Lubusang Nasasangkapan Bilang mga Guro ng Salita ng Diyos
Lubusang Nasasangkapan Bilang mga Guro ng Salita ng Diyos
‘Ang Diyos ay nagpangyari nga na maging lubusan kaming kuwalipikado upang maging mga ministro.’—2 CORINTO 3:5, 6.
1, 2. Anong mga pagsisikap sa pangangaral ang isinasagawa kung minsan, subalit bakit karaniwan nang nabibigo ang mga ito?
ANO ang madarama mo kung bibigyan ka ng isang trabaho na hindi ka naman kuwalipikado na gawin iyon? Gunigunihin mo ito: Ang mga materyales na kailangan mo ay nasa harap mo na, at nariyan na rin ang mga kasangkapan. Ngunit hindi mo alam kung paano gagawin ang trabaho. Ang mas masahol pa rito, apurahan ang partikular na trabahong ito. May mga taong umaasa sa iyo. Tunay ngang nakasisiphayo!
2 Ang gayong gipit na kalagayan ay hindi ganap na guniguni lamang. Tingnan ang isang halimbawa. May mga panahon na ang isa sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay nagtangkang mag-organisa at magsagawa ng ministeryong pagbabahay-bahay. Karaniwan nang nabibigo ang gayong mga pagsisikap, anupat naglalaho pagkaraan lamang ng ilang linggo o buwan. Bakit? Hindi tinutulungan ng Sangkakristiyanuhan ang mga tagasunod nito na maging kuwalipikado para sa gawaing iyon. Maging ang klero ay hindi kuwalipikado para sa gawaing pangangaral na iyon, kadalasan sa kabila ng maraming taon ng edukasyon sa sekular na mga paaralan o mga seminaryo. Bakit natin masasabi ito?
3. Sa 2 Corinto 3:5, 6, anong pananalita ang ginamit nang tatlong beses, at ano ang ibig sabihin nito?
3 Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos kung ano ang nagpapangyari upang ang isa ay maging kuwalipikado bilang isang tunay na mángangarál ng Kristiyanong mabuting balita. Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Hindi sa kami sa ganang amin ay lubusang kuwalipikado upang isipin na ang anumang bagay ay nanggagaling sa aming sarili, kundi ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos, na nagpangyari nga na maging lubusan kaming kuwalipikado upang maging mga ministro.” (2 Corinto 3:5, 6) Pansinin ang pananalitang ginamit nang tatlong beses dito—“lubusang kuwalipikado.” Ano ba ang kahulugan nito? Ganito ang sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words: “Kapag tumutukoy sa mga bagay [ang orihinal na salitang Griego] ay nangangahulugang ‘sapat’ . . . ; kapag tumutukoy sa mga tao, ito ay nangangahulugang ‘may kakayahan,’ ‘karapat-dapat.’ ” Kung gayon, ang isa na “lubusang kuwalipikado” ay may kakayahan at karapat-dapat na magsagawa ng isang atas. Oo, ang tunay na mga ministro ng mabuting balita ay kuwalipikado sa gawaing ito. Sila ay may kakayahan, nakahanda, o karapat-dapat na mangaral.
4. (a) Paano ipinakikita ng halimbawa ni Pablo na hindi limitado sa ilang piling tao ang pagiging kuwalipikado sa ministeryong Kristiyano? (b) Ano ang tatlong paraan na sa pamamagitan nito ay pinangyayari ni Jehova na maging kuwalipikado tayo bilang mga ministro?
