Ginagawa Namin ang Aming Buong Makakaya!
Ginagawa Namin ang Aming Buong Makakaya!
“GAWIN mo ang iyong buong makakaya.” Ang praktikal na payong iyan ay ibinigay minsan ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa isang misyonero. Ngunit bakit magbibigay ng gayong saligang payo sa isang makaranasang ministro? Hindi ba’t karamihan sa mga misyonero ay walang-takot na mga tao na araw-araw na napapaharap sa mga surot, mga ahas, init, sakit, at iba’t ibang kagipitan?
Ang totoo, ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay ordinaryong mga lalaki at babae, mga Kristiyano na napakilos ng kanilang malalim na pag-ibig kay Jehova at sa kanilang kapuwa-tao upang maglingkod sa banyagang mga lupain. Nagsisikap sila na maglingkod kay Jehova sa abot ng kanilang makakaya, na umaasa sa kaniya ukol sa lakas.—Efeso 6:10.
Upang malaman ang higit pa tungkol sa gawaing misyonero, gunigunihin natin na gumugugol tayo ng isang araw sa pagdalaw sa karaniwang tahanan ng mga misyonero sa Kanlurang Aprika.
Isang Araw sa Gawaing Misyonero
Halos ika-7 na n.u. Tamang-tama ang pagdating namin sa tahanan ng mga misyonero upang makibahagi sa pagtalakay sa teksto sa Kasulatan para sa araw na iyon. Malugod kaming tinanggap ng sampung misyonero at binigyan kami ng lugar sa hapag-kainan. Habang nagkakakila-kilala kami, isa sa mga misyonero, na maraming taon na sa kaniyang atas, ang nagsimulang maglahad ng kaniyang nakatatawang karanasan sa ministeryo. Ngunit unti-unting humina ang aming pag-uusap nang ipaalaala ng tsirman sa pagtalakay nang araw na iyon sa masayang grupo na oras na upang isaalang-alang ang pang-araw-araw na teksto. Ang pagtalakay ay gagawin sa wikang Pranses. Bagaman hindi kami nagsasalita ng gayong wika, maliwanag mula sa paraan ng pagpapahayag ng kanilang sarili na ang mga dayuhang misyonero ay napakahusay sa kanilang pagpapakadalubhasa sa wikang iyon.
Pagkaraan ng pagtalakay sa Kasulatan, binigkas ang isang taos-pusong panalangin, at pagkatapos ay oras na para sa almusal. Habang kumakain kami ng maraming cereal na inihain, hinimok kami ng misyonero na katabi namin na haluan namin ito ng mga hiniwang saging. Ipinaliwanag namin na hindi kami mahilig sa saging, pero nangako siya na magbabago ang aming isip kapag natikman na namin ang mga saging na tanim sa lugar na iyon. Kaya nilagyan namin ng ilang hiwa ng saging ang aming cereal. Tama nga siya! Masarap nga ang mga saging na iyon—kasintamis ng sorbetes! At tiniyak sa amin na ang tinapay na istilong-Pranses na inihain ay niluto sa hurno maaga nang umagang iyon sa isang maliit na tindahan sa kabila lamang ng lansangan mula sa tahanan ng mga misyonero.
Pagkatapos ng almusal, gugugulin namin ang araw na iyon kasama ng isang mag-asawang misyonero, na tatawagin naming Ben at Karen. Nabalitaan namin ang mabungang teritoryo sa bansang ito sa Kanlurang Aprika, at sabik kaming malaman kung totoo ang mga ulat.
Nang dumating kami sa hintuan ng bus, nadatnan namin ang maraming tao na naghihintay.
