Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtatagumpay sa “Isang Tinik sa Laman”

Pagtatagumpay sa “Isang Tinik sa Laman”

Pagtatagumpay sa “Isang Tinik sa Laman”

“Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo.”​—2 CORINTO 12:9.

1, 2. (a) Bakit hindi natin dapat ipagtaka ang bagay na napapaharap tayo sa mga pagsubok at mga suliranin? (b) Bakit tayo makapagtitiwala sa kabila ng mga pagsubok?

“LAHAT niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Bakit gayon? Sapagkat iginigiit ni Satanas na ang tