Kaginhawahan sa Kaigtingan—Isang Praktikal na Lunas
Kaginhawahan sa Kaigtingan—Isang Praktikal na Lunas
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.”—MATEO 11:28.
1, 2. (a) Ano ang nilalaman ng Bibliya na tumutulong upang mabawasan ang labis na kaigtingan? (b) Gaano kabisa ang mga turo ni Jesus?
MARAHIL ay sasang-ayon ka na ang labis na kaigtingan ay nakapipinsala; katumbas ito ng kabagabagan. Ipinaliliwanag ng Bibliya na lahat ng nilalang na tao ay labis na napabibigatan ng mga pasanin anupat marami ang nananabik na makalaya sa maigting na buhay sa ngayon. (Roma 8:20-22) Ngunit ipinakikita rin ng Kasulatan kung paanong ngayon mismo ay makapagtatamo tayo ng malaking kaginhawahan sa kabagabagan. Iyan ay nagmumula sa pagsunod sa payo at halimbawa ng isang kabataang lalaki na nabuhay 20 siglo na ang nakalilipas. Siya ay isang karpintero, subalit mas mahal niya ang mga tao kaysa sa kaniyang trabaho. Naimpluwensiyahan niya ang puso ng mga tao, natugunan ang kanilang mga pangangailangan, anupat natutulungan ang mahina at naaaliw ang nanlulumo. Higit pa rito, natulungan niya ang marami na maabot ang sukdulan ng kanilang espirituwal na kakayahan. Kaya naman nakasumpong sila ng kaginhawahan sa labis na kaigtingan, maging ikaw man.—Lucas 4:16-21; 19:47, 48; Juan 7:46.
2 Ang lalaking ito, si Jesus ng Nazaret, ay hindi pinatnubayan ng makabagong kaalaman na sinikap hanapin ng ilan sa sinaunang Roma, Atenas, o Alejandria. Gayunman, ang kaniyang mga turo ay tanyag. Ang mga ito ay may tema: ang gobyerno na sa pamamagitan nito ay matagumpay na pamamahalaan ng Diyos ang ating lupa. Ipinaliwanag din ni Jesus ang mga saligang simulain sa pamumuhay—mga simulain na tunay na mahalaga sa ngayon. Yaong mga natututo at nagkakapit ng mga itinuro ni Jesus ay nagtatamasa ng kagyat na mga kapakinabangan, lakip na ng kaginhawahan sa labis na kaigtingan. Hindi ka ba masisiyahan sa ganoon?
3. Anong dakilang paanyaya ang ipinaabot ni Jesus?
3 Baka may mga alinlangan ka. ‘May malaking impluwensiya ba sa buhay ko ngayon ang isa na matagal nang nabuhay noon?’ Buweno, pakinggan ang kalugud-lugod na mga salita ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Ano ang ibig niyang sabihin? Suriin nating mabuti ang mga salitang ito at tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang mga ito upang masumpungan ang kaginhawahan sa nagpapahirap na kaigtingan.
4. Kanino nakipag-usap si Jesus, at bakit maaaring naging mahirap para sa kaniyang mga tagapakinig na gawin ang hinihiling sa kanila?
4 Si Jesus ay nakipag-usap sa maraming taimtim na nagsisikap na gawin kung ano ang nararapat ngunit “nabibigatan” dahil ang relihiyon ay ginawang nakapagpapabigat ng mga lider ng mga Judio. (Mateo 23:4) Nagtuon sila ng pansin sa walang-katapusang mga alituntunin sa halos lahat ng aspekto ng buhay. Hindi ba’t nakaiigting na laging marinig ang “huwag mong” gawin ito o iyon? Kabaligtaran nito, ang paanyaya ni Jesus ay umaakay sa katotohanan, sa katuwiran, sa isang mas mabuting buhay sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniya. Oo, ang paraan upang makilala ang tunay na Diyos ay nagsasangkot ng pagbibigay-pansin kay Jesu-Kristo, sapagkat sa kaniya, maaari—at posible—na makita ng mga tao kung anong uri ng persona si Jehova. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
Masyado Bang Maigting ang Iyong Buhay?
5, 6. Paano maihahambing sa atin ngayon ang mga kalagayan ng pagtatrabaho at mga suweldo noong panahon ni Jesus?
