Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Paano inihatid kay Eva ng serpiyente sa hardin ng Eden ang ideya na labagin ang kautusan ng Diyos hinggil sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama?
Sinasabi sa Genesis 3:1: “Ang serpiyente ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya nagsimula itong magsabi sa babae: ‘Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?’ ” Maraming kuru-kuro tungkol sa kung paano maaaring nakipag-usap kay Eva ang serpiyente. Ang isang ideya ay na ginawa iyon sa pamamagitan ng galaw ng katawan o mga kumpas. Halimbawa, nagkomento ang klerigong Ingles na si Joseph Benson: “Malamang na tila iyon ay sa pamamagitan ng isang uri ng mga senyas. Sa katunayan, naniniwala ang ilan na ang pangangatuwiran at pananalita ay mga katangiang taglay noon ng mga serpiyente, . . . ngunit walang patotoo tungkol dito.”
Subalit, paanong sa pamamagitan ng galaw ng katawan ay masasabi ng serpiyente kay Eva ang ideya na sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, siya ay magiging tulad ng Diyos, na nakapagpapasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama? Isa pa, si Eva ay nakibahagi sa pag-uusap, anupat sinagot ang mga tanong ng serpiyente. (Genesis 3:2-5) Ang pangmalas na nakipag-usap ang serpiyente sa pamamagitan lamang ng mga senyas o galaw ay aakay sa konklusyon na sumagot si Eva sa pamamagitan ng mga kumpas, samantalang sinasabi naman ng Bibliya na siya ay nagsalita.
Sa pagtukoy sa pangyayaring ito, nagbabala si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip ay mapasamâ.” Ang panganib na binanggit ni Pablo ay galing sa “mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa.” Ang panganib na iniharap ng gayong “ubod-galing na mga apostol” ay hindi lamang tumutukoy sa galaw ng katawan at mga kumpas. Kasali roon ang kanilang pananalita—ang kanilang tusong mga salita, na binigkas upang iligaw ang iba.—2 Corinto 11:3-5, 13.
Bagaman pananalita ang ginamit upang linlangin si Eva sa hardin ng Eden, walang anumang pahiwatig na ang literal na serpiyente ay may kuwerdas bokales. Sa katunayan ay hindi naman nito kailangan iyon. Nang magsalita ang anghel ng Diyos kay Balaam sa pamamagitan ng isang asnong-babae, hindi kinailangan ng hayop ang isang masalimuot na gulúng-gulungán na gaya ng sa tao. (Bilang 22:26-31) Maliwanag, nang ang ‘walang-imik na hayop na ito na pantrabaho ay magsalita sa tinig ng tao,’ ang kapangyarihan sa pagsasalita ay nanggaling sa dako ng espiritu.—2 Pedro 2:16.
Ang espiritung nilalang sa likod ng serpiyente na nakipag-usap kay Eva ay ipinakikilala ng Bibliya bilang “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apocalipsis 12:9) Ang binigkas na mga salita na narinig ni Eva at kaniyang tinugon ay udyok ni Satanas, na “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.”—2 Corinto 11:14.
[Larawan sa pahina 27]
“Kayo nga ay magiging katulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama”