Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maiiwasan Mo ang Espirituwal na Atake sa Puso

Maiiwasan Mo ang Espirituwal na Atake sa Puso

Maiiwasan Mo ang Espirituwal na Atake sa Puso

Isa sa pinakamagagaling na atleta sa daigdig, na may lubos na kontrol sa kaniyang kasanayan at tila napakahusay ang kalusugan, ang bigla na lamang bumagsak sa panahon ng isang sesyon ng pag-eensayo at namatay. Ang atleta ay si Sergei Grinkov, isang ice skater na dalawang beses nagkamit ng gintong medalya sa Olimpiyada, na ang karera ay natapos nang magsisimula pa lamang itong umangat​—nang siya’y 28 taóng gulang pa lamang. Tunay na isang trahedya! Ang sanhi? Atake sa puso. Sinasabing ang kaniyang kamatayan ay talagang di-inaasahan dahil walang anumang palatandaang nagpapahiwatig na siya ay may sakit sa puso. Gayunman, natuklasan ng mga tagapagsuri na mayroon siyang lumaking puso at mga ugat na lubhang barado.

BAGAMAN tila lumilitaw na maraming atake sa puso ang nagaganap nang walang babala, sinasabi ng mga awtoridad sa medisina na bibihirang mangyari iyon. Ang totoo ay na ang gayong mga palatandaan at karagdagang mga salik gaya ng pangangapos ng hininga, sobra sa timbang, at mga pananakit ng dibdib ay madalas na ipinagwawalang-bahala. Bunga nito, bagaman hindi sila namatay sa panahong sila’y atakihin sa puso, marami ang nagiging lubhang baldado sa natitirang bahagi ng kanilang buhay.

Sasang-ayon ang karamihan sa mga awtoridad sa medisina sa ngayon na ang pag-iwas sa atake sa puso ay nangangailangan ng patuluyang pagbabantay sa kinakain at sa istilo ng buhay ng isa at regular na pagpapatingin sa doktor. a Ang gayong mga hakbang, kalakip na ang taimtim na pagnanais na gumawa ng mga pagbabago kung kinakailangan, ay malaki ang maitutulong sa pagliligtas sa isa mula sa kapaha-pahamak na mga epekto ng atake sa puso.

Gayunman, may isa pang aspekto ng ating puso na nararapat bigyan ng higit pang pansin. “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso,” ang babala ng Bibliya sa atin, “sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Siyempre pa, ang kasulatang ito ay pangunahin nang tumutukoy sa makasagisag na puso. Kailangang maging mapagbantay upang maingatan ang ating pisikal na puso, subalit higit na mas mahalaga na manatiling alisto kung nais nating ipagsanggalang ang ating makasagisag na puso laban sa mga sakit na maaaring magbunga ng espirituwal na kamatayan.

Pagsusuri sa Makasagisag na Atake sa Puso

Katulad ng pisikal na sakit sa puso, ang isa sa mga pinakatiyak na paraan upang maiwasan ang espirituwal na atake sa puso ay pag-aralan ang mga sanhi nito at pagkatapos ay gumawa ng mga hakbang upang remedyuhan ang mga ito. Kaya ating isaalang-alang ang ilan sa mga pangunahing salik na nagdudulot ng mga suliranin sa literal at makasagisag na puso.

Pagkain. Karaniwan nang tinatanggap na ang mga sitsiriya, bagaman katakam-takam sa panlasa, ay may kakaunti o walang pakinabang sa kalusugan. Sa katulad na paraan, ang sitsiriya sa isipan ay madaling makuha at kaakit-akit sa pandamdam, ngunit kapaha-pahamak sa espirituwal na kalusugan ng isa. May-katusuhang ginagawang negosyo sa media ang saganang materyal na nagtatampok sa ipinagbabawal na pagtatalik at mga droga, karahasan, at okulto. Ang pagpapakain ng gayong diyeta sa isipan ng isa ay nakamamatay sa makasagisag na puso. Nagbababala ang Salita ng Diyos: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan​—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa​—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:16, 17.