5 Maaaring nakababahala sa iyo ang bagay na ito dahil ang situwasyon ng iyong trabaho o pamilya ay baka lubhang nakapagpapabigat sa iyo. O baka waring napakabigat ng iba pang mga pananagutan. Kung gayon, katulad ka ng mga taimtim na tao na nakausap at natulungan ni Jesus. Halimbawa, isaalang-alang ang problema ng paghanap ng ikabubuhay. Marami sa ngayon ang nakikipagpunyagi riyan, at ganiyan din ang naranasan ng marami noong panahon ni Jesus.
6 Noon, ang isang manggagawa ay nagpapagal sa loob ng 12 oras sa isang araw, 6 na araw sa isang linggo, na kadalasan ay para lamang sa isang denario sa buong maghapon. (Mateo 20:2-10) Paano ito maihahambing sa iyong suweldo o sa suweldo ng iyong mga kaibigan? Maaaring mahirap ihambing ang mga suweldo noong sinauna sa mga suweldo sa makabagong panahon. Ang isang paraan ay isaalang-alang ang halaga ng pera, ang kayang bilhin ng salapi. Sinabi ng isang iskolar na noong panahon ni Jesus, ang isang tinapay na gawa sa apat na tasang harinang trigo ay nagkakahalaga ng halos isang oras na suweldo. Isa pang iskolar ang nagsabi na ang isang tasa ng mainam na alak ay nagkakahalaga ng halos dalawang oras na suweldo. Makikita mo mula sa mga detalyeng iyon na ang mga tao noon ay nagpapagal nang matagal at puspusan para mabuhay. Nangailangan sila ng kaginhawahan at pagpapanariwa, gaya natin. Kung ikaw ay namamasukan, maaaring nakadarama ka ng panggigipit na magtrabaho pa nang higit. Kadalasan ay wala na tayong panahong mag-isip nang husto bago magpasiya. Baka aminin mo na nananabik kang guminhawa.
7. Ano ang naging reaksiyon sa mensahe ni Jesus?
7 Maliwanag, ang paanyaya ni Jesus sa lahat ng “nagpapagal at nabibigatan” ay lubhang kaakit-akit sa maraming tagapakinig noon. (Mateo 4:25; Marcos 3:7, 8) At tandaan na ipinangako pa ni Jesus, “Pagiginhawahin ko kayo.” Ang pangako ring iyan ay natutupad ngayon. Maaari itong kumapit sa atin kung tayo ay “nagpapagal at nabibigatan.” At maaari itong kumapit sa ating mga minamahal, na malamang na may gayunding situwasyon.
8. Paano nakadaragdag ng kaigtingan ang pagpapalaki ng anak at katandaan?
8 May iba pang mga bagay na nakapagpapabigat sa mga tao. Ang pagpapalaki sa mga anak ay isang malaking hamon. Kahit ang pagiging bata ay maaaring maging hamon. Dumarami ang bilang ng mga indibiduwal na iba’t iba ang edad na nagkakaroon ng mga karamdaman sa isip at katawan. At bagaman maaaring mabuhay nang matagal ang mga tao, ang mga may-edad na ay may pantanging mga problema na haharapin, sa kabila ng mga pagsulong sa medisina.—Eclesiastes 12:1.
Pagpasan sa Pamatok
9, 10. Noong sinaunang panahon, sa ano sumasagisag ang pamatok, at bakit inanyayahan ni Jesus ang mga tao na pasanin nila ang kaniyang pamatok?
9 Napansin mo ba na sa mga salitang sinipi mula sa Mateo 11:28, 29 ay sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin.” Noon, maaaring madama ng isang pangkaraniwang tao na parang siya ay pumapasan ng pamatok. Noon pa mang sinaunang panahon, ang pamatok ay sumasagisag na sa pang-aalipin o paglilingkod. (Genesis 27:40; Levitico 26:13; Deuteronomio 28:48) Marami sa mga arawang manggagawa na nakausap ni Jesus ay nagtrabaho na may aktuwal na pamatok sa kanilang mga balikat, anupat nagbubuhat ng mabibigat na pasan. Depende sa pagkakadisenyo ng pamatok, maaari itong maging maalwan sa leeg at mga balikat o maaari itong makagasgas. Bilang isang karpintero, marahil ay nakagawa na ng mga pamatok si Jesus, at malamang na alam niya kung paano huhubugin ang isa na “may-kabaitan.” Marahil ay sinapnan niya ng katad o tela ang mga bahagi na dumadaiti sa balat upang maging maalwang gamitin ang pamatok hangga’t maaari.
