Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Posible Nga ba ang Isang Lipunang Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Buhay?

Posible Nga ba ang Isang Lipunang Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Buhay?

Posible Nga ba ang Isang Lipunang Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Buhay?

SI John Adams, na naging ikalawang pangulo ng Estados Unidos, ay isa sa mga lumagda sa makasaysayang Deklarasyon ng Kasarinlan, na naglalakip sa napakagandang mga salitang ito: “Aming kinikilala ang mga katotohanang ito na nagpapatotoo sa ganang sarili, na ang lahat ng tao ay nilalang na magkakapantay.” Magkagayunman, maliwanag na duda si John Adams na ang mga tao ay talagang pantay-pantay, sapagkat isinulat niya: “Ang pagkadi-pantay-pantay ng Isipan at Katawan ay talagang inilagay ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa kaniyang Pagbuo sa Kalikasan ng Tao anupat walang plano o patakaran ang makapagpapantay sa mga ito kailanman.” Sa kabaligtaran, naguniguni ng Britanong istoryador na si H. G. Wells ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay (egalitarian) na salig sa tatlong bagay: iisa ngunit dalisay at walang-dungis na pandaigdig na relihiyon, parehong edukasyon para sa lahat, at walang hukbong sandatahan.

Hanggang sa ngayon, ang kasaysayan ay wala pang nagawang isang lipunang may pagkakapantay-pantay na naguniguni ni Wells. Ang mga tao ay talagang hindi pantay-pantay, at ang pagkakaiba ng katayuan ay isa pa ring nangingibabaw na katangian ng lipunan. Ang gayon bang mga pagkakaiba-iba ng katayuan ay nagdulot ng anumang mga kapakinabangan sa lipunan sa kabuuan? Hindi. Ang mga tao ay hinahati ng mga sistema sa pagkakaiba ng katayuan sa lipunan, na humahantong sa inggit, pagkapoot, dalamhati, at labis na pagdanak ng dugo. Ang dating mentalidad sa Aprika, Australia, at Hilagang Amerika na nakahihigit ang mga puti ay nagdulot ng kahapisan sa mga di-puti​—kalakip na ang ganap na paglipol sa lahi ng mga Katutubo sa Van Diemen’s Land (ngayon ay Tasmania). Sa Europa, ang pag-uuri sa mga Judio bilang nakabababa ay nagpasimula ng Holocaust. Ang malaking kayamanan ng aristokrasya at ang kawalang-kasiyahan sa gitna ng mga uring nakabababa at uring katamtaman ay mga salik na umakay sa Rebolusyong Pranses noong ika-18 siglo at sa Rebolusyong Bolshevik sa Russia noong ika-20 siglo.

Isang matalinong lalaki noong nakalipas ang sumulat: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Ang kaniyang mga pananalita ay totoo maging ang mga nanunupil man ay mga indibiduwal o mga grupo. Kapag iniangat ng isang grupo ng mga tao ang kanilang sarili sa iba, walang pagsalang magdudulot ito ng kahapisan at pagdurusa.

Sa Harap ng Diyos ay Pantay-Pantay ang Lahat

Ang ilang grupo ba ng mga tao ay likas na nakaaangat kaysa sa ibang grupo? Hindi gayon sa mata ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Isa pa, ang Maylalang ay “hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga prinsipe at hindi nagpapakundangan nang higit sa taong mahal kaysa sa maralita, sapagkat silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.” (Job 34:19) Lahat ng tao ay may iisang pinagmulan, at sa harap ng Diyos ang lahat ay isinilang na pantay-pantay.

Tandaan din, na kapag namatay ang isang tao, lahat ng pag-aangkin na siya ay nakatataas sa iba ay naglalaho. Hindi pinaniniwalaan iyan ng sinaunang mga Ehipsiyo. Kapag namatay ang isang Paraon, naglalagay sila ng mga mamahaling bagay sa kaniyang puntod upang matamasa niya ang mga ito habang patuloy niyang hinahawakan ang kaniyang mataas na katungkulan sa kabilang buhay. Gayon nga ba? Hindi. Karamihan sa mga kayamanang iyon ay nauwi sa kamay ng mga nagnanakaw sa mga libingan, at marami sa mga bagay na hindi nakuha ng mga magnanakaw ay makikita ngayon sa mga museo.

