Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Papatnubay sa Ating Puso ang Kapayapaan ng Kristo?

Paano Papatnubay sa Ating Puso ang Kapayapaan ng Kristo?

Paano Papatnubay sa Ating Puso ang Kapayapaan ng Kristo?

“Hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa inyong mga puso, sapagkat doon nga kayo tinawag sa isang katawan.”​—COLOSAS 3:15.

1, 2. Sa anong paraan pumapatnubay ang “kapayapaan ng Kristo” sa puso ng isang Kristiyano?

 ANG salitang kumontrol [na sa Tagalog na Bibliya ay isinaling pumatnubay] ay di-kaayaaya para sa marami, yamang ipinagugunita nito ang pamimilit at pagmamaniobra. Kaya ang payo ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Colosas na, “Hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay [o kumontrol] sa inyong mga puso,” ay maaaring magbigay ng impresyon sa iba ng pagiging di-makatuwiran. (Colosas 3:15) Hindi ba’t tayo ay mga taong may malayang kalooban? Bakit natin hahayaan ang anuman o ang sinuman na kumontrol sa ating puso?

2 Hindi sinasabi ni Pablo sa mga taga-Colosas na isuko ang kanilang malayang kalooban. Ang terminong Griego na isinaling “pumatnubay” sa Colosas 3:15 ay nauugnay sa salita para sa reperi na siyang nagkakaloob ng gantimpala sa mga paligsahan ng mga atleta noong mga panahong iyon. Ang mga kalahok ay may sukat ng kalayaan na ipinahihintulot ng mga tuntunin ng laro, ngunit sa katapusan, ang reperi ang nagpapasiya kung sino ang nakasunod sa mga tuntunin at samakatuwid ay nanalo sa paligsahan. Gayundin naman, may kalayaan tayong gumawa ng maraming pasiya sa buhay, ngunit habang ginagawa natin ito, ang kapayapaan ng Kristo ang laging dapat na maging “reperi”​—o, gaya ng pagkakasalin dito ng tagapagsalin na si Edgar J. Goodspeed, “ang kumukontrol na simulain” sa ating puso.

3. Ano ang “kapayapaan ng Kristo”?

3 Ano ang “kapayapaan ng Kristo”? Ito ang katiwasayan, ang panloob na kapanatagan, na natatamo natin kapag tayo ay nagiging mga alagad ni Jesus at nagkakaroon ng kabatiran na iniibig at sinasang-ayunan tayo ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak. Nang malapit nang iwan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. . . . Huwag mabagabag ang inyong mga puso ni umurong man ito dahil sa takot.” (Juan 14:27) Sa loob ng halos 2,000 taon, ang kapayapaang iyon ay tinatamasa na ng tapat na mga pinahirang miyembro ng katawan ni Kristo, at sa ngayon ay nakikibahagi rito ang kanilang mga kasamahan, ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Ang kapayapaang iyon ay dapat na maging isang pumapatnubay na impluwensiya sa ating puso. Kapag tayo ay nakararanas ng matinding pagsubok, makatutulong ito sa atin upang hindi tayo matigilan dahil sa takot o maging labis-labis na nababagabag. Tingnan natin kung paanong ito ay totoo kapag napapaharap tayo sa kawalang-katarungan, kapag ginigiyagis tayo ng kabalisahan, at kapag nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat.

Kapag Napapaharap Tayo sa Kawalang-Katarungan

4. (a) Paano naranasan ni Jesus ang kawalang-katarungan? (b) Paano tumugon ang mga Kristiyano sa pagiging mga biktima ng kawalang-katarungan?

4 Sinabi ni Haring Solomon: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Batid ni Jesus ang katotohanan ng mga salitang iyon. Samantalang nasa langit, nakita niya ang labis na kawalang-katarungan na ipinaranas ng mga tao sa isa’t isa. Sa lupa, personal niyang naranasan ang pinakamatinding kawalang-katarungan nang siya, isang taong walang-kasalanan, ay paratangan ng pamumusong at ipapatay bilang isang kriminal. (Mateo 26:63-66; Marcos 15:27) Sa ngayon, palasak pa rin ang kawalang-katarungan, at ito ay labis-labis na nararanasan ng tunay na mga Kristiyano, palibhasa sila ay “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:9) Gayunman, sa kabila ng kakila-kilabot na mga karanasan sa mga kampong patayan ng mga Nazi at sa Soviet Gulag, sa kabila ng pagiging mga biktima ng marahas na pang-uumog, huwad na mga paratang, at mga kasinungalingang iniuukol sa kanila, nanatili silang matatag dahil sa kapayapaan ng Kristo. Tinularan nila si Jesus, na tungkol sa kaniya ay mababasa natin: “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”​—1 Pedro 2:23.