10 Nang sabihin ni Jesus, “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” maaaring itinutulad niya ang kaniyang sarili sa isa na nagbibigay ng mga pamatok na maganda ang pagkakayari anupat magiging “may-kabaitan” sa leeg at mga balikat ng isang manggagawa. Kaya naman, sinabi pa ni Jesus: “Ang aking pasan ay magaan.” Ipinahihiwatig nito na ang pamatok ay hindi masakit gamitin, at hindi rin naman napakabigat ang trabaho. Totoo, sa pag-aanyaya sa kaniyang mga tagapakinig na tanggapin ang kaniyang pamatok, si Jesus ay hindi nag-aalok ng dagling kaginhawahan sa lahat ng mahihirap na kalagayan na umiiral noon. Gayunman, ang naiibang pangmalas na iniharap niya ay magdudulot ng malaking kaginhawahan. Ang mga pagbabago sa kanilang istilo ng pamumuhay at paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay ay magpapaginhawa rin sa kanila. Ang higit na mahalaga, ang maliwanag at matibay na pag-asa ay tutulong sa kanila na masumpungan na di-gaanong maigting ang buhay.
Makasusumpong Ka ng Kaginhawahan
11. Bakit hindi lamang pakikipagpalit ng pamatok ang ipinahihiwatig ni Jesus?
11 Pakisuyong pansinin na hindi sinabi ni Jesus na makikipagpalit ng pamatok ang mga tao. Ang Roma pa rin ang mamamahala sa lupain, kung paanong ang mga pamahalaan sa ngayon ang namamahala sa lugar na tinitirhan ng mga Kristiyano. Ang unang-siglong pagbubuwis sa Roma ay hindi pa rin mapapawi. Mananatili pa rin ang mga suliranin sa kalusugan at kabuhayan. Patuloy pa ring makaaapekto sa mga tao ang di-kasakdalan at kasalanan. Gayunman, mapapasakanila ang kaginhawahan kung ikakapit nila ang turo ni Jesus, at maaari rin itong mapasaatin ngayon.
12, 13. Ano ang itinampok ni Jesus na magdudulot ng kaginhawahan, at paano tumugon ang ilan?
12 Ang isang mahalagang pagkakapit sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa pamatok ay naging maliwanag may kinalaman sa gawaing paggawa ng alagad. Walang alinlangan na ang pangunahing gawain ni Jesus ay ang pagtuturo sa iba, na binibigyang-diin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:23) Kaya nang sabihin niyang, “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” tiyak na nagsasangkot iyon ng pagtulad sa kaniya sa gayunding gawain. Ipinakikita ng ulat ng Ebanghelyo na naganyak ni Jesus ang taimtim na mga tao upang baguhin ang kanilang hanapbuhay, isang bagay na labis na ikinababahala sa buhay ng marami. Tandaan ang kaniyang panawagan kina Pedro, Andres, Santiago, at Juan: “Sumunod kayo sa akin, at pangyayarihin ko kayong maging mga mangingisda ng mga tao.” (Marcos 1:16-20) Ipinakita niya sa mga mangingisdang iyon kung gaano magiging kasiya-siya kapag ginawa nila ang gawain na pangunahin sa kaniyang buhay, anupat ginagawa ito sa ilalim ng kaniyang patnubay at taglay ang kaniyang tulong.
13 Nakuha ng ilan sa kaniyang mga tagapakinig na Judio ang punto at ikinapit ito. Gunigunihin ang tanawin sa tabing-dagat na mababasa natin sa Lucas 5:1-11. Apat na mangingisda ang nagpagal nang buong magdamag ngunit walang nahuling anuman. Walang anu-ano, ang kanilang mga lambat ay napunô! Hindi lamang ito nagkataon; bunga ito ng tulong ni Jesus. Habang nakatingin sila sa dalampasigan, nakita nila ang napakaraming tao na lubhang interesado sa mga turo ni Jesus. Nakatulong iyon upang maipaliwanag ang sinabi ni Jesus sa apat na iyon: “Mula ngayon ay manghuhuli [kayo] ng mga taong buháy.” Ano ang kanilang naging tugon? “Ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.”
14. (a) Paano tayo makasusumpong ng kaginhawahan sa ngayon? (b) Anong nakagiginhawang mabuting balita ang ipinahayag ni Jesus?
