Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tunay na Jesus

Ang Tunay na Jesus

Ang Tunay na Jesus

PAGKATAPOS malaman sa kaniyang mga apostol kung ano ang palagay sa kaniya ng mga tao, tinanong sila ni Jesus: “Kayo naman, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Iniuulat ng Ebanghelyo ni Mateo ang sagot ni apostol Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:15, 16) Gayundin ang opinyon ng iba. Sinabi ni Natanael, na nang maglaon ay naging isa sa mga apostol, kay Jesus: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” (Juan 1:49) Sinabi mismo ni Jesus ang kahalagahan ng kaniyang papel: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Sa iba’t ibang pagkakataon, tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “Anak ng Diyos.” (Juan 5:24, 25; 11:4) At pinatunayan niya ang kaniyang pag-aangkin sa pamamagitan ng makahimalang mga gawa at maging sa pagbuhay sa mga patay.

Mga Pag-aalinlangang May Matibay na Saligan?

Ngunit talaga bang makapagtitiwala tayo sa bersiyon ng mga Ebanghelyo tungkol kay Jesus? Inilalarawan ba ng mga ito ang tunay na Jesus? Ang yumaong si Frederick F. Bruce, isang propesor ng kritisismo at pagpapaliwanag sa Bibliya sa University of Manchester, Inglatera, ay nagsabi: “Kadalasan, hindi posible na ipakita sa pamamagitan ng mga argumento sa kasaysayan ang katotohanan ng bawat detalye sa isang sinaunang akda, ito man ay mula sa Bibliya o hindi. Sapat na ang magkaroon ng makatuwirang pananalig sa pangkalahatang pagkamapagkakatiwalaan ng manunulat; kapag napatunayan iyon, may maliwanag na posibilidad na ang kaniyang mga detalye ay totoo. . . . Ang bagay na tinatanggap ng mga Kristiyano ang Bagong Tipan bilang ‘sagradong literatura’ ay hindi dahilan upang ituring ito na di-maaasahang kasaysayan.”

Matapos suriin ang mga pag-aalinlangan tungkol kay Jesus gaya ng pagkakalarawan sa kaniya sa mga Ebanghelyo, si James R. Edwards, propesor ng relihiyon sa Jamestown College, North Dakota, E.U.A., ay sumulat: “Mapatutunayan natin taglay ang pananalig na iniingatan ng mga Ebanghelyo ang sari-sari at mahalagang kalipunan ng mga ebidensiya ng aktuwal na katotohanan tungkol kay Jesus. . . . Ang pinakamakatuwirang sagot sa katanungan kung bakit inihaharap ng mga Ebanghelyo si Jesus sa paraang ginawa nito ay sapagkat ang paglalarawang iyon ay sadyang kung sino talaga si Jesus. Buong katapatang iniingatan ng mga Ebanghelyo ang alaalang iniwan niya sa kaniyang mga tagasunod, na siya talaga ay isinugo ng Diyos at binigyang kapangyarihan upang maging Anak at Lingkod ng Diyos.” a

Paghahanap kay Jesus

Kumusta naman ang mga pagtukoy kay Jesu-Kristo na hindi nagmula sa Bibliya? Paano susuriin ang mga ito? Kalakip sa mga akda nina Tacitus, Suetonius, Josephus, Pliny na Nakababata, at ilan pang klasikal na mga manunulat ang maraming pagbanggit kay Jesus. Tungkol sa mga ito, ganito ang sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica (1995): “Ang magkakahiwalay na mga ulat na ito ay nagpapatotoo na noong sinaunang panahon maging ang mga kaaway ng Kristiyanismo ay hindi nag-alinlangan kailanman sa pagiging makasaysayan ni Jesus, na pinagtalunan sa kauna-unahang pagkakataon at batay sa di-sapat na mga saligan noong pagtatapos ng ika-18, noong ika-19, at sa pasimula ng ika-20 siglo.”

Nakalulungkot, sa kanilang paghahanap sa “tunay” o “makasaysayang” Jesus, ang makabagong mga iskolar ay waring nagkubli sa kaniyang tunay na pagkakakilanlan sa pamamagitan ng napakaraming walang-batayang espekulasyon, walang-kabuluhang mga pag-aalinlangan, at walang saligang pagpapanukala ng mga teoriya. Sa diwa, nagkasala sila ng pagkatha ng alamat na siya namang may kamalian nilang ipinaparatang sa mga manunulat ng Ebanghelyo. Ang ilan ay gustung-gusto na maging lalong tanyag sa mga mata ng ibang tao at iugnay ang kanilang pangalan sa isang nakagugulat na bagong teoriya anupat nabigo silang suriin nang may katapatan ang patotoo tungkol kay Jesus. Sa paggawa nito, lumilikha sila ng isang “Jesus” na gawa ng imahinasyon ng mga iskolar.