5. Kapag nakarinig tayo ng isang waring kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon, ano muna ang dapat nating isaalang-alang?

5 Sa isang higit na mas maliit na antas, baka sa paniwala natin ay may pinakitunguhan nang di-makatarungan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa gayong kaso, baka madama natin ang nadama ni Pablo, na nagsabi: “Sino ang natitisod, at hindi ako nagagalit?” (2 Corinto 11:29) Ano ang maaari nating gawin? Dapat na tanungin natin ang ating sarili, ‘Talaga nga bang kawalang-katarungan iyon?’ Kadalasan, hindi natin alam ang buong katotohanan. Baka nagiging labis ang ating reaksiyon matapos makinig sa isa na nag-aangking may nalalaman. May mabuting dahilan ang Bibliya sa pagsasabing: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita.” (Kawikaan 14:15) Kaya kailangan tayong maging maingat.

6. Paano tayo maaaring tumugon sa inaakalang kawalang-katarungan sa loob ng kongregasyon?

6 Gayunman, ipagpalagay na personal tayong naging biktima ng inaakalang kawalang-katarungan. Paano tutugon ang isang tao na may kapayapaan ng Kristo sa kaniyang puso? Baka makita natin ang pangangailangang makipag-usap sa indibiduwal na sa palagay natin ay nagkasala sa atin. Pagkatapos, sa halip na ipakipag-usap ang bagay na iyon sa sinumang makikinig, bakit hindi ipaubaya kay Jehova ang bagay na iyon sa panalangin at magtiwala na kaniyang titiyaking mailalapat ang katarungan? (Awit 9:10; Kawikaan 3:5) Baka mangyari pa nga na matapos gawin iyon, magiging kontento na tayo na lutasin ang bagay na iyon sa ating puso at ‘manahimik’ na lamang. (Awit 4:4) Sa karamihan ng mga kaso, kakapit ang payo ni Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”​—Colosas 3:13.

7. Ano ang dapat na lagi nating tandaan sa ating pakikitungo sa ating mga kapatid?

7 Gayunman, anuman ang gagawin natin, dapat nating tandaan na bagaman hindi natin kayang kontrolin ang nangyari, maaari naman nating kontrolin ang ating reaksiyon. Kung tutugon tayo sa isang di-timbang na paraan sa inaakalang kawalang-katarungan, baka magkaroon iyon ng mas nakapipinsalang epekto sa ating kapayapaan kaysa sa kawalang-katarungan mismo. (Kawikaan 18:14) Baka pa nga matisod tayo at huminto na sa pakikisama sa kongregasyon hanggang sa palagay natin ay nailapat na ang katarungan. Isinulat ng salmista na para sa mga umiibig sa mga kautusan ni Jehova ay “walang katitisuran.” (Awit 119:165) Ang totoo, ang lahat ay dumaranas ng kawalang-katarungan paminsan-minsan. Huwag kailanman pahihintulutang makahadlang ang gayong malulungkot na karanasan sa iyong paglilingkod kay Jehova. Sa halip, hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa iyong puso.

Kapag Ginigiyagis Tayo ng Kabalisahan

8. Ano ang ilang bagay na nagiging sanhi ng kabalisahan, at ano ang maaaring maibunga ng kabalisahan?

8 Ang kabalisahan ay talagang bahagi na ng buhay sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Totoo, sinabi ni Jesus: “Tigilan na ninyo ang pagkabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot.” (Lucas 12:22) Ngunit hindi lahat ng kabalisahan ay nagmumula sa pagkabahala sa mga materyal na bagay. Si Lot ay “lubhang nabagabag” dahil sa kahalayan ng Sodoma. (2 Pedro 2:7) Si Pablo ay giniyagis ng “kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon.” (2 Corinto 11:28) Gayon na lamang ang paghihirap ni Jesus noong gabi bago siya mamatay anupat“ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Maliwanag, hindi lahat ng kabalisahan ay katibayan ng isang mahinang pananampalataya. Gayunman, anuman ang nagiging sanhi nito, kung ang kabalisahan ay matindi at nagtatagal, maaari itong mag-alis ng ating kapayapaan. Ang ilan ay nadaig ng kabalisahan, anupat kanilang nadama na hindi na nila kayang balikatin ang mga pananagutang kasangkot sa paglilingkod kay Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” (Kawikaan 12:25) Kung gayon, ano ang maaari nating gawin kung tayo ay pinahihirapan ng kabalisahan?

9. Ano ang ilang praktikal na hakbang na maaaring gawin upang maibsan ang kabalisahan, ngunit anong mga sanhi ng kabalisahan ang hindi maaaring alisin?

