Isang Lunsod sa Ibabaw ng Bundok
Isang Lunsod sa Ibabaw ng Bundok
“KAYO ang liwanag ng sanlibutan. Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok.—Mateo 5:14.
Maraming bayan sa Judea at Galilea ang nasa itaas ng mga bundok sa halip na nasa mga libis sa ibaba. Ang pangunahing dahilan sa pagpili sa mga itaas ng burol ay ang kaligtasan. Bukod sa sumasalakay na mga hukbo, winawasak ng mga pangkat ng mandarambong ang mga pamayanan ng mga Israelita. (2 Hari 5:2; 24:2) Mas madaling maipagtatanggol ng matatapang na mamamayan ang magkakalapit na bahay sa tuktok ng bundok kaysa sa isang bayan sa mababang lupain, na nangangailangan ng mas malalaking pader bilang proteksiyon.
Yamang ang mga pader ng mga bahay ng Judio ay karaniwang napapalitadahan ng apog, ang buong pangkat na ito ng magkakalapit na puting bahay sa itaas ng isang burol ay madaling makita milya-milya ang layo sa palibot. (Gawa 23:3) Sa maliwanag na sikat ng araw sa Palestina, ang mga bayan na ito sa burol ay sumisikat na parang isang parola, katulad ng mga bayan sa Mediteraneo sa ating kaarawan.
Ginamit ni Jesus ang kapansin-pansing katangiang ito ng mga lalawigan ng Galilea at Judea upang turuan ang kaniyang mga tagasunod hinggil sa papel ng isang tunay na Kristiyano. “Sa gayunding paraan ay pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao,” ang sabi niya sa kanila, “upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16) Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi gumagawa ng maiinam na gawa upang purihin ng mga tao, napapansin naman ang kanilang mabuting paggawi.—Mateo 6:1.
Ang gayong mabuting paggawi ay lalo nang kapansin-pansin sa panahon ng mga pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Isang pahayagan sa Espanya, na bumabanggit sa isang kombensiyon kamakailan, ang nag-ulat: “Samantalang ang interes sa relihiyosong mga paksa ay humihina sa ibang relihiyon, hindi ganito ang kalagayan sa mga Saksi ni Jehova. Yamang ayaw nilang mawalan ng praktikal na kahalagahan ang Bibliya, ikinakapit nila ang sinasabi ng Salita ng Diyos.”
Si Thomas, ang tagapag-ingat ng isang istadyum sa hilagang-kanluran ng Espanya na regular na ginagamit ng mga Saksi, ay nasisiyahang makasama ang mga tao na nagkakapit ng Salita ng Diyos. Inantala niya ang kaniyang pagreretiro nang ilang linggo upang naroroon siya sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Kapag nilalapitan siya ng maraming delegado, pati na ng mga kabataan, pagkatapos ng kombensiyon upang pasalamatan siya sa pakikipagtulungan niya sa nakalipas na mga taon at upang batiin siya sa kaniyang pagreretiro, napapaiyak siya. “Ang pagkakataong makilala kayo ay naging isa sa pinakamaiinam na karanasan ko sa buhay,” aniya.
Ang isang lunsod na nasa itaas ng bundok ay nakatatawag ng pansin ng isang nagmamasid sapagkat kitang-kita ito sa kaparangan at sapagkat masasalamin sa anumang puting bahay sa bundok ang liwanag ng araw. Sa katulad na paraan, ang tunay na mga Kristiyano ay naiiba sapagkat sinisikap nilang sundin ang mataas na maka-Kasulatang mga pamantayan ng katapatan, moralidad, at pagkamahabagin.
Karagdagan pa, ipinakikita ng mga Kristiyano ang liwanag ng katotohanan sa pamamagitan ng kanilang gawaing pangangaral. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mga Kristiyano noong unang-siglo: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa awa na ipinakita sa amin, hindi kami nanghihimagod . . . kundi sa paghahayag ng katotohanan ay inirerekomenda ang aming sarili 2 Corinto 4:1, 2) Bagaman dumanas sila ng pagsalansang saanman sila nangaral, pinagpala ni Jehova ang kanilang ministeryo, anupat noong mga taóng 60 C.E., naisulat ni Pablo na ang mabuting balita ay ipinangangaral “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.” (Sa ngayon, dinidibdib din ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pananagutan na ‘pasikatin ang kanilang liwanag sa harap ng mga tao,’ gaya ng utos ni Jesus. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iba at ng inilathalang materyal, ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa 235 lupain sa buong daigdig. Upang ang liwanag ng katotohanan sa Bibliya ay makarating sa maraming tao hangga’t maaari, ang kanilang mga publikasyong salig sa Bibliya ay makukuha sa humigit-kumulang 370 wika.—Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7.
Sa maraming lugar, hinarap ng mga Saksi ang hamon ng pag-aaral ng mga wika ng mga taong nandayuhan mula sa mga bansa kung saan ang gawaing pangangaral ay ipinagbabawal ngayon o noon. Halimbawa, sa maraming malalaking lunsod sa Hilagang Amerika, nagdatingan ang maraming tao mula sa Tsina at Russia. Ang mga Saksi roon ay nagsikap na matuto ng wikang Tsino, Ruso, at iba pang wika upang ipangaral ang mabuting balita sa mga bagong dating. Sa katunayan, idinaraos ang mga kursong dinisenyo upang madaling matutuhan ang maraming wika para ang mabuting balita ay maipangaral pa sa iba habang ang bukid ay ‘maputi pa para sa pag-aani.’—Juan 4:35.
Inihula ni propeta Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.” Kapuwa sa pamamagitan ng kanilang paggawi at sa pamamagitan ng kanilang ministeryo, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao saanman na pumaroon sa “bundok ng bahay ni Jehova” upang maturuan sila tungkol sa mga daan ng Diyos at matutong lumakad sa landas ng Diyos. (Isaias 2:2, 3) Gaya ng binanggit ni Jesus, ang maligayang resulta ay na sama-sama silang ‘nagbibigay ng kaluwalhatian sa kanilang makalangit na Ama,’ ang Diyos na Jehova.—Mateo 5:16; 1 Pedro 2:12.