Para sa mga nagnanais na masumpungan siya, ang tunay na Jesus ay matatagpuan sa Bibliya. Si Luke Johnson, propesor ng Bagong Tipan at mga pinagmulan ng mga Kristiyano sa Candler School of Theology sa Emory University, ay nangatuwiran na karamihan ng mga pagsasaliksik sa makasaysayang Jesus ay sumasala sa layunin ng Bibliya. Sinasabi niya na maaaring maging kapana-panabik na suriin ang sosyal, pulitikal, antropolohikal, at kultural na kalagayan sa buhay at kapanahunan ni Jesus. Gayunman, idinagdag niya na ang pagtuklas sa tinatawag ng mga iskolar na makasaysayang Jesus “ay hindi siyang layunin ng Kasulatan,” na “higit na nagtutuon ng pansin sa paglalarawan sa katauhan ni Jesus,” sa kaniyang mensahe, at sa kaniyang papel bilang Manunubos. Kaya, ano ang tunay na katauhan at mensahe ni Jesus?

Ang Tunay na Jesus

Inilalarawan ng mga Ebanghelyo​—ang apat na mga ulat ng Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus​—ang isang tao na nagpapakita ng matinding empatiya. Ang awa at pagkamahabagin ang nag-udyok kay Jesus upang tulungan ang mga taong nagdurusa dahil sa karamdaman, pagkabulag, at iba pang mga kapighatian. (Mateo 9:36; 14:14; 20:34) Ang pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro at ang pighati na idinulot nito sa mga kapatid na babae ni Lazaro ay nagpangyari kay Jesus na ‘dumaing at lumuha.’ (Juan 11:32-36) Sa katunayan, isinisiwalat ng mga Ebanghelyo ang maraming iba’t ibang damdamin ni Jesus​—simpatiya sa isang taong may ketong, kasiyahan sa mga tagumpay ng kaniyang mga alagad, pagkagalit sa walang-malasakit na mga legalista, at kalungkutan sa pagtatakwil ng Jerusalem sa Mesiyas.

Kapag gumawa si Jesus ng isang himala, madalas niyang pinag-uukulan ng pansin ang ginampanang papel ng tumanggap sa nangyaring himala: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” (Mateo 9:22) Pinuri niya si Natanael bilang “isang tunay na Israelita,” na sinasabi: “Sa kaniya’y walang daya!” (Juan 1:47, Today’s English Version) Nang ipalagay ng ilan na napakaluho ng kaloob na ibinigay ng isang babae bilang pagpapahalaga, ipinagtanggol siya ni Jesus at sinabing ang ulat tungkol sa kaniyang pagkabukas-palad ay maaalaala sa mahabang panahon. (Mateo 26:6-13) Pinatunayan niya ang kaniyang sarili na isang tunay na kaibigan at maibiging kasama sa kaniyang mga tagasunod, na ‘iniibig sila hanggang sa wakas.’​—Juan 13:1; 15:11-15.

Ipinakikita rin ng mga Ebanghelyo na madaling nabatid ni Jesus ang saloobin ng karamihan sa mga taong nakausap niya. Nakikipag-usap man siya sa isang babae sa tabi ng balon, sa isang relihiyosong guro sa may hardin, o sa isang mangingisda sa tabi ng lawa, agad niyang naaantig ang kanilang puso. Pagkatapos ng pambukas na pananalita ni Jesus, marami sa mga taong ito ang nagsiwalat sa kaniya ng kanilang pinakatatagong mga kaisipan. Naantig niya ang kanilang damdamin. Bagaman maaaring iniiwasan ng mga tao noong kaniyang panahon na makisama sa mga taong may awtoridad, sa kaso ni Jesus ay nagsilapit ang mga tao sa kaniya. Gusto nila na kasama si Jesus; magaan ang loob nila sa kaniya. Ang mga bata ay palagay ang loob sa kaniya, at nang gamitin niya ang isang bata bilang halimbawa, hindi lamang niya pinatayo ang bata sa harap ng kaniyang mga alagad kundi “iniyakap [din] dito ang kaniyang mga bisig.” (Marcos 9:36; 10:13-16) Sa katunayan, inilalarawan ng mga Ebanghelyo si Jesus bilang isang tao na may gayong karisma anupat ang mga tao ay nanatili sa loob ng tatlong araw upang makinig lamang sa kaniyang nakabibighaning mga pananalita.​—Mateo 15:32.

