Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglaan si Jehova ng “Lakas na Higit sa Karaniwan”

Naglaan si Jehova ng “Lakas na Higit sa Karaniwan”

Naglaan si Jehova ng “Lakas na Higit sa Karaniwan”

AYON SA SALAYSAY NI HELEN MARKS

Isang maalinsangan at mainit na araw noong tag-araw ng 1986. Ako lamang ang naghihintay sa gusali ng adwana sa isa sa mga pinakatahimik na paliparan ng Europa. Ito ang Tiranë, ang kabisera ng Albania, na nagpahayag ng kaniyang sarili bilang “ang kauna-unahang ateistang bansa sa daigdig.”

TAGLAY ang magkahalong damdamin ng kawalang-katiyakan at pangamba, nagmamasid ako habang isang sandatahang opisyal ang nagsimulang maghalughog sa aking mga maleta. Kung ako ay gumawa o nagsabi ng anumang bagay na paghihinalaan niya, ito ay mangangahulugan ng pagpapaalis sa akin sa bansa at pagkabilanggo naman o pagkapiit sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho para sa mga taong naghihintay sa akin sa labas. Mabuti na lamang, napasigla ko ang opisyal na maging mas palakaibigan sa pamamagitan ng pag-aalok sa kaniya ng chewing gum at mga cookie. Ngunit paano bang ako, na isang babaing mga edad 65, ay humantong sa kalagayang ito? Bakit ko isasakripisyo ang isang maginhawang buhay at isasapanganib ito sa pamamagitan ng pagsisikap na pasulungin ang mga kapakanan ng Kaharian sa isa sa kahuli-hulihang moog ng Marxismo-Leninismo?

Isang Masasakting Batang Babae na Maraming Katanungan

Namatay ang tatay ko dahil sa pulmonya dalawang taon pagkasilang ko noong 1920 sa Ierápetra, Creta. Si Nanay ay mahirap at hindi marunong bumasa’t sumulat. Ako ang bunso sa apat na anak, at yamang pinahihirapan ako ng sakit na jaundice, ako’y maputla at masasaktin. Iminungkahi ng mga kapitbahay na ituon ng aking ina ang kaniyang pansin at limitadong pag-aari sa tatlong mas malulusog na bata at hayaan na akong mamatay. Natutuwa ako’t hindi niya sinunod ang payong iyon.

Upang matiyak na ang kaluluwa ni Tatay ay namamahinga sa langit, madalas dumalaw si Nanay sa sementeryo, na karaniwang ginagamit ang mga serbisyo ng isang paring Ortodokso. Subalit mahal ang mga serbisyong iyon. Natatandaan ko pa ang isang napakalamig na araw ng Pasko nang umuwi siya sa bahay mula sa sementeryo na kasama ako na lumalakad nang pahilahod sa tabi niya. Kabibigay pa lamang namin ng huli naming salapi sa pari. Pagkatapos magluto si Nanay ng gulay para sa amin na mga anak, pumasok siya sa isa pang silid, walang laman ang tiyan niya at ang kaniyang mga pisngi ay basa ng mga luha ng pagkasiphayo. Nang maglaon, lakas-loob akong nagtungo sa pari at nagtanong kung bakit namatay si Tatay at kung bakit kailangang bayaran ng aking mahirap na ina ang pari. Siya ay tumugon sa pamamagitan ng nahihiyang bulong: “Kinuha siya ng Diyos. Ganiyan talaga ang buhay. Makakayanan mo rin ito.”

Nahihirapan akong itugma ang kaniyang sagot sa panalangin ng Panginoon, na natutuhan ko sa paaralan. Natatandaan ko pa ang maganda at makabuluhang panimulang pananalita nito: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Kung nais ng Diyos na mangyari ang kaniyang kalooban dito sa lupa, bakit kailangan tayong magdusa nang labis?

