Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang kahulugan ng sinabi sa Hebreo 12:4: “Hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa dugo”?
Ang pariralang “nakipaglaban hanggang sa dugo” ay nagpapahiwatig ng hanggang sa kamatayan, literal na pagbububo ng dugo ng isa.
Batid ni apostol Pablo na bunga ng kanilang pananampalataya, ang ilang Kristiyanong Hebreo ay ‘nagbata na ng matinding pakikipagpunyagi sa ilalim ng mga pagdurusa.’ (Hebreo 10:32, 33) Nang banggitin ito, waring ginagamit ni Pablo ang metapora ng isang pakikipagpunyagi sa isang paligsahan ng mga atleta sa Gresya, na maaaring kinabibilangan ng takbuhan, pakikipagbuno, boksing, at paghahagis ng discus at diyabelin. Kaya sa Hebreo 12:1, hinimok niya ang mga kapuwa Kristiyano: “Alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.”
Pagkaraan ng tatlong talata, sa Hebreo 12:4, maaaring binago ni Pablo ang paglalarawan mula sa takbuhan tungo sa isang paligsahan sa boksing. (Kapuwa ang mga mananakbo at mga boksingero ay lumilitaw sa 1 Corinto 9:26.) Ang mga kamao at mga pulsuhan ng sinaunang mga boksingero ay natatalian ng makikitid na piraso ng katad. Ang makikitid na piraso ng katad ay maaaring may pabigat na “tingga, bakal, o mga metal na buton, na nagdudulot ng matinding pinsala sa mga boksingero.” Ang gayong mababangis na labanan ay nagbubunga ng pagdurugo, kung minsan ng kamatayan pa nga.
Anuman ang kaso, ang mga Kristiyanong Hebreo ay may sapat na mga halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos na dumanas ng pag-uusig at malupit na pag-abuso, maging ng kamatayan, “hanggang sa dugo.” Pansinin ang konteksto na doo’y itinawag-pansin ni Pablo ang naranasan ng sinaunang mga tapat na lingkod ng Diyos:
“Sila ay binato, sila ay sinubok, sila ay nilagari, sila ay namatay sa pagpaslang sa pamamagitan ng tabak, sila ay nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing, samantalang sila ay nasa kakapusan, nasa kapighatian, pinagmamalupitan.” Pagkatapos, itinampok ni Pablo ang Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus: “Nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.”—Hebreo 11:37; 12:2.
Oo, marami ang “nakipaglaban hanggang sa dugo,” yaon ay, hanggang sa kamatayan. Ang kanilang pakikipaglaban ay higit pa sa panloob na pakikipagpunyagi laban sa kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Sila’y matapat sa ilalim ng malupit na panlabas na pag-abuso, na pinananatili ang kanilang katapatan hanggang sa kamatayan.
Ang mga baguhan sa kongregasyon sa Jerusalem, na marahil ay naging mga Kristiyano pagkatapos na humupa ang malupit na pag-uusig noon, ay hindi pa kailanman napaharap sa gayong matitinding pagsubok. (Gawa 7:54-60; 12:1, 2; Hebreo 13:7) Gayunman, kahit ang mga pagsubok na hindi gaanong matindi ay nagpahina ng loob ng ilan sa kanila na magpatuloy sa pakikipagpunyagi; sila’y ‘nanghihimagod at nanghihina sa kanilang mga kaluluwa.’ (Hebreo 12:3) Kailangan nilang sumulong tungo sa pagkamaygulang. Palalakasin niyan ang kanilang kakayahang magbata anuman ang dumating na pagsubok, kahit na kasali pa rito ang pisikal na pag-abuso hanggang sa kamatayan.—Hebreo 6:1; 12:7-11.
Maraming Kristiyano sa makabagong panahon ang “nakipaglaban hanggang sa dugo,” pinatay sapagkat ayaw nilang ikompromiso ang kanilang pagiging Kristiyano. Sa halip na matakot sa mga pananalita ni Pablo sa Hebreo 12:4, maaari nating unawain ito bilang pahiwatig kung hanggang saan tayo determinadong magbata upang manatiling matapat sa Diyos. Nang maglaon, sa liham ding iyon sa mga Hebreo, sumulat si Pablo: “Patuloy tayong magkaroon ng di-sana-nararapat na kabaitan, na sa pamamagitan nito ay kaayaayang makapag-uukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak.”—Hebreo 12:28.