Di-nagtagal, ang mga kasama naming misyonero ay masigla nang nakikipag-usap sa isang babae at sa anak nito hinggil sa isang paksa sa Bibliya. Palibhasa’y hindi marunong magsalita ng Pranses, wala kaming magawa kundi tumayo roon at ngumiti! Habang tinatanggap ng babae ang mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising!, dumating ang bus, at pagkatapos ay sinikap ng lahat na sumakay doon nang sabay-sabay! Habang nakikipagsiksikan kami para makasakay, itinutulak kami sa likod ng humuhugos na pulutong. Isang hamon na manatiling nakatayo habang patungo kami sa likod ng bus. Nang paandarin ng drayber ang bus, kumapit na kami nang mahigpit para sa napakabilis na biyahe. Sa pana-panahon, ang bus ay biglang humihinto, at mas marami pang tao ang magsusumiksik sa loob. Nginingitian namin ang mga kapuwa pasahero, at nginingitian din nila kami. Gayon na lamang ang aming pagnanais na makausap sana sila!Habang kumakaskas ang aming bus, tumingin kami mula sa bintana sa mga nagaganap sa lansangan. Dalawang babae ang magkasabay na naglalakad na may mabigat na mga pasan sa kanilang ulo. Isa sa kanila ay may binabalanse sa ulo na malaking timba ng tubig. Isang lalaking negosyante ang naglatag ng kumot sa bangketa at inayos doon ang ilang mumurahing alahas na inaasahan niyang maipagbibili. Sa lahat ng dako ay may mga tao na bumibili o nagbebenta ng kahit anong bagay na mabibili o maipagbibili.
Walang anu-ano ay napansin ni Ben, na nakatayo sa tabi ko, na may tumutuka sa kaniyang binti. Ano kaya iyon? Ang bus ay punung-puno, pero nanuka na naman ito. Nagawa niyang tumingin sa ibaba. Nasa isang supot sa kaniyang paanan ang isang buháy na pato na paminsan-minsang isinusungaw ang ulo sa supot at tinutuka siya! Ipinaliwanag ni Ben na malamang na ang pato ay dadalhin ng may-ari nito sa palengke upang ipagbili.
Nang dumating kami sa aming teritoryo, nalugod kaming malaman na ang dadalawin namin ay isang tipikal na kabahayan ng mga Aprikano. Sa paglapit sa unang bahay, buong-lakas na pumalakpak si Ben upang ipabatid sa may-bahay na naroon kami. Iyan ang paraan ng “pagkatok sa pintuan” ng mga tao sa bahaging ito ng daigdig. Isang kabataang lalaki ang lumabas at nagpaliwanag na siya ay abala ngunit hiniling niya na bumalik kami bago mananghali.
Sa sumunod na pinto, nakausap namin ang isang babae na nagsasalita ng diyalekto na hindi nauunawaan ni Ben. Tinawag nito ang kaniyang anak na lalaki at hinilingan na isalin kung ano ang sasabihin ni Ben. Nang matapos si Ben, tinanggap ng babae ang isang brosyur hinggil sa mga paksa sa Bibliya, at nangako ang kaniyang anak na ipaliliwanag ito sa babae. Sa pangatlong bahay, may ilang kabataan na nakaupo sa harapang bakuran. Dalawa sa kanila ang agad na tumayo sa kinauupuan nila upang makaupo ang mga bisita. Isang masiglang pag-uusap ang sumunod hinggil sa paggamit ng krus sa pagsamba. Nagsagawa ng kaayusan na magkaroon ng ibayong pag-uusap sa susunod na linggo. Oras na noon para dalawing-muli ang abalang kabataang lalaki na nakausap namin sa unang bahay. Sa paanuman ay nabalitaan na niya ang tungkol sa pakikipag-usap namin sa mga kabataan sa dako roon ng lansangan. Marami siyang katanungan sa Bibliya at humiling na aralan siya sa Bibliya. Matapos suriin ang kaniyang iskedyul, sumang-ayon si Ben na bumalik sa gayunding oras sa susunod na linggo. Habang pabalik sa tahanan ng mga misyonero para mananghalian, ipinaliwanag nina Ben at Karen na kailangang buong-ingat nilang iplano ang kanilang mga gawain sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sapagkat madali silang nakapagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya nang higit sa kaya nilang idaos.
Pinapurihan namin sila sa kanilang katatasan sa wikang Pranses. Ipinaliwanag ni Ben na sila ni Karen ay naglilingkod na bilang mga misyonero sa loob ng anim na taon, at nakakabisado na nila ang wikang Pranses. Tiniyak nila sa amin na ang pag-aaral ng isang bagong wika ay hindi madali, ngunit sulit ang pagtitiyaga.
