Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinasabi ng Colosas 1:16 tungkol sa Anak ng Diyos na “ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.” Sa anong diwa na ang lahat ng bagay ay nilalang “para” sa Anak ng Diyos, si Jesus?
Ginamit ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak bilang dalubhasang manggagawa sa paglalang sa lahat ng iba pang bagay, samakatuwid nga, lahat ng bagay maliban kay Jesus mismo. (Kawikaan 8:27-30; Juan 1:3) Angkop naman, ang Anak ay nakadarama ng kaluguran mula sa mga gawang ito, at sa diwang ito, ang mga ito ay “para” sa kaniya.
Alam natin na ang mga magulang na tao ay umaasang makadama, at kadalasa’y nakadarama nga, ng malaking kaluguran mula sa kanilang mga bunga—sa kanilang mga anak. Kaya naman, binabanggit ng kawikaan sa Bibliya ang ‘anak na kinalulugdan [ng kaniyang ama].’ (Kawikaan 3:12; 29:17) Sa katulad na paraan, nakadama ang Diyos na Jehova ng kasiyahan sa Israel noong ang kaniyang bayan ay tapat. (Awit 44:3; 119:108; 147:11) Nakadarama rin siya ng kasiyahan sa katapatan ng kaniyang mga matapat hanggang sa ating panahon.—Kawikaan 12:22; Hebreo 10:38.
Kaya naman, angkop lamang na hayaan ng Diyos na ang kaniyang kamanggagawa, si Jesus, ay makadama ng kaluguran mula sa kaniyang mga naisakatuparan. Sa katunayan, sinasabi ng Kawikaan 8:31 na ang Anak ay ‘nagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga kinagigiliwan niya ay nasa mga anak ng mga tao.’ Sa diwang ito sinasabi ng Colosas 1:16: “Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.”