Magkaroon ng Pananampalataya na Katulad ng kay Abraham!
Magkaroon ng Pananampalataya na Katulad ng kay Abraham!
“Yaong mga nanghahawakan sa pananampalataya ang siyang mga anak ni Abraham.”—GALACIA 3:7.
1. Paano hinarap ni Abram ang bagong pagsubok sa Canaan?
INIWAN ni Abram ang maalwang buhay sa Ur bilang pagsunod sa utos ni Jehova. Ang mga hirap na naranasan niya sa mga sumunod na taon ay pasimula lamang ng pagsubok sa pananampalataya na napaharap sa kaniya sa Ehipto. Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Nagkaroon ng isang taggutom sa lupain.” Kay dali nga para kay Abram na maghinanakit noon dahil sa kaniyang situwasyon! Sa halip, gumawa siya ng praktikal na mga hakbang upang mapaglaanan ang kaniyang pamilya. “Si Abram ay lumusong patungong Ehipto upang manirahan doon bilang dayuhan, sapagkat matindi ang taggutom sa lupain.” Ang malaking sambahayan ni Abram ay tiyak na mapapansin sa Ehipto. Tutuparin kaya ni Jehova ang kaniyang mga pangako at ipagsasanggalang si Abram sa kapinsalaan?—Genesis 12:10; Exodo 16:2, 3.
2, 3. (a) Bakit inilihim ni Abram ang tunay na pagkakakilanlan ng kaniyang asawa? (b) Sa pagtugon sa situwasyon, paano pinakitunguhan ni Abram ang kaniyang asawa?
2 Mababasa natin sa Genesis 12:11-13: “Nangyari, nang malapit na siyang pumasok sa Ehipto, sinabi nga niya kay Sarai na kaniyang asawa: ‘Pakisuyo, ngayon! nalalaman kong lubos na ikaw ay isang babaing maganda ang anyo. Kaya talagang mangyayari na makikita ka ng mga Ehipsiyo at magsasabi, “Ito ang kaniyang asawa.” At tiyak na papatayin nila ako, ngunit ikaw ay iingatan nilang buháy. Pakisuyong sabihin mo na ikaw ay aking kapatid, upang mapabuti ako dahil sa iyo, at ang kaluluwa ko ay tiyak na mabubuhay dahilan sa iyo.’ ” Bagaman si Sarai ay mahigit na 65 taóng gulang na, siya ay talagang napakaganda pa rin. Isinapanganib nito ang buhay ni Abram. a (Genesis 12:4, 5; 17:17) Lalong mahalaga, nakataya ang mga kapakanan ng layunin ni Jehova, sapagkat sinabi niya na sa pamamagitan ng binhi ni Abram ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili. (Genesis 12:2, 3, 7) Yamang wala pa ring anak si Abram, napakahalaga na manatili siyang buhay.
3 Nakipag-usap si Abram sa kaniyang asawa hinggil sa paggamit ng isang taktika na patiuna na nilang pinagkasunduan, samakatuwid nga, na sabihing siya ay kapatid ni Abram. Pansinin na bagaman siya ay may awtoridad bilang patriyarka, hindi niya inabuso ang kaniyang posisyon kundi hiniling niya ang pakikipagtulungan at suporta ng kaniyang asawa. (Genesis 12:11-13; 20:13) Dito, nagpakita si Abram ng mainam na halimbawa para sa mga asawang lalaki na magpakita ng maibiging pagkaulo, at si Sarai naman, dahil sa kaniyang ipinakitang pagpapasakop, ay isang halimbawa para sa mga asawang babae sa ngayon.—Efeso 5:23-28; Colosas 4:6.
