Nagtitiwala Ka ba sa Isang Diyos na Totoo?
Nagtitiwala Ka ba sa Isang Diyos na Totoo?
Isang ekspedisyon na inatasan ng American Museum of Natural History ang naglakbay upang pag-aralan ang isang lupain sa Artiko na iniulat ng manggagalugad na si Robert E. Peary na nakita niya mga pitong taon na mas maaga, noong 1906.
MULA sa Cape Colgate sa pinakadulong bahagi ng hilagang-kanluran ng Hilagang Amerika, napansin ni Peary ang tila mapuputing taluktok ng isang malayong lupain. Pinanganlan niya itong Lupain ni Crocker na siyang pangalan ng isa sa mga sumusuporta sa kaniya sa pinansiyal. Gayon na lamang marahil ang pananabik ng mga miyembro ng kasunod na ekspedisyon nang masulyapan nila ang isang lugar na may mga burol, libis, at mga bundok na natatakpan ng niyebe! Ngunit di-nagtagal, natanto nila na ang nakikita lamang pala nila ay isang malikmata sa Artiko. Si Peary ay nadaya ng ilusyong ito sa mata dulot ng atmospera, at ngayon ay nakagugol na sila ng panahon, lakas, at pananalapi upang galugarin ang isang bagay na hindi naman totoo.
Sa ngayon, maraming tao ang naglalaan ng kanilang debosyon at panahon sa mga diyos na kanilang pinaniniwalaang totoo. Noong kapanahunan ng mga apostol ni Jesus, sinasamba ang mga diyos na tulad nina Hermes at Zeus. (Gawa 14:11, 12) Sa ngayon, ang mga diyos na sinasamba ng Shinto, Hindu, at ng iba pang relihiyon sa daigdig ay may bilang na milyun-milyon. Tunay nga, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “maraming ‘mga diyos’ at maraming ‘mga panginoon.’ ” (1 Corinto 8:5, 6) Maaari kayang ang lahat ng ito ay mga totoong diyos?
Mga Diyos na “Hindi Makapagligtas”
Halimbawa, isaalang-alang ang paggamit ng mga imahen o mga sagisag sa pagsamba. Sa mga nagtitiwala sa kanila o nananalangin sa pamamagitan nila, waring ang mga idolo ay mga tagapagligtas na nagtataglay ng mga kapangyarihang nakahihigit sa tao na makapagbibigay ng gantimpala o makapagliligtas sa kanila mula sa panganib. Ngunit talaga bang makapagliligtas ang mga ito? Hinggil sa gayong mga bagay, umawit ang salmista: “Ang mga idolo ng mga bansa ay pilak at ginto, ang gawa ng mga kamay ng makalupang tao. May bibig sila, ngunit wala silang masalita; may mga mata sila, ngunit wala silang makita; may mga Awit 135:15-17; Isaias 45:20.
tainga sila, ngunit wala silang marinig. Wala ring espiritu sa kanilang bibig.” Tunay nga, sila ay mga diyos na “hindi makapagligtas.”—Totoo, maaaring iukol ng mga gumagawa ng mga idolo ang buhay at kapangyarihan sa gawa ng kanilang mga kamay. At yaong mga sumasamba sa mga idolo ay nagtitiwala sa mga ito. “Pinapasan nila [ang isang idolo] sa balikat,” ang sabi ng propetang si Isaias, “binubuhat nila iyon at inilalagay sa dako niyaon upang makatayo.” Idinagdag pa niya: “Mula sa kinatatayuan niyaon ay hindi iyon umaalis. May dumaraing pa nga roon, ngunit iyon ay hindi sumasagot; mula sa kaniyang kabagabagan ay hindi siya inililigtas niyaon.” (Isaias 46:7) Ang katotohanan ay na ang idolo ay nananatiling walang buhay gaanuman karubdob ang paniniwala ng mga nagtitiwala rito. Ang gayong inukit na mga imahen at binubong mga estatuwa ay “walang-silbing mga diyos.”—Habakuk 2:18.
Ang pag-idolo, pagpapakundangan, o labis na paghanga sa mga prominenteng tao sa daigdig ng libangan, palakasan, sistemang pulitikal, at sa ilang relihiyosong lider ay karaniwan din sa ngayon. Karagdagan pa, ang salapi ay isang diyos sa marami. Sa bawat kaso, ang mga idolong ito ay napatunayang wala naman palang halaga. Hindi kayang ilaan ng mga ito ang lahat ng bagay na inaasam-asam ng mga naniniwala sa mga ito. Halimbawa, maaaring lumitaw na ang kayamanan ang sagot sa maraming problema, ngunit ang kapangyarihan ng kayamanan ay mapanlinlang. (Marcos 4:19) Nagtanong ang isang mananaliksik: “Bakit nga ba kapag ang isang bagay na lubhang hinahangad ng maraming tao at pinaniniwalaang kalutasan sa lahat ng problema ay nakamtan, ito’y nakapagdudulot ng napakaraming epekto mula sa nakasisiphayo hanggang sa traumatiko?” Oo, ang pagtataguyod ng kayamanan ay maaaring humiling na isakripisyo ng isang tao ang bagay na tunay na mahalaga, tulad ng mabuting kalusugan, isang kasiya-siyang buhay pampamilya, matalik na mga pagkakaibigan, o ng mahalagang ugnayan sa Maylalang. Ang diyos niya pala ay isang “idolong di-totoo”!—Jonas 2:8.
“Walang Sinumang Sumasagot”
Kamangmangan na tawaging totoo ang isang bagay na di-totoo. Natutuhan ito ng mga mananamba ng diyos na si Baal sa isang mapait na karanasan noong kapanahunan ni propeta Elias. Matibay ang kanilang paniniwala na si Baal ay may kapangyarihan na magpababa ng apoy mula sa langit upang tupukin ang hayop na inihain. Sa katunayan, “patuloy silang tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghali, na sinasabi: ‘O Baal, sagutin mo kami!’ ” May mga tainga ba si Baal na nakaririnig at may bibig na nakapagsasalita? Nagpapatuloy ang ulat: “Walang tinig, at walang sinumang sumasagot.” Tunay nga, “walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:26, 29) Si Baal ay di-totoo, di-buháy, o di-aktibo.
Talaga namang napakahalaga na makilala natin at sambahin ang isang Diyos na totoo! Ngunit sino ba siya? At paano tayo makikinabang sa pagtitiwala sa kaniya?
[Mga larawan sa pahina 3]
Sinusuri ng kasamahan ni Peary na si Egingwah ang tanawin upang makahanap ng lupa
Robert E. Peary
[Credit Lines]
Egingwah: Mula sa aklat na The North Pole: Its Discovery in 1909 Under the Auspices of the Peary Arctic Club, 1910; Robert E. Peary: NOAA
[Mga larawan sa pahina 4]
Marami ang nalilinlang ng mga bagay na iniidolo sa sanlibutang ito