14 Ang totoo, maaari kang tumugon sa gayunding paraan. Ang gawaing pagtuturo sa mga tao hinggil sa katotohanan sa Bibliya ay nagpapatuloy pa rin. Mga anim na milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang tumanggap sa paanyaya ni Jesus na ‘pasanin nila ang kaniyang pamatok’; sila ay naging “mga mangingisda ng mga tao.” (Mateo 4:19) Ginawa ito ng ilan bilang kanilang buong-panahong trabaho; ginagawa naman ng iba ang lubusan nilang magagawa sa kanilang limitadong panahon. Nasusumpungan ng lahat na ito ay nakagiginhawa, kaya ang kanilang buhay ay nagiging di-gaanong maigting. Kalakip dito ang paggawa ng kung ano ang kasiya-siya sa kanila, ang pagsasabi sa iba hinggil sa mabuting balita—ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) Laging kalugud-lugod na ipakipag-usap ang tungkol sa mabuting balita ngunit lalo na ang mabuting balitang ito. Ang Bibliya ay naglalaman ng saligang materyal na kailangan natin upang makumbinsi ang marami na maaari silang mamuhay nang walang gaanong kaigtingan.—2 Timoteo 3:16, 17.
15. Paano ka makikinabang sa mga turo ni Jesus hinggil sa buhay?
15 Sa isang antas, maging ang mga tao na kasisimula pa lamang na matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos ay nakikinabang na mula sa mga turo ni Jesus hinggil sa kung paano mamumuhay. Marami ang makapagsasabi nang may katotohanan na ang mga turo ni Jesus ay nagpaginhawa sa kanila at nakatulong sa kanila upang lubusang mabago ang kanilang buhay. Mapatutunayan mo iyan sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang simulain sa pamumuhay na isinasaad sa mga ulat hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus, lalo na sa mga Ebanghelyo na isinulat nina Mateo, Marcos, at Lucas.
Isang Daan Tungo sa Kaginhawahan
16, 17. (a) Saan mo masusumpungan ang ilan sa mga pangunahing turo ni Jesus? (b) Ano ang kailangan upang masumpungan ang kaginhawahan sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga turo ni Jesus?
16 Noong tagsibol ng 31 C.E., si Jesus ay nagbigay ng pahayag na tanyag sa daigdig hanggang sa ngayon. Karaniwan na itong tinatawag na Sermon sa Bundok. Ito ay nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7 at Lucas kabanata 6, at binubuod nito ang marami sa kaniyang mga turo. Masusumpungan mo ang iba pang mga turo ni Jesus sa iba pang bahagi ng mga Ebanghelyo. Karamihan sa kaniyang sinabi ay madaling unawain, bagaman ang pagkakapit nito ay maaaring maging hamon. Bakit hindi basahing mabuti at pag-isipan ang mga kabanatang iyon? Hayaang ang kapangyarihan ng kaniyang mga ideya ay makaimpluwensiya sa iyong pag-iisip at saloobin.
17 Maliwanag, ang mga turo ni Jesus ay maaaring ayusin sa iba’t ibang paraan. Pagbukud-bukurin natin ang mga pangunahing turo upang magkaroon ng isang turo para sa bawat araw ng buwan, taglay ang tunguhin na ikapit ang mga ito sa iyong buhay. Paano? Buweno, huwag mong basahin nang mabilis ang mga ito. Alalahanin ang mayamang tagapamahala na nagtanong kay Jesu-Kristo: “Ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?” Nang repasuhin ni Jesus ang mahahalagang kahilingan ng Kautusan ng Diyos, sinabi ng lalaki na nagagawa na niya ang mga ito. Gayunman, natanto niya na kailangang gumawa siya nang higit pa. Hiniling ni Jesus na mag-ukol siya nang higit na pagsisikap upang maikapit ang makadiyos na mga simulain sa praktikal na mga paraan, upang maging isang aktibong alagad. Lumilitaw, ang lalaki ay hindi handa na gawin ang gayon kalaking bagay. (Lucas 18:18-23) Kaya, kailangang tandaan ng sinuman sa ngayon na nais matuto sa mga turo ni Jesus na may kaibahan ang pagsang-ayon sa mga ito at ang aktuwal na panghahawakan sa mga ito, sa gayon ay mababawasan ang kaigtingan.