Sa ganap na 12:30 n.h., lahat ng misyonero ay nagtipun-tipon sa hapag-kainan para mananghalian. Nalaman namin na sa bawat araw, iba’t ibang misyonero ang inaatasan upang maghanda ng almusal at pananghalian at maghugas ng mga pinggan pagkatapos. Sa araw na ito, isa sa mga misyonero ang naghanda ng katakam-takam
na piniritong manok at piniritong patatas (french fry), na may kasamang ensaladang kamatis—ang kaniyang espesyalidad!Ano ang plano nina Ben at Karen sa dakong hapon? Ipinaliwanag nila na ang lahat ay sumisilong buhat sa araw mula ala-una n.h. hanggang alas-tres n.h., kaya kadalasang ginagamit ng mga misyonero ang bahagi ng panahong iyon upang mag-aral o umidlip. Hindi kami nagtaka nang sabihin sa amin ni Karen na madaling nakasanayan ng mga bagong misyonero ang kaugaliang ito!
Pagkatapos umidlip, bumalik kami sa ministeryo sa larangan. Isang interesadong lalaki na ilang ulit nang sinisikap na makausap ni Ben ang wala pa rin sa kaniyang tahanan, ngunit dalawang kabataang lalaki ang lumabas sa pinto nang pumalakpak si Ben. Sinabi nila sa amin na nabanggit ng may-bahay ang mga pagdalaw ni Ben at lubusang inirerekomenda na kumuha sila ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Maligaya naming iniwanan sa kanila ang isang kopya ng aklat na iyon. Pagkatapos, sumakay kami sa isang bus na magdadala sa amin sa isang lugar kung saan magdaraos si Karen ng pag-aaral sa Bibliya sa isang interesadong babae.
Habang dumaraan ang sinasakyan namin sa mataong mga lansangan, sinabi sa amin ni Karen na nakausap niya ang babae isang araw habang pareho silang nakasakay sa taksi kasama ng ilan pang pasahero. Binigyan ni Karen ng isang tract ang babae upang mabasa ito habang nagbibiyahe. Binasa ng babae ang tract at pagkatapos ay humiling ng isa pa. Binasa niya ang isang iyon nang may higit na interes. Pagbaba nila, gumawa si Karen ng kaayusan upang dalawin ang babae sa tahanan nito at napasimulan ang isang mabungang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Sa araw na iyon, sasaklawin ni Karen ang ikalimang aralin sa brosyur na iyon.
Lubusan kaming nasiyahan sa araw na ginugol namin sa paglilingkod sa larangan, ngunit mayroon kaming ilang nalalabing katanungan tungkol sa gawaing misyonero. Tiniyak sa amin ng aming mga punong-abala na pag-uwi namin, maghahanda sila ng kaunting pagkain para sa amin at sasagutin ang aming mga katanungan.
Kung Paano Nila Pinananatili ang Takbo ng Kanilang Buhay
Habang kumakain ng piniritong itlog, tinapay na istilong-Pranses, at keso, nalaman namin ang higit pa tungkol sa buhay misyonero. Ang Lunes ay karaniwan nang ang araw kapag ang mga misyonero ay nagpapahinga o nag-aasikaso ng personal na mga bagay. Karamihan sa mga misyonero ay gumugugol ng ilang panahon sa araw na iyon sa pagsulat sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Ang balita mula sa kanilang pamilya ay napakahalaga sa kanila, at nasisiyahan ang mga misyonero na magpadala at tumanggap ng mga liham.
Yamang ang mga misyonero ay namumuhay at gumagawang magkakasama, mahalaga na panatilihin nila ang mabuting pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa mga kapuwa misyonero at sa pamamagitan ng pakikipagtalakayan tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa layuning iyan, maliban sa pagpapanatili ng regular na iskedyul ng personal na pag-aaral ng Bibliya, tuwing Lunes ng gabi ang mga misyonero ay nag-aaral ng Bibliya kalakip ang magasing Bantayan. Ipinaliwanag ni Ben na kapag ang mga misyonero mula sa iba’t ibang pinagmulan ay namuhay nang magkakasama, hindi maiiwasan ang maliliit na pagkakaiba ng pangmalas, ngunit ang espirituwal na paglalaan ng pampamilyang pag-aaral ay tumutulong sa kanila na panatilihin ang isang mapayapa at
nagkakaisang kapaligiran. Idiniin niya na nakatutulong din na huwag bigyan ng labis na importansiya ang sarili.Mahalaga rin ang kapakumbabaan. Ang mga misyonero ay ipinadadala, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod. Naobserbahan ng mga misyonero na ang isa sa mga pinakamahirap sabihin sa anumang wika ay ang “ipagpaumanhin mo,” lalo na kapag ang isang indibiduwal ay humihingi ng paumanhin para sa isang bagay na nasabi niya o ginawa niya nang di-sinasadya. Ipinaalaala sa amin ni Ben ang halimbawa sa Bibliya ni Abigail, na humingi ng paumanhin sa magaspang na paggawi ng kaniyang asawa at sa gayo’y napahupa ang isang kalagayan na humantong sana sa kapahamakan. (1 Samuel 25:23-28) Ang kakayahang “mamuhay nang mapayapa” ay isang mahalagang bahagi ng pagiging mahusay na misyonero.—2 Corinto 13:11.
Minsan isang buwan, ang mga misyonero ay nagdaraos ng isang pulong upang talakayin ang mga bagay-bagay na nakaaapekto sa pamilya, gayundin ang mga pagbabago sa iskedyul. Pagkatapos, nasisiyahan ang lahat sa isang espesyal na panghimagas. Para sa amin ito ay isang napakapraktikal—at masarap—na kaayusan.
Nang matapos na ang hapunan, lumibot kami sandali sa tahanan ng mga misyonero. Napansin namin na, bagaman ang tahanan ay simple lamang, ang mga misyonero ay nagtutulungan upang mapanatili itong ubod-linis. May isang repridyeretor, isang washing machine, at isang kalan. Sinabi sa amin ni Karen na sa mga bansang tropikal, gaya nitong sa Kanlurang Aprika, maaari ring may magamit na air-condition. Ang angkop na mga tuluyan, masustansiyang pagkain, at simpleng pag-iingat sa kalusugan ay tumutulong sa mga misyonero na manatiling malusog at mabunga.
Pagtuunan ng Pansin ang Positibong mga Bagay
Humanga kami sa lahat ng bagay na nakita namin. Maaaring kayang ang gawaing misyonero ay para sa amin? Paano namin matitiyak? Binigyan kami ng aming mga punong-abala ng ilang bagay na pag-iisipan.
Una, sinabi nila sa amin, ang mga misyonerong Kristiyano ay hindi humahayo upang maghanap ng pambihirang karanasan. Sila ay naghahanap ng tapat-pusong mga tao na nagnanais matuto hinggil sa kamangha-manghang mga pangako ng Diyos. Ang mga misyonero ay nag-uukol ng di-kukulangin sa 140 oras bawat buwan sa paglilingkod sa larangan, kaya mahalaga ang pag-ibig sa ministeryo.
‘Pero,’ naisip namin, ‘paano naman ang mga ahas, bayawak, at mga surot?’ Bagaman matatagpuan ang mga ito sa maraming atas misyonero, ang sabi sa amin ni Ben, nasasanay ang mga misyonero sa mga ito. Idinagdag niya na bawat atas misyonero ay may kaniya-kaniyang natatanging kagandahan, at sa kalaunan, nakapagtutuon ng pansin ang mga misyonero sa positibong mga aspekto ng kanilang atas. Ang mga kalagayan na sa pasimula ay maituturing na “naiiba” ay nagiging karaniwan sa kalaunan, at sa ilang kalagayan ay kasiya-siya pa nga. Isang misyonero na naglingkod sa Kanlurang Aprika sa loob ng maraming taon bago siya napilitang umuwi sa kanila dahil sa personal na mga pananagutan ang nagsabi na naging mas mahirap sa kaniya na iwan ang kaniyang atas kaysa noong iwan niya ang kaniyang sariling bansa ilang taon na ang nakalilipas. Ang kaniyang atas misyonero ay naging tahanan na niya.
Handa Ka Na Ba?
Binigyan kami nina Ben at Karen ng maraming bagay na pag-iisipan. Kumusta ka naman? Napag-isipan mo na ba ang tungkol sa paglilingkod bilang isang misyonero sa isang banyagang lupain? Kung oo, maaaring mas malapit ka na sa tunguhing iyan kaysa sa naguguniguni mo. Isa sa mga pangunahing bagay na kailangan ay ang pagkakaroon ng pag-ibig sa buong-panahong ministeryo at kasiyahan sa gawaing pagtulong sa mga tao. Tandaan, ang mga misyonero ay hindi mga superman kundi mga ordinaryong lalaki at babae lamang. Ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang maisakatuparan ang isang napakahalagang gawain.
[Mga larawan sa pahina 27]
Bawat araw ay nagsisimula sa pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya
[Mga larawan sa pahina 28, 29]
Mga tanawin sa Aprika
[Larawan sa pahina 29]
Ang buhay bilang misyonero ay maaaring maging lubhang kasiya-siya