“Sino Ako Ayon sa Sinasabi ng mga Tao?”
“Sino Ako Ayon sa Sinasabi ng mga Tao?”
KAPASKUHAN na naman. Nais ipagdiwang ng mga tao sa buong daigdig ang isang kapanganakan. Kaninong kapanganakan? Sa Anak ng Diyos o sa isa lamang debotong Judio na naglalayong repormahin ang relihiyon na umiiral sa kaniyang lugar noong unang siglo? Kapanganakan ba ito ng isang tagapagtanggol ng mga dukha, isang rebelde na lumikha ng malaking banta sa Imperyong Romano anupat ipinapatay siya, o marahil isang taong pantas na nagdiin ng sariling-kaalaman at panloob na larangan ng karunungan? May dahilan ka upang magtanong, ‘Sa totoo lang, sino ba si Jesu-Kristo?’
Si Jesus mismo ay interesado sa tugon ng mga tao sa tanong na iyan. “Sino ako ayon sa sinasabi ng mga tao?” ang itinanong niya minsan sa kaniyang mga alagad. (Marcos 8:27) Bakit siya nagtanong ng gayon? Marami na ang tumigil sa pagsunod sa kaniya. Ang iba ay maliwanag na nalito at di-nasiyahan matapos niyang tanggihan ang kanilang mga pagsisikap na gawin siyang hari. Karagdagan pa, nang hamunin ng kaniyang mga kaaway, hindi nagpakita si Jesus ng isang tanda mula sa langit upang patunayan kung sino siya. Kaya sa pagsagot sa tanong na iyon, ano ang sinabi ng kaniyang mga apostol tungkol sa pagkakakilanlan sa kaniya? Binanggit nila ang ilan sa mga laganap na pananaw ng mga tao: “Ang ilan ay nagsasabing si Juan Bautista, ang iba ay si Elias, ang iba pa ay si Jeremias o isa sa mga propeta.” (Mateo 16:13, 14) Hindi na nila binanggit ang maraming matitinding panlalait na kumakalat noon sa Palestina hinggil kay Jesus—mamumusong, manlilinlang, huwad na propeta, at baliw pa nga.
Ang Maraming Mukha ni Jesus
Kung ibabangon ni Jesus ang gayunding tanong sa ngayon, maaari pa nga niyang baguhin ito: “Sino ako ayon sa sinasabi ng mga iskolar?” Muli, ang mga kasagutan ay malamang na mauuwi rin sa ganito: Maraming iba’t ibang opinyon. “Si Jesus ay naging isang kabayo na sinakyan ng iba’t ibang tao patungo sa maraming iba’t ibang direksiyon,” ang sabi ni David Tracy ng University of Chicago. Sa nakalipas na siglo, gumamit ang mga iskolar ng maraming masalimuot na pamamaraan sa sosyolohiya, antropolohiya, at panitikan sa pagtatangka nilang bumuo ng mga kasagutan sa tanong hinggil sa kung sino talaga si Jesus. Bilang resulta nito, sino ba talaga si Jesus sa kanilang akala?
Sinasabi pa rin ng ilang iskolar na ang makasaysayang Jesus ay isang propetang Judio na nangangaral hinggil sa katapusan ng daigdig at humihimok ng pagsisisi. Gayunman, tumututol silang tawagin siya na Anak ng Diyos, Mesiyas, at Manunubos. Marami ang nag-aalinlangan sa ulat ng Bibliya tungkol sa kaniyang makalangit na pinagmulan at sa kaniyang pagkabuhay-muli. Para sa iba, si Jesus ay isa lamang tao na sa pamamagitan ng kaniyang huwarang pamumuhay at mga turo ay nagpasimula ng ilang relihiyon na sa dakong huli ay napabilang sa Kristiyanismo. At gaya ng binabanggit sa Theology Today, minamalas pa ng iba si Jesus bilang “isang mapangutya, isang pagala-galang pantas, o isang mistikong walang pinag-aralan; isang tagapag-organisa ng komunidad, isang makatang hippie na pumupuna sa nakatalagang kaayusan ng lipunan, o isang sekretang sanáy sa kalye na tahasang nagpapahayag ng kaniyang mga opinyon habang palipat-lipat sa napakainit, mahihirap at mapupusok na lipunan sa mga nayon ng malayong Palestina.”
Nariyan din ang mas kakaibang pangmalas. Ang imahen ng isang itim na Jesus ay nagsusulputan sa musikang rap, sa iba’t ibang uri ng sining sa mga pampublikong lugar sa lunsod at maging sa mga sayaw. a Inaakala naman ng iba na si Jesus sa katunayan ay isang babae. Noong tag-init ng 1993, ang mga bumisita sa Orange County Fair sa California ay nakakita ng estatuwa ni “Christie,” isang hubad na babaing “Kristo” na nasa krus. Nang mga panahong ding iyon sa New York, nakadispley si “Christa”—isang nakapako sa krus na babaing “Jesus.” Ang dalawang estatuwang ito ay nagdulot ng malaking kontrobersiya. At maaga noong 1999, maaaring masumpungan ng mga mamimili ang isang tomo “tungkol sa pag-ibig sa isa’t-isa ng Batang si Jesus at ng kaniyang aso, si Angel.” Ang kanilang kaugnayan ay inilarawan bilang isa na “nakaaantig sa espirituwal na paraan at ipinakikita nito kung paanong ang bata at aso ay nakahandang isakripisyo ang kanilang buhay para sa isa’t isa.”
Talaga Bang Mahalaga Ito?
Bakit dapat kang maging interesado kung sino si Jesus noon at ngayon? Unang-una na, sapagkat, bilang pagsipi kay Napoleon, “nahikayat at napamahalaan ni Jesu-Kristo ang Kaniyang nasasakupan kahit hindi Siya nakikita.” Sa pamamagitan ng kaniyang mabisang pagtuturo at sa paraan ng kaniyang pamumuhay, matinding naapektuhan ni Jesus ang buhay ng bilyun-bilyong tao sa loob ng halos dalawang libong taon. Ganito ang angkop na sinabi ng isang manunulat: “Lahat ng mga hukbo na nagmartsa kailanman, at lahat ng mga hukbong-dagat na naitatag kailanman, lahat ng mga kongresong nagpulong kailanman, lahat ng mga haring namahala kailanman, kahit na ang mga ito’y pagsama-samahin pa ay hindi nakaapekto sa buhay ng mga tao sa lupang ito nang gayon katindi.”
Isa pa, kailangan mong malaman kung sino si Jesus noon at ngayon sapagkat tuwiran niyang maaapektuhan ang iyong kinabukasan. May pagkakataon ka na maging sakop ng isang itinatag na makalangit na pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesus. Ang ating planeta na batbat ng suliranin ay isasauli sa kagila-gilalas na pagkakasari-sari ng buhay at ekolohikal na pagkakatimbang nito sa ilalim ng pangunguna ni Jesus. Tinitiyak sa atin ng hula ng Bibliya na pakakanin ng Kaharian ni Jesus ang mga gutom, pangangalagaan ang mga dukha, pagagalingin ang mga maysakit, at bubuhaying muli ang mga patay.
Tiyak na nais mong malaman kung anong uri ng persona ang mamumuno sa gayong lubhang-kinakailangang pamahalaan. Tutulungan ka ng susunod na artikulo na matamo ang kaunawaan hinggil sa tunay na Jesus.
[Talababa]
a Hinggil sa hitsura ni Jesus, tingnan ang artikulong “Ano ba ang Hitsura ni Jesus?,” sa Disyembre 8, 1998, isyu ng Gumising!