Isang Mayamang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
Isang Mayamang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
AYON SA SALAYSAY NI RUSSELL KURZEN
Isinilang ako noong Setyembre 22, 1907, pitong taon bago ang natatanging panahon na nagsimula sa pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig. Ang aming pamilya ay mayaman sa pinakamahalagang paraan. Matapos mong marinig ang ilang detalye ng aming kasaysayan, sa palagay ko ay sasang-ayon ka.
BILANG isang musmos na batang babae, hinahanap na ni Lola Kurzen ang katotohanan tungkol sa Diyos. Bago maging tin-edyer, pinuntahan niya ang ilan sa iba’t ibang simbahan sa kanilang napakagandang bayan ng Spiez, sa Switzerland. Noong 1887, mga ilang taon matapos siyang mag-asawa, sumama ang pamilyang Kurzen sa daluyong ng mga nandayuhan na nakarating sa mga dalampasigan ng Estados Unidos.
Ang pamilya ay nanirahan sa Ohio, kung saan, noong mga taóng 1900, natagpuan ni Lola ang kayamanang hinahanap niya. Nasumpungan iyon sa mga pahina ng aklat ni Charles Taze Russell na The Time Is at Hand, sa wikang Aleman. Agad niyang natanto na ang nabasa niya roon ay nagtataglay ng liwanag ng katotohanan sa Bibliya. Bagaman hindi gaanong makabasa ng Ingles si Lola, kumuha siya ng suskrisyon sa Ingles ng magasing Watchtower. Kaya natuto pa siya ng mga katotohanan sa Bibliya at, kasabay nito, ng wikang Ingles. Di-tulad ng kaniyang kabiyak, si Lolo ay hindi kailanman nagkaroon ng gayunding interes sa espirituwal na mga bagay.
Sa 11 anak ni Lola Kurzen, 2 sa kaniyang mga anak na lalaki, sina John at Adolph, ang nagpahalaga sa espirituwal na kayamanang natuklasan niya. Si John ang aking ama, at nabautismuhan siya noong 1904 sa St. Louis, Missouri, sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Yamang karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya ay hindi mayaman, ang kombensiyon ay iniskedyul kasabay ng
World’s Fair sa St. Louis upang masamantala nila ang mas mababang pamasahe sa tren. Nang maglaon, noong 1907, nabautismuhan ang aking tiyo Adolph sa isang kombensiyon sa Niagara Falls, New York. Masigasig na ipinangaral ng aking ama at tiyo ang natutuhan nila sa Bibliya, at nang maglaon ay kapuwa sila naging buong-panahong mga ministro (ngayo’y tinatawag na mga payunir).Kaya naman, nang isilang ako noong 1907, ang aking pamilya ay mayaman na, kung espirituwalidad ang pag-uusapan. (Kawikaan 10:22) Sanggol pa lamang ako noong 1908 nang dalhin ako ng aking mga magulang, sina John at Ida, sa “Humayo sa Tagumpay” na kombensiyon sa Put-in-Bay, Ohio. Ang tsirman sa kombensiyong iyon ay si Joseph F. Rutherford, na noo’y isang naglalakbay na ministro. Mga ilang linggo bago nito, siya’y nasa Dalton, Ohio, kung saan dinalaw niya ang aming tahanan at nagpahayag sa mga Estudyante ng Bibliya roon.
Sabihin pa, hindi ko personal na natatandaan ang mga pangyayaring iyon, pero natatandaan ko ang kombensiyon sa Mountain Lake Park, Maryland, noong 1911. Doon namin nakilala ng aking nakababatang kapatid na si Esther si Charles Taze Russell, na nangangasiwa sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng mga Estudyante ng Bibliya.
Noong Hunyo 28, 1914, ang araw na bumulusok ang daigdig sa digmaan dahil sa pataksil na pagpatay kay Archduke Ferdinand at sa kaniyang asawa, dumalo ako kasama ng aking pamilya sa isang mapayapang kombensiyon sa Columbus, Ohio. Mula nang maagang mga taon na iyon, nagkapribilehiyo na ako na makadalo sa maraming kombensiyon ng bayan ni Jehova. Ang ilan ay mga pagtitipon na mga isang daan lamang o higit pa ang dumadalo. Ang iba naman ay malalaking pagtitipon sa ilan sa pinakamalalaking istadyum sa daigdig.