Ang kasakdalan ni Jesus ay hindi nagpangyari na siya’y maging labis na mapamuna o arogante at dominante sa mga di-sakdal, batbat-ng-kasalanang mga tao na nakasama niya at pinangaralan. (Mateo 9:10-13; 21:31, 32; Lucas 7:36-48; 15:1-32; 18:9-14) Si Jesus ay hindi kailanman mapaghanap sa iba. Hindi niya pinabigat ang mga pasanin ng mga tao. Sa halip, sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal . . . pagiginhawahin ko kayo.” Nasumpungan ng kaniyang mga alagad na siya ay “mahinahong-loob at mababa ang puso”; ang kaniyang pamatok ay may-kabaitan, at ang kaniyang pasan ay magaan.​—Mateo 11:28-30.

Ang katauhan ni Jesus ay makikita sa mga ulat ng Ebanghelyo taglay ang di-mapag-aalinlanganang taginting ng katotohanan. Hindi magiging madali para sa apat na iba’t ibang indibiduwal na bumuo ng isang di-pangkaraniwang persona at pagkatapos ay iharap ang isang di-nagbabagong paglalarawan sa kaniya sa lahat ng apat na magkakaibang salaysay. Halos imposible para sa apat na iba’t ibang manunulat na ilarawan ang iisang tao at laging ibigay ang gayunding paglalarawan sa kaniya kung ang katauhang iyon ay hindi talaga kailanman umiral.

Ibinabangon ng istoryador na si Michael Grant ang isang nakapupukaw-kaisipang tanong: “Paano posible, sa buong tradisyon ng Ebanghelyo nang walang pasubali, na nagkaroon ng kapansin-pansin at natatanging paglalarawan sa isang kaakit-akit na kabataang lalaki na malayang nakikisalamuha sa lahat ng uri ng babae, pati na sa talagang di-mapupulaan, nang walang anumang bakas ng pagiging sentimental, di-natural, o labis na kahinhinan, at gayunman, sa bawat pagkakataon, ay napananatili ang dalisay na katapatan ng katauhan?” Ang makatuwirang sagot ay na ang gayong tao ay talagang umiral at kumilos sa paraang sinasabi ng Bibliya.

Ang Tunay na Jesus at ang Iyong Kinabukasan

Maliban sa pagbibigay ng tunay-sa-buhay na paglalarawan kay Jesus noong narito pa siya sa lupa, ipinakikita ng Bibliya na siya ay umiral bago naging tao bilang ang bugtong na Anak ng Diyos, “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Dalawampung siglo na ang nakalilipas, inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang makalangit na Anak sa sinapupunan ng isang birheng Judio upang maisilang siya bilang isang tao. (Mateo 1:18) Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, inihayag ni Jesus ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa napipighating sangkatauhan, at sinanay niya ang kaniyang mga alagad upang ipagpatuloy ang gawaing pangangaral na ito.​—Mateo 4:17; 10:5-7; 28:19, 20.

Noong Nisan 14 (mga Abril 1), 33 C.E., si Jesus ay inaresto, nilitis, sinentensiyahan, at pinatay sa maling paratang na sedisyon. (Mateo 26:18-20, 48–27:50) Ang kamatayan ni Jesus ay nagsilbing pantubos, na nagpalaya sa nananampalatayang sangkatauhan mula sa kanilang makasalanang kalagayan at sa gayo’y nagbukas ng daan tungo sa buhay na walang hanggan para sa lahat na nananampalataya sa kaniya. (Roma 3:23, 24; 1 Juan 2:2) Noong Nisan 16, si Jesus ay binuhay-muli, at di-nagtagal pagkatapos nito, siya ay bumalik sa langit. (Marcos 16:1-8; Lucas 24:50-53; Gawa 1:6-9) Bilang hinirang na Hari ni Jehova, ang binuhay-muling si Jesus ay nagtataglay ng ganap na awtoridad upang isakatuparan ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao. (Isaias 9:6, 7; Lucas 1:32, 33) Oo, inihaharap ng Bibliya si Jesus bilang ang pangunahing tauhan sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos.