4. Paano dapat gumawi ang tapat na mga lingkod ng Diyos sa ngayon kapag nakataya ang buhay ng kanilang mga kapatid?
4 Maaaring sabihin ni Sarai na siya ay kapatid ni Abram sapagkat siya naman talaga ay kapatid sa ama ni Abram. (Genesis 20:12) Bukod dito, walang obligasyon si Abram na magsiwalat ng impormasyon sa mga tao na hindi karapat-dapat dito. (Mateo 7:6) Ang tapat na mga lingkod ng Diyos sa makabagong panahon ay sumusunod sa utos ng Bibliya na maging matapat. (Hebreo 13:18) Halimbawa, hindi sila kailanman magsisinungaling kapag nanumpa sa isang hukuman. Gayunman, kapag ang pisikal o espirituwal na buhay ng kanilang mga kapatid ay nakataya, tulad sa mga panahon ng pag-uusig o alitang sibil, sinusunod nila ang payo ni Jesus na maging ‘maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.’—Mateo 10:16; tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1996, pahina 18, parapo 19.
5. Bakit handang sumunod si Sarai sa kahilingan ni Abram?
5 Paano tumugon si Sarai sa kahilingan ni Abram? Inilalarawan ni apostol Pedro ang mga babaing tulad niya bilang “umaasa sa Diyos.” Kaya naman nauunawaan ni Sarai ang espirituwal na mga isyung nasasangkot. Bukod dito, iniibig at iginagalang niya ang kaniyang asawa. Dahil dito ay pinili ni Sarai na ‘magpasakop sa kaniyang asawang lalaki’ at ilihim ang kaniyang katayuan bilang may-asawa. (1 Pedro 3:5) Sabihin pa, ang paggawa nito ay naghantad sa kaniya sa mga panganib. “Nang pumasok si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipsiyo ang babae, na siya ay napakaganda. At nakita rin siya ng mga prinsipe ni Paraon at pinasimulan nilang purihin siya kay Paraon, anupat ang babae ay dinala sa bahay ni Paraon.”—Genesis 12:14, 15.
Ang Pagliligtas ni Jehova
6, 7. Nalagay sa anong nakababagabag na situwasyon sina Abram at Sarai, at paano iniligtas ni Jehova si Sarai?
6 Tunay ngang nakababagabag ito kina Abram at Sarai! Lumilitaw na si Sarai ay hahalayin na noon. Bukod dito, si Paraon, palibhasa’y di-alam ang tunay na katayuan ni Sarai bilang may-asawa, ay labis na nagbigay ng kaloob kay Abram, anupat “nagkaroon siya ng mga tupa at mga baka at mga asno at mga alilang lalaki at mga alilang babae at mga asnong babae at mga kamelyo.” b (Genesis 12:16) Tiyak na suklam na suklam si Abram sa mga kaloob na iyon! Bagaman waring gayon na lamang kasamâ ang situwasyon, hindi pinabayaan ni Jehova si Abram.
7 “Nang magkagayon ay pinasapitan ni Jehova si Paraon at ang kaniyang sambahayan ng malalaking salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram.” (Genesis 12:17) Sa isang di-inihayag na paraan, ang tunay na dahilan ng ‘mga salot’ na ito ay isiniwalat kay Paraon. Agad-agad siyang tumugon: “Dahil dito ay tinawag ni Paraon si Abram at sinabi: ‘Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya ay iyong asawa? Bakit mo sinabing, “Siya ay kapatid ko,” anupat kukunin ko na sana siya bilang aking asawa? At ngayon ay narito ang iyong asawa. Kunin mo siya at yumaon ka!’ At nag-utos si Paraon sa mga lalaki may kinalaman sa kaniya, at sinamahan nila siya at ang kaniyang asawa at ang lahat ng kaniyang pag-aari.”—Genesis 12:18-20; Awit 105:14, 15.
8. Anong uri ng sanggalang ang ipinangangako ni Jehova sa mga Kristiyano sa ngayon?
8 Sa ngayon, hindi ginagarantiyahan ni Jehova na ipagsasanggalang tayo mula sa mga pinsalang dulot ng kamatayan, krimen, taggutom, o likas na kasakunaan. Pinangakuan tayo na lagi tayong ipagsasanggalang ni Jehova mula sa mga bagay na maaaring magsapanganib sa ating espirituwalidad. (Awit 91:1-4) Ginagawa niya ito, pangunahin na, sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahong mga babala na inilalaan ng kaniyang Salita at ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Kumusta naman ang banta ng kamatayan dahil sa pag-uusig? Bagaman ang mga indibiduwal ay maaaring hayaang mamatay, hindi kailanman hahayaan ng Diyos na malipol ang kaniyang buong bayan. (Awit 116:15) At kapag kinuha ng kamatayan ang ilan sa mga tapat, makapagtitiwala tayo na sila ay bubuhaying-muli.—Juan 5:28, 29.