4 Subalit saan ba nanggagaling ang kuwalipikasyong ito? Mula sa personal na mga kakayahan? Mula sa nakahihigit na talino? Mula sa pantanging edukasyon sa mga kilalang paaralan? Maliwanag na taglay ni apostol Pablo ang lahat ng iyon. (Gawa 22:3; Filipos 3:4, 5) Gayunman, mapagpakumbabang kinilala niya na ang kaniyang mga kuwalipikasyon bilang isang ministro ay nagmula, hindi sa kilalang mga paaralan ng mataas na edukasyon, kundi sa Diyos na Jehova. Para lamang ba sa ilang piling tao ang gayong kuwalipikasyon? Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Corinto tungkol sa ‘ating pagiging lubusang kuwalipikado.’ Talagang ipinahihiwatig nito na tinitiyak ni Jehova na lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod ay may kakayahan at maisasakatuparan ang gawain na iniatas niya sa kanila. Paano pinangyayari ni Jehova na maging kuwalipikado ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon? Talakayin natin ang tatlong paraan na ginagamit niya: (1) ang kaniyang Salita, (2) ang kaniyang banal na espiritu, at (3) ang kaniyang makalupang organisasyon.
Pinangyayari ng Salita ni Jehova na Maging Kuwalipikado Tayo
5, 6. Ano ang epekto ng Banal na Kasulatan sa mga tunay na Kristiyano?
5 Una, paano tumutulong ang Salita ng Diyos upang maging kuwalipikado tayo bilang mga ministro? Sumulat si Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Kaya tinutulungan tayo ng Banal na Kasulatan na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan” upang isakatuparan ang “mabuting gawa” ng pagtuturo sa mga tao tungkol sa Salita ng Diyos. Subalit kumusta naman ang lahat niyaong tagasunod ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan? Mayroon silang Bibliya. Paano natutulungan ng isang aklat ang ilang tao na maging may-kakayahang mga ministro at hindi naman matulungan ang iba? Ang sagot ay nakasalalay sa ating saloobin sa Bibliya.
6 Nakalulungkot, ang marami na nagsisimba ay hindi tumatanggap sa mensahe ng Bibliya “gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Ang Sangkakristiyanuhan ay nakapagtipon ng kahiya-hiyang rekord sa bagay na ito. Matapos gugulin ang maraming taon sa pag-aaral sa mga teolohikal na institusyon, nasasangkapan ba ang mga klerigo bilang mga guro ng Salita ng Diyos? Talagang hindi. Aba, ang ilang estudyante ay nagsisimula ng pag-aaral sa seminaryo bilang mga mananampalataya sa Bibliya ngunit nagtatapos bilang mga taong nag-aalinlangan sa mga aral ng relihiyon! Pagkatapos, sa halip na ipangaral ang Salita ng Diyos—na hindi na pinaniniwalaan ng marami sa kanila—itinutuon nila ang kanilang ministeryo sa ibang larangan, pumapanig sa mga debate sa pulitika, nagtataguyod ng ebanghelyong panlipunan, o nagtatampok ng mga pilosopiya ng tao sa kanilang mga sermon. (2 Timoteo 4:3) Sa kabaligtaran, sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang halimbawa ni Jesu-Kristo.
7, 8. Paano naiiba ang saloobin ni Jesus sa saloobin ng mga relihiyosong lider noong kaniyang panahon kung tungkol sa Salita ng Diyos?
7 Hindi hinayaan ni Jesus na maimpluwensiyahan ng mga relihiyosong lider noong kaniyang panahon ang kaniyang kaisipan. Nagtuturo man sa isang maliit na grupo, tulad ng kaniyang mga apostol, o sa malalaking pulutong, palaging ginagamit ni Jesus ang banal na mga kasulatan. (Mateo 13:10-17; 15:1-11) Ang gawaing ito ang nagtangi sa kaniya mula sa mga relihiyosong lider noong panahong iyon. Mahigpit nilang pinipigil ang mga pangkaraniwang tao na umalam ng malalalim na bagay tungkol sa Diyos. Sa katunayan, kinaugalian na para sa isang guro noong mga panahong iyon na maniwalang ang ilang talata sa Bibliya ay napakalalim para ipakipag-usap sa kaninuman maliban sa kaniyang pinakapaboritong estudyante—at magkagayunman, dapat na gawin ito nang pabulong lamang at may takip sa ulo. Ang mga relihiyosong lider na iyon ay mapamahiin sa pakikipag-usap tungkol sa ilang bahagi ng Bibliya nang halos katulad sa pagiging mapamahiin nila sa pagbigkas ng pangalan ng Diyos!
