Lahat ng Tunay na Kristiyano ay mga Ebanghelisador
Lahat ng Tunay na Kristiyano ay mga Ebanghelisador
“Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan. Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas.”—AWIT 96:2.
1. Anong mabuting balita ang kailangang marinig ng mga tao, at paano naging uliran ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapalaganap ng gayong balita?
SA ISANG daigdig kung saan araw-araw na nangyayari ang mga kasakunaan, tunay ngang nakaaaliw na malaman na gaya ng inihahayag ng Bibliya, malapit nang magwakas ang digmaan, krimen, gutom, at paniniil. (Awit 46:9; 72:3, 7, 8, 12, 16) Ang totoo, hindi ba mabuting balita ito na kailangang marinig nang lahat? Ganiyan ang palagay ng mga Saksi ni Jehova. Sila ay kilalá saanman bilang mga mángangarál ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isaias 52:7) Totoo, maraming Saksi ang dumanas ng pag-uusig dahil sa kanilang determinasyong ihayag ang mabuting balita. Ngunit sila ay pangunahing nababahala sa ikabubuti ng mga tao. At tunay ngang nakapagtipon ang mga Saksi ng isang rekord ng kasigasigan at pagtitiyaga!
2. Ano ang isang dahilan ng sigasig ng mga Saksi ni Jehova?
2 Ang sigasig ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nakakatulad niyaong sa mga Kristiyano noong unang siglo. Tungkol sa kanila, may-katumpakang sinabi ng pahayagang Romano Katoliko na L’Osservatore Romano: “Ang unang mga Kristiyano, sa sandaling sila ay mabautismuhan, ay nakadarama na tungkulin nila na palaganapin ang Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap, pinalaganap ng mga alipin ang Ebanghelyo.” Bakit napakasigasig ng mga Saksi ni Jehova, katulad ng unang mga Kristiyanong iyon? Una, dahil ang mabuting balita na kanilang ipinahahayag ay mula sa Diyos na Jehova mismo. May mas mabuting dahilan pa ba para maging masigasig? Ang kanilang pangangaral ay tugon sa mga salita ng salmista: “Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan. Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas.”—Awit 96:2.
3. (a) Ano ang ikalawang dahilan ng sigasig ng mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang nasasangkot sa “pagliligtas [ng Diyos]”?
3 Ang mga salita ng salmista ay nagpapaalaala sa atin tungkol sa ikalawang dahilan ng sigasig ng mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang mensahe ay isang mensahe ng kaligtasan. Ang ilang indibiduwal ay nagtatrabaho sa mga larangang pangmedisina, panlipunan, pangkabuhayan, o iba pa upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga kapuwa tao, at kapuri-puri ang gayong mga pagsisikap. Ngunit anuman ang magagawa ng isang tao para sa iba ay kakaunti lamang kung ihahambing sa “pagliligtas [ng Diyos].” Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ililigtas ni Jehova ang maaamo mula sa kasalanan, sakit, at kamatayan. Yaong mga makikinabang ay mabubuhay magpakailanman! (Juan 3:16, 36; Apocalipsis 21:3, 4) Sa ngayon, ang kaligtasan ay kabilang sa “mga kamangha-manghang gawa” na isinasalaysay ng mga Kristiyano kapag tumutugon sila sa mga salitang: ‘Ipahayag ninyo ang kaluwalhatian ng Diyos sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan. Sapagkat si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin. Siya ay kakila-kilabot nang higit sa lahat ng iba pang diyos.’—Awit 96:3, 4.
Ang Halimbawa ng Panginoon
4-6. (a) Ano ang ikatlong dahilan ng kasigasigan ng mga Saksi ni Jehova? (b) Paano nagpakita ng sigasig si Jesus sa gawaing pangangaral ng mabuting balita?
4 Ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig dahil sa ikatlong dahilan. Sinusunod nila ang halimbawa ni Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Buong-pusong tinanggap ng sakdal na taong iyon ang atas na “maghayag ng mabuting balita sa maaamo.” (Isaias 61:1; Lucas 4:17-21) Kaya naman, siya ay naging isang ebanghelisador, isang tagapaghayag ng mabuting balita. Naglakbay siya sa buong Galilea at Judea, na “nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) At dahil alam niya na marami ang tutugon sa mabuting balitang iyon, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”—Mateo 9:37, 38.
