Si Enoc ay Lumakad na Kasama ng Diyos sa Isang Di-makadiyos na Sanlibutan
Si Enoc ay Lumakad na Kasama ng Diyos sa Isang Di-makadiyos na Sanlibutan
IGINIGIIT ng Diyablo na kaya niyang italikod sa Diyos ang lahat ng tao, at kung minsan ay waring nagtatagumpay siya. Sa loob ng halos limang siglo pagkamatay ni Abel, walang sinumang nakilala bilang tapat na lingkod ni Jehova. Sa kabaligtaran, ang makasalanan at di-makadiyos na paggawi ang naging kalakaran.
Sa panahong iyon ng masamang kalagayan sa espirituwal nabuhay si Enoc. Itinakda ng kronolohiya ng Bibliya ang kaniyang kapanganakan noong 3404 B.C.E. Di-tulad ng kaniyang mga kapanahon, si Enoc ay napatunayang isang lalaking kalugud-lugod sa Diyos. Inilakip siya ni apostol Pablo sa mga lingkod ni Jehova na ang pananampalataya ay nagsisilbing halimbawa sa mga Kristiyano. Sino si Enoc? Anong mga hamon ang kinailangan niyang harapin? Paano niya napagtagumpayan ang mga iyon? At ano ang kahalagahan sa atin ng kaniyang katapatan?
Noong kaarawan ni Enos, halos apat na siglo bago ang panahon ni Enoc, “pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Genesis 4:26) Ang banal na pangalan ay ginagamit na sapol pa noong pasimula ng kasaysayan ng tao. Kaya, ang pinasimulan nang nabubuhay si Enos ay maliwanag na hindi ang pagtawag kay Jehova sa pananampalataya at dalisay na pagsamba. Ipinapalagay ng ilang iskolar ng Hebreo na ang Genesis 4:26 ay dapat na basahing “pinasimulan nang may paglapastangan” o “pagkatapos ay nagpasimula ang paglapastangan.” Maaaring itinawag ng mga tao ang pangalan ni Jehova sa kanilang mga sarili o sa ibang mga tao na ginamit nila upang pakunwang lapitan ang Diyos sa pagsamba. O marahil ay itinawag nila ang kaniyang pangalan sa mga idolo.
‘Si Enoc ay Lumakad na Kasama ng Tunay na Diyos’
Bagaman napalibutan si Enoc ng pagka-di-makadiyos, siya’y “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” si Jehova. Hindi binabanggit na ang kaniyang mga ninuno—sina Set, Enos, Kenan, Mahalalel, at Jared—ay lumakad na kasama ng Diyos. Sa paano man ay hindi sila lumakad sa antas na kagaya ng ginawa ni Enoc, na ang paraan ng pamumuhay ay maliwanag na nagpangyaring mapaiba siya sa kanila.—Genesis 5:3-27.
Ang paglakad na kasama ni Jehova ay nagpapahiwatig ng pagiging pamilyar at malapít sa Diyos na posible lamang sapagkat namuhay si Enoc kasuwato ng kalooban ng Diyos. Sinang-ayunan ni Jehova ang debosyon ni Enoc. Sa katunayan, sinasabi ng Griegong Septuagint na “si Enoc ay lubos na kalugud-lugod” sa Diyos, isang kaisipan na ipinahayag din ni apostol Pablo.—Genesis 5:22, talababa sa Ingles; Hebreo 11:5.
Pangunahin na sa mabuting kaugnayan ni Enoc sa Diyos ay ang kaniyang pananampalataya. Malamang na nanampalataya siya sa ipinangakong “binhi” ng “babae” ng Diyos. Kung personal na kilalá niya si Adan, maaaring nakakuha si Enoc ng ilang impormasyon tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa unang mag-asawang tao sa Eden. Ang kaalamang taglay niya tungkol sa Diyos ay nagpangyari kay Enoc na maging ang uri ng tao na “may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Genesis 3:15; Hebreo 11:6, 13.
Sa kalagayan natin at ni Enoc, ang mabuting kaugnayan kay Jehova ay humihiling ng higit pa kaysa sa kaalaman lamang sa Diyos. Kung lubusan nating pinahahalagahan ang matalik na kaugnayan sa isang partikular na tao, hindi ba’t totoo na ang ating mga kaisipan at mga pagkilos ay
naiimpluwensiyahan ng kaniyang mga pangmalas? Iniiwasan natin ang mga salita at mga pagkilos na makasisira sa pagkakaibigang iyon. At kung iniisip nating gumawa ng ilang pagbabago sa ating sariling mga kalagayan, hindi ba’t isinasaalang-alang din natin kung paano nito maaapektuhan ang ugnayang iyon?Sa gayunding paraan, ang pagnanais na mapanatili ang isang matalik na ugnayan sa Diyos ay may epekto sa ating ginagawa. Ang isang patiunang kahilingan ay ang tumpak na kaalaman ng kaniyang sinasang-ayunan at di-sinasang-ayunan. Pagkatapos ay kailangang gabayan tayo ng kaalamang iyon, na nagsisikap na palugdan siya sa isip at sa gawa.