Ang nakapagpapalusog na mga pagkain, tulad ng mga prutas at berdeng mga gulay, ay hindi gaanong katakam-takam sa isang sugapa sa sitsiriya. Gayundin naman, ang kapuri-puri at matigas na espirituwal na pagkain ay hindi gaanong masarap sa isang taong nahirati na sa pagpapakain sa kaniyang isip at puso ng makasanlibutang mga bagay. Maaaring sa sandaling panahon ay magpatuloy siya sa pagkuha ng “gatas” ng Salita ng Diyos. (Hebreo 5:13) Sa katagalan, hindi niya nalilinang ang kinakailangang espirituwal na pagkamaygulang upang balikatin ang kaniyang pangunahing espirituwal na mga pananagutan sa Kristiyanong kongregasyon at ministeryo. (Mateo 24:14; 28:19; Hebreo 10:24, 25) Pinahintulutan ng ilan na nasa gayong situwasyon na ang kanilang espirituwal na lakas ay manghina hanggang sa punto na sila’y maging di-aktibong mga Saksi!

Ang isa pang panganib ay na maaaring maging mapanlinlang ang panlabas na hitsura. Maaaring maitago ng mababaw na pagganap sa mga tungkuling Kristiyano ang lumalalang sakit ng makasagisag na puso na pinahihina ng lihim na pagpapasasa sa materyalistikong mga pilosopiya o sa paglilibang na nagtatampok ng imoralidad, karahasan, o okulto. Waring walang gaanong epekto sa espirituwalidad ng isa ang gayong depektibong espirituwal na pagkain, ngunit maaari nitong paralisahin ang makasagisag na puso kung paanong ang di-masustansiyang pagkain ay maaaring makapagpatigas ng mga ugat at makapinsala sa literal na puso. Nagbabala si Jesus laban sa pagpapahintulot na makapasok ang maling mga pagnanasa sa puso ng isa. Sinabi niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Oo, ang di-masustansiyang espirituwal na pagkain ay maaaring umakay sa espirituwal na atake sa puso. Gayunman, may karagdagan pang mga bagay na dapat isaalang-alang.

Ehersisyo. Alam na alam ng marami na ang palaupong istilo ng buhay ay maaaring magdulot ng pisikal na mga atake sa puso. Sa gayunding paraan, ang isang espirituwal na palaupong istilo ng buhay ay maaaring magbunga ng malulubhang epekto. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ngunit nililimitahan naman ito sa matatawag na komportableng kalagayan, anupat nagbubuhos ng kaunti lamang o walang pagsisikap na maging isang “manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) O baka dumadalo ang isang indibiduwal sa ilang pulong Kristiyano ngunit kaunti lamang ang ginagawa niyang paghahanda o pakikibahagi sa mga ito. Maaaring wala siyang espirituwal na mga tunguhin o walang paghahangad o kasiglahan para sa espirituwal na mga bagay. Sa dakong huli, ang kakulangan ng espirituwal na ehersisyo ay nagpapahina, pumapatay pa nga, sa pananampalataya na maaaring dating taglay niya. (Santiago 2:26) Napansin ni apostol Pablo ang panganib na ito nang sumulat siya sa mga Kristiyanong Hebreo, na ang ilan ay malamang na nahulog sa gayong espirituwal na palaupong istilo ng buhay. Pansinin kung paano siya nagbabala hinggil sa posibleng nakapagpapatigas na epekto nito sa kanilang espirituwalidad. “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy; ngunit patuloy ninyong payuhan ang isa’t isa bawat araw, hangga’t matatawag itong ‘Ngayon,’ dahil baka may sinuman sa inyo na maging mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.”​—Hebreo 3:12, 13.

Kaigtingan. Gayunman, ang isa pang pangunahing sanhi ng pisikal na mga atake sa puso ay ang sobrang kaigtingan. Sa katulad na paraan, ang kaigtingan, o “mga kabalisahan sa buhay,” ay maaaring madaling makamatay sa makasagisag na puso, na nagpapangyari pa nga sa biktima na tuluyan nang huminto sa paglilingkod kay Jehova. Napapanahon ang babala ni Jesus hinggil dito: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35) Maaaring ang kaigtingan ay lubhang makaapekto rin sa ating makasagisag na puso kung pinahihirapan natin ang ating sarili dahil sa isang lihim na kasalanan sa loob ng isang mahabang yugto ng panahon. Natutuhan ni Haring David mula sa karanasan ang kirot na nauugnay sa gayong nakapipinsalang kaigtingan nang kaniyang sabihin: “Walang kapayapaan sa aking mga buto dahilan sa aking kasalanan. Sapagkat ang sarili kong mga kamalian ay dumaan sa ibabaw ng aking ulo; tulad ng mabigat na pasan ay napakabigat ng mga iyon para sa akin.”​—Awit 38:3, 4.