18. Ilarawan kung paano mo magagamit ang kalakip na kahon sa kapaki-pakinabang na paraan.
18 Bilang pasimula sa pagsusuri at pagkakapit sa mga turo ni Jesus, tingnan ang punto 1 sa kalakip na kahon. Tumutukoy ito sa Mateo 5:3-9. Ang totoo, sinuman sa atin ay makagugugol ng maraming panahon sa pagbubulay-bulay sa kamangha-manghang payo na iniharap sa mga talatang iyon. Gayunman, sa pagsusuri sa mga ito sa kabuuan, ano ang iyong mahihinuha hinggil sa saloobin? Kung talagang gusto mong madaig ang epekto ng labis na kaigtingan sa iyong buhay, ano ang makatutulong? Paano mo mapabubuti ang iyong kalagayan kung pasusulungin mo ang iyong pagbibigay-pansin sa espirituwal na mga bagay, anupat hinahayaan itong mangibabaw sa iyong mga kaisipan? May pinagkakaabalahan ka ba sa iyong buhay na kailangang hindi mo gaanong pahalagahan, anupat magbibigay-daan para higit na mabigyang-pansin ang espirituwal na mga isyu? Kung gagawin mo ito, makadaragdag ito sa iyong kaligayahan ngayon.
19. Ano ang magagawa mo upang makapagtamo ng karagdagang kaunawaan?
19 Ngayon ay may iba ka pang magagawa. Bakit hindi ipakipag-usap ang mga talatang iyon sa isa pang lingkod ng Diyos, marahil sa iyong asawa, isang malapit na kamag-anak, o isang kaibigan? (Kawikaan 18:24; 20:5) Tandaan na ang mayamang tagapamahala ay nagtanong sa iba—kay Jesus—tungkol sa isang kaugnay na bagay. Ang tugon ay nakapagpabuti sana sa kaniyang pag-asa ukol sa kaligayahan at walang-hanggang buhay. Ang kapuwa mananamba na kakausapin mo hinggil sa mga talatang iyon ay hindi makakapantay ni Jesus; gayunman, ang pag-uusap tungkol sa mga turo ni Jesus ay magiging kapaki-pakinabang sa inyong dalawa. Sikaping gawin ito sa lalong madaling panahon.
20, 21. Anong programa ang maaari mong sundin upang matuto tungkol sa mga turo ni Jesus, at paano mo masusuri ang iyong pagsulong?
20 Tingnan mong muli ang kalakip na kahon, “Mga Turo na Tutulong sa Iyo.” Ang mga turong ito ay pinagbukud-bukod upang magkaroon ka ng kahit isa man lamang turo na maisasaalang-alang sa bawat araw. Maaari mo munang basahin ang sinabi ni Jesus sa mga talatang binanggit. Pagkatapos ay pag-isipan ang kaniyang mga sinabi. Magmuni-muni kung paano mo maikakapit ang mga ito sa iyong buhay. Kung sa palagay mo’y ginagawa mo na ito, magbulay-bulay upang makita kung ano pa ang magagawa mo upang makapamuhay ayon sa turong iyon ng Diyos. Sikaping ikapit ito sa araw na iyon. Kung kailangang magpunyagi ka upang maunawaan ito o maintindihan kung paano mo ito maikakapit, gumugol ng isa pang araw rito. Gayunman, tandaan na hindi mo ito kailangang kabisaduhin bago ka lilipat sa susunod. Kinabukasan, maisasaalang-alang mo ang isa pang turo. Sa dulo ng isang linggo, maaari mong repasuhin kung gaano ka katagumpay sa pagkakapit sa apat o limang turo ni Jesus. Sa ikalawang linggo ay magdagdag ka pa, araw-araw. Kung masumpungan mo na nabigo kang ikapit ang isang turo, huwag kang masiraan ng loob. Bawat Kristiyano ay makararanas ng gayon. (2 Cronica 6:36; Awit 130:3; Eclesiastes 7:20; Santiago 3:8) Patuloy itong ikapit sa ikatlo at ikaapat na linggo.
