Ang Simbahan at Estado sa Byzantium
Ang Simbahan at Estado sa Byzantium
NAPAKALIWANAG ng sinabi ng tagapagtatag ng Kristiyanismo hinggil sa malaking pagkakaiba na dapat umiral sa pagitan ng kaniyang mga tagasunod at ng sanlibutan ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19) Ipinahayag ni Jesus kay Pilato, isang kinatawan ng pulitikal na kapangyarihan noong kaniyang kaarawan: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Upang maisakatuparan ang kanilang pananagutan na mangaral “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa,” kailangang iwasan ng mga Kristiyano na magambala ng sekular na mga gawain. (Gawa 1:8) Tulad ni Jesus, ang unang mga Kristiyano ay hindi nakisangkot sa pulitika. (Juan 6:15) Kapansin-pansin na ang tapat na mga Kristiyano ay hindi nasangkot sa panunungkulan sa pamahalaan o sa administratibong mga posisyon. Nang dakong huli ito’y nagbago.
“Bahagi ng Sanlibutan”
Mga ilang panahon pagkatapos mamatay ang huli sa mga apostol, kusang-loob na binago ng relihiyosong mga lider ang kanilang pangmalas hinggil sa kanilang kaugnayan sa sanlibutan. Sinimulan nilang gunigunihin ang isang “kaharian” na hindi lamang nasa sanlibutan kundi bahagi rin naman nito. Ang isang pagsusuri sa kung paanong ang relihiyon at pulitika ay naging magkaugnay sa Imperyo ng Byzantine—ang Imperyong Romano sa Silangan, na ang kabisera ay nasa Byzantium (ngayon ay Istanbul)—ay tunay na nakapagtuturo.
Sa isang lipunan na kung saan ang relihiyon ay karaniwan nang gumaganap ng malaking bahagi, ang Simbahang Byzantine, na ang sentro ay nasa Byzantium, ay nagtaglay ng malaking kapangyarihan. Ang istoryador ng simbahan na si Panayotis Christou ay nagsabi minsan: “Minalas ng mga Byzantine ang kanilang makalupang imperyo na isang larawan ng Kaharian ng Diyos.” Gayunman, hindi gayon ang pangmalas ng awtoridad ng imperyo. Bilang resulta, ang ugnayan sa pagitan ng Simbahan at Estado ay magulo kung minsan. Ang The Oxford Dictionary of Byzantium ay nagsabi: “Ang mga obispo ng Constantinople [o Byzantium] ay nagpakita ng maraming pagkakaiba-iba ng pag-uugali, kalakip na ang pagiging sunud-sunuran sa isang makapangyarihang tagapamahala . . . , matagumpay na pakikipagtulungan sa emperador . . . , at may-katapangang pagsalansang sa kagustuhan ng emperador.”
Ang patriyarka ng Constantinople, ang pinuno ng Silangang Simbahan, ay naging lubhang maimpluwensiyang tao. Siya
mismo ang nagpuputong ng korona sa emperador, kung kaya inaasahan niya ito na maging matapat na tagapagtanggol ng Ortodokso. Napakayaman din ng patriyarka, yamang kontrolado niya ang malaking kayamanan ng simbahan. Makapangyarihan din siya dahil sa kaniyang awtoridad sa napakaraming monghe at sa kaniyang impluwensiya sa lego.Ang patriyarka ay malimit na nasa kalagayan upang labanan ang emperador. Maaari siyang magbanta ng ekskomunikasyon—anupat iginigiit ang kaniyang kalooban sa ngalan ng Diyos—o gumamit ng ibang paraan na ikatatanggal sa tungkulin ng mga emperador.