Sobrang pagtitiwala sa sarili. Maraming biktima ng atake sa puso ang lubhang nagtiwala sa kalagayan ng kanilang kalusugan bago sila atakihin sa puso. Kadalasan, ang mga pagpapatingin o pagpapasuri sa doktor ay itinuturing na hindi naman talaga kinakailangan o biru-biro lamang. Gayundin naman, maaaring madama ng ilan na yamang matagal-tagal na silang mga Kristiyano, walang anumang masama ang posibleng mangyari sa kanila. Maaaring pabayaan nila ang espirituwal na mga pagpapatingin o pagsusuri sa sarili hanggang sa dumating ang kasakunaan. Mahalaga na panatilihin sa isipan ang magandang payo laban sa sobrang pagtitiwala sa sarili na ibinigay ni apostol Pablo: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” Ang landasin ng karunungan ay ang kilalanin ang ating likas na di-kasakdalan at regular na suriin ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan.​—1 Corinto 10:12; Kawikaan 28:14.

Huwag Ipagwalang-Bahala ang mga Nagbababalang Palatandaan

May mabuting dahilan kung bakit ang kalagayan ng makasagisag na puso ay binigyan ng pangunahing dako sa Kasulatan. Mababasa natin sa Jeremias 17:9, 10: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito? Akong si Jehova ang sumisiyasat sa puso, sumusuri sa mga bato, upang ibigay nga sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” Ngunit bukod pa sa pagsusuri sa ating puso, naglaan din si Jehova ng maibiging kaayusan upang tulungan tayo sa paggawa ng kinakailangang pagsusuri sa sarili.

Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” binibigyan tayo ng napapanahong mga paalaala. (Mateo 24:45) Halimbawa, ang isa sa mga pangunahing paraan kung saan maaaring madaya tayo ng ating makasagisag na puso ay ang pagpapangyari sa atin nito na magpakasasa sa makasanlibutang mga guniguni. Ang mga ito ay di-makatotohanang mga imahinasyon, pangangarap ng gising, at walang kabuluhang pagbubulay-bulay. Ang gayon ay maaaring maging lubhang nakapipinsala, lalo na kung pinupukaw nito ang di-malinis na mga kaisipan. Kaya dapat nating lubusang itakwil ang mga ito. Kung kinapopootan natin ang katampalasanan kagaya ni Jesus, ipagsasanggalang natin ang ating puso laban sa pagpapakasasa sa makasanlibutang mga guniguni.​—Hebreo 1:8, 9.

Karagdagan pa, taglay natin ang tulong ng maibiging matatanda sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman ang pagkabahala ng iba ay tiyak na pinahahalagahan, ang pananagutan na pangalagaan ang ating makasagisag na puso ay, sa dakong huli, personal na nakasalalay sa bawat isa sa atin. Nasa sa atin bilang indibiduwal na ‘tiyakin ang lahat ng bagay’ at ‘patuloy na subukin kung tayo ay nasa pananampalataya.’​—1 Tesalonica 5:21; 2 Corinto 13:5.

Ingatan ang Puso

Ang simulain ng Bibliya na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin” ay kapit din sa kalusugan ng ating makasagisag na puso. (Galacia 6:7) Kadalasan, ang tila lumilitaw na biglaang espirituwal na kasakunaan ay sa katunayan, resulta ng isang matagal na at lihim na kasaysayan ng pagpapakasasa sa mga gawaing nakapipinsala sa espirituwal tulad ng panonood ng pornograpya, sobrang pagkabahala sa materyal na mga bagay, o paghahangad ng katanyagan o kapangyarihan.