21 Pagkalipas ng isang buwan o higit pa, baka naisaalang-alang mo na ang lahat ng 31 punto. Anuman ang naisaalang-alang, ano ang madarama mo bilang resulta? Hindi ba’t ikaw ay mas maligaya, marahil ay mas relaks? Kahit na makagawa ka lamang ng kaunting pagsulong, malamang na mababawasan ang kaigtingang nadarama mo, o sa paanuman ay mapangangasiwaan mo nang mas mabuti ang kaigtingan, at malalaman mo ang pamamaraan para magpatuloy. Huwag mong kalilimutan na marami pang ibang maiinam na punto sa mga turo ni Jesus na wala sa talaan. Bakit hindi saliksikin ang ilan sa mga ito at sikaping ikapit ang mga ito?—Filipos 3:16.
22. Ano ang maaaring ibunga ng pagsunod sa mga turo ni Jesus, ngunit anong karagdagang aspekto ang kailangang pag-aralan?
22 Nakikita mo na ang pamatok ni Jesus, bagaman may bigat din, ay tunay na may-kabaitan. Ang pasanin ng kaniyang mga turo at ng pagiging alagad ay magaan. Pagkaraan ng mahigit na 60 taon ng personal na karanasan, si apostol Juan, ang minamahal na kaibigan ni Jesus, ay sumang-ayon: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Maaari mong taglayin ang gayunding pagtitiwala. Habang tumatagal ang pagkakapit mo sa mga turo ni Jesus, lalo mong masusumpungan na ang labis na nagpapaigting sa buhay ng marami sa ngayon ay hindi na nakapagpapaigting sa iyo. Makikita mo na nakasumpong ka ng matinding ginhawa. (Awit 34:8) Gayunman, may isa pang aspekto sa may-kabaitang pamatok ni Jesus na kailangan mong isaalang-alang. Binanggit din ni Jesus ang kaniyang pagiging “mahinahong-loob at mababa ang puso.” Paano ito kumakapit sa ating pagkatuto at pagtulad kay Jesus? Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.—Mateo 11:29.
Ano ang Iyong Tugon?
• Bakit dapat tayong umasa kay Jesus kapag humahanap tayo ng kaginhawahan sa labis na kaigtingan?
• Sa ano sumasagisag ang pamatok, at bakit?
• Bakit inanyayahan ni Jesus ang mga tao na pasanin ang kaniyang pamatok?
• Paano mapapasaiyo ang espirituwal na kaginhawahan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 14]
Ang magiging taunang teksto para sa mga Saksi ni Jehova sa taóng 2002 ay: “Pumarito kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.”—Mateo 11:28.
[Kahon/Larawan sa pahina 12, 13]
Mga Turo na Tutulong sa Iyo
Anong mabubuting bagay ang masusumpungan mo sa Mateo kabanata 5 hanggang 7? Ang mga kabanatang ito ay naglalaman ng mga turong iniharap ng Dalubhasang Guro, si Jesus, sa isang dalisdis ng burol sa Galilea. Pakisuyong basahin ang mga talatang binanggit sa ibaba, na ginagamit ang iyong sariling kopya ng Bibliya, at itanong sa iyong sarili ang kaugnay na mga katanungan.
1. 5:3-9 Ano ang sinasabi nito sa akin hinggil sa aking pangkalahatang saloobin? Paano ako maaaring magpagal ukol sa higit na kaligayahan? Paano ko mabibigyan ng higit na pansin ang aking espirituwal na mga pangangailangan?
2. 5:25, 26 Ano ang mas mainam kaysa sa pagtulad sa mahilig-makipagtalong espiritu na taglay ng marami?—Lucas 12:58, 59.
3. 5:27-30 Ano ang idiniriin ng mga salita ni Jesus may kinalaman sa romantikong guniguni? Paano nakadaragdag sa aking kaligayahan at kapayapaan ng isipan ang pag-iwas ko sa bagay na iyon?
4. 5:38-42 Bakit dapat kong sikaping iwasan ang pagpapahalaga na iniuukol ng makabagong lipunan sa pagiging labis na agresibo?
5. 5:43-48 Paano ako makikinabang sa higit na pagkilala sa mga kasamahan na maaaring itinuturing kong mga kaaway? Ano ang malamang na magagawa nito upang mabawasan o mapawi ang tensiyon?
6. 6:14, 15 Kung paminsan-minsan ay nahihilig akong hindi magpatawad, maaari kayang ang pagkainggit o paghihinanakit ang pangunahing dahilan? Paano ko iyon mababago?
7. 6:16-18 Ako ba ay nahihilig na higit na mabahala sa hitsura kaysa sa kung ano ako sa loob? Sa ano ako dapat na higit na magbigay-pansin?