5 Kasuwato ng kaniyang sariling panalangin, sinanay ni Jesus ang iba na maging mga ebanghelisador. Nang maglaon, isinugo niya ang kaniyang mga apostol sa ganang sarili nila at sinabi sa kanila: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” Hindi kaya mas praktikal para sa kanila na magtatag ng mga programa upang mabawasan ang mga problema ng lipunan noon? O dapat ba na nakibahagi sila sa pulitika upang malabanan ang palasak na katiwalian noong panahong iyon? Hindi. Sa halip, si Jesus ay nagtakda ng pamantayan para sa lahat ng Kristiyanong ebanghelisador nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Samantalang humahayo kayo, mangaral.”—Mateo 10:5-7.
6 Nang maglaon, si Jesus ay nagsugo ng isa pang grupo ng mga alagad upang magpahayag: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” Nang magbalik sila upang iulat ang tagumpay ng kanilang paglilibot upang mag-ebanghelyo, si Jesus ay labis na natuwa. Nanalangin siya: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Lucas 10:1, 8, 9, 21) Ang mga alagad ni Jesus, na dating masisipag na mga mangingisda, magsasaka, at iba pa, ay katulad ng mga sanggol kapag inihambing sa edukadong mga relihiyosong lider ng bansa. Ngunit ang mga alagad ay sinanay upang ipahayag ang pinakamabuti sa lahat ng mabuting balita.
7. Pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus sa langit, kanino muna ipinangaral ng kaniyang mga tagasunod ang mabuting balita?
7 Pagkatapos ng pag-akyat ni Jesus sa langit, patuloy na pinalaganap ng kaniyang mga tagasunod ang mabuting balita ng kaligtasan. (Gawa 2:21, 38-40) Kanino muna sila unang nangaral? Nagtungo ba sila sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos? Hindi, ang kanilang unang larangan ay ang Israel, isang bayan na nakakakilala kay Jehova sa loob ng mahigit na 1,500 taon. Mayroon ba silang karapatang mangaral sa isang lupain na doo’y sinasamba na si Jehova? Oo. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Kailangang marinig noon ng Israel ang mabuting balita gaya ng alinmang iba pang bansa.
8. Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang unang-siglong mga tagasunod ni Jesus?
8 Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nangangaral sa buong lupa. Nakikipagtulungan sila sa anghel na nakita ni Juan na “[may] walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Noong taóng 2001, sila ay aktibo sa 235 lupain at mga teritoryo, pati na sa ilan na karaniwang itinuturing na mga lupaing Kristiyano. Mali ba para sa mga Saksi ni Jehova na mangaral sa mga lugar na doo’y nakapagtatag na ang Sangkakristiyanuhan ng mga simbahan nito? Sinasabi ng ilan na mali nga ito at maaari pa ngang ituring ang gayong pag-eebanghelyo bilang “pagnanakaw ng mga tupa.” Gayunman, natatandaan ng mga Saksi ni Jehova ang damdamin ni Jesus para sa mapagpakumbabang mga Judio noong kaniyang panahon. Bagaman sila ay mayroon nang pagkasaserdote, hindi nag-atubili si Jesus na ipahayag sa kanila ang mabuting balita. “Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Kapag ang mga Saksi ni Jehova ay nakasusumpong ng mga mapagpakumbabang tao na walang alam tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, dapat ba nilang ipagkait ang mabuting balita sa gayong mga indibiduwal dahil sa may relihiyon na nag-aangking may awtoridad sa kanila? Bilang pagsunod sa halimbawa ng mga apostol ni Jesus, ang sagot natin ay hindi. Ang mabuting balita ay kailangang ipangaral “sa lahat ng mga bansa,” nang walang itinatangi.—Marcos 13:10.
