Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Scita—Isang Misteryosong Bayan ng Panahong Nagdaan

Ang mga Scita—Isang Misteryosong Bayan ng Panahong Nagdaan

Ang mga Scita​—Isang Misteryosong Bayan ng Panahong Nagdaan

KUMAKASKAS sa gitna ng alikabok, ang kanilang mga supot ng siyá ay punung-punô ng mga nasamsam, ganiyan dumarating ang kabalyeriya ng isang bansang pagala-gala. Hawak ng misteryosong bayan na ito ang mga kapatagan ng Eurasia mula noong mga 700 hanggang 300 B.C.E. Pagkatapos sila ay naglaho​—ngunit pagkaraan lamang na magkaroon ng dako sa kasaysayan. Nabanggit sila kahit na sa Bibliya. Sila ang mga Scita.

Sa loob ng mga siglo, ang mga taong lagalag at ang mga kawan ng maiilap na kabayo ay nagpagala-gala sa mga damuhan na ang lawak ay umaabot sa Kabundukan ng Carpathia sa silangang Europa na ngayon ay timog-silangang Russia. Pagsapit ng ikawalong siglo B.C.E., ang aksiyong militar ni Emperador Hsüan ng Tsina ay gumanyak ng pandarayuhan sa kanluran. Sa pagkilos pakanluran, nilabanan at itinaboy ng mga Scita ang mga Cimmeriano, na may hawak sa Caucasus at sa lugar na nasa hilaga ng Dagat na Itim.

Palibhasa’y naghahanap ng kayamanan, dinambong ng mga Scita ang kabisera ng Asirya, ang Nineve. Nang maglaon, nakipag-alyado sila sa Asirya laban sa Media, Babilonya, at iba pang mga bansa. Ang kanilang mga pagsalakay ay umabot pa nga sa hilagang Ehipto. Ang bagay na ang lunsod ng Bet-san sa hilagang-silangan ng Israel ay tinawag na Scythopolis nang dakong huli ay maaaring nagpapahiwatig na may panahon na ito ay nasakop ng mga Scita.​—1 Samuel 31:11, 12.

Nang maglaon, ang mga Scita ay nanirahan sa mga kapatagan ng kasalukuyang Romania, Moldova, Ukraine, at timugang Russia. Doon ay yumaman sila, na naglilingkod bilang mga ahente sa pagitan ng mga Griego at ng mga magsasaka ng mga binutil sa kasalukuyang Ukraine at timugang Russia. Ipinakipagpalitan ng mga Scita ang mga binutil, pulot, balahibo, at mga baka sa mga alak, tela, sandata, at gawang sining ng mga Griego. Kaya naman sila’y totoong nagkamal ng limpak-limpak na kayamanan.

Kilabot na mga Mangangabayo

Para sa mga mandirigmang ito ng kapatagan, ang kabayo ay katumbas ng kamelyo ng mga taga-disyerto. Ang mga Scita ay batikang mga mangangabayo at kabilang sa mga unang gumamit ng siyá at estribo para sa kabayo. Kumakain sila ng laman ng mga kabayo at umiinom ng gatas ng inahíng kabayo. Sa katunayan, gumagamit sila ng mga kabayo para sa mga handog na sinusunog. Kapag namatay ang isang mandirigmang Scita, ang kaniyang kabayo ay pinapatay at binibigyan ng marangal na libing​—kumpleto sa guwarnisyon at kagayakan.

Gaya ng paglalarawan ng istoryador na si Herodotus, ang mga Scita ay may malulupit na kostumbre, kasali na ang paggamit sa mga bungo ng kanilang biktima bilang mga kopang inuman. Kapag sinasalakay ang kanilang mga kaaway, pinapatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng mga tabak na bakal, palakol na pandigma, sibat, at mga palasong may simà na lumuluray sa laman.

Mga Libingang Inihanda Para sa Kawalang-Hanggan

Ang mga Scita ay nagsasagawa ng pangkukulam at shamanismo at sumasamba sa apoy at sa isang inang diyosa. (Deuteronomio 18:10-12) Itinuturing nila na tirahan ng mga patay ang libingan. Ang mga alipin at mga hayop ay inihahain para magamit ng namatay na panginoon. Ipinagpapalagay na ang kayamanan at mga alila sa sambahayan ay sumasama sa mga pinuno sa “kabilang buhay.” Sa isang libingan para sa mga maharlika, limang alilang lalaki ang natagpuang nakahiga na ang mga talampakan ay nakaharap sa kanilang panginoon, anupat tila handang bumangon at bumalik sa kanilang trabaho.

Inililibing ang mga tagapamahala kasama ang magagarbong handog, at sa mga panahon ng pagluluksa, pinatutulo ng mga Scita ang kanilang dugo at pinuputol ang kanilang mga buhok. Sumulat si Herodotus: “Tinatagpas nila ang isang bahagi ng kanilang mga tainga, inaahitan ang kanilang ulo, kinukudlitan ang palibot ng kanilang mga bisig, sinusugatan ang kanilang noo at ilong, at tinutusok ng palaso ang kanilang kaliwang kamay.” Kabaligtaran nito, ang Kautusan ng Diyos sa mga Israelita nang panahon ding iyon ay nagsasabi: “Huwag kayong magkukudlit ng mga hiwa sa inyong laman dahil sa isang namatay na kaluluwa.”​—Levitico 19:28.