Pagsasakripisyo Upang Mapanatili ang Kapayapaan
9. Ano ang nagpapakita na nanatiling palipat-lipat si Abram sa Canaan?
9 Lumilitaw na nang matapos na ang taggutom sa Canaan, “umahon si Abram mula sa Ehipto, siya at ang kaniyang asawa at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, at si Lot na kasama niya, patungo sa Negeb [ang halos tigang na lugar sa gawing timog ng kabundukan ng Juda]. At si Abram ay lubhang sagana sa mga hayop at sa pilak at sa ginto.” (Genesis 13:1, 2) Kaya naman minamalas siya ng mga naninirahan doon bilang isang makapangyarihan at maimpluwensiyang lalaki, isang malakas na pinuno. (Genesis 23:6) Si Abram ay walang hangaring manirahan doon at masangkot sa pulitika ng mga Canaanita. Sa halip, “yumaon siyang palipat-lipat ng kampamento mula sa Negeb at patungo sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kaniyang tolda noong una sa pagitan ng Bethel at Ai.” Gaya ng lagi niyang ginagawa, inuna ni Abram ang pagsamba kay Jehova saanman siya magtungo.—Genesis 13:3, 4.
10. Anong suliranin ang bumangon sa pagitan ng mga tagapagpastol ni Abram at ni Lot, at bakit mahalaga na agad itong malutas?
10 “Si Lot, na sumama kay Abram, ay nagmamay-ari rin ng mga tupa at mga baka at mga tolda. Kaya hindi nakayanan ng lupain na manahanan silang magkakasama, sapagkat ang kanilang mga pag-aari ay dumami at hindi sila makapanahanang magkakasama. At bumangon ang isang away sa pagitan ng mga tagapagpastol ng mga alagang hayop ni Abram at ng mga tagapagpastol ng mga alagang hayop ni Lot; at nang panahong iyon ay nananahanan sa lupain ang Canaanita at ang Perizita.” (Genesis 13:5-7) Hindi nailaan ng lupain ang sapat na tubig at pastulan upang tustusan kapuwa ang mga kawan ni Abram at ni Lot. Kaya nagkaroon ng hidwaan at samaan ng loob sa pagitan ng mga tagapagpastol. Ang gayong pagtataltalan ay hindi nababagay sa mga mananamba ng tunay na Diyos. Kung magpapatuloy ang pagbabangayan, maaaring magbunga ito ng permanenteng alitan. Kaya paano haharapin ni Abram ang ganitong situwasyon? Kinupkop niya si Lot nang mamatay ang ama ni Lot, marahil pinalaki siya bilang bahagi ng kaniyang pamilya. Bilang nakatatanda sa dalawa, hindi ba’t nararapat lamang na makuha ni Abram ang pinakamainam para sa sarili niya?
11, 12. Ano ang bukas-palad na inialok ni Abram kay Lot, at bakit di-matalino ang naging pagpili ni Lot?
11 Ngunit “sinabi ni Abram kay Lot: ‘Pakisuyo, huwag magpatuloy ang anumang awayan sa pagitan natin at sa pagitan ng aking mga tagapag-alaga ng kawan at ng iyong mga tagapag-alaga ng kawan, sapagkat tayong mga lalaki ay magkakapatid. Hindi ba ang buong lupain ay nakalaan sa iyo? Pakisuyo, humiwalay ka sa akin. Kung paroroon ka sa kaliwa, kung gayon ay paroroon ako sa kanan; ngunit kung paroroon ka sa kanan, kung gayon ay paroroon ako sa kaliwa.’ ” Malapit sa Bethel ay naroroon ang tinatawag na “isa sa magagandang pinanununghayan sa Palestina.” Marahil mula roon ay “itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata at nakita ang buong Distrito ng Jordan, na lahat niyaon ay isang pook na natutubigang mainam bago winasak ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, tulad ng hardin ni Jehova, tulad ng lupain ng Ehipto hanggang sa Zoar.”—Genesis 13:8-10.
