabataan, kahalayan, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, ilan lamang ito sa maaaring banggitin. Ang totoo, paano natin maaasahan na magkakaroon ng ibang resulta gayong iniwan ng mga tao ang lahat ng mga pamantayan o mga mapagbabatayan may kinalaman sa tama at mali? (Roma 1:28-32) Ito mismo ang ipinahayag ni propeta Isaias: “Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti, silang nagtuturing na ang kadiliman ay liwanag at ang liwanag ay kadiliman, silang nagtuturing na ang mapait ay matamis at ang matamis ay mapait! Sa aba ng marurunong sa kanilang sariling paningin at maiingat sa harap nga ng kanilang sariling mga mukha!”​—Isaias 5:20, 21.

11. Bakit hindi isang katalinuhan na umasa sa sarili kapag tinitiyak kung alin ang tama at ang mali?

11 Ang katotohanan na pinapagsulit ng Diyos ang sinaunang mga Judio na naging “marurunong sa kanilang sariling paningin” ay nagpapangyari na lalong maging mahalaga sa atin na iwasang umasa sa ating sarili kapag tinitiyak kung alin ang tama at ang mali. Maraming tao sa ngayon ang sumasang-ayon sa kasabihang “basta pakinggan mo ang iyong puso,” o “gawin mo kung ano ang sa palagay mo ay tama.” Matalino ba ang gayong kaisipan? Hindi kung ayon sa Bibliya, na malinaw na nagsasabi: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Aasa ka ba sa isang mapandaya at mapanganib na tao upang patnubayan ka sa iyong pagpapasiya? Tiyak na hindi. Sa katunayan, baka gawin mo pa nga ang kabaligtaran ng sinasabi sa iyo ng gayong tao. Kaya naman pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.”​—Kawikaan 3:5-7; 28:26.

Inaalam Kung Ano ang Kaayaaya sa Diyos

12. Bakit kailangan nating patunayan sa ating sarili ang “kalooban ng Diyos”?

12 Yamang hindi tayo dapat umasa sa karunungan ng sanlibutan ni sa ating sarili may kinalaman sa tama at mali, ano ang dapat nating gawin? Pansinin ang maliwanag na payong ito mula kay apostol Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Bakit kailangan nating patunayan sa ating sarili ang kalooban ng Diyos? Sa Bibliya, nagbigay si Jehova ng tuwiran ngunit mapuwersang dahilan, na sinasabi: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.” (Isaias 55:9) Kaya, sa halip na umasa sa tinatawag na sentido komon o pala-palagay, tayo ay pinapayuhan: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”​—Efeso 5:10.

13. Paano idiniriin ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan 17:3 ang pangangailangang malaman kung ano ang kaayaaya sa Diyos?

13 Idiniin ni Jesu-Kristo ang pangangailangang ito nang kaniyang sabihin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pananalitang “pagkuha ng kaalaman” ay may lubhang mas malalim na kahulugan kaysa sa basta “pag-alam.” Ayon sa Vine’s Expository Dictionary, ito ay “nagpapahiwatig ng kaugnayan sa pagitan ng tao na nakaaalam at ng bagay na alam; sa diwang ito, ang nalalaman ay isang bagay na mahalaga o importante sa isa na nakaaalam, at dahil dito ay naitatatag ang kaugnayan.” Ang pagkakaroon ng kaugnayan sa isa ay nangangahulugan ng higit pa kaysa sa basta pag-alam kung sino ang taong iyon o ano ang pangalan niya. Kasangkot din dito ang pag-alam sa mga gusto at di-gusto ng taong iyon, pag-alam sa kaniyang mga simulain, sa kaniyang mga pamantayan​—at paggalang sa mga ito.​—1 Juan 2:3; 4:8.

Sinasanay ang Ating Kakayahan sa Pang-unawa

14. Ano ang sinabi ni Pablo na pangunahing pagkakaiba ng mga sanggol sa espirituwal at ng mga taong may-gulang?

14 Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng kakayahang makilala ang pagkakaiba ng tama at ng mali? Ang mga sinabi ni Pablo sa unang-siglong mga Hebreong Kristiyano ay naglalaan ng sagot. Isinulat niya: “Ang bawat isa na tumatanggap ng gatas ay walang-kabatiran sa salita ng katuwiran, sapagkat siya ay isang sanggol. Ngunit ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, sa kanila na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” Inihambing dito ni Pablo ang “gatas,” na inilarawan niya sa naunang talata bilang “mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos,” sa “matigas na pagkain,” na nauukol sa “mga taong may-gulang,” na “nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.”​—Hebreo 5:12-14.

15. Bakit kailangan ang pagpapagal upang matamo ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos?

15 Nangangahulugan ito na, una sa lahat, dapat tayong magpagal upang matamo ang tumpak na unawa sa mga pamantayan ng Diyos na nasa kaniyang Salita, ang Bibliya. Hindi tayo naghahanap ng isang talaan ng mga dapat at di-dapat gawin upang magsabi sa atin kung ano ang maaari at hindi natin maaaring gawin. Ang Bibliya ay hindi gayong aklat. Sa halip, ipinaliwanag ni Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Upang makinabang mula sa ganiyang pagtuturo, pagsaway, at pagdidisiplina, dapat nating gamitin ang ating isip at kakayahang mag-isip. Nangangailangan ito ng pagsisikap, ngunit ang resulta​—ang pagiging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa”​—​ay talagang sulit naman.​—Kawikaan 2:3-6.