Sa unti-unting paghina ng pangasiwaang sibil sa labas ng kabisera, ang mga obispo ay malimit na maging pinakamakapangyarihang mga tao sa kanilang mga siyudad, kasingkapangyarihan ng mga gobernador ng lalawigan, na siyang tinulungan ng mga obispo na mahirang. Ang mga obispo ay nagbibigay-pansin sa mga kaso sa hukuman at sekular na mga negosyo kailanma’t ang simbahan ay sangkot at kung minsan kahit na hindi. Ang isang tiyak na dahilan ay sapagkat ang mga pari at monghe, na pawang
napasasakop sa kanilang lokal na mga obispo, ay bumibilang sa sampu-sampung libo.Pulitika at Simoniya
Tulad ng ipinakita sa itaas, lubhang naging magkaugnay ang tanggapan ng pastoral at pulitika. Bukod diyan, ang malaking bilang ng mga klero at ang kanilang mahalagang relihiyosong mga gawain ay nangangailangan ng malaking halaga ng salapi. Karamihan sa klerigo na may matataas na ranggo ay namumuhay nang maluho. Habang ang simbahan ay nagtatamo ng kapangyarihan at kayamanan, naglalaho naman ang apostolikong kahirapan at kabanalan. Ang ilang mga pari at obispo ay nagbabayad upang mahirang sila. Ang simoniya ay pangkaraniwan na hanggang sa pinakamatataas na ranggo ng herarkiya. Ang mga klerigo na suportado ng mayayamang kinatawan ay nakikipagpaligsahan para sa eklesyastikong mga tungkulin sa harap ng emperador.
Ang mga suhol ay isa ring paraan upang maimpluwensiyahan ang nakatataas na relihiyosong mga lider. Nang ipinapatay ni Emperatris Zoe (c. 978-1050 C.E.) ang kaniyang asawang si Romanus III at hinangad na pakasalan ang kaniyang mangingibig at ang magiging Emperador Michael IV, dali-dali niyang ipinatawag si Patriyarka Alexius sa palasyo. Doon ay napag-alaman ng patriyarka ang kamatayan ni Romanus at ang inaasahang serbisyo sa kasal. Hindi naging madali para kay Alexius ang kalagayan yamang ipinangingilin ng simbahan ang Biyernes Santo nang gabing iyon. Gayunman, tinanggap niya ang maraming kaloob na inialok ng emperatris at pinagbigyan ang kahilingan nito.
Pagiging Sunud-sunuran sa Emperador
Kung minsan, sa kasaysayan ng Imperyo ng Byzantine, ginagamit ng emperador ang kaniyang aktuwal na karapatan ng paghirang kapag pumipili ng patriyarka ng Constantinople. Sa mga panahong iyon, walang sinuman ang maaaring maging patriyarka o manatiling gayon nang matagal nang labag sa kalooban ng emperador.
Kinailangang palitan ni Emperador Andronicus II (1260-1332) ang mga patriyarka nang siyam na beses. Kadalasan sa gayong mga kaso, ang tunguhin ay ilagay ang pinakamadaling maimpluwensiyahang kandidato sa trono ng patriyarka. Ayon sa aklat na The Byzantines, ang isang patriyarka ay gumawa pa nga ng isang nasusulat na pangako sa emperador “na gagawin ang anumang hilingin niya, kahit na labag sa batas, at iiwas sa paggawa ng anumang bagay na di-makalulugod sa kaniya.” Dalawang beses na sinubok ng mga emperador na igiit ang kanilang kagustuhan sa simbahan sa pamamagitan ng pagtatalaga sa isang prinsipe ng pamilyang maharlika bilang patriyarka. Itinaas ni Emperador Romanus I ang kaniyang anak na lalaki na si Theophylact, na 16 na taóng gulang lamang, sa tungkulin ng patriyarka.
Kung mabigo ang isang patriyarka na palugdan siya, maaaring pilitin ng soberano na magbitiw sa tungkulin ang patriyarka o maaari niyang tagubilinan ang sinodo na alisin ito sa tungkulin. Ang aklat na Byzantium ay nagsabi: “Sa buong kasaysayan ng Byzantine, ang nakatataas na awtoridad at maging ang tuwirang impluwensiya ng Emperador ay lalong nagkaroon ng napakahalagang bahagi sa pagpili ng mga obispo.”