12 Bagaman inilalarawan ng Bibliya si Lot bilang “matuwid,” sa di-malamang kadahilanan ay hindi siya nagparaya kay Abram sa bagay na ito, ni waring hindi niya hiniling ang payo ng nakatatandang si Abram. (2 Pedro 2:7) “Pinili ni Lot para sa kaniyang sarili ang buong Distrito ng Jordan, at inilipat ni Lot ang kaniyang kampo sa dakong silangan. Kaya humiwalay sila sa isa’t isa. Si Abram ay nanahanan sa lupain ng Canaan, ngunit si Lot ay nanahanan sa gitna ng mga lunsod ng Distrito. Nang dakong huli ay nagtayo siya ng tolda malapit sa Sodoma.” (Genesis 13:11, 12) Ang Sodoma ay maunlad at marami itong iniaalok na materyal na kapakinabangan. (Ezekiel 16:49, 50) Bagaman waring matalino ang pagpili ni Lot kung mamalasin sa materyal na paraan, iyon ay di-matalinong pagpili kung mamalasin sa espirituwal na paraan. Bakit? Sapagkat “ang mga lalaki ng Sodoma ay masasama at talamak na mga makasalanan laban kay Jehova,” ang sabi ng Genesis 13:13. Ang pasiya ni Lot na lumipat doon ay magdudulot ng labis na kapighatian sa kaniyang pamilya sa dakong huli.
13. Paanong ang halimbawa ni Abram ay nakatutulong sa mga Kristiyano na maaaring masangkot sa isang hidwaang may kinalaman sa pananalapi?
13 Gayunman, nagpamalas si Abram ng pananampalataya sa pangako ni Jehova na sa dakong huli ay aariin ng kaniyang binhi ang buong lupain; hindi siya nakipagtalo tungkol sa isang maliit na bahagi nito. Bukas-palad siyang kumilos kasuwato ng simulain na binanggit nang maglaon sa 1 Corinto 10:24: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” Ito ay isang mabuting paalaala sa mga maaaring masangkot sa hidwaang may kinalaman sa pananalapi sa isang kapananampalataya. Sa halip na sundin ang payo na nasa Mateo 18:15-17, inihabla ng ilan ang kanilang mga kapatid. (1 Corinto 6:1, 7) Ipinakikita ng halimbawa ni Abram na mas mabuti pang malugi kaysa sa magdulot ng upasala sa pangalan ni Jehova o masira ang kapayapaan ng kongregasyong Kristiyano.—Santiago 3:18.
14. Paano gagantimpalaan noon si Abram dahil sa kaniyang pagkabukas-palad?
14 Si Abram noon ay gagantimpalaan dahil sa kaniyang pagkabukas-palad. Ipinahayag ng Diyos: “Gagawin kong tulad ng mga butil ng alabok sa lupa ang iyong binhi, anupat, kung mabibilang ng tao ang mga butil ng alabok sa lupa, kung gayon ay matutuos ang dami ng iyong binhi.” Tunay ngang nakapagpapasigla sa walang-anak na si Abram ang pagsisiwalat na ito! Pagkatapos, iniutos ng Diyos: “Tumindig ka, libutin mo ang lupain sa buong haba niyaon at sa buong lapad niyaon, sapagkat ibibigay ko iyon sa iyo.” (Genesis 13:16, 17) Hindi, si Abram ay hindi pahihintulutan noon na manirahan nang may kaalwanan sa isang lunsod. Siya ay kinailangang manatiling hiwalay sa mga Canaanita. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat ding manatiling hiwalay sa sanlibutan. Hindi nila itinuturing na nakatataas sila sa iba, ngunit hindi sila nakikisama nang matalik sa sinuman na maaaring humikayat sa kanila na makibahagi sa di-makakasulatang paggawi.—1 Pedro 4:3, 4.