Ang Aming Tahanan sa Isang Mahalagang Lugar
Mula mga 1908 hanggang 1918, ang aming tahanan sa Dalton—nasa gitna sa pagitan ng Pittsburgh, Pennsylvania, at Cleveland, Ohio—ang naging dakong pinagpupulungan ng isang maliit na kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya. Ang aming tahanan ay naging isang uri ng sentrong tuluyan para sa maraming naglalakbay na mga tagapagsalita. Itinatali nila ang kanilang mga kabayo at karuwahe sa likod ng aming kamalig at naglalahad ng kapana-panabik na mga karanasan at iba pang espirituwal na mga katotohanan sa mga nagkatipon. Tunay na nakapagpapatibay na mga panahon iyon!
Si Itay ay isang guro sa paaralan, ngunit ang kaniyang
puso ay nasa pinakadakilang gawaing pagtuturo sa lahat, ang ministeryong Kristiyano. Tiniyak niya na naituro sa kaniyang pamilya ang tungkol kay Jehova, at gabi-gabi ay nananalangin kaming sama-sama bilang isang pamilya. Noong tagsibol ng 1919, ipinagbili ni Itay ang aming kabayo at karuwahe, at sa halagang $175 ay bumili siya ng isang 1914 Ford upang marami pang tao ang maabot niya sa gawaing pangangaral. Noong 1919 at 1922, dinala ng kotseng iyan ang aming pamilya sa kawili-wiling mga kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio.Ang aming buong pamilya—si Inay; si Itay; si Esther; ang aking nakababatang kapatid na lalaki, si John; at ako—ay pawang nakibahagi sa pangmadlang gawaing pangangaral. Tandang-tanda ko pa ang unang pagkakataon na tanungin ako ng isang may-bahay tungkol sa Bibliya. Mga pitong taóng gulang ako noon. “Bata, ano ba ang Armagedon?” ang tanong ng lalaki. Sa kaunting tulong ng aking ama, naibigay ko sa kaniya ang sagot ng Bibliya.
Pagpasok sa Buong-Panahong Ministeryo
Noong 1931, ang aming pamilya ay dumalo sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, kung saan tuwang-tuwa kaming nakibahagi sa pagtanggap sa bagong pangalang mga Saksi ni Jehova. Sabik na sabik si John anupat nagpasiya siya na kaming dalawa ay dapat pumasok sa gawaing pagpapayunir. a Ganoon nga ang ginawa namin, at gayundin sina Inay, Itay, at Esther. Tunay na isang kayamanan ang taglay namin—isang pamilya na nagkakaisa sa masayang gawaing pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos! Hindi ako kailanman nagsasawa na pasalamatan si Jehova dahil sa pagpapalang ito. Bagaman maligayang-maligaya na kami, higit pang kagalakan ang naghihintay sa amin.
Noong Pebrero ng 1934, nagsimula akong maglingkod sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova (tinatawag na Bethel) sa Brooklyn, New York. Nakasama ko roon si John pagkaraan lamang ng ilang linggo. Magkasama kami sa silid hanggang sa pakasalan niya ang kaniyang mahal na kabiyak, si Jessie, noong 1953.
Nang mapunta kami ni John sa Bethel, ang aming mga magulang ay tumanggap ng mga atas bilang payunir sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sumama naman sa kanila si Esther at ang kaniyang asawang si George Read. Ipinagpatuloy ng aming mga magulang ang kanilang pagpapayunir hanggang sa matapos nila ang kanilang makalupang landasin noong 1963. Si Esther at ang kaniyang asawa ay nagpalaki ng isang mahusay na pamilya, at ako’y pinagpala ng maraming pamangkin, na totoong mahal sa akin.
Gawain at Pakikipagsamahan sa Bethel
Ginamit ni John ang kaniyang mga kasanayang teknikal sa Bethel at nakipagtulungan sa iba pang mga Bethelite sa mga proyektong gaya ng paggawa ng bitbiting mga ponograpo. Libu-libong mga Saksi ni Jehova ang gumamit ng mga ito sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay. Tumulong din si John sa pagdisenyo at paggawa ng mga makina na nagbabalot at naglalagay ng pangalan sa mga magasin na ipinadadala sa indibiduwal na mga suskritor.