Lahat ng Unang mga Kristiyano ay Nag-ebanghelyo
9. Noong unang siglo, sino sa loob ng kongregasyong Kristiyano ang nakibahagi sa gawaing pangangaral?
9 Sino noong unang siglo ang nakibahagi sa gawaing pangangaral? Ipinakikita ng mga katibayan na lahat ng mga Kristiyano ay mga ebanghelisador. Sinabi ng awtor na si W. S. Williams: “Ang pangkalahatang patotoo ay na lahat ng mga Kristiyano sa sinaunang Simbahan . . . ay nangaral ng ebanghelyo.” Hinggil sa mga pangyayari noong araw ng Pentecostes 33 C.E., sinasabi ng Bibliya: “Silang lahat [mga lalaki at babae] ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu upang salitain.” Kabilang sa naging mga ebanghelisador ang mga lalaki at babae, bata at matanda, alipin at malaya. (Gawa 1:14; 2:1, 4, 17, 18; Joel 2:28, 29; Galacia 3:28) Nang mapilitang tumakas ang maraming Kristiyano mula sa Jerusalem dahil sa pag-uusig, “yaong mga nangalat ay lumibot sa lupain na ipinahahayag ang mabuting balita ng salita.” (Gawa 8:4) Lahat ng “mga nangalat,” hindi lamang ang iilang hinirang, ay nag-ebanghelyo.
10. Anong dalawang-uring atas ang tinupad bago ang pagkapuksa ng sistema ng mga Judio?
10 Napatunayang totoo ito sa buong unang mga taóng iyon. Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa unang-siglong katuparan ng mga salitang iyon, ang mabuting balita ay malawakang ipinangaral bago pa winasak ng mga hukbong Romano ang relihiyoso at pulitikal na sistema ng mga Judio. (Colosas 1:23) Bukod dito, lahat ng mga tagasunod ni Jesus ay sumunod sa kaniyang utos: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Hindi hinimok ng unang mga Kristiyano ang maaamo na maniwala kay Jesus at pagkatapos ay pinababayaan na lamang sila na gawin ang kanilang sariling paraan, gaya ng ginagawa ng ilang makabagong mángangarál. Sa halip, tinuruan nila sila na maging mga alagad ni Jesus, inorganisa sila na maging mga kongregasyon, at sinanay sila upang maipangaral din nila ang mabuting balita at makagawa ng mga alagad. (Gawa 14:21-23) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang gayunding parisan.
11. Sino sa ngayon ang nakikibahagi sa pagpapahayag ng pinakamabuting balita sa sangkatauhan?
11 Bilang pagsunod sa unang-siglong mga halimbawa nina Pablo, Bernabe, at ng iba pa, ang ilang Saksi ni Jehova ay humayo bilang mga misyonero sa banyagang mga lupain. Ang kanilang gawain ay naging tunay na kapaki-pakinabang, yamang hindi sila nasangkot sa pulitika o sa iba pang mga paraan ay lumihis mula sa atas na mangaral ng mabuting balita. Sinunod lamang nila ang utos ni Jesus: “Samantalang humahayo kayo, mangaral.” Gayunman, karamihan sa mga Saksi ni Jehova ay hindi mga misyonero sa banyagang mga lupain. Marami sa kanila ang humahanap ng ikabubuhay sa sekular na pagtatrabaho, at ang iba ay nag-aaral pa. Ang ilan naman ay nagpapalaki ng mga anak. Ngunit ibinabahagi sa iba ng lahat ng mga Saksi ang mabuting balita na kanilang natutuhan. Bata at matanda, lalaki at babae, sila ay nagagalak na tumutugon sa payo ng Bibliya: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2 Timoteo 4:2) Gaya ng kanilang mga sinundan noong unang siglo, sila ay nagpapatuloy “nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Ipinapahayag nila ang pinakamabuting balita para sa sangkatauhan.
Magsagawa ng Proselitismo o Mag-ebanghelyo?
12. Ano ang proselitismo, at paano na ito minamalas?
12 Ang wikang Griego ay may salitang pro·se’ly·tos, na nangangahulugang isang “nakumberte.” Dito nanggaling ang salitang Ingles na “proselytism (proselitismo),” na pangunahin nang nangangahulugang “ang gawaing pangungumberte.” Sa ngayon, ang ilan ay nagsasabi na nakapipinsala raw ang proselitismo. Isang dokumentong inilathala ng World Council of Churches ang bumabanggit pa nga tungkol sa “kasalanan ng proselitismo.” Bakit? Sinasabi ng Catholic World Report: “Dahil sa walang-tigil na pagrereklamo ng mga Ortodokso, ang ‘proselitismo’ ay nagkaroon ng kahulugan na sapilitang pangungumberte.”
