Ang Modernong-Panahong mga Martir ay Nagpatotoo sa Sweden
Ang Modernong-Panahong mga Martir ay Nagpatotoo sa Sweden
ANG salitang Griego para sa “magpatotoo” ay martyr, na doo’y nagmula ang salitang Ingles na “martyr,” na ang ibig sabihin ay “isa na nagpapatotoo sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan.” Marami sa unang siglong mga Kristiyano ang nagpatotoo tungkol kay Jehova nang sila’y mamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya.
Gayundin, sa ika-20 siglo, libu-libong Saksi ang namatay sa mga kamay ng mga tapat na tagasunod ni Hitler dahil sa pagpapanatili ng kanilang neutralidad sa pulitikal at nasyonalistikong mga isyu. Ang mga modernong-panahong martir na ito ay naglaan din ng isang mapuwersang patotoo. Ito ang nangyari sa Sweden kamakailan.
May kaugnayan sa ika-50 anibersaryo ng katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, pinasimulan ng pamahalaang Sweko ang isang kampanya ng pagtuturo sa buong bansa tungkol sa Holocaust. Ang proyekto ay tinawag na Buháy na Kasaysayan. Inimbitahan ang mga Saksi ni Jehova na makibahagi at maglahad ng kanilang mga karanasan.
Ang mga Saksi ay tumugon sa pamamagitan ng pagtatanghal ng isang eksibisyon na pinamagatang Ang Nakalimutang mga Biktima ng Holocaust. Ito’y pinasimulang itanghal sa Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Strängnäs. Ang mga Saksing nakaligtas sa Holocaust ay naroroon upang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mahigit na 8,400 bisita na dumating sa unang araw! Sa katapusan ng 1999, ang eksibisyon ay naipakita sa 100 museo at pampublikong aklatan sa buong Sweden, at iyon ay nakita ng mga 150,000 tao. Kasama sa mga bisita ang ilang opisyal ng pamahalaan, na nagkomento nang paborable sa kanilang nakita.
Wala pang ibang pangyayari may kaugnayan sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Sweden ang may gayong kalawak na pagpapalabas sa publiko at tumanggap ng gayong paborableng publisidad. Maraming bisita ang nagtanong: “Bakit hindi ninyo sinabi sa amin noon ang tungkol sa inyong mga karanasan sa Holocaust?”
Pagkatapos na maipalabas ang eksibisyon sa kanilang lugar, isang kongregasyon ang nag-ulat ng 30-porsiyentong pagsulong sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya! Isang Saksi ang nag-imbita sa isang kamanggagawa upang tingnan ang eksibit. Malugod na tinanggap ng kasamahan ang paanyaya at isinama ang isang kaibigan. Pagkaraan, ang kaibigan ay nagsabi na nahirapan siyang unawain kung paanong ang mga tao ay maaaring magkaroon ng gayong katibay na pananampalataya anupat nanaisin pa nilang mamatay kaysa sa pumirma ng isang dokumento na itinatakwil ang kanilang pananampalataya. Ito’y umakay pa sa karagdagang mga talakayan, at isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan sa kaniya.
Katulad ng kanilang unang-siglong parisan, ang ika-20-siglong tapat na mga martir na ito ay may-katapangang nagpapatotoo na si Jehova ang tanging tunay na Diyos, na karapat-dapat sa ating di-natitinag na pananampalataya at katapatan.—Apocalipsis 4:11.
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Bilanggo sa kampo: Państwowe Muzeum Oświęcim-Brzezinka, sa kagandahang-loob ng USHMM Photo Archives