8 Hindi gayon si Kristo. Naniniwala siya na hindi lamang ilang piling tao kundi ang mga tao sa pangkalahatan ang kailangang magsuri sa “bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” Hindi interesado si Jesus sa pagbibigay ng susi ng kaalaman sa isang piling grupo ng mga iskolar. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, sabihin ninyo sa liwanag; at ang naririnig ninyong ibinubulong, ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay.” (Mateo 4:4; 10:27) Marubdob na hinangad ni Jesus na ibahagi ang kaalaman tungkol sa Diyos sa pinakamaraming tao hangga’t maaari.
9. Paano ginagamit ng mga tunay na Kristiyano ang Bibliya?
9 Ang Salita ng Diyos ang dapat na maging pangunahing bagay sa ating pagtuturo. Halimbawa, kapag nagbibigay tayo ng pahayag sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, kadalasa’y hindi sapat na basahin lamang ang ilang piniling talata mula sa Bibliya. Baka kailangang ipaliwanag, ilarawan, at ikapit natin ang isang kasulatan ayon sa konteksto nito. Ang tunguhin natin ay kunin ang mensahe ng Bibliya mula sa inilimbag na pahina at ikintal iyon sa puso ng ating mga tagapakinig. (Nehemias 8:8, 12) Dapat ding gamitin ang Bibliya kapag kinakailangang magbigay ng payo at maglapat ng nagtutuwid na disiplina. Bagaman ang bayan ni Jehova ay nagsasalita ng iba’t ibang wika at may sari-saring pinagmulan, iginagalang nilang lahat ang Aklat ng mga aklat—ang Bibliya.
10. Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng kinasihang mensahe ng Bibliya?
10 Kapag ginagamit ito taglay ang gayong paggalang, ang mensahe ng Bibliya ay may kapangyarihan. (Hebreo 4:12) Pinakikilos nito ang mga tao na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay, gaya ng pagtalikod sa di-makakasulatang gawain na pakikiapid, pangangalunya, idolatriya, paglalasing, at pagnanakaw. Napakarami ang natulungan nito na hubarin ang lumang personalidad at isuot ang bago. (Efeso 4:20-24) Oo, kung iginagalang natin ito nang higit kaysa sa anumang opinyon o tradisyon ng tao at ginagamit ito nang may katapatan, matutulungan tayo ng Bibliya na maging may kakayahan at lubusang nasangkapan bilang mga guro ng Salita ng Diyos.
Pinangyayari ng Espiritu ni Jehova na Maging Kuwalipikado Tayo
11. Bakit angkop na tukuyin ang banal na espiritu ni Jehova bilang “ang katulong”?
11 Ikalawa, talakayin natin ang papel ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova sa pagpapangyari na tayo ay maging lubusang nasangkapan. Hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang espiritu ni Jehova ang pinakamalakas na puwersang umiiral. Binigyan ni Jehova ng awtoridad ang kaniyang minamahal na Anak upang gamitin ang kagila-gilalas na puwersang iyon alang-alang sa lahat ng tunay na Kristiyano. Angkop kung gayon na tukuyin ni Jesus ang banal na espiritu bilang “ang katulong.” (Juan 16:7) Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na hilingin kay Jehova ang espiritung iyon, na tinitiyak sa kanila na saganang ilalaan iyon ni Jehova.—Lucas 11:10-13; Santiago 1:17.
12, 13. (a) Bakit mahalaga na ipanalangin nating tulungan tayo ng banal na espiritu sa ating ministeryo? (b) Paano ipinakita ng mga Pariseo na ang banal na espiritu ay hindi kumikilos sa kanila?