13. Ano ang ilang halimbawa ng nakapipinsalang proselitismo?
13 Nakapipinsala nga ba ang proselitismo? Maaari. Sinabi ni Jesus na ang proselitismo ng mga eskriba at mga Pariseo ay nakapipinsala sa kanilang mga nakumberte. (Mateo 23:15) Walang alinlangan, ang “sapilitang pangungumberte” ay mali. Halimbawa, ayon sa istoryador na si Josephus, nang magapi ng Macabeo na si John Hyrcanus ang mga taga-Idumea, “pinahintulutan [niya] silang manatili sa kanilang bansa basta sila ay magpatuli at handang sumunod sa mga kautusan ng mga Judio.” Kung nais ng mga taga-Idumea na mamuhay sa ilalim ng pamamahala ng mga Judio, kailangang isagawa nila ang relihiyong Judio. Sinasabi sa atin ng mga istoryador na noong ikawalong siglo C.E., sinakop ni Carlomagno ang mga paganong Saxon ng hilagang Europa at buong-kalupitan silang pinuwersa na magpakumberte. * Gayunman, gaano kataimtim ang mga pagkakumberte ng mga Saxon o ng mga taga-Idumea? Halimbawa, gaano kataimtim ang pagmamahal ng taga-Idumea na si Haring Herodes—na nagsikap na maipapatay ang sanggol na si Jesus—sa kinasihan-ng-Diyos na Kautusan ni Moises?—Mateo 2:1-18.
14. Paano ginigipit ng ilang misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang mga tao para magpakumberte?
14 Sapilitan ba ang mga pangungumberte sa ngayon? Sa isang diwa, gayon nga ang ilan. Napaulat na ang ilang misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aalok ng libreng pag-aaral sa ibang bansa sa potensiyal na mga makukumberte. O pauupuin nila ang isang nagugutom na lumikas upang makinig sa isang sermon sa layuning makakuha ng rasyon ng pagkain. Ayon sa isang pahayag na inilabas noong 1992 sa isang kombensiyon ng mga Obispong Ortodokso, “kung minsan ay nagaganap ang proselitismo sa pamamagitan ng materyal na pang-aakit at kung minsan ay sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng karahasan.”
15. Nagsasagawa ba ng proselitismo ang mga Saksi ni Jehova ayon sa makabagong kahulugan ng salita? Ipaliwanag.
15 Ang panggigipit sa mga tao na baguhin ang kanilang relihiyon ay mali. Tiyak, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kumikilos sa gayong paraan. * Kaya naman, hindi sila nagsasagawa ng proselitismo ayon sa makabagong kahulugan ng salita. Sa halip, tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, ipinangangaral nila ang mabuting balita sa lahat. Sinumang kusang-loob na tumutugon ay inaanyayahang kumuha ng higit pang kaalaman sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya. Natututo ang mga interesadong iyon na maglagak ng pananampalataya, na lubusang nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Bibliya, sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Bilang resulta, tumatawag sila sa pangalan ng Diyos na Jehova, ukol sa kaligtasan. (Roma 10:13, 14, 17) Sila ang personal na nagpapasiya kung tatanggapin nila o hindi ang mabuting balita. Walang pamimilit na ginagawa. Kung mayroon, magiging walang kabuluhan ang pagkakumberte. Upang maging kaayaaya sa Diyos, ang pagsamba ay dapat na magmula sa puso.—Deuteronomio 6:4, 5; 10:12.