Nagsimula ang aking paglilingkod sa Bethel sa pagkakabit ng pabalat sa mga aklat. Nagtatrabaho rin sa factory noong panahong iyon ang iba pang kabataang lalaki na hanggang ngayon ay naglilingkod pa rin nang buong-katapatan sa Bethel. Kasali sa mga ito sina Carey Barber at Robert Hatzfeld. Kabilang sa mga naaalaala ko nang may paggiliw, ngunit mga namatay na, ay sina Nathan Knorr, Karl Klein, Lyman Swingle, Klaus Jensen, Grant Suiter, George Gangas, Orin Hibbard, John Sioras, Robert Payne, Charles Fekel, Benno Burczyk, at John Perry. Nanatili sila sa kanilang gawain sa loob ng maraming taon, na hindi kailanman nagreklamo o umasa ng “promosyon.” Gayunman, para sa marami sa matapat at pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyanong ito, dumating ang higit pang mga pananagutan habang lumalaki ang organisasyon. Ang ilan ay naglingkod pa nga sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Ang paggawa kasama ng mga kapatid na ito na mapagsakripisyo sa sarili ay nagturo sa akin ng isang mahalagang leksiyon. Sa sekular na mga trabaho, ang mga manggagawa ay binabayaran ng salapi sa kanilang pagpapagal. Iyan ang kanilang gantimpala. Ang paglilingkod naman sa Bethel ay nagbubunga ng mayamang espirituwal na mga pagpapala, at tanging ang mga espirituwal na lalaki at babae lamang ang nagpapahalaga sa gayong mga gantimpala.—1 Corinto 2:6-16.
Si Nathan Knorr, na tin-edyer pa nang dumating sa Bethel noong 1923, ang siyang tagapangasiwa sa
factory noong dekada ng 1930. Araw-araw siyang lumilibot sa factory at binabati ang bawat isa sa mga manggagawa. Kaming mga baguhan noon sa Bethel ay nagpapasalamat sa gayong personal na interes. Noong 1936, tumanggap kami ng isang bagong palimbagan mula sa Alemanya, at nahirapan ang ilang kabataang kapatid na lalaki na buuin iyon. Kaya nagsuot si Brother Knorr ng isang overall at gumawang kasama nila sa loob ng mahigit isang buwan hanggang sa mapaandar nila iyon.Gayon na lamang kasipag magtrabaho si Brother Knorr anupat marami sa amin ang hindi makaagapay sa kaniya. Pero alam din niya kung paano maglibang. Kahit na pagkatapos niyang matanggap ang pangangasiwa sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova noong Enero 1942, kung minsan ay nakikipaglaro siya ng beysbol sa mga miyembro ng pamilyang Bethel at sa mga estudyante sa paaralang pangmisyonero ng Gilead sa kampus malapit sa South Lansing, New York.
Noong Abril 1950, ang pamilyang Bethel ay lumipat sa bagong-tayông sampung-palapag na seksiyon ng aming gusaling tirahan na nasa 124 Columbia Heights, Brooklyn, New York. Kaming lahat ay maaari nang maupong magkakasama para kumain sa bagong silid-kainan. Sa loob ng mga tatlong taon ng pagtatayô ng tirahang ito, hindi namin naidaos ang programa sa pang-umagang pagsamba. Talaga namang isang maligayang panahon nang maibalik na ang programang iyon! Inatasan ako ni Brother Knorr na maupong kasama niya sa mesa ng tsirman upang matulungan ko siyang maalaala ang mga pangalan ng mas bagong mga miyembro ng aming pamilya. Sa loob ng mga 50 taon, iyon ang naging upuan ko sa pang-umagang pagsamba at almusal. Pagkatapos, noong Agosto 4, 2000, isinara ang silid-kainang iyon, at ako ay inatasan sa isa sa binagong mga silid-kainan sa dating Towers Hotel.
Sa sandaling panahon noong dekada ng 1950, nagtrabaho ako sa factory sa isang makinang Linotype, anupat inihahanda ang mga metal na tipo na pinagsasama-sama upang maging mistulang mga pahina bilang bahagi ng proseso sa paggawa ng mga plantsa sa paglilimbag. Hindi ko hilig ang trabahong iyon, ngunit napakabait sa akin ni William Peterson, na siyang nangangasiwa sa mga makina, kung kaya nasiyahan na rin ako sa pagtatrabaho roon. Pagkatapos, noong 1960, kinailangan ang mga boluntaryo upang pintahan ang bagong-tayông tirahan sa 107 Columbia Heights. Nalugod akong ialok ang aking paglilingkod upang makatulong sa paghahanda ng mga bagong pasilidad na ito para sa aming lumalaking pamilyang Bethel.