12 Kailangan nating manalangin para sa banal na espiritu araw-araw, lalo na upang matulungan tayo sa ating ministeryo. Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng aktibong puwersang iyon? Maaari itong makaimpluwensiya sa ating isip at puso, na tinutulungan tayong magbago, sumulong, at palitan ng bago ang lumang personalidad. (Colosas 3:9, 10) Makatutulong ito sa atin na maglinang ng mahahalaga at tulad-Kristong mga katangian. Marami sa atin ang makabibigkas ng Galacia 5:22, 23 mula sa memorya. Nakatala sa mga talatang iyon ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Ang una ay pag-ibig. Mahalaga ang katangiang ito sa ating ministeryo. Bakit?
13 Ang pag-ibig ay mahusay gumanyak. Ang pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa ay nagpapakilos sa mga tunay na Kristiyano na ibahagi ang mabuting balita. (Marcos 12:28-31) Kung wala ng gayong pag-ibig, hindi tayo magiging tunay na kuwalipikado bilang mga guro ng Salita ng Diyos. Pansinin ang pagkakaiba sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo. Ganito ang sabi ng Mateo 9:36 tungkol kay Jesus: “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Ano naman ang nadama ng mga Pariseo tungkol sa karaniwang mga tao? Ito ang sabi nila: “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga taong isinumpa.” (Juan 7:49) Ang mga Pariseo na iyon ay walang nadaramang pag-ibig sa mga tao kundi sa halip ay paghamak. Maliwanag, ang espiritu ni Jehova ay hindi kumikilos sa kanila.
14. Paano tayo dapat pakilusin ng halimbawa ni Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig sa kaniyang ministeryo?
14 May empatiya si Jesus sa mga tao. Batid niya ang kanilang nadaramang kirot. Alam niyang sila ay inabuso, nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol. Sinasabi sa atin ng Juan 2:25 na “alam [ni Jesus] kung ano ang nasa tao.” Dahil siya ang Dalubhasang Manggagawa ni Jehova noong panahon ng paglalang, si Jesus ay may malalim na unawa tungkol sa kalikasan ng tao. (Kawikaan 8:30, 31) Ang unawang iyon ang nagpasidhi ng kaniyang pag-ibig. Ang gayong pag-ibig nawa ang laging gumanyak sa atin sa gawaing pangangaral! Kung nadarama natin na maaari tayong sumulong sa bagay na ito, hilingin natin ang banal na espiritu ni Jehova sa panalangin at pagkatapos ay kumilos tayo kasuwato ng ating mga panalangin. Sasagutin tayo ni Jehova. Isusugo niya ang di-mahahadlangan na puwersang ito upang tulungan tayong maging higit na katulad ni Kristo, na kuwalipikado nang higit kaninuman na mangaral ng mabuting balita.
15. Paano kumakapit kay Jesus ang mga salita sa Isaias 61:1-3 at kasabay nito ay naglalantad naman sa mga eskriba at mga Pariseo?
15 Saan nagmula ang mga kuwalipikasyon ni Jesus? “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin,” ang sabi niya. (Lucas 4:17-21) Oo, si Jehova mismo ang humirang kay Jesus sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Hindi na kinailangan ni Jesus ng karagdagang mga kredensiyal. Hinirang ba ng banal na espiritu ang mga relihiyosong lider noong kaniyang panahon? Hindi. Ni hindi man sila nasasangkapan na tuparin ang Isaias 61:1-3, na binasa ni Jesus nang malakas at ikinapit sa kaniyang sarili. Pakisuyong basahin ang mga talatang iyon, at makikita mo mismo na ang mapagpaimbabaw na mga eskriba at mga Pariseo ay hindi kuwalipikado. Wala silang mabuting balita na ihahayag sa mga dukha. At paano sila mangangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag? Sa espirituwal na diwa, sila mismo ay mga bulag at nakagapos sa gawang-taong mga tradisyon! Di-tulad ng mga taong iyon, tayo ba ay kuwalipikado na magturo sa mga tao?