Yamang patay na siya, tiyak na hindi nagamit ng Paraon ang lahat ng mamahaling bagay na iyon. Sa kamatayan, walang uring nakatataas o nakabababa, walang mayaman o mahirap. Sinasabi ng Bibliya: “Ang marurunong na tao ay mamamatay; ang mangmang na mga tao, ang hangal na mga tao, ay naglalahong lahat. Sapagkat ang mga tao ay gaya ng barakong baka na namamatay, sila ay katulad ng baka na maikli ang panahon.” (Awit 49:10, 12, The New English Bible) Tayo man ay mga hari o mga alipin, ang kinasihang mga pananalitang ito ay kapit sa ating lahat: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.”​—Eclesiastes 9:5, 10.

Tayong lahat ay isinilang na pantay-pantay sa paningin ng Diyos, at lahat tayo ay magiging pantay-pantay sa kamatayan. Kaya, wala ngang kabuluhan na itaguyod ang isang grupo ng mga tao nang higit kaysa sa iba pa sa panahon ng ating maikling buhay!

Isang Lipunang Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Buhay​—Paano?

Gayunman, mayroon bang anumang pag-asa na balang araw ang mga nabubuhay ay magkakaroon ng isang lipunan kung saan ang katayuan ay hindi magiging mahalaga? Oo, mayroon. Halos 2,000 taon na ang nakalilipas nang si Jesus ay nasa lupa, itinatag ang saligan para sa gayong lipunan. Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang haing pantubos para sa lahat ng nananampalatayang sangkatauhan upang “bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 3:16.

Upang ipakita na walang sinuman sa kaniyang mga alagad ang dapat na mag-angat ng kanilang sarili sa ibang mga mananampalataya, sinabi ni Jesus: “Kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo. Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa.” (Mateo 23:8-12) Sa mga mata ng Diyos, lahat ng tunay na mga alagad ni Jesus ay pantay-pantay sa tunay na relihiyon.

Itinuring ba ng sinaunang mga Kristiyano ang kanilang sarili na pantay-pantay? Gayon nga ang ginawa ng mga nakaunawa sa diwa ng turo ni Jesus. Minalas nila ang bawat isa na pantay-pantay sa tunay na relihiyon at ipinakita ito sa pamamagitan ng pagtawag sa isa’t isa bilang “kapatid.” (Filemon 1, 7, 20) Hindi pinasigla ang sinuman na malasin ang kaniyang sarili na mas magaling sa iba. Halimbawa, isaalang-alang ang mapagpakumbabang paraan ng paglalarawan ni Pedro sa kaniyang sarili sa ikalawang liham niya: “Si Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Kristo, sa mga nagtamo ng pananampalataya, na tinataglay bilang pribilehiyong kapantay ng sa amin.” (2 Pedro 1:1) Si Pedro ay personal na naturuan ni Jesus, at bilang isang apostol, nagtaglay siya ng mahalagang posisyon ng pananagutan. Gayunman, itinuring niya ang kaniyang sarili bilang isang alipin at batid niya na ang ibang Kristiyano ay nagkaroon ng katulad na mga pribilehiyo na tinaglay niya may kaugnayan sa katotohanan.

Maaaring sabihin ng ilan na ang simulain ng pagkakapantay-pantay ay sinasalungat ng bagay na noong panahon bago ang mga Kristiyano, ginawa ng Diyos ang Israel na kaniyang pantanging bansa. (Exodo 19:5, 6) Maaari nilang sabihin na ito ay isang halimbawa ng kahigitan ng isang lahi, ngunit hindi gayon. Totoo na ang mga Israelita, bilang mga inapo ni Abraham, ay nagtamasa ng pantanging kaugnayan sa Diyos at ginamit sila bilang alulod para sa mga pagsisiwalat ng Diyos. (Roma 3:1, 2) Ngunit ang layunin nito ay hindi upang ilagay sila sa isang pedestal. Sa halip, ito ay upang “pagpapalain ang lahat ng bansa.”​—Genesis 22:18; Galacia 3:8.

Lumalabas na hindi tinularan ng karamihan sa mga Israelita ang pananampalataya ng kanilang ninunong si Abraham. Sila ay naging di-tapat at itinakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas. Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos. (Mateo 21:43) Gayunman, hindi naiwala ng maaamo sa sangkatauhan ang ipinangakong mga pagpapala. Noong Pentecostes 33 C.E., isinilang ang Kristiyanong kongregasyon. Ang organisasyong ito ng mga Kristiyano na pinahiran ng banal na espiritu ay tinawag na “Israel ng Diyos,” at ito nga ay naging alulod kung saan dadaloy ang mga pagpapalang iyon.​—Galacia 6:16.