Muntik ko nang malaman ang sagot sa tanong na iyan nang dumalaw sa aming tahanan ang isang buong-panahong mangangaral ng mga Saksi ni Jehova, si Emmanuel Lionoudakis, noong 1929. * Nang tanungin siya ng nanay ko kung ano ang kailangan niya, hindi nagsalita si Emmanuel kundi iniabot ang isang testimony card sa kaniya. Ibinigay sa akin ni nanay ang kard upang basahin. Yamang ako ay siyam na taóng gulang lamang, kakaunti ang naunawaan ko. Sa pag-aakalang pipi ang dumadalaw na mángangaral, sinabi ni nanay: “Kawawa ka naman! Hindi ka makapagsalita, at hindi naman ako makabasa.” Pagkatapos ay may-kabaitan niyang itinuro rito ang pinto palabas.

Pagkalipas ng ilang taon, nasumpungan ko ang kasagutan. Ang aking kuya, si Emmanuel Paterakis, ay tumanggap mula sa buong-panahong ministro ring iyon ng bukletang Where Are the Dead?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. * Sa pagbasa nito, ako ay nakadama ng ginhawa na malaman na ang aking ama ay hindi kinuha ng Diyos. Natanto ko na ang kamatayan ay bunga ng di-kasakdalan ng tao at na ang aking ama ay naghihintay ng isang pagkabuhay-muli sa buhay sa isang paraisong lupa.

“Sinira Ka ng Aklat na Ito!”

Binuksan ng katotohanan sa Bibliya ang aming mga mata. Nasumpungan namin ang isang lumang Bibliya ni Tatay at sinimulan naming pag-aralan ito, kadalasan ay sa liwanag ng kandila sa palibot ng dapugang may tsiminea. Yamang ako lamang ang kabataang babae sa lugar na iyon na nagpakita ng interes sa Bibliya, hindi ako isinama sa mga gawain ng maliit na grupo ng lokal na mga Saksi. Sa loob ng ilang panahon, buong taimtim​—bagaman may kamalian​—na naniniwala akong ang relihiyong ito ay para lamang sa mga lalaki.

Ang kasigasigan ng aking kuya sa gawaing pangangaral ay isang pinagmumulan ng inspirasyon para sa akin. Hindi nagtagal ay binigyan ng pantanging interes ng pulisya ang aming pamilya, anupat regular kaming dinadalaw sa lahat ng oras sa araw at sa gabi upang hanapin si Emmanuel at ang literatura. Tandang-tanda ko pa nang dumating ang isang pari upang kumbinsihin kami na bumalik sa simbahan. Nang ipakita sa kaniya ni Emmanuel mula sa Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, biglang inagaw ng pari ang Bibliya, buong pagbabantang iwinasiwas ito sa mukha ng aking kuya, at sumigaw, “Sinira ka ng aklat na ito!”

Noong 1940, nang tumangging maglingkod sa hukbo si Emmanuel, siya’y inaresto at ipinadala sa lugar ng digmaan sa Albania. Wala na kaming nabalitaan pa tungkol sa kaniya at inakala naming patay na siya. Subalit, pagkaraan ng dalawang taon, di-inaasahang tumanggap kami ng isang sulat buhat sa kaniya na ipinadala niya mula sa bilangguan. Buháy siya at nakaligtas! Isa sa mga kasulatan na sinipi niya sa kaniyang sulat ay lubhang napatimo sa aking isipan mula noon: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Lubhang kailangan namin ang gayong pampatibay-loob!

Mula sa kaniyang bilangguan, hiniling ni Emmanuel sa ilang kapatid na lalaki na dalawin ako. Karaka-raka, isinaayos ang lihim na mga pulong Kristiyano na idaraos sa isang bahay sa bukid sa labas ng bayan. Wala kaming kamalay-malay na kami ay minamanmanan! Isang Linggo, pinalibutan kami ng mga armadong pulis. Isinakay nila kami sa isang bukás na trak at ipinarada sa bayan. Naririnig ko pa ang pang-aalipusta at panlilibak sa amin ng mga tao, subalit si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu ay nagbigay sa amin ng panloob na kapayapaan.