15. (a) Ano ang maaaring kahalagahan ng mga paglilibot ni Abram? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Abram sa mga pamilyang Kristiyano sa ngayon?
15 Noong panahon ng Bibliya, bago magmay-ari ng lupain ang isang tao, karapatan niyang siyasatin ito. Kaya ang paglilibot ay maaaring nagsilbing isang patuloy na paalaala na balang araw ay aariin ng mga supling ni Abram ang lupaing ito. Bilang pagsunod, “si Abram ay nagpatuloy na manirahan sa mga tolda. Nang maglaon ay dumating siya at nanahanan sa gitna ng malalaking punungkahoy ng Mamre, na nasa Hebron; at doon ay nagtayo siya ng isang altar para kay Jehova.” (Genesis 13:18) Minsan pang ipinakita ni Abram na lubha niyang inuuna ang pagsamba. Lubha rin bang inuuna ng iyong pamilya ang pampamilyang pag-aaral, pananalangin ng pamilya, at pagdalo sa pulong?
Sumalakay ang Kaaway
16. (a) Bakit ang pambungad na mga pananalita sa Genesis 14:1 ay nagbabadya ng di-mabuti? (b) Ano ang dahilan ng paglusob ng apat na hari sa silangan?
16 “Nangyari nang mga araw nina Amrapel na hari ng Sinar, Ariok na hari ng Elasar, Kedorlaomer na hari ng Elam, c at Tidal na hari ng Goiim, na ang mga ito ay nakipagdigma.” Sa orihinal na Hebreo, ang pambungad na pananalitang (“Nangyari nang mga araw nina . . . ”) ay nagbabadya ng di-mabuti, anupat tumutukoy “sa isang yugto ng pagsubok na nagwawakas sa pagpapala.” (Genesis 14:1, 2, talababa sa Ingles) Nagsimula ang pagsubok nang isagawa ng apat na haring ito sa silangan at ng kani-kanilang mga hukbo ang kanilang mapangwasak na paglusob sa Canaan. Ang kanilang tunguhin? Upang sugpuin ang paghihimagsik ng limang lunsod ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboiim, at Bela. Nang madaig ang lahat ng lumalaban, sila ay “humayo bilang magkakaalyado sa Mababang Kapatagan ng Sidim, na siyang Dagat Asin.” Si Lot at ang kaniyang pamilya ay naninirahan malapit doon.—Genesis 14:3-7.
17. Bakit ang pagbihag kay Lot ay isang pagsubok sa pananampalataya ni Abram?
17 Buong-bangis na nilabanan ng mga haring Canaanita ang mga manlulupig, ngunit dumanas sila ng kahiya-hiyang pagkatalo. “Nang magkagayon ay kinuha ng mga nagtagumpay ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra at ang lahat ng kanilang pagkain at yumaon. Kinuha rin nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram at ang kaniyang mga pag-aari at yumaon. Siya noon ay nananahanan sa Sodoma.” Di-nagtagal at ang balita hinggil sa nakapanlulumong mga pangyayaring ito ay nakarating kay Abram: “Pagkatapos ay dumating ang isang tao na nakatakas at nagsabi kay Abram na Hebreo. Siya noon ay nagtatabernakulo sa gitna ng malalaking punungkahoy ni Mamre na Amorita, na kapatid ni Escol at kapatid ni Aner; at sila ay mga kakampi ni Abram. Sa gayon ay narinig ni Abram na nabihag ang kaniyang kapatid.” (Genesis 14:8-14) Kay laking pagsubok sa pananampalataya! Magkikimkim kaya ng sama ng loob si Abram sa kaniyang pamangkin dahil sa kinuha nito ang pinakamainam na bahagi ng lupain? Tandaan din na ang mga manlulupig na ito ay galing sa kaniyang tinubuang-bayan, ang Sinar. Ang pakikidigma sa kanila ay mangangahulugan na sisirain niya ang anumang posibilidad na muling makauwi. Bukod dito, ano ang magagawa ni Abram laban sa isang hukbo na hindi nadaig ng pinagsamang mga puwersa ng Canaan?
