Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Ang Federal Constitutional Court ng Alemanya ay nakatulong sa anong legal na tagumpay may kinalaman sa relihiyon?
Binaligtad ng korteng iyon ang negatibong hatol ng ibang korte may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova at ang pagkilala sa kanila bilang isang korporasyon ng pampublikong batas. Binanggit ng matagumpay na paghatol na iyon na sa nasasaklaw ng kalayaan sa relihiyon ang isa ay maaaring ‘sumunod sa mga paniniwala ng relihiyon’ nang higit kaysa sa mga kahilingan ng Estado.—8/15, pahina 8.
• Gaano ba kahaba ang yugto ng panahon na nagdusa si Job?
Hindi ipinahihiwatig ng aklat ng Job na nagdusa siya sa loob ng maraming taon. Ang pagdurusa ni Job at ang kinalabasan nito ay maaaring naganap sa loob ng ilang buwan, marahil ay wala pang isang taon.—8/15, pahina 31.
• Bakit tayo makatitiyak na ang Diyablo ay hindi lamang basta pamahiin?
Alam ni Jesu-Kristo na ang Diyablo ay tunay. Si Jesus ay tinukso ng isang tunay na persona, hindi ng kasamaan na nasa loob niya. (Mateo 4:1-11; Juan 8:44; 14:30)—9/1, pahina 5-6.
• Ang Kawikaan 10:15 ay nagsasabi: “Ang mahahalagang pag-aari ng taong mayaman ay kaniyang matibay na bayan. Ang kasawian ng mga dukha ay ang kanilang karalitaan.” Paano ito naging totoo?
Maaaring maging proteksiyon ang kayamanan laban sa ilang bagay sa buhay na walang katiyakan, kung paanong ang isang nakukutaang bayan ay naglalaan ng isang antas ng katiwasayan sa mga naninirahan dito. Sa kabilang panig naman, maaaring maging kapaha-pahamak ang karalitaan kapag may mga di-inaasahang pangyayari.—9/15, pahina 24.
• Sa anong diwa nagpasimula “ang pagtawag sa pangalan ni Jehova” noong kaarawan ni Enos? (Genesis 4:26)
Ang pangalan ng Diyos ay ginagamit na sapol pa noong pasimula ng kasaysayan ng tao; kaya, ang pinasimulan noong panahon ni Enos ay hindi ang pagtawag kay Jehova sa pananampalataya. Maaaring walang-galang na itinawag ng mga tao ang pangalan ng Diyos sa kanilang sarili o sa ibang mga tao na ginamit nila upang pakunwang lapitan ang Diyos sa pagsamba.—9/15, pahina 29.
• Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ano ang kahulugan ng salitang “disiplina”?
Ang salitang ito ay hindi nagpapahiwatig ng anumang uri ng pang-aabuso o kalupitan. (Kawikaan 4:13; 22:15) Ang salitang Griego para sa “disiplina” ay pangunahin nang tumutukoy sa instruksiyon, edukasyon, pagtutuwid at, kung minsan, matatag ngunit maibiging paglalapat ng parusa. Ang isang mahalagang paraan na maaaring tularan ng mga magulang si Jehova ay sa pamamagitan ng pagsisikap na panatilihing nakabukas ang linya ng pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak. (Hebreo 12:7-10)—10/1, pahina 8, 10.
• Paano ipinakikita ng mga Kristiyano sa ngayon na sila ay panig sa pamamahala ng Diyos?
Sa pagtataguyod sa Kaharian ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikilahok sa pulitika o nagsusulsol ng paghihimagsik, maging sa mga lupain na doo’y ipinagbabawal ang mga Saksi. (Tito 3:1) Nagbibigay sila ng positibong tulong gaya ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang sinaunang mga alagad at nagsisikap na tulungan ang mga tao na ikapit ang mga kapaki-pakinabang na pamantayan sa Bibliya, gaya ng katapatan, kalinisan sa moral, at mabuting asal sa trabaho.—10/15, pahina 6.
• Paano umaagos ang nagbibigay-buhay na tubig sa Andes?
Ang mga Saksi ni Jehova roon ay gumagawa ng pagsisikap upang dalhin sa mga tao ang mga katotohanan sa Bibliya, maging sa dalawang lokal na wika, ang Quechua at Aymara. Dinadalaw ng mga Saksi ang mga tao na naninirahan sa mga isla sa Lawa ng Titicaca, kabilang na ang “lumulutang” na mga sahig na isla na gawa sa mga tambo na tumutubo sa katubigan ng lawa.—10/15, pahina 8-10.
• Ano ang ibinigay ng Diyos para akayin tayo na maaaring ihalintulad sa sistemang panggiya na ginagamitan ng computer na nasa makabagong mga pampasaherong eroplano?
Sinangkapan ng Diyos ang mga tao ng kakayahan para sa moral na patnubay, isang panloob na kabatiran sa moral. Ito ang ating minanang budhi. (Roma 2:14, 15)—11/1 pahina 3-4.
• Bakit may malaking halaga ang kamatayan ni Jesus?
Nang magkasala ang sakdal na taong si Adan, naiwala niya ang buhay-tao para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga inapo. (Roma 5:12) Bilang isang sakdal na tao, inihandog ni Jesus ang kaniyang buhay-tao, sa gayo’y inilaan ang pantubos na nagpapangyaring tamasahin ng tapat na mga tao ang buhay na walang hanggan.—11/15, pahina 5-6.
• Sino ang mga Scita na binanggit sa Colosas 3:11?
Ang mga Scita ay isang bansang pagala-gala sa mga kapatagan ng Eurasia, na namahala mula noong mga 700 hanggang 300 B.C.E. Sila ay kilabot na mga mangangabayo at mga mandirigma. Ang Colosas 3:11 ay marahil nagpapahiwatig, hindi ng isang espesipikong bansa, kundi ng pinakamasahol sa mga taong di-sibilisado.—11/15, pahina 24-5.
• Bakit natin masasabi na ang Ginintuang Alituntunin ay isang turo na nararapat nating bigyan ng palagiang pansin?
Ang simulaing ito sa etika ay pinalawak sa Judaismo, Budismo, pilosopiyang Griego, at Confucianismo. Gayunman, ang iniutos ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay humihiling ng positibong mga pagkilos, at nakaaapekto ito sa buhay ng mga tao sa lahat ng dako at sa lahat ng panahon. (Mateo 7:12)—12/1, pahina 3.