Pag-eebanghelyo sa Makabagong Panahon
16. Paano sumulong ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon?
16 Sa buong makabagong panahon, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa isang mas malaking katuparan ng Mateo 24:14. Ang isang kilaláng kasangkapan sa kanilang gawaing pag-eebanghelyo ay ang magasing Bantayan. * Noong 1879, nang ilathala ang unang mga isyu ng Ang Bantayan sa Ingles, ang magasin ay may sirkulasyon lamang na mga 6,000 sa iisang wika. Noong taóng 2001, mahigit sa 122 taon ang nakalipas, ang sirkulasyon ay umabot na sa 23,042,000 kopya sa 141 wika. Kasabay ng pagsulong na iyon ay ang paglago ng gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova. Ihambing ang iilang libong oras na ginugol sa bawat taon sa gawaing pag-eebanghelyo noong ika-19 na siglo sa 1,169,082,225 oras na iniukol sa gawaing pangangaral sa taóng 2001. Isaalang-alang ang 4,921,702 walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya na sa katamtaman ay idinaos sa bawat buwan. Kay rami ngang mainam na gawain ang naisakatuparan! At ito ay isinagawa ng 6,117,666 na aktibong mángangarál ng Kaharian.
17. (a) Anong uri ng huwad na mga diyos ang sinasamba sa ngayon? (b) Anuman ang kaniyang wika, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan, ano ang kailangang matutuhan ng bawat isa?
17 Sinasabi ng salmista: “Ang lahat ng diyos ng mga bayan ay walang-silbing mga diyos; ngunit kung tungkol kay Jehova, ginawa niya ang mismong langit.” (Awit 96:5) Sa sekular na daigdig sa ngayon, ang nasyonalismo, mga pambansang sagisag, prominenteng mga indibiduwal, materyal na mga bagay, at maging ang kayamanan mismo ay pinag-uukulan ng pagsamba. (Mateo 6:24; Efeso 5:5; Colosas 3:5) Sinabi minsan ni Mohandas K. Gandhi: “Matatag ang aking opinyon na . . . ang Europa sa ngayon ay naturingan lamang na Kristiyano. Ang talagang sinasamba nito ay si Mammon [kayamanan].” Ang totoo, ang mabuting balita ay kailangang iparinig saanmang dako. Ang bawat isa, anuman ang kaniyang wika, nasyonalidad, o katayuan sa lipunan, ay kailangang makaalam tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Hangad namin na ang lahat ay tumugon sa mga salita ng salmista: “Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at lakas. Mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan”! (Awit 96:7, 8) Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang iba na matuto tungkol kay Jehova upang sila ay wastong makapag-ukol ng kaluwalhatian sa kaniya. At ang mga tumutugon ay lubos na nakikinabang. Anong mga kapakinabangan ang kanilang tinatamasa? Ang mga ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 13 Ayon sa The Catholic Encyclopedia, noong panahon ng Repormasyon, ang sapilitang paggigiit ng relihiyon sa isang bayan ay ipinahayag ng sawikaing: Cuius regio, illius et religio (Sa diwa, ito ay nangangahulugang: “Sinumang namamahala sa lupain ay siya ring magpapasiya sa magiging relihiyon nito.”)
^ par. 15 Sa isang pulong ng United States International Religious Freedom Commission noong Nobyembre 16, 2000, ipinakita ng isang nakibahagi ang pagkakaiba niyaong mga nagsisikap na gawing sapilitan ang pangungumberte at ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Binanggit doon na kapag nangangaral sa iba ang mga Saksi ni Jehova, ginagawa nila ito sa paraan na maaaring magsabi lamang ang isang tao na “hindi ako interesado” at magsara na siya ng pinto.
^ par. 16 Ang kumpletong pamagat ng magasin ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit masisigasig na ebanghelisador ang mga Saksi ni Jehova?
• Bakit nangangaral ang mga Saksi ni Jehova maging sa mga lugar na doo’y nakapagtatag na ng mga simbahan ang Sangkakristiyanuhan?
• Bakit hindi nagsasagawa ng proselitismo ang mga Saksi ni Jehova ayon sa makabagong kahulugan ng salita?
• Paano sumulong ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Si Jesus ay isang masigasig na ebanghelisador at sinanay niya ang iba na gawin ang gayunding gawain
[Larawan sa pahina 10]
Ang lahat sa unang-siglong kongregasyon ay nakibahagi sa pag-eebanghelyo
[Larawan sa pahina 11]
Ang pagpilit sa mga tao na baguhin ang kanilang relihiyon ay mali