8. 6:19-32 Ano ang maaaring maging epekto kapag ako ay masyadong nabahala sa salapi at mga pag-aari? Ang pag-iisip tungkol sa ano ang tutulong sa akin upang makapanatiling timbang hinggil dito?
9. 7:1-5 Ano ang nadarama ko kapag kasama ko ang mga taong mahilig humatol at mapamuna, na laging naghahanap ng pagkakamali? Bakit mahalaga para sa akin na iwasan na maging ganoon?
10. 7:7-11 Kung ang pagtitiyaga ay mabuti kapag may hinihiling ako sa Diyos, kumusta naman sa ibang mga pitak ng buhay?—Lucas 11:5-13.
11. 7:12 Bagaman alam ko ang Ginintuang Alituntunin, gaano ko kadalas ikinakapit ang payong ito sa pakikitungo sa iba?
12. 7:24-27 Yamang ako ang may pananagutan sa pag-ugit sa aking sariling buhay, paano ako higit na magiging handa sa mga bugso ng kahirapan at sa pagdagsa ng mga problema? Bakit dapat kong pag-isipan ang tungkol dito ngayon?—Lucas 6:46-49.
Karagdagang mga turo na maaari kong isaalang-alang:
13. 8:2, 3 Paano ko maipamamalas ang habag sa mga kapos-palad, gaya ng madalas gawin ni Jesus?
14. 9:9-38 Ano ang papel ng pagpapakita ng awa sa aking buhay, at paano ko ito higit na maipamamalas?
15. 12:19 Palibhasa’y natuto mula sa hula tungkol kay Jesus, sinisikap ko bang iwasan ang mga argumento na nagiging sanhi ng pagtatalo?
16. 12:20, 21 Anong kabutihan ang magagawa ng hindi ko paniniil sa iba sa pamamagitan man ng mga salita o ng mga gawa?
17. 12:34-37 Ano ang madalas kong ipakipag-usap? Alam ko na kapag piniga ko ang isang kahel, lumalabas ang katas ng kahel, kaya bakit dapat kong pag-isipan kung ano ang nasa loob ko, sa aking puso?—Marcos 7:20-23.
18. 15:4-6 Mula sa mga komento ni Jesus, ano ang nauunawaan ko hinggil sa maibiging pangangalaga sa mga may-edad na?
19. 19:13-15 Ano ang kailangan kong paglaanan ng panahon para gawin?
20. 20:25-28 Bakit hindi kapaki-pakinabang na humawak ng awtoridad para lamang sa sariling kapakanan? Paano ko matutularan si Jesus sa bagay na ito?
Mga karagdagang kaisipan na iniulat ni Marcos:
21. 4:24, 25 Ano ang kahalagahan ng paraan ng pakikitungo ko sa iba?
22. 9:50 Kung ang sinasabi at ginagawa ko ay kaayaaya, anong mabubuting resulta ang malamang na ibubunga nito?
Kahuli-hulihan, ang ilang turo na iniulat ni Lucas:
23. 8:11, 14 Kung hahayaan kong mangibabaw sa aking buhay ang kabalisahan, kayamanan, at kaluguran, ano ang maaaring maging resulta?
24. 9:1-6 Bagaman si Jesus ay may kapangyarihang gumamot ng maysakit, ano ang kaniyang inuna kaysa rito?
25. 9:52-56 Madali ba akong magdamdam? Iniiwasan ko ba ang espiritu ng paghihiganti?
26. 9:62 Paano ko dapat malasin ang aking pananagutang magsalita tungkol sa Kaharian ng Diyos?
27. 10:29-37 Paano ko mapatutunayan na ako ay isang kapuwa, hindi isang estranghero?
28. 11:33-36 Anong pagbabago ang dapat kong gawin upang lalong maging simple ang aking buhay?
29. 12:15 Ano ang kaugnayan ng buhay at ng mga pag-aari?
30. 14:28-30 Kung mag-uukol ako ng panahon upang maingat na masuri ang aking mga pasiya, ano ang maaari kong maiwasan, at ano ang kapakinabangan nito?
31. 16:10-12 Anong mga kapakinabangan ang maaari kong matamo mula sa tapat na pamumuhay?
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang nagliligtas-buhay na gawain sa ilalim ng pamatok ni Jesus ay nakagiginhawa