Oo, upang makalakad na kasama ng Diyos, dapat natin siyang palugdan. Iyan ang ginawa ni Enoc sa loob ng daan-daang taon. Sa katunayan, ang anyo ng pandiwang Hebreo na nagsasabing si Enoc ay “lumakad” na kasama ng Diyos ay nagpapahiwatig ng paulit-ulit at patuluyang pagkilos. Ang isa pang tapat na lalaki na ‘lumakad na kasama ng Diyos’ ay si Noe.—Genesis 6:9.
Si Enoc ay isang lalaking may pamilya na may asawa at nagkaanak ng “mga lalaki at mga babae.” Ang isa sa kaniyang mga anak na lalaki ay si Matusalem. (Genesis 5:21, 22) Malamang na ginawa ni Enoc ang lahat ng kaniyang makakaya upang pangasiwaan ang kaniyang sambahayan sa isang mainam na paraan. Gayunman, dahil sa pagka-di-maka-Diyos sa palibot niya, hindi naging madali para sa kaniya na paglingkuran ang Diyos. Marahil si Lamec, na ama ni Noe, ang kaniyang naging tanging kapanahon na nanampalataya kay Jehova. (Genesis 5:28, 29) Gayunman, may-katapangang isinagawa ni Enoc ang tunay na pagsamba.
Ano ang nakatulong kay Enoc na manatiling tapat sa Diyos? Walang alinlangan, hindi siya nakisama sa mga lumalapastangan sa pangalan ni Jehova o sa ibang di-naaangkop na mga kasama ng isang mananamba ng Diyos. Ang paghiling ng tulong ni Jehova sa panalangin ay malamang na nakapagpalakas din sa determinasyon ni Enoc na iwasan ang anuman na maaaring di-makalugod sa kaniyang Maylalang.
Hula Laban sa Di-Makadiyos
Ang pagpapanatili lamang ng matataas na pamantayan ay napakahirap na kapag napalilibutan tayo ng di-makadiyos na mga tao. Ngunit inihayag din ni Enoc ang di-nagmamaliw na mensahe ng Judas 14, 15.
paghatol laban sa balakyot. Sa pag-akay ng espiritu ng Diyos, makahulang inihayag ni Enoc: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”—Ano ang magiging epekto ng mensaheng iyon sa tiwaling mga di-mananampalataya? Makatuwirang ipalagay na ang gayong maaanghang na pananalita ay naging dahilan upang kayamutan si Enoc, marahil nagdulot ito ng pangungutya, panunuya, at mga pagbabanta. Tiyak na nais ng ilan na patahimikin na siya nang tuluyan. Gayunman, hindi natakot si Enoc. Alam niya kung ano ang nangyari sa matuwid na si Abel, at tulad niya, determinado si Enoc na paglingkuran ang Diyos, anuman ang mangyari.
“Kinuha Siya ng Diyos”
Waring nanganganib ang buhay ni Enoc nang “kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Hindi pinahintulutan ni Jehova ang kaniyang tapat na propeta na magdusa sa mga kamay ng mararahas na kaaway. Ayon kay apostol Pablo, “si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan.” (Hebreo 11:5) Marami ang nagsasabi na hindi namatay si Enoc—na dinala siya ng Diyos sa langit, kung saan siya patuloy na nabuhay. Gayunman, maliwanag na sinabi ni Jesus: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” Si Jesus ang “tagapagpauna” ng lahat ng umakyat sa langit.—Juan 3:13; Hebreo 6:19, 20.
Kaya, anong nangyari kay Enoc? Ang ‘paglilipat [sa kaniya] upang hindi makakita ng kamatayan’ ay maaaring mangahulugan na pinangyari ni Jehova na siya’y mawala sa kaniyang diwa habang nasa isang makahulang pangitain at pagkatapos ay winakasan ang kaniyang buhay samantalang siya’y nasa gayong kalagayan. Sa ilalim ng gayong kalagayan, hindi mararanasan ni Enoc ang hapdi ng kamatayan. Pagkatapos ay “hindi siya masumpungan saanman,” marahil ay sapagkat inilibing ni Jehova ang kaniyang katawan, gaya ng paglibing niya sa katawan ni Moises.—Deuteronomio 34:5, 6.