18, 19. (a) Paano nailigtas ni Abram si Lot? (b) Sino ang tumanggap ng papuri dahil sa tagumpay na ito?
18 Muling inilagak ni Abram ang kaniyang lubos na pagtitiwala kay Jehova. “Dahil dito ay pinisan niya ang kaniyang mga sinanay na lalaki, na tatlong daan at labingwalong alipin na ipinanganak sa kaniyang sambahayan, at tinugis nila sila hanggang sa Dan. At sa gabi ay hinati-hati niya ang kaniyang mga pangkat, siya at ang kaniyang mga alipin, laban sa kanila, at sa gayon ay tinalo niya sila at ipinagpatuloy ang pagtugis sa kanila hanggang sa Hoba, na nasa hilaga ng Damasco. At binawi niya ang lahat ng pag-aari, at binawi rin niya si Lot na kaniyang kapatid at ang kaniyang mga pag-aari at gayundin ang mga babae at ang bayan.” (Genesis 14:14-16) Sa isang pagtatanghal ng matibay na pananampalataya kay Jehova, pinamunuan ni Abram ang kaniyang lubhang kakaunting pangkat tungo sa tagumpay, anupat nailigtas si Lot at ang kaniyang pamilya. Ngayon ay nakaharap ni Abram si Melquisedec, ang haring-saserdote ng Salem. “Si Melquisedec na hari ng Salem ay naglabas ng tinapay at alak, at siya ay saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Nang magkagayon ay pinagpala niya siya at sinabi: ‘Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, ang Maygawa ng langit at lupa; at pagpalain ang Kataas-taasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga maniniil sa iyong kamay!’ Sa gayon ay binigyan siya ni Abram ng ikasampu ng lahat ng bagay.”—Genesis 14:18-20.
19 Oo, kay Jehova nauukol ang tagumpay. Dahil sa kaniyang pananampalataya, minsan pang naranasan ni Abram ang pagliligtas ni Jehova. Ang bayan ng Diyos sa ngayon ay hindi nakikibahagi sa literal na pakikidigma, ngunit talagang napapaharap sila sa maraming pagsubok at hamon. Ipakikita ng susunod na artikulo kung paanong ang halimbawa ni Abram ay makatutulong sa atin na maharap nang matagumpay ang mga ito.
[Mga talababa]
a Ayon sa Insight on the Scriptures (inilathala ng mga Saksi ni Jehova), “isang sinaunang papiro ang nagsasabi na isang Paraon ang nag-utos sa armadong mga kalalakihan na sunggaban ang isang kaakit-akit na babae at patayin ang asawa nito.” Kaya hindi naman lumabis ang mga pangamba ni Abram.
b Si Hagar, na nang maglaon ay naging babae ni Abram, ay maaaring kabilang sa mga lingkod na ibinigay kay Abram nang panahong iyon.—Genesis 16:1.
c Minsan ay inangkin ng mga kritiko na ang Elam ay hindi kailanman nagkaroon ng gayong impluwensiya sa Sinar at na gawa-gawa lamang ang ulat hinggil sa pagsalakay ni Kedorlaomer. Para sa pagtalakay hinggil sa katibayan ng arkeolohiya na sumusuhay sa ulat ng Bibliya, tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 1989, pahina 4-7.
Napansin Mo Ba?
• Paanong ang taggutom sa lupain ng Canaan ay naging isang pagsubok sa pananampalataya ni Abram?
• Paanong sina Abram at Sarai ay kapuwa nagpakita ng mabuting halimbawa sa mga asawang lalaki at mga asawang babae sa ngayon?
• Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa paraan ng pagharap ni Abram sa hidwaan ng kaniyang mga lingkod at niyaong kay Lot?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 22]
Hindi iginiit ni Abram ang kaniyang mga karapatan kundi inuna ang mga kapakanan ni Lot kaysa sarili niyang kapakanan
[Larawan sa pahina 24]
Si Abram ay nagpakita ng pagtitiwala kay Jehova sa pagliligtas sa kaniyang pamangkin na si Lot