Katabi ang patriyarka, pinangangasiwaan din ng emperador ang mga konseho ng simbahan. Siya ang gumagabay sa mga debate, bumubuo ng mga doktrina ng pananampalataya, at nakikipagtalo sa mga obispo at gayundin sa mga heretiko, kung saan siya’y may pangwakas na argumento—ang kamatayan sa tulos. Inaaprobahan at ipinatutupad din ng emperador ang mga batas na pinagtibay sa konseho. Pinaratangan niya yaong mga sumasalungat sa kaniya hindi lamang ng lèse-majesté (pagtataksil laban sa soberanong kapangyarihan) kundi ng pagiging mga kaaway rin naman ng simbahan
at ng Diyos. “Walang anumang bagay ang dapat gawin sa Simbahan na salungat sa kalooban at mga kautusan ng Emperador,” sabi ng isang ikaanim-na-siglong patriyarka. Ang mga obispo sa paligid ng palasyo—na magagalang, mga sunud-sunuran, madaling maimpluwensiyahan sa pamamagitan ng maingat na pagpapahayag ng pabor at tusong pakikipagkasundo—ay karaniwan nang hindi tumututol sa nakatataas sa kanila.Halimbawa, nang tanggihan ng patriyarkang si Ignatius (c. 799-878 C.E.) ang pangungumonyon ni Bardas na punong ministro, gumanti ang ministro. Isinangkot ni Bardas si Ignatius sa isang diumano’y sabuwatan at pagtataksil. Ang patriyarka ay inaresto at pinalayas. Bilang kahalili niya, sinikap ng ministro na ihalal si Photius, isang karaniwang tao na kung saan sa loob lamang ng anim na araw ay sumulong sa lahat ng eklesyastikong kaayusan, na nang dakong huli ay nakaabot sa ranggo ng patriyarka. Si Photius ba’y kuwalipikado para sa posisyong iyon bilang isang patriyarka? Siya’y inilarawan bilang isang lalaki “na napakataas ng ambisyon, ubod ng yabang, at walang-katulad ang kakayahan sa pulitika.”
Doktrina sa Kapakinabangan ng Pulitika
Kadalasang pinagtatakpan ng mga pagtatalo sa ortodokso at erehiya ang pulitikal na pagsalansang, at nakaimpluwensiya sa maraming emperador ang pulitikal na mga salik sa halip na ang hangarin na magmungkahi ng bagong mga doktrina. Karaniwan na, nakasalalay sa emperador ang karapatang magdikta ng doktrina at pasunurin ang simbahan sa kaniyang kalooban.
Halimbawa, lubos na nagsikap si Emperador Heraclius (575-641 C.E.) upang lunasan ang isang pagkakabaha-bahagi hinggil sa kalikasan ng Kristo na nagsasapanganib na humati sa kaniyang lupaypay at mahinang imperyo. Palibhasa’y sinisikap na makipagkompromiso, nagmungkahi siya ng isang bagong doktrina na tinawag na Monothelitism. * Pagkatapos, upang matiyak ang katapatan ng timugang mga lalawigan ng kaniyang imperyo, pumili si Heraclius ng isang bagong patriyarka ng Alexandria, si Ciro ng Phasis, na siyang nagpatibay sa doktrina na sinuportahan ng emperador. Hindi lamang ginawang patriyarka si Ciro ng emperador kundi prepekto rin naman ng Ehipto, na may awtoridad sa lokal na mga tagapamahala nito. Dahil sa panggigipit ng bahagyang pag-uusig, natamo ni Ciro ang pagsang-ayon ng karamihan ng Ehipsiyong simbahan.
Isang Mapait na Bunga
Paano masasalamin sa mga pangyayaring ito ang salita at espiritu ng panalangin ni Jesus kung saan sinabi niya na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan”?—Juan 17:14-16.
Inani ng nag-aangking mga pinunong Kristiyano noong panahon ng Byzantine at pagkatapos nito ang mapait na bunga ng kanilang pakikisangkot sa pulitikal at militar na gawain ng sanlibutan. Ano ang sinasabi sa iyo ng maikling pagsasaalang-alang na ito ng kasaysayan? Nakamit kaya ng mga pinuno ng Simbahan ng Byzantine ang pagsang-ayon ng Diyos at ni Jesu-Kristo?—Santiago 4:4.