16. Ano ang ibig sabihin ng nasanay ang kakayahan ng isa sa pang-unawa?

16 Kung magkagayon, gaya ng ipinahiwatig ni Pablo, ‘nasanay ang mga kakayahan sa pang-unawa ng mga taong may-gulang na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ Dito ay sumasapit tayo sa napakahalagang punto. Ang pananalitang “nasanay ang kanilang kakayahan sa pang-unawa” ay literal na nangangahulugang “nasanay ang mga sangkap sa pandama (gaya ng gymnast).” (Kingdom Interlinear Translation) Ang sanay na gymnast na nasa isang piniling aparato, gaya ng mga ring o isang balance beam, ay maaaring magsagawa ng mabibilis na pagmamaniobra na waring di-nahahadlangan ng grabidad o ng iba pang batas ng kalikasan. Siya ay may ganap na kontrol sa mga sangkap ng kaniyang katawan sa lahat ng panahon, at halos likas na nadarama niya kung anong kilos ang dapat niyang gawin upang makumpleto niya nang matagumpay ang kaniyang eksibisyon. Ang lahat ng ito ay resulta ng puspusang pagsasanay at walang-tigil na pag-eensayo.

17. Sa anong diwa dapat tayong maging kagaya ng mga gymnast?

17 Tayo rin, sa espirituwal na diwa, ay dapat na masanay gaya ng isang gymnast kung nais nating matiyak na ang mga pagpapasiya at mga pagpili natin ay laging mahusay. Sa lahat ng panahon ay dapat na ganap ang ating kontrol sa ating mga pandama at mga sangkap ng katawan. (Mateo 5:29, 30; Colosas 3:5-10) Halimbawa, dinidisiplina mo ba ang iyong mga mata na huwag tumingin sa imoral na materyal o ang iyong mga tainga na huwag makinig sa mabababang uri ng musika o pananalita? Totoo na ang gayong di-kaayaayang materyal ay nasa palibot natin. Gayunman, depende pa rin sa atin kung hahayaan nating mag-ugat ang mga ito sa ating puso at isip. Maaari nating tularan ang salmista na nagsabi: “Hindi ako maglalagay sa harap ng aking mga mata ng anumang walang-kabuluhang bagay. Ang gawain ng mga humihiwalay ay kinapopootan ko; hindi iyon kumakapit sa akin. . . . Kung tungkol sa sinumang nagsasalita ng mga kabulaanan, hindi siya matibay na matatatag sa harap ng aking mga mata.”​—Awit 101:3, 7.

Sanayin ang Iyong mga Kakayahan sa Pang-unawa sa Pamamagitan ng Paggamit Dito

18. Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “sa pamamagitan ng paggamit” sa paliwanag ni Pablo hinggil sa pagsasanay sa mga kakayahan ng isa sa pang-unawa?

18 Tandaan na sa “pamamagitan ng paggamit” lamang natin masasanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa upang makilala kapuwa ang tama at ang mali. Sa ibang pananalita, kailanma’t mapaharap tayo sa isang pagpapasiya, dapat na matutuhan nating gamitin ang ating mga kakayahang pangkaisipan upang mapag-unawa kung ano ang nasasangkot na mga simulain sa Bibliya at kung paano maikakapit ang mga ito. Linangin ang ugaling magsaliksik sa mga publikasyon ng Bibliya na inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Siyempre pa, maaari nating hilingin ang tulong ng may-gulang na mga Kristiyano. Gayunpaman, ang personal na pagsisikap natin upang pag-aralan ang Salita ng Diyos, lakip na ang pananalangin kay Jehova ukol sa kaniyang patnubay at espiritu, ay magbubunga balang araw ng saganang kapakinabangan.​—Efeso 3:14-19.

19. Anong mga pagpapala ang mapapasaatin kung pasulong nating sasanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa?

19 Habang pasulong nating sinasanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa, ang tunguhin ay ang “huwag na tayong maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.” (Efeso 4:14) Sa halip, salig sa ating kaalaman at unawa sa kung ano ang kaayaaya sa Diyos, makagagawa tayo ng matatalinong pasiya, mabigat at magaan, na kapaki-pakinabang sa atin, nakapagpapatibay sa ating mga kapuwa mananamba, at higit sa lahat ay nakalulugod sa ating makalangit na Ama. (Kawikaan 27:11) Kay laking pagpapala at proteksiyon nga ito sa mapanganib na mga panahong ito!

[Talababa]

a Sa isang talaan ng mahigit sa 40 pinakamaiigting na karanasan sa buhay ng mga tao, na tinipon nina Dr. Thomas Holmes at Dr. Richard Rahe, ang tatlong nangunguna ay ang kamatayan ng kabiyak, diborsiyo, at paghihiwalay. Ikapito sa hanay ang pag-aasawa.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Anong kakayahan ang kailangan upang makagawa ng mahuhusay na mga pasiya?

• Bakit hindi katalinuhan na umasa sa prominenteng mga tao o umasa sa ating sariling damdamin kapag nagpapasiya kung alin ang tama at mali?

• Bakit dapat na tiyakin natin kung ano ang kaayaaya sa Diyos kapag gumagawa ng mga pasiya, at paano natin magagawa ito?

• Ano ang ibig sabihin ng ‘sanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa’?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 9]

Walang-kabuluhan na umasa sa patnubay ng mga mayayaman at tanyag

[Larawan sa pahina 10]

Gaya ng isang gymnast, dapat ay ganap ang ating kontrol sa lahat ng pandama at sangkap ng ating katawan