Ang ilang miyembro ng kongregasyong iyan ay kinailangang turuan may kaugnayan sa pagkakapantay-pantay. Halimbawa, pinayuhan ng alagad na si Santiago ang mga taong nag-uukol ng higit na karangalan sa mayayamang Kristiyano kaysa sa mas mahihirap. (Santiago 2:1-4) Hindi tama iyon. Ipinakita ni apostol Pablo na ang mga Kristiyanong Gentil ay tiyak na hindi nakabababa kaysa sa mga Kristiyanong Judio, at ang mga babaing Kristiyano ay tiyak na hindi nakabababa kaysa sa mga lalaki. Sumulat siya: “Kayong lahat, sa katunayan, ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kay Kristo Jesus. Sapagkat kayong lahat na nabautismuhan kay Kristo ay ibinihis na si Kristo. Walang Judio ni Griego man, walang alipin ni taong laya man, walang lalaki ni babae man; sapagkat kayong lahat ay iisang tao na kaisa ni Kristo Jesus.”​—Galacia 3:26-28.

Mga Tao na Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Lipunan sa Ngayon

Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagsisikap na mamuhay ayon sa mga simulain sa Kasulatan. Batid nila na ang mga katayuan sa lipunan ay walang pantanging kahalagahan sa paningin ng Diyos. Kaya naman, hindi sila nahahati sa klero at lego, at sila ay hindi nababahagi ayon sa kulay ng balat o kayamanan. Bagaman ang ilan sa kanila ay maaaring mayaman, hindi sila nagtutuon ng pansin sa “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa,” sapagkat natatanto nila na ang gayong mga bagay ay pansamantala lamang. (1 Juan 2:15-17) Sa halip, ang lahat ay nagkakaisa sa kanilang pagsamba sa Soberano ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova.

Tinatanggap ng bawat isa sa kanila ang pananagutang makibahagi sa gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa kaniyang kapuwa. Tulad ni Jesus, nagpapakita sila ng dangal sa naaapi at napabayaan sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanila sa kanilang tahanan, na nag-aalok na turuan sila ng Salita ng Diyos. Yaong mga may mababang katayuan sa buhay ay gumagawang kasama ng mga maituturing ng ilan na uring nakatataas. Ang mahalaga ay ang espirituwal na mga katangian, hindi ang katayuan sa lipunan. Gaya noong unang siglo, ang lahat ay magkakapatid sa tunay na relihiyon.

Ang Pagkakapantay-pantay ay Nagpapahintulot sa Pagkakasari-sari

Sabihin pa, ang pagkakapantay-pantay ay hindi nangangahulugan ng ganap na pagkakapare-pareho. Ang mga lalaki at babae, matanda at bata, ay pawang makikita sa Kristiyanong organisasyon na ito na binubuo ng mga tao mula sa napakaraming lahi, wika, bansa, at kabuhayan. Bilang mga indibiduwal, mayroon silang iba’t ibang mental at pisikal na mga kakayahan. Ngunit ang mga pagkakaibang iyon ay hindi nagpapangyaring maging nakatataas ang ilan o nakabababa ang iba. Sa halip, ang gayong mga pagkakaiba-iba ay nagdudulot ng kasiya-siyang pagkakasari-sari. Natatanto ng mga Kristiyanong iyon na anumang mga kakayahan na taglay nila ay mga kaloob mula sa Diyos at hindi dahilan upang makadama na sila’y nakaaangat sa iba.

Ang pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan ay bunga ng pagsisikap ng tao na pamahalaan ang kaniyang sarili sa halip na sundin ang patnubay ng Diyos. Hindi na magtatagal, hahawakan na ng Kaharian ng Diyos ang pang-araw-araw na pamamahala sa lupang ito, at wawakasan nito ang gawang-taong mga pagkakaiba-iba ng katayuan sa lipunan, kalakip na ang lahat ng iba pang bagay na nagdulot ng pagdurusa sa loob ng maraming siglo. Pagkatapos, sa tunay na diwa, ‘ang maaamo ang magmamana ng lupa.’ (Awit 37:11) Ang lahat ng dahilan sa paghahambog hinggil sa ipinalalagay na kahigitan ng isa ay mawawala na. Hindi na muling pahihintulutan pa na hatiin ng mga katayuan sa lipunan ang pandaigdig na kapatiran ng tao.

[Blurb sa pahina 5]

Ang Maylalang ay “hindi nagpapakundangan nang higit sa taong mahal kaysa sa maralita, sapagkat silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.”​—Job 34:19.

[Larawan sa pahina 6]

Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng dangal sa kanilang kapuwa

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang espirituwal na mga katangian ang siyang mahalaga sa mga tunay na Kristiyano