Noong unang siglo, pulu-pulutong ang tumanggap kay Jesus kung sino talaga siya​—ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo, na isinugo sa lupa upang ipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova at upang mamatay bilang pantubos sa sangkatauhan. (Mateo 20:28; Lucas 2:25-32; Juan 17:25, 26; 18:37) Sa harap ng malupit na pag-uusig, malayong maganyak ang mga tao na maging mga alagad ni Jesus kung hindi sila nakatitiyak sa pagkakakilanlan sa kaniya. Buong-tapang at buong-sigasig na itinaguyod nila ang atas na ibinigay niya sa kanila, na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”​—Mateo 28:19.

Sa ngayon, batid ng milyun-milyong taimtim at may-kabatirang mga Kristiyano na si Jesus ay hindi isang tauhan sa alamat. Tinatanggap nila siya bilang ang nakaluklok na Hari ng itinatag na Kaharian ng Diyos sa langit, na malapit nang lubusang mamahala sa lupa at sa mga gawain nito. Ang pamahalaang ito na itinatag ng Diyos ay isang magandang balita sapagkat nangangako ito ng kaginhawahan mula sa mga suliranin sa daigdig. Ipinakikita ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang matapat na suporta sa piniling Hari ni Jehova sa pamamagitan ng paghahayag sa “mabuting balitang ito ng kaharian” sa iba.​—Mateo 24:14.

Yaong mga sumusuporta sa kaayusan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang Anak ng buháy na Diyos, ay mabubuhay upang tamasahin ang walang-hanggang mga pagpapala. Maaari mo ring tamasahin ang mga pagpapalang ito! Ang mga tagapaglathala ng babasahing ito ay maliligayahang tulungan ka na makilala ang tunay na Jesus.

[Talababa]

a Para sa detalyadong pagsusuri sa mga ulat ng Ebanghelyo, tingnan ang kabanata 5 hanggang 7 ng aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Kung Ano ang Sinasabi ng Iba

“Itinuring ko si Jesus ng Nasaret bilang isa sa mga makapangyarihang guro na umiral kailanman sa daigdig. . . . Sasabihin ko sa mga Hindu na ang inyong mga buhay ay hindi malulubos malibang taimtim ninyong pag-aralan ang mga turo ni Jesus.”​—Mohandas K. Gandhi, The Message of Jesus Christ.

“Ang isang katauhan na lubhang orihinal, lubhang ganap, lubhang di-nagbabago, napakasakdal, talagang tao gayunma’y mas lalong matayog sa lahat ng kadakilaan ng tao, ay hindi maaaring maging isang huwad ni kathang-isip. . . . Kakailanganin ang isang mas dakilang Jesus upang umimbento ng isang Jesus.”​—Philip Schaff, History of the Christian Church.

“Ang makaimbento ang ilang hamak na lalaki sa isang salinlahi ng isang lubhang makapangyarihan at kaakit-akit na personalidad, na napakatayog ng etika at lubhang nakapupukaw na pangitain ng kapatiran ng tao, ay magiging isang himala na mas mahirap paniwalaan kaysa sa anumang nakaulat sa mga Ebanghelyo.”​—Will Durant, Caesar and Christ.

“Waring mahirap maunawaan na ang isang relihiyosong kilusan na matatagpuan sa buong daigdig ay maaaring pinasimulan ng isang di-umiral na tao na kinatha bilang sinaunang katumbas ng pamamaraan upang makilala ang relihiyosong kilusan, kung isasaalang-alang na napakaraming di-mapag-aalinlanganang tunay na mga tao ang nagtangka at nabigong makapagtatag ng mga relihiyon.”​—Gregg Easterbrook, Beside Still Waters.

‘Bilang isang istoryador ng panitikan, ako’y lubos na kumbinsido na anuman ang mga Ebanghelyo, hindi alamat ang mga ito. Hindi sapat ang pagiging artistiko ng mga ito upang maging mga alamat. Ang kalakhang bahagi ng buhay ni Jesus ay hindi natin alam, at walang tao na kumakatha ng isang alamat ang papayag na mangyari iyon.’​—C. S. Lewis, God in the Dock.

[Mga larawan sa pahina 7]

Isinisiwalat ng mga Ebanghelyo ang maraming iba’t ibang damdamin ni Jesus