Kami’y inilipat sa ibang bayan, kung saan kami ay kanilang inihagis sa ilang madidilim at maruruming selda. Ang palikuran sa aking selda ay isang bukás na timba na inaalisan ng laman minsan sa isang araw. Ako’y hinatulan nang walong-buwang pagkabilanggo sapagkat ako ay itinuturing na “guro” ng grupo. Gayunman, isinaayos ng isang kapatid na lalaki na nakabilanggo roon na hawakan ng kaniyang abogado ang aming kaso, at nagawa niyang mapalaya kami.

Isang Bagong Buhay

Nang mapalaya si Emmanuel mula sa bilangguan, sinimulan niyang dalawin ang mga kongregasyon sa Atenas bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Lumipat ako roon noong 1947. Sa wakas, nakilala ko ang isang malaking grupo ng mga Saksi​—hindi lamang mga lalaki kundi mga babae at mga bata rin. Sa wakas, noong Hulyo 1947, nagawa kong sagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Madalas akong mangarap na maging isang misyonera at nagsimula akong dumalo ng mga klase sa gabi upang matuto ng Ingles. Noong 1950, naging payunir ako. Pumisan sa akin si Nanay, at tinanggap din niya ang katotohanan sa Bibliya. Nanatili siyang isa sa mga Saksi ni Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan pagkalipas ng 34 na taon.

Nang taon ding iyon, nakilala ko si John Marks (Markopoulos), isang lubhang iginagalang at espirituwal na lalaki mula sa Estados Unidos. Si John ay ipinanganak sa gawing timog ng Albania, at pagkatapos mandayuhan sa Estados Unidos, ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Noong 1950, siya ay nasa Gresya na nagsisikap na makakuha ng visa para sa Albania​—na noon ay isang bansang hindi tumatanggap ng mga dayuhan at nasa ilalim ng pinakamahigpit na anyo ng Komunismo. Bagaman hindi na nakita ni John ang kaniyang pamilya mula noong 1936, hindi siya pinayagang pumasok sa Albania. Naantig ang damdamin ko sa kaniyang maalab na sigasig sa paglilingkod kay Jehova at sa kaniyang masidhing pag-ibig sa kapatiran. Kami’y nagpakasal noong Abril 3, 1953. Pagkatapos ay sumama ako sa kaniya sa aming bagong tahanan sa New Jersey, E.U.A.

Upang masuportahan ang aming sarili samantalang nangangaral nang buong-panahon, kami ni John ay may maliit na negosyo sa dalampasigan ng New Jersey, na naghahanda ng agahan para sa mga mangingisda. Nagtatrabaho lamang kami kung mga buwan ng tag-araw, mula sa bukang-liwayway hanggang ika-9:00 n.u. Sa pagpapanatili sa aming buhay na simple at sa pagtutuon ng aming mga priyoridad sa espirituwal na mga gawain, nagagawa naming gugulin ang pinakamarami naming panahon sa gawaing pangangaral. Sa nakalipas na mga taon, kami’y hinilingang lumipat sa iba’t ibang bayan kung saan may malaking pangangailangan para sa mga mángangaral. Doon, sa tulong ni Jehova, natulungan namin ang mga interesado, nakapagtatag ng mga kongregasyon, at nakatulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall.

Pagtulong sa Ating mga Kapatid na Nangangailangan

Gayunman, di-nagtagal ay isang kapana-panabik na pag-asa ang nabuksan sa amin. Nais ng responsableng mga kapatid na magkaroon ng pakikipagtalastasan sa mga kapuwa Kristiyano na nakatira sa mga lupain sa Balkan kung saan ipinagbabawal ang ating mga gawain. Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ni Jehova sa mga bansang iyon ay walang anumang komunikasyon mula sa internasyonal na kapatiran, anupat tumatanggap ng kaunti o walang espirituwal na pagkain, at kinakaharap nila ang malupit na pagsalansang. Karamihan sa kanila ay nasa ilalim ng patuloy na pagsubaybay, at ang marami ay nasa bilangguan o mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Kailangang-kailangan nila ang mga publikasyong salig sa Bibliya, patnubay, at pampatibay-loob. Halimbawa, natanggap namin ang isang kodigong mensaheng mula sa Albania na kababasahan ng ganito: “Manalangin kayo sa Panginoon para sa amin. Kinukumpiska ang literatura sa bahay-bahay. Hindi nila kami pinahihintulutang mag-aral. Tatlong tao ang nakulong.”