16. Anong pagtitiwala ang maaaring madama ng bayan ni Jehova ngayon hinggil sa kanilang kuwalipikasyon bilang mga ministro?
16 Totoo, hindi tayo nag-aral sa mga paaralan ng mataas na edukasyon ng Sangkakristiyanuhan. Hindi tayo hinirang ng isang teolohikal na seminaryo bilang mga guro. Kung gayon, wala ba tayong mga kuwalipikasyon? Tiyak na mayroon! Ang paghirang sa atin bilang mga Saksi ay nagmumula kay Jehova. (Isaias 43:10-12) Kung hinihiling natin ang kaniyang espiritu sa panalangin at gumagawang kasuwato ng ating panalangin, taglay natin ang pinakamataas na kuwalipikasyon. Sabihin pa, tayo ay di-sakdal at di-nakaaabot sa halimbawang inilaan ng Dakilang Guro, si Jesus. Gayunpaman, hindi ba tayo nagpapasalamat na ginagamit ni Jehova ang kaniyang espiritu upang tayo ay maging kuwalipikado at nasasangkapan bilang mga guro ng kaniyang Salita?
Pinangyayari ng Organisasyon ni Jehova na Maging Kuwalipikado Tayo
17-19. Paano nakatutulong ang limang lingguhang pulong na inilaan ng organisasyon ni Jehova upang maging kuwalipikado tayo bilang mga ministro?
17 Pag-usapan naman natin ngayon ang ikatlong paraan na ginagamit ni Jehova upang masangkapan tayo bilang mga guro ng kaniyang Salita—ang kaniyang makalupang kongregasyon, o organisasyon, na nagsasanay sa atin upang maging mga ministro. Paano? Isip-isipin lamang ang programa sa pagtuturo na tinatamasa natin! Sa isang karaniwang sanlinggo, dumadalo tayo sa limang Kristiyanong pagpupulong. (Hebreo 10:24, 25) Nagtitipon tayo sa maliliit na grupo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat upang magtamasa ng malalim na pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng isang aklat-aralin na inilaan ng organisasyon ni Jehova. Sa pamamagitan ng pakikinig at pagkokomento, tayo ay natututo at nagpapasigla sa isa’t isa. Nakatatanggap din tayo ng personal na mga tagubilin at atensiyon mula sa tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat. Sa Pulong Pangmadla at sa Pag-aaral sa Bantayan, tumatanggap tayo ng higit pang nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal.
18 Ang ating Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay dinisenyo upang bigyan tayo ng tagubilin 1 Pedro 3:15) Naatasan ka na bang magbigay ng pahayag sa isang paksa na waring pamilyar sa iyo, at nasumpungan mong may natutuhan kang bago tungkol doon? Iyan ay isang pangkaraniwang karanasan. Walang higit na nakapagpapatalas ng ating kaalaman sa isang paksa kundi ang pagtuturo nito sa iba. Kahit na kapag hindi tayo mismo ang naatasang magtanghal, natututo pa rin tayo na maging mas mahuhusay na guro. Sa bawat estudyante, may napapansin tayong mabubuting katangian, at mapag-iisipan natin kung paano tutularan ang mga katangiang iyon.