Hindi pa nagtatagal matapos makumpleto ang pagpipinta sa gusali sa 107 Columbia Heights, ako’y nasiyahan at nasorpresa na maatasan bilang tagatanggap ng mga panauhin sa Bethel. Ang huling 40 taon na ipinaglingkod ko bilang resepsiyonista ay kasinsaya ng anumang taon na ginugol ko sa Bethel. Mga panauhin man o mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel ang dumarating, nakatutuwang alalahanin ang mga resulta ng aming magkakasamang pagsisikap na gumawa para sa pagsulong ng Kaharian.
Masusugid na Estudyante sa Bibliya
Sumusulong sa espirituwal na paraan ang aming pamilyang Bethel dahil mahal ng mga miyembro nito ang Bibliya. Nang una akong dumating sa Bethel, tinanong ko si Emma Hamilton, na nagtatrabaho bilang isang proofreader, kung ilang beses na niyang nabasa ang Bibliya. “Tatlumpu’t limang beses,” ang sagot niya, “at pagkatapos ay hindi ko na matandaan kung ilang beses pa.” Ganito naman ang sinasabi noon ni Anton Koerber, isa pang matatag na Kristiyanong naglingkod sa Bethel noong panahon ding iyon: “Huwag hayaang ang Bibliya ay mapalayo sa abot ng kamay mo.”
Pagkamatay ni Brother Russell noong 1916, si Joseph F. Rutherford ang bumalikat sa mga pananagutan sa organisasyon na dating hawak ni Brother Russell. Si Brother Rutherford ay isang mapuwersa at mahusay na tagapagpahayag sa madla, na bilang isang abogado ay nagtanggol ng mga kaso ng mga Saksi ni Jehova sa harap ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Pagkamatay ni Brother Rutherford noong 1942, si Brother Knorr ang humalili sa kaniya at nagpagal nang husto upang linangin ang kaniyang kakayahan sa pagpapahayag sa madla. Dahil sa magkalapit lamang ang aming mga silid, madalas ko siyang marinig na paulit-ulit na nag-eensayo ng kaniyang mga pahayag. Nang maglaon, dahil sa gayong matiyagang pagsisikap, siya’y naging isang mahusay na tagapagpahayag sa madla.
Noong Pebrero 1942, tumulong si Brother Knorr na magtatag ng isang programa upang tulungan kaming lahat na mga kapatid na lalaki sa Bethel na
mapasulong ang aming kakayahan sa pagtuturo at pagpapahayag. Ang paaralan ay nagtuon ng pansin sa pagsasaliksik sa Bibliya at pagpapahayag sa madla. Sa pasimula, bawat isa sa amin ay inatasan na magbigay ng maiikling pahayag tungkol sa mga tauhan sa Bibliya. Ang aking unang pahayag ay tungkol sa lalaking si Moises. Noong 1943, isang katulad na paaralan ang sinimulan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at nagpapatuloy ito hanggang sa ngayon. Ang idiniriin sa Bethel ay ang pagtatamo pa rin ng kaalaman sa Bibliya at paglilinang ng mabibisang pamamaraan sa pagtuturo.Noong Pebrero 1943, nagsimula ang unang klase sa paaralang Gilead para sa pagmimisyonero. Ngayon, katatapos lamang ng gradwasyon ng ika-111 klase ng Gilead! Sa mahigit na 58 taon ng operasyon nito, ang paaralan ay nakapaglaan ng pagsasanay sa mahigit na 7,000 katao na naglilingkod bilang mga misyonero sa buong daigdig. Kapansin-pansin, noong 1943 nang magsimula ang paaralan, mayroon lamang mahigit sa 100,000 Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ngayon, mahigit na 6,000,000 na ang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos!
Nagpapasalamat sa Aking Espirituwal na Pamana
Noong malapit nang itatag ang Gilead, tatlo sa amin mula sa Bethel ang naatasang dumalaw sa mga kongregasyon sa buong Estados Unidos. Namamalagi kami ng isang araw, ng ilang araw, at maging ng isang linggo sa pagsisikap na patibayin ang mga kongregasyong ito sa espirituwal na paraan. Tinatawag kami noon na mga lingkod sa mga kapatid, isang katawagan na sa kalauna’y binago tungo sa lingkod ng sirkito, o tagapangasiwa ng sirkito. Subalit di-nagtagal matapos buksan ang Paaralang Gilead, ako’y hinilingang bumalik upang magturo ng ilang kurso. Naglingkod ako bilang regular na instruktor sa ika-2 hanggang sa ika-5 klase, at humalili rin ako sa isa sa mga regular na instruktor at nagturo sa ika-14 na klase. Yamang nirerepaso ko sa mga estudyante ang mga naunang kamangha-manghang pangyayari sa modernong-panahong kasaysayan ng organisasyon ni Jehova—na marami sa mga ito ay nailalahad ko mula sa
aking personal na karanasan—lalo kong napahalagahan nang lubusan ang aking mayamang espirituwal na pamana.Ang isa pang pribilehiyo na tinamasa ko sa paglipas ng mga taon ay yaong pagdalo sa internasyonal na mga kombensiyon ng bayan ni Jehova. Noong 1963, naglakbay ako sa buong daigdig kasama ng iba pang 500 delegado sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na mga kombensiyon. Ang iba pang makasaysayang mga kombensiyon na nadaluhan ko ay yaong idinaos sa Warsaw, Poland, noong 1989; sa Berlin, Alemanya, noong 1990; at sa Moscow, Russia, noong 1993. Sa bawat kombensiyon, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala ang ilan sa ating mahal na mga kapatid na nagbata ng maraming dekada ng pag-uusig sa ilalim ng rehimeng Nazi, ng rehimeng Komunista, o kapuwa nito. Talaga namang nakapagpapatibay sa pananampalataya ang mga karanasang iyon!
Tunay ngang mayaman ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova! Hindi nauubos ang suplay ng espirituwal na mga pagpapala. At, di-tulad ng materyal na mga kayamanan, habang lalo nating ibinabahagi ang mahahalagang bagay na ito, lalong dumarami ang ating kayamanan. Paminsan-minsan ay naririnig ko ang ilan na nagsasabing sana’y hindi sila pinalaki bilang mga Saksi ni Jehova. Sinasabi nila na mas lalo sana nilang napahalagahan ang mga katotohanan sa Bibliya kung naranasan muna nila ang buhay sa labas ng organisasyon ng Diyos.
Lagi akong nababagabag kapag naririnig ko ang mga kabataan na nagsasabi ng gayong mga bagay dahil, sa totoo lamang, ang ibig nilang sabihin ay pinakamabuti sana na hindi sila pinalaki na may kaalaman sa mga daan ni Jehova. Gayunman, isipin ang lahat ng masasamang ugali at maruming kaisipan na kailangang iwaksi ng mga tao kapag sa dakong huli ay nasumpungan na nila ang katotohanan sa Bibliya. Ako’y lagi nang taimtim na nagpapasalamat na ang aking mga magulang ay nagpalaki ng kanilang tatlong anak sa daan ng katuwiran. Si John ay nanatiling tapat na lingkod ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong Hulyo 1980, at si Esther naman ay nananatiling isang tapat na Saksi hanggang sa ngayon.
Ginugunita ko nang may matinding kasiyahan ang maraming maiinam na pagkakaibigang tinamasa ko kasama ng tapat na mga kapatid na Kristiyano. Nakagugol na ako ngayon ng mahigit sa 67 maliligayang taon sa Bethel. Bagaman hindi ako nag-asawa, marami akong espirituwal na mga anak, pati na mga espirituwal na apo. At tuwang-tuwa akong alalahanin ang lahat ng minamahal na bagong mga miyembro ng ating espirituwal na pamilya sa buong daigdig na hindi ko pa nakikilala, na bawat isa ay mahalaga. Totoo nga ang mga salitang: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman”!—Kawikaan 10:22.
[Talababa]
a Nabautismuhan ako noong Marso 8, 1932. Kaya ako’y aktuwal na nabautismuhan matapos mapagpasiyahan na dapat akong magpayunir.
[Larawan sa pahina 20]
Pakanan mula sa kaliwa: ang aking ama kasama ng aking kapatid, si John, na nakakandong sa kaniya, si Esther, ako, at ang aking ina
[Mga larawan sa pahina 23]
Pagtuturo sa isang klase sa Gilead noong 1945
Kanang itaas: Mga instruktor sa Paaralang Gilead na sina Eduardo Keller, Fred Franz, ako, at si Albert Schroeder
[Larawan sa pahina 24]
Ginugunita ang aking mayamang buhay sa paglilingkod kay Jehova