Kaya, noong Nobyembre 1960, sinimulan namin ang anim-na-buwang paglalakbay upang dalawin ang ilan sa mga bansang iyon. Maliwanag na kakailanganin namin ang “lakas na higit sa karaniwan,” ang bigay-Diyos na lakas ng loob, katapangan, at pagkamalikhain upang maisakatuparan ang aming misyon. (2 Corinto 4:7) Ang una naming destinasyon ay Albania. Bumili kami ng isang kotse sa Paris at nagsimula sa aming paglalakbay. Pagdating namin sa Roma, si John lamang ang nakakuha ng visa para sa Albania. Kailangan kong magtungo sa Atenas, Gresya, at maghintay sa kaniya.

Pumasok si John sa Albania noong dakong huli ng Pebrero 1961 at nanatili roon hanggang noong katapusan ng Marso. Sa Tiranë ay nakipagkita siya sa mahigit na 30 kapatid na lalaki. Tuwang-tuwa sila na makakuha ng lubhang-kinakailangang literatura at pampatibay-loob! Hindi pa sila nadalaw ng isang taga-ibang bansa sa loob ng 24 na taon.

Si John ay naantig sa integridad at pagbabata ng mga kapatid na iyon. Nalaman niya na marami sa kanila ang nawalan ng trabaho at ikinulong sapagkat hindi sila nakibahagi sa mga gawain ng Komunistang estado. Partikular na naantig ang kaniyang damdamin nang dalawang kapatid na lalaki na nasa mga edad 80 ang nagbigay sa kaniya ng donasyon na mga 100 dolyar (U.S.) para sa gawaing pangangaral. Inipon nila ito sa loob ng maraming taon mula sa kanilang maliit na pensiyon mula sa estado.

Ang huling araw ng paglagi ni John sa Albania ay noong Marso 30, 1961​—ang petsa ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ibinigay ni John ang pahayag sa Memoryal sa 37 tagapakinig. Pagkatapos ng pahayag, agad na inilabas ng mga kapatid si John sa pinto sa likod at inihatid siya sa daungan ng Durrës, kung saan sumakay siya sa isang barkong pangkalakal ng Turko na patungo sa Piraiévs (Piraeus), Gresya.

Maligaya akong makita siyang nakabalik nang ligtas. Ngayon ay maaari na naming ipagpatuloy ang nalalabi pa sa aming mapanganib na paglalakbay. Ang aming paglalakbay ay nagdala sa amin sa tatlong iba pang bansa sa Balkan na nagbawal sa ating gawain​—isang mapanganib na pakikipagsapalaran, yamang may dala kaming literatura sa Bibliya, mga makinilya, at iba pang gamit. Nagkapribilehiyo kaming makilala ang ilang matapat na kapatid na lalaki at babae na handang isapanganib ang kanilang mga trabaho, ang kanilang kalayaan, at maging ang kanilang buhay alang-alang kay Jehova. Ang kanilang sigasig at tunay na pag-ibig ay isang pinagmumulan ng inspirasyon. Humanga rin kami na binigyan kami ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.”

Nang matagumpay na matapos ang aming paglalakbay, nagbalik kami sa Estados Unidos. Nang sumunod na mga taon, patuloy kaming gumagamit ng iba’t ibang paraan upang maipadala ang literatura sa Albania at makatanggap ng mga ulat tungkol sa mga gawain ng ating mga kapatid.