kung paano magtuturo. Sa paghahanda ng mga pahayag ng estudyante, natututuhan natin kung paano gagamitin ang Salita ng Diyos upang magturo ng maraming iba’t ibang paksa. (19 Ang Pulong sa Paglilingkod ay dinisenyo rin upang masangkapan tayo bilang mga guro ng Salita ng Diyos. Sa bawat sanlinggo, nasisiyahan tayo sa masisiglang pahayag, pagtalakay, at mga pagtatanghal na dinisenyo para sa ating ministeryo. Anong presentasyon ang gagamitin natin? Paano natin haharapin ang pantanging mga hamon sa ating pangmadlang ministeryo? Anong mga larangan ng pangangaral ang bukás sa atin na maaari pa nating subukin? Ano ang tutulong sa atin na maging mas mabibisang guro kapag nagsasagawa tayo ng mga pagdalaw-muli at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya? (1 Corinto 9:19-22) Ang gayong mga tanong ay binibigyang-pansin at tinatalakay nang detalyado sa Pulong sa Paglilingkod. Karamihan ng mga bahagi sa pulong na ito ay batay sa mga artikulo sa Ating Ministeryo sa Kaharian, isa pang kasangkapan na inilaan upang masangkapan tayo sa ating mahalagang gawain.
20. Paano tayo makikinabang nang lubusan sa mga pulong at mga asamblea?
20 Sa pamamagitan ng paghahanda at pagdalo sa ating mga pulong at pagkatapos ay pagkakapit ng ating natutuhan sa ating gawain bilang mga guro, tayo ay tumatanggap ng lubusang pagsasanay. Ngunit hindi lamang iyan. Mayroon din tayong mas malalaking pulong—mga asamblea at mga kombensiyon—na dinisenyo upang masangkapan tayo bilang mga guro ng Salita ng Diyos. At tunay ngang inaasam natin ang matamang pakikinig at pagkakapit sa gayong payo!—Lucas 8:18.
21. Anong ebidensiya ang nagpapakita na mabisa ang pagsasanay sa atin, at kanino nauukol ang karangalan dito?
21 Mabisa ba ang pagsasanay na inilalaan ni Jehova? Suriin natin ang mga ebidensiya. Taun-taon, daan-daang libong tao ang natutulungan na matuto ng mga saligang doktrina sa Bibliya at mamuhay na kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos sa kanila. Ang bilang natin ay dumarami, ngunit walang sinuman sa atin ang personal na makapag-aangkin ng karangalan sa bagay na ito. Dapat na maging makatotohanan ang ating pangmalas sa mga bagay-bagay, gaya ng ginawa ni Jesus. Sinabi niya: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Tulad ng mga apostol noong unang panahon, karamihan sa atin ay walang pinag-aralan at pangkaraniwan. (Juan 6:44; Gawa 4:13) Ang ating tagumpay ay nakasalalay kay Jehova, na siyang naglalapit ng tapat-pusong mga tao sa katotohanan. Mainam ang pagkakasabi ni Pablo hinggil dito: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.”—1 Corinto 3:6.
22. Bakit hindi tayo dapat na lubhang masiraan ng loob tungkol sa pakikibahagi nang lubusan sa ministeryong Kristiyano?
22 Oo, ang Diyos na Jehova ay aktibong nasasangkot sa ating gawain bilang mga guro ng kaniyang Salita. Maaaring hindi natin laging nadarama na tayo ay kuwalipikado bilang mga guro. Ngunit tandaan, si Jehova ang naglalapit ng mga tao sa kaniyang sarili at sa kaniyang Anak. Si Jehova ang nagpapangyaring maging kuwalipikado tayo na maglingkod sa mga baguhan sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kaniyang makalupang organisasyon. Nawa’y tumugon tayo sa pagsasanay ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakapit sa mabubuting bagay na inilalaan niya ngayon upang maging lubusan tayong nasangkapan bilang mga guro ng Salita ng Diyos!
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo sinasangkapan ng Bibliya para sa gawaing pangangaral?
• Anong papel ang ginagampanan ng banal na espiritu sa pagpapangyaring maging kuwalipikado tayo bilang mga ministro?
• Sa anu-anong paraan nakatulong sa iyo ang makalupang organisasyon ni Jehova upang maging kuwalipikado ka bilang mangangaral ng mabuting balita?
• Bakit tayo maaaring magkaroon ng kumpiyansa kapag nakikibahagi sa ministeryo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 25]
Bilang isang guro ng Salita ng Diyos, nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa mga tao