Ang mga Scita ay nag-iwan ng libu-libong kurgan (mga bunton na pinaglibingan). Maraming palamuti na natagpuan sa mga kurgan ang naglalarawan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Scita. Sinimulang mangulekta ni Czar Peter the Great ng Russia ng gayong mga bagay noong 1715, at makikita ngayon ang kumikinang na mga bagay na ito sa mga museo sa Russia at Ukraine. Kasali sa ganitong “sining sa hayop” ang mga kabayo, agila, dumagat, pusa, panther, pinakamalaking usa na may malalapad na sungay, usa na may sanga-sangang sungay, bird-griffin, at lion-griffin (maalamat na mga nilalang na may pakpak o walang-pakpak na katawan ng isang hayop at may ulo ng ibang hayop).

Ang mga Scita at ang Bibliya

Minsan lamang binanggit nang tuwiran sa Bibliya ang mga Scita. Sa Colosas 3:11, ganito ang mababasa natin: “Walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita, alipin, taong laya, kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat.” Nang isulat ng Kristiyanong si apostol Pablo ang mga salitang ito, ang salitang Griego na isinaling “Scita” ay nagpapahiwatig, hindi ng isang espesipikong bansa, kundi ng pinakamasahol sa mga taong di-sibilisado. Idiniriin ni Pablo na sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ni Jehova, kahit ang gayong mga indibiduwal ay maaaring magbihis ng makadiyos na personalidad.​—Colosas 3:9, 10.

Naniniwala ang ilang arkeologo na ang pangalang Askenaz na matatagpuan sa Jeremias 51:27 ay katumbas ng Asiryanong Ashguzai, isang termino na ikinapit sa mga Scita. Binabanggit sa mga tapyas na cuneiform ang alyansa sa pagitan ng mga taong ito at ng Mannai sa isang paghihimagsik laban sa Asirya noong ikapitong siglo B.C.E. Nang malapit nang magsimulang humula si Jeremias, tahimik na dumaan ang mga Scita sa lupain ng Juda nang sila’y patungo at pabalik mula sa Ehipto. Kaya naman, ang marami sa mga nakarinig nang ihula niya ang isang pagsalakay sa Juda mula sa hilaga ay maaaring nag-alinlangan sa kawastuan ng kaniyang hula.​—Jeremias 1:13-15.

Ipinalalagay ng ilang iskolar na ang mga Scita ang tinutukoy sa Jeremias 50:42, na nagsasabi: “Busog at diyabelin ang hinahawakan nila. Sila ay malupit at hindi magpapakita ng awa. Ang ingay nila ay parang dagat na dumadaluyong, at sasakay sila sa mga kabayo; nakahanay na parang iisang lalaki upang makipagdigma laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonya.” Ngunit ang talatang ito ay pangunahin nang kumakapit sa mga Medo at Persiano, na sumakop sa Babilonya noong 539 B.C.E.

May nagsabi na ang “lupain ng Magog” na binabanggit sa Ezekiel mga kabanata 38 at 39 ay tumutukoy sa mga tribong Scita. Gayunman, ang “lupain ng Magog” ay may makasagisag na kahulugan. Maliwanag na tumutukoy ito sa kapaligiran ng lupa, na pinagdalhan kay Satanas at sa kaniyang mga anghel pagkatapos ng digmaan sa langit.​—Apocalipsis 12:7-17.

Ang mga Scita ay nasasangkot sa katuparan ng hula ni Nahum hinggil sa pagbagsak ng Nineve. (Nahum 1:1, 14) Dinambong ng mga Caldeo, ng mga Scita, at ng mga Medo ang Nineve noong 632 B.C.E., na siyang naging sanhi ng pagbagsak ng Imperyo ng Asirya.

Mahiwagang Pagbagsak

Naglaho na ang mga Scita, pero bakit? “Ang totoo, hindi talaga namin alam kung ano ang nangyari,” sabi ng isang pangunahing arkeologo na taga-Ukraine. Naniniwala ang ilan na palibhasa’y humina dahil sa kanilang hilig sa karangyaan, nadaig sila noong una at ikalawang siglo B.C.E., ng isang grupo ng mga lagalag mula sa Asia​—ang mga Sarmatiano.

Naniniwala ang iba na ang mga alitan sa pagitan ng mga angkang Scita ay humantong sa kanilang pagbagsak. Sinasabi naman ng iba na ang nalabi sa mga Scita ay masusumpungan sa mga Ossetiano sa Caucasus. Anuman ang nangyari, ang misteryosong bayang ito ng panahong nagdaan ay nag-iwan ng marka sa kasaysayan ng tao​—isa na nagpangyari sa pangalang Scita na maging singkahulugan ng kalupitan.

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

◻ Sinaunang Lunsod

• Makabagong Lunsod

Danube

SCITIA RUTA SA PANDARAYUHAN

• Kiev

Dnipro

Dniester

Dagat na Itim

OSSETIA

Kabundukan ng Caucasus

Dagat ng Caspian

ASIRYA MGA RUTA SA PANANAKOP

◻ Nineve

Tigris

MEDIA MGA RUTA SA PANANAKOP

MESOPOTAMIA

BABILONIA MGA RUTA SA PANANAKOP

◻ Babilonya

Eufrates

IMPERYO NG PERSIA

◻ Susa

Golpo ng Persia

PALESTINA

• Bet-san (Scythopolis)

EHIPTO MGA RUTA SA PANANAKOP

Nilo

Dagat Mediteraneo

GRESYA

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang mga Scita ay isang mandirigmang bayan

[Credit Line]

The State Hermitage Museum, St. Petersburg

[Mga larawan sa pahina 26]

Ipinakipagpalitan ng mga Scita ang kanilang mga kalakal sa mga gawang sining ng mga Griego at sila’y naging napakayaman

[Credit Line]

Courtesy of the Ukraine Historic Treasures Museum, Kiev