Sa mga Paglalakbay ay Madalas, sa mga Panganib

Lumipas ang mga taon, at ako’y naiwang mag-isa pagkamatay ni John noong 1981, nang siya ay 76. May-kabaitang kinupkop ako ng aking pamangkin, si Evangelia, at ng kaniyang asawa, si George Orphanides, at sila ang naglaan ng mahalagang emosyonal at praktikal na tulong mula noon. Nasaksihan nila mismo ang tulong ni Jehova samantalang naglilingkod sa ilalim ng pagbabawal sa Sudan. *

Nang bandang huli, isang bagong pagsisikap ang ginawa upang makipagtalastasan sa ating mga kapatid sa Albania. Yamang ang aking asawa ay may mga kamag-anak na nakatira roon, ako’y tinanong kung papayag ba akong maglakbay sa bansang iyon. Siyempre pumayag ako!

Pagkatapos ng maraming buwan ng walang-lubay na pagsisikap, noong Mayo 1986, nakakuha ako ng visa mula sa embahada ng Albania sa Atenas. Mahigpit akong binabalaan ng mga miyembro ng diplomatikong kawani na kung may anumang masamang bagay na mangyari, hindi ako makaaasa ng anumang tulong mula sa ibang mga bansa. Nang lumapit ako sa isang ahente sa paglalakbay upang bumili ng tiket sa eroplano para sa Albania, nagtaka siya. Yamang hindi ko hinayaang pigilan ako ng takot, di-nagtagal ay sakay na ako ng nag-iisang eroplanong naglalakbay nang lingguhan mula sa Atenas patungong Tiranë. Tatlong napakatandang mga taga-Albania lamang ang nasa eroplanong iyon; sila’y nanggaling sa Gresya para sa medikal na mga kadahilanan.

Paglapag na paglapag ng eroplano, ako’y inihatid sa isang walang laman na silid na nagsisilbing tanggapan ng adwana. Bagaman hindi mga Saksi ni Jehova, ang aking bayaw at hipag ay handang tumulong sa akin na makipag-ugnayan sa ilang kapatid doon. Ayon sa batas, kailangang ipagbigay-alam nila sa pinuno ng pamayanan ang tungkol sa aking pagdating. Bunga nito, sinubaybayan ako nang husto ng pulisya. Kaya, iminungkahi ng mga kamag-anak ko na ako’y dumuon sa kanilang tahanan habang hinahanap nila ang dalawa sa mga kapatid na nakatira sa Tiranë at dalhin ang mga ito sa akin.

Nang panahong iyon, siyam na nakaalay na kapatid na lalaki ang kilala sa buong Albania. Ang mga taon ng pagbabawal, pag-uusig, at mahigpit na pagmamanman ang nagpangyari sa kanila na maging napakaingat. Makikita ang mga kulubot sa kanilang mga mukha. Pagkatapos kong matamo ang pagtitiwala ng dalawang kapatid na lalaki, ang kanilang unang tanong ay: “Nasaan ang mga Ang Bantayan?” Sa loob ng maraming taon ay mayroon lamang silang dalawang kopya ng matatandang aklat​—wala pa nga ni isang Bibliya.

Lubusan nilang inilahad ang tungkol sa malulupit na pamamaraan ng rehimen laban sa kanila. Binanggit nila ang kaso ng isang minamahal na kapatid na lalaki na determinadong manatiling neutral sa pulitika sa isang dumarating na halalan. Yamang kontrolado ng Estado ang lahat ng bagay, nangangahulugan ito na ang kaniyang pamilya ay hindi tatanggap ng anumang rasyon ng pagkain. Ang kaniyang may-asawang mga anak at ang kani-kanilang pamilya ay ipabibilanggong lahat, bagaman hindi sila nakikibahagi sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Dahil sa takot, iniulat na pinatay siya ng mga miyembro ng pamilya ng kapatid na ito noong gabi bago ang halalan, itinapon ang kaniyang bangkay sa isang balon, at nang maglaon ay sinabing ito ay natakot at nagpakamatay.

