Kailangan Mo ang Isang Sinanay na Budhi
Kailangan Mo ang Isang Sinanay na Budhi
Isang di-malilimot na araw ang naghihintay sa mga pasahero at tripulante na sakay ng Air New Zealand Flight 901 patungong Antarctica. Nakahanda na ang mga kamera, at nagkakasayahan ang mga pasahero habang papalapit sa puting kontinente ang DC-10 na lumilipad nang mababa upang makita ng mga pasahero ang kahanga-hangang tanawin.
ANG kapitan, na 15 taon nang piloto, ay nakaipon na ng 11,000 oras sa pagpapalipad ng eroplano. Bago lumipad, maingat niyang ipinasok sa computer ng eroplano ang detalye ng paglipad, na di-nababatid na mali ang mga direksiyon ng ruta na ibinigay sa kaniya. Palibhasa’y lumipad sa mga ulap sa taas na wala pang 600 metro, ang DC-10 ay sumalpok sa gawing ibaba ng dalisdis ng Bundok Erebus, anupat namatay ang lahat ng 257 pasahero nito.
Kung paanong ang mga eroplano sa ngayon ay umaasa sa mga computer upang giyahan sila sa himpapawid, ang mga tao ay binigyan ng budhi upang akayin sila sa kanilang landas ng pamumuhay. At ang kahindik-hindik na trahedya ng Flight 901 ay makapagtuturo sa atin ng ilang mapuwersang aral hinggil sa budhi. Halimbawa, kung paanong ang kaligtasan sa paglipad ay nakasalalay sa mahusay na paggana ng sistemang pang-nabigasyon at sa tumpak na mga pinagbabasehan, ang ating espirituwal, moral, at maging pisikal na kapakanan ay nakasalalay rin sa isang gumaganang budhi na ginigiyahan ng tamang mga pinagbabasehan sa moral.
Nakalulungkot, sa daigdig ngayon, ang gayong mga pinagbabasehan ay mabilis na naglalaho o kaya’y ipinagwawalang-bahala. “Marami tayong naririnig sa ngayon kung paanong ang karaniwang batang mag-aarál sa Estados Unidos ay hindi marunong bumasa, kung paanong hindi siya marunong sumulat, at na hindi niya alam kung saan hahanapin ang Pransiya sa mapa,” ang sabi ng isang Amerikanong edukador. “Totoo rin na nahihirapang kilalanin ng karaniwang batang mag-aarál sa Estados Unidos ang tama at mali. Kalakip sa pagiging di-marunong bumasa at sumulat at sa pagiging di-marunong bumilang, dapat nating idagdag ang malubhang kalituhan sa moral sa talaan ng mga suliranin sa edukasyon.” Sinabi rin niya na “ang mga kabataan sa ngayon ay nabubuhay sa moral na kalituhan. Tanungin ang isa sa kanila kung may mga bagay ba na gaya ng ‘tama at mali,’ at agad kang mapapaharap sa isang nalilito, umid ang dila, kinakabahan, at balisang indibiduwal. . . . Ang kalituhang ito ay lalalâ sa halip na bumuti sa sandaling mag-aral sila sa kolehiyo.”
Ang isang sanhi ng kalituhang ito ay ang moral relativism, isang palasak na pangmalas na ang mga pamantayan ay nagbabagu-bago ayon sa mga pagpili ng bawat indibiduwal o ng kultura. Gunigunihin kung ano ang mangyayari kung ang mga piloto ay magpapalipad, hindi sa pamamagitan ng permanenteng mga pinagbabasehan, kundi sa pamamagitan ng mga pansenyas na ilaw na gumagalaw nang walang katiyakan at kung minsan ay naglalahong lubusan! Ang mga kasakunaang gaya ng nangyari sa Bundok Erebus ay walang alinlangang magiging madalas. Gayundin, dahil sa di-pagsunod sa permanenteng mga pamantayan sa moral, ang daigdig ay umaani ng kalunus-lunos at dumaraming bunga ng kahapisan at kamatayan habang ang mga pamilya ay nagkakawatak-watak dahil sa pagtataksil at milyun-milyon ang nagdurusa dahil sa AIDS o iba pang sakit na naililipat sa pagtatalik.
Ang moral relativism ay waring magandang pakinggan, ngunit ang totoo ang mga tagasunod nito ay gaya ng sinaunang mga taga-Nineve na hindi nakikilala ang pagkakaiba ng ‘kanilang kanang kamay mula sa kanilang kaliwa.’ Ang mga tagapagtaguyod ng moral relativism ay nakakatulad ng apostatang mga Israelita na nagsabi na “ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”—Jonas 4:11; Isaias 5:20.
Kaya saan tayo maaaring bumaling ukol sa malinaw at tiyak na mga kautusan at simulain na magagamit natin upang sanayin ang ating budhi na maging isang ligtas na giya? Milyun-milyon ang 2 Timoteo 3:16) Ito ay napatunayang ganap na maaasahan sa loob ng maraming siglo. Dahil ang mga pamantayan ng Bibliya sa moral ay itinatag ng pinakamataas na awtoridad, ang ating Maylalang, mahalaga ang mga ito sa lahat ng tao. Kaya naman, wala tayong dahilan upang mamuhay nang walang katiyakan sa moral.
nakasumpong na lubusang sinasapatan ng Bibliya ang pangangailangang iyan. Mula sa moralidad hanggang sa etika sa trabaho at mula sa pagsasanay sa mga anak hanggang sa pagsamba sa Diyos, walang nakakaligtaang anumang mahalaga ang Bibliya. (Gayunman, sa ngayon ay sinasalakay ang iyong budhi nang higit kailanman. Paano nangyayari iyon? At paano mo maiingatan ang iyong budhi? Ang matalinong hakbangin ay alamin ang pinagmumulan ng pagsalakay at ang kaniyang mga taktika. Tatalakayin ang mga ito sa susunod na artikulo.