Nabuhay si Enoc ng 365 taon—hindi kasintagal ng karamihan sa kaniyang kapanahon. Ngunit ang mahalaga para sa mga umiibig kay Jehova ay na pinaglilingkuran nila siya nang may katapatan hanggang sa wakas ng kanilang mga araw. Alam natin na ginawa iyon ni Enoc sapagkat “bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na lubos niyang napalugdan ang Diyos.” Hindi ibinunyag ng Kasulatan kung paano ito ipinarating ni Jehova kay Enoc. Gayunpaman, bago namatay si Enoc, siya’y binigyang katiyakan ng pagsang-ayon ng Diyos, at makatitiyak tayo na aalalahanin siya ni Jehova sa pagkabuhay-muli.
Tularan ang Pananampalataya ni Enoc
Angkop na tularan natin ang pananampalataya ng makadiyos na mga tao. (Hebreo 13:7) Sa pamamagitan ng pananampalataya naglingkod si Enoc bilang ang kauna-unahang tapat na propeta ng Diyos. Ang sanlibutan noong panahon ni Enoc ay katulad ng sa atin—marahas, lapastangan, at di-makadiyos. Gayunman, iba si Enoc. Siya ay may tunay na pananampalataya at uliran sa makadiyos na debosyon. Oo, binigyan siya ni Jehova ng isang mabigat na mensahe ng paghatol upang ipahayag, ngunit kaniyang pinalakas din siya upang maihayag ito. May-katapangang isinagawa ni Enoc ang kaniyang atas, at pinangalagaan siya ng Diyos sa harap ng pagsalansang ng kaaway.
Kung mananampalataya tayo gaya ng ginawa ni Enoc, palalakasin tayo ni Jehova upang ipahayag ang kaniyang mensahe sa mga huling araw na ito. Tutulungan niya tayo na harapin ang pagsalansang nang may katapangan, at ang ating makadiyos na debosyon ang magpapaiba sa atin mula sa mga di-makadiyos. Pangyayarihin ng pananampalataya na makalakad tayo na kasama ng Diyos at gumawi sa paraang makapagpapasaya sa kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Sa pananampalataya, nagtagumpay ang matuwid na si Enoc sa paglakad na kasama ni Jehova sa isang di-makadiyos na sanlibutan, at magagawa rin natin ito.
[Kahon sa pahina 30]
Sumisipi ba ang Bibliya sa Aklat ni Enoc?
Ang Aklat ni Enoc ay isang tekstong apokripa at pseudepigraphic. Ito ay may-kamaliang ipinalalagay na isinulat ni Enoc. Isinulat marahil noong ikalawa at unang siglo B.C.E., ito ay isang koleksiyon ng labis-labis at di-makasaysayang mga alamat ng Judio, na maliwanag na produkto ng malawak na pagpapaliwanag sa maikling pagtukoy kay Enoc sa Genesis. Ito lamang ay sapat na para iwaksi ito ng mga umiibig sa kinasihang Salita ng Diyos.
Sa Bibliya, tanging ang aklat ni Judas ang naglalaman ng makahulang mga salita ni Enoc: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Maraming iskolar ang nangangatuwiran na ang hula ni Enoc laban sa di-makadiyos na mga kapanahon niya ay tuwirang sinipi mula sa Aklat ni Enoc. Posible kaya na gumamit si Judas ng isang di-maaasahang aklat na apokripa bilang kaniyang reperensiya?
Hindi isinisiwalat sa Kasulatan kung paano nalaman ni Judas ang hula ni Enoc. Maaaring sumipi lamang siya mula sa isang pamilyar na reperensiya, isang maaasahang tradisyon na ipinasa mula pa noong sinaunang panahon. Maliwanag na gumawa rin ng ganito si Pablo nang tukuyin niya sina Janes at Jambres bilang di-na-sana-nakilala pang mga mahiko sa korte ni Paraon na sumalansang kay Moises. Kung ang manunulat ng Aklat ni Enoc ay may nagamit na ganitong uri ng sinaunang reperensiya, bakit naman natin ipagkakaila na may nagamit ding gayong reperensiya si Judas? a—Exodo 7:11, 22; 2 Timoteo 3:8.
Kung paano tinanggap ni Judas ang impormasyon hinggil sa mensahe ni Enoc sa mga di-makadiyos ay isang maliit na bagay. Ang pagkamaaasahan nito ay pinatutunayan ng katotohanan na si Judas ay sumulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Iningatan siya ng banal na espiritu ng Diyos laban sa pagsasabi ng anumang bagay na di-totoo.
[Talababa]
a Ang alagad na si Esteban ay naglaan din ng impormasyon na hindi matatagpuan sa ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ito ay may kinalaman sa edukasyon ni Moises sa Ehipto, sa pagtakas niya sa Ehipto noong siya’y 40 taóng gulang, sa 40-taóng yugto ng kaniyang paglagi sa Midian, at sa papel ng anghel sa pagbibigay ng Kautusang Mosaiko.—Gawa 7:22, 23, 30, 38.
[Larawan sa pahina 31]
May-katapangang inihayag ni Enoc ang mensahe ni Jehova