Ang karalitaan ng mga kapuwa Kristiyanong iyon ay makabagbag-damdamin. Gayunman, nang subukin kong bigyan ang bawat isa sa kanila ng 20-dolyar na salapi ay tumanggi sila, na nagsasabing, “Espirituwal na pagkain lamang ang gusto namin.” Ang mga mahal na kapatid na ito ay namuhay sa loob ng maraming dekada sa ilalim ng totalitaryong rehimen na matagumpay na nagturo sa karamihan ng mamamayan na maging mga ateista. Subalit ang kanilang pananampalataya at determinasyon ay kasintibay niyaong sa mga Saksi sa lahat ng dako. Ang kakayahan ni Jehova na maglaan ng “lakas na higit sa karaniwan,” kahit sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan, ay tunay na naitimo sa aking isipan nang umalis ako sa Albania pagkalipas ng dalawang linggo.

Nagkapribilehiyo rin akong dumalaw sa Albania noong 1989 at muli noong 1991. Habang unti-unting nagkakaroon ng kalayaan sa pananalita at sa relihiyon sa bansang iyon, ang bilang ng mga mananamba ni Jehova ay mabilis na dumami. Ang iilang nag-alay na mga Kristiyano na naroon noong 1986 ay lumago na ngayon tungo sa mahigit na 2,200 aktibong mamamahayag. Kabilang sa kanila si Melpo, ang aking hipag. Mayroon bang anumang pag-aalinlangan na ang pagpapala ni Jehova ay nasa tapat na grupong iyon?

Sa Lakas ni Jehova, Nagkaroon Ako ng Kasiya-siyang Buhay

Kapag aking ginugunita ang nakaraan, ako’y nagtitiwala na ang gawain namin​—kami ni John—ay hindi naging walang-kabuluhan. Ginamit namin ang aming lakas ng kabataan sa lubhang kapaki-pakinabang na paraan. Ang aming karera sa buong-panahong ministeryo ay naging mas makabuluhan kaysa sa anumang iba pa na maaari naming itaguyod. Nagagalak ako sa maraming minamahal na natulungan naming matuto ng katotohanan sa Bibliya. Ngayong may-edad na ako, buong-puso kong mapatitibay-loob ang mga kabataan na ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylalang sa mga araw ng kanilang kabataan.’​—Eclesiastes 12:1.

Bagaman 81 taóng gulang na, nagagawa ko pang maglingkod bilang isang buong-panahong mamamahayag ng mabuting balita. Gumigising ako nang maaga at nagpapatotoo sa mga tao sa mga hintuan ng bus, sa mga paradahan, sa mga lansangan, sa mga tindahan, o sa mga parke. Ang mga problema ng pagtanda ang nagpapahirap ngayon sa buhay, subalit ang aking maibiging espirituwal na mga kapatid​—ang aking malaking espirituwal na pamilya​—gayundin ang pamilya ng aking pamangkin, ay napatunayang isang tunay na alalay. Higit sa lahat, natutuhan ko na “ang lakas na higit sa karaniwan ay . . . sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.”​—2 Corinto 4:7.

[Mga talababa]

^ par. 10 Para sa talambuhay ni Emmanuel Lionoudakis, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1999, pahina 25-9.

^ par. 11 Para sa talambuhay ni Emmanuel Paterakis, tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1996, pahina 22-7.

^ par. 31 Tingnan ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 91-2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 25]

Itaas: Si John (dulong kaliwa), ako (gitna), kasama ang aking kuya na si Emmanuel sa kaliwa ko at ang aming nanay sa kaliwa ni kuya, kasama ang isang grupo ng mga Bethelite, Atenas, 1950

[Larawan sa pahina 25]

Kaliwa: Kasama si John sa aming negosyo sa dalampasigan ng New Jersey, 1956

[Larawan sa pahina 26]

Pandistritong kombensiyon sa Tiranë, Albania, 1995

[Larawan sa pahina 26]

Gusali ng Bethel, Tiranë, Albania. Natapos noong 1996

[Larawan sa pahina 26]

Itaas: artikulo mula sa isang “Bantayan” ng 1940 na palihim na isinalin sa wikang Albaniano

[Larawan sa pahina 26]

Kasama ng aking pamangkin, si Evangelia Orphanides (kanan), at ng kaniyang asawa, si George