Kung gayon, upang maipagsanggalang ang puso, kinakailangan na bantayan ang espirituwal na pagkain ng isa. Pakainin ang puso’t isipan ng Salita ng Diyos. Iwasan ang mental na sitsiriyang madaling makuha at lubhang kaakit-akit sa laman ngunit ginagawang manhid ang makasagisag na puso. Nagbabala ang salmista sa pamamagitan ng isang naaangkop​—at makatuwiran sa medikal na paraan​—na paghahalintulad: “Ang kanilang puso ay naging manhid na tulad ng taba.”​—Awit 119:70.

Kung may nagtatagal na lihim na mga pagkakamali, pagsikapang mabuti na alisin ito yamang babarahan nito ang iyong makasagisag na mga ugat. Kung ang sanlibutan ay nagsisimulang magmukhang kaakit-akit o waring nag-aalok ng malaking kaluguran at kasiyahan, bulay-bulayin ang matalinong payo na ibinigay ni apostol Pablo. Isinulat niya: “Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon yaong mga . . . gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:29-31) At, kung ang materyal na mga kayamanan ay nagsisimulang magmistulang kahali-halina, isapuso ang mga salita ni Job: “Kung itinuturing ko ang ginto bilang aking pag-asa, o sa ginto ay sinasabi ko, ‘Ikaw ang aking tiwala!’ iyon din ay kamalian na dapat asikasuhin ng mga hukom, sapagkat para ko na ring ikinaila ang tunay na Diyos sa itaas.”​—Job 31:24, 28; Awit 62:10; 1 Timoteo 6:9, 10.

Bilang pagtukoy sa kalubhaan ng kinaugaliang pagwawalang-bahala sa salig-Bibliyang payo, nagbabala ang Bibliya: “Ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at wala nang kagalingan.” (Kawikaan 29:1) Sa kabaligtaran naman, sa pamamagitan ng mabuting pangangalaga sa ating makasagisag na puso, makararanas tayo ng kaluguran at kapayapaan ng isip na nagmumula sa isang simple at maayos na pamumuhay. Simula’t sapol, ito na ang iminungkahing paraan ng tunay na Kristiyanismo. Kinasihan si apostol Pablo na sumulat: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”​—1 Timoteo 6:6-8.

Oo, ang pagsasanay at pag-eehersisyo sa ating sarili sa paraan ng makadiyos na debosyon ang gagarantiya na tayo’y magtataglay ng isang malusog at malakas na makasagisag na puso. Sa pamamagitan ng maingat na pagbabantay sa ating espirituwal na pagkain, hindi natin pahihintulutan ang mapanirang mga paraan at pag-iisip ng sanlibutang ito na magdulot ng anumang pasakit o pinsala sa ating espirituwalidad. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga kaayusan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, nawa’y palagi nating suriin ang ating makasagisag na puso. Malaki ang maitutulong ng masikap na paggawa ng gayon sa pag-iwas sa nakalulungkot na mga epekto ng espirituwal na atake sa puso.

[Talababa]

a Para sa karagdagang impormasyon, pakisuyong tingnan ang seryeng “Atake sa Puso​—Ano ang Maaaring Gawin?” sa Disyembre 8, 1996, isyu ng Gumising!, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 10]

MAAARING PARALISAHIN NG DEPEKTIBONG ESPIRITUWAL NA PAGKAIN ANG MAKASAGISAG NA PUSO KUNG PAANONG ANG DI-MASUSTANSIYANG PAGKAIN AY MAAARING MAKAPAGPATIGAS NG MGA UGAT AT MAKAPINSALA SA LITERAL NA PUSO

[Blurb sa pahina 10]

ANG ISANG ESPIRITUWAL NA PALAUPONG ISTILO NG BUHAY AY MAAARING MAGBUNGA NG MALULUBHANG EPEKTO

[Blurb sa pahina 11]

ANG “MGA KABALISAHAN SA BUHAY” AY MAAARING MADALING MAKAMATAY SA MAKASAGISAG NA PUSO

[Larawan sa pahina 11]

Maaaring umakay sa matitinding kirot ang pagpapabaya sa ating espirituwal na kalusugan

[Mga larawan sa pahina 13]

Ang paglinang ng mabubuting espirituwal na kaugalian ay nag-iingat sa makasagisag na puso

[Picture Credit Line sa pahina 9]

AP Photo/David Longstreath