9 Sa ilang situwasyon, baka makagagawa tayo ng praktikal na mga hakbang. Kung ang ugat ng ating kabalisahan ay isang problema sa kalusugan, magiging katalinuhan na bigyang-pansin ito, bagaman ang gayong mga bagay ay personal na pinagpapasiyahan. * (Mateo 9:12) Kung tayo ay nabibigatan sa maraming pananagutan, baka posibleng iatas sa iba ang ilan sa mga ito. (Exodo 18:13-23) Subalit kumusta yaong may mabibigat na pananagutan​—gaya ng mga magulang​—na hindi maaaring iatas sa iba. Paano naman ang isang Kristiyano na namumuhay kasama ng isang sumasalansang na kabiyak? Kamusta naman ang isang pamilya na gipit na gipit sa kabuhayan o naninirahan sa isang lugar na may digmaan? Maliwanag, hindi natin mapapawi ang lahat ng sanhi ng kabalisahan sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, mapananatili natin ang kapayapaan ng Kristo sa ating puso. Paano?

10. Ano ang dalawang paraan na sa pamamagitan nito ay maiibsan ng isang Kristiyano ang kabalisahan?

10 Ang isang paraan ay humanap ng kaaliwan sa Salita ng Diyos. Sumulat si Haring David: “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.” (Awit 94:19) Ang “mga pang-aaliw” ni Jehova ay masusumpungan sa Bibliya. Ang palaging pagsangguni sa kinasihang Aklat na iyon ay tutulong upang mapanatili ang kapayapaan ng Kristo sa ating puso. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Gayundin naman, sumulat si Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang taimtim at regular na pananalangin ay tutulong sa atin na mapanatili ang ating kapayapaan.

11. (a) Paanong si Jesus ay isang mahusay na halimbawa kung tungkol sa pananalangin? (b) Paano natin dapat malasin ang panalangin?

11 Si Jesus ay napakahusay na halimbawa sa bagay na ito. Kung minsan, may-pananalangin siyang nakikipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama sa loob ng maraming oras sa bawat pagkakataon. (Mateo 14:23; Lucas 6:12) Tinulungan siya ng panalangin na mabata ang pinakamatinding pagsubok. Noong gabi bago siya mamatay, naging napakatindi ng kaniyang pagkabagabag. Ang kaniyang reaksiyon? Nanalangin siya “nang lalong marubdob.” (Lucas 22:44) Oo, ang sakdal na Anak ng Diyos ay isang taong malimit na manalangin. Kung gayon, lalong dapat na linangin ng kaniyang di-sakdal na mga tagasunod ang kaugaliang manalangin! Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “lagi silang manalangin at huwag manghihimagod.” (Lucas 18:1) Ang panalangin ay tunay at mahalagang pakikipagtalastasan sa Isa na higit na nakakakilala sa atin kaysa sa pagkakakilala natin sa ating sarili. (Awit 103:14) Kung nais nating mapanatili ang kapayapaan ng Kristo sa ating puso, ‘mananalangin tayo nang walang lubay.’​—1 Tesalonica 5:17.

Pagdaig sa Ating mga Limitasyon

12. Sa anu-anong dahilan maaaring madama ng ilan na di-sapat ang kanilang paglilingkod?

12 Minamalas ni Jehova na mahalaga ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod. (Hagai 2:7, talababa sa Ingles) Gayunman, marami ang nahihirapang tanggapin ito. Ang ilan ay baka masiraan ng loob dahil sa pagtanda, pagdami ng mga pananagutan sa pamilya, o paghina ng kalusugan. Ang iba ay baka makadama ng pagiging kapospalad dahil sa mahirap na kalagayang kanilang kinalakhan. Maaaring naghihirap naman ang damdamin ng iba dahil sa nakalipas na mga pagkakamali, anupat nag-aalinlangan kung mapatatawad pa sila ni Jehova. (Awit 51:3) Ano ang maaaring gawin sa gayong mga damdamin?

13. Anong maka-Kasulatang kaaliwan ang inilaan para sa mga nakadarama na di-sapat ang kanilang nagagawa?

13 Ang kapayapaan ng Kristo ay magbibigay-katiyakan sa pag-ibig ni Jehova sa atin. Maibabalik natin ang kapayapaang iyan sa ating puso kung bubulay-bulayin ang katotohanang hindi sinabi kailanman ni Jesus na ang ating halaga ay sinusukat sa pamamagitan ng paghahambing sa nagagawa natin at sa nagagawa ng iba. (Mateo 25:14, 15; Marcos 12:41-44) Ang talagang idiniin niya ay ang pagkamatapat. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Si Jesus mismo ay “hinamak” ng mga tao, gayunma’y hindi siya nag-alinlangan na iniibig siya ng kaniyang Ama. (Isaias 53:3; Juan 10:17) At sinabi niya sa kaniyang mga alagad na sila man ay iniibig. (Juan 14:21) Upang idiin ito, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Tunay ngang nakapagpapatibay na katiyakan ng pag-ibig ni Jehova!

14. Anong katiyakan ang taglay natin na pinahahalagahan ni Jehova ang bawat isa sa atin?

14 Sinabi rin ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Yamang inilapit tayo ni Jehova upang sumunod kay Jesus, tiyak na nais Niya na maligtas tayo. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” (Mateo 18:14) Samakatuwid, kung naglilingkod ka nang buong puso, makapagbubunyi ka sa iyong maiinam na gawa. (Galacia 6:4) Kung inuusig ka ng nakalipas na mga pagkakamali, makatitiyak ka na si Jehova ay magpapatawad “nang sagana” sa mga tunay na nagsisisi. (Isaias 43:25; 55:7) Kung sa anumang kadahilanan ay nasisiraan ka ng loob, tandaan na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

15. (a) Paano sinisikap ni Satanas na alisin sa atin ang kapayapaan natin? (b) Anong pagtitiwala kay Jehova ang maaari nating taglayin?

15 Masidhi ang hangarin si Satanas na alisin sa iyo ang kapayapaan mo. Siya ang may kagagawan sa minanang kasalanan na pinagpupunyagian nating lahat. (Roma 7:21-24) Tiyak na nanaisin niya na madama mong di-kaayaaya ang iyong paglilingkod sa Diyos dahil sa iyong pagiging di-sakdal. Huwag hayaang pahinain ng Diyablo ang iyong loob! Alamin ang kaniyang mga pakana, at hayaang ang kaalamang iyan ang magpangyaring maging determinado kang magbata. (2 Corinto 2:11; Efeso 6:11-13) Tandaan, “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:20) Hindi lamang ang ating mga pagkakamali ang nakikita ni Jehova. Nakikita rin niya ang ating mga motibo at mga intensiyon. Kung gayon, maaliw ka nawa sa mga salita ng salmista: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan, ni iiwan man niya ang kaniyang sariling mana.”​—Awit 94:14.

Nagkakaisa sa Kapayapaan ng Kristo

16. Sa anong paraan hindi tayo nag-iisa habang nagsisikap tayong magbata?

16 Sumulat si Pablo na dapat nating hayaang pumatnubay sa ating puso ang kapayapaan ng Kristo sapagkat tayo ay “tinawag sa isang katawan.” Ang pinahirang mga Kristiyano na siyang sinulatan ni Pablo ay tinawag upang maging bahagi ng katawan ni Kristo, gaya ng mga nalabi sa mga pinahiran sa ngayon. Ang kanilang mga kasamahan na “ibang mga tupa” ay kaisa nila bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” si Jesu-Kristo. (Juan 10:16) Bilang isang grupo, isang pandaigdig na “kawan” na binubuo ng milyun-milyon ang nagpapaubaya na pumatnubay sa kanilang puso ang kapayapaan ng Kristo. Ang pagkaalam na hindi tayo nag-iisa ay nakatutulong sa atin para makapagbata. Sumulat si Pedro: “Manindigan kayo laban [kay Satanas], matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.”​—1 Pedro 5:9.

17. Anong pangganyak ang taglay natin upang hayaang pumatnubay sa ating puso ang kapayapaan ng Kristo?

17 Kung gayon, ang lahat nawa ay patuloy na maglinang ng kapayapaan, ang mahalagang bungang iyon ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Yaong mga nasusumpungan ni Jehova na walang batik, walang dungis, at nasa kapayapaan ay pagpapalain sa dakong huli ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa, kung saan tatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13, 14) Taglay natin ang lahat ng dahilan upang hayaang pumatnubay sa ating puso ang kapayapaan ng Kristo.

[Talababa]

^ Sa ilang kaso, ang kabalisahan ay maaaring sanhi o pinatitindi ng mga kalagayan sa kalusugan, gaya ng clinical depression.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang kapayapaan ng Kristo?

• Paanong ang kapayapaan ng Kristo ay papatnubay sa ating puso kapag napapaharap tayo sa kawalang-katarungan?

• Paano nakatutulong sa atin ang kapayapaan ng Kristo upang maharap ang kabalisahan?

• Paano tayo inaaliw ng kapayapaan ng Kristo kapag nadarama nating hindi tayo karapat-dapat?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Sa harap ng mga tagapagparatang niya, ipinaubaya ni Jesus ang kaniyang sarili kay Jehova

[Larawan sa pahina 16]

Tulad ng mainit na yakap ng isang maibiging ama, maiibsan ng mga pang-aaliw ni Jehova ang ating kabalisahan

[Larawan sa pahina 18]

Ang pagbabata ay labis na pinahahalagahan ng Diyos