Ang tunay na Kristiyanismo ay hindi nakikinabang sa gayong ambisyosong mga pinuno ng mga relihiyon at sa kanilang pulitikal na mga kalaguyo. May-kamaliang kinatawan ng ganitong di-banal na pagsasama ng relihiyon at pulitika ang dalisay na relihiyon na itinuro ni Jesus. Nawa’y matuto tayo mula sa kasaysayan at manatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.”
[Talababa]
^ par. 21 Ang monothelitism ay paniniwala na bagaman may dalawang kalikasan bilang Diyos at tao, si Kristo ay may iisang kalooban.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
“HUMAHAKBANG NA PARANG DIYOS SA KALANGITAN”
Ang mga pangyayaring naganap kay Patriyarka Michael Cerularius (c. 1000-1059) ay karaniwan sa papel na maaaring gampanan ng tagapangulo ng simbahan sa mga gawain ng Estado at sa mga ambisyong nasasangkot. Pagkatapos na maging patriyarka, hinangad ni Cerularius ang mas mataas na posisyon. Siya’y inilarawan bilang arogante, pangahas, at di-nakikipagkompromiso—“siya’y waring humahakbang na parang Diyos sa kalangitan kung kumilos.”
Sa hangaring itaguyod ang kaniyang sarili, nagsulsol ng pagkakabaha-bahagi si Cerularius kasama ng papa sa Roma noong 1054, at napilitan ang emperador na tanggapin ang pagkakahati. Palibhasa’y nasiyahan sa tagumpay na ito, isinaayos ni Cerularius na iluklok sa trono si Michael VI at tinulungan siya na patibayin ang kaniyang kapangyarihan. Makalipas ang isang taon, pinuwersa ni Cerularius ang emperador na iyon upang magbitiw at iniluklok si Isaac Comnenus (c. 1005-1061) sa trono.
Ang hidwaan sa pagitan ng tanggapan ng patriyarka at imperyo ay lumalâ. Si Cerularius—palibhasa’y nakatitiyak sa suporta ng madla—ay nagbanta, nag-utos, at bumaling sa karahasan. Isang kapanahong istoryador ay nagsabi: “Kaniyang inihula ang pagbagsak ng Emperador sa palasak, masagwang pananalita, na sinasabi, ‘Pinarangalan kita, ikaw na sirâ ang ulo; ngunit dudurugin kita.’ ” Gayunman, ipinaaresto, ipinabilanggo, at ipinatapon siya ni Isaac Comnenus sa Imbros.
Ipinakikita ng gayong mga halimbawa kung paanong ang patriyarka ng Constantinople ay makalilikha ng kaguluhan at kung paano niya maaaring buong tapang na salansangin ang emperador. Madalas na kailangang pakitunguhan ng emperador ang gayong uri ng mga tao, na dalubhasang mga pulitiko, may-kakayahang salansangin kapuwa ang emperador at hukbo.
[Mapa/Larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Sukdulang Lawak ng Imperyo ng Byzantine
Ravenna
Roma
MACEDONIA
Constantinople
Dagat na Itim
Nicaea
Efeso
Antioquia
Jerusalem
Alexandria
Dagat Mediteraneo
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
Comnenus
Romanus III (sa kaliwa)
Michael IV
Emperatris Zoe
Romanus I (sa kaliwa)
[Credit Lines]
Comnenus, Romanus III, at Michael IV: Sa kagandahang-loob ng Classical Numismatic Group, Inc.; Emperatris Zoe: Hagia Sophia; Romanus I: Larawan sa kagandahang-loob ng Harlan J. Berk, Ltd.
[Larawan sa pahina 12]
Photius
[Larawan sa pahina 12]
Heraclius at anak
[Credit Lines]
Heraclius at anak: Larawan sa kagandahang-loob ng Harlan J. Berk, Ltd.; lahat ng elemento ng disenyo, pahina 8-12: Mula sa aklat na L’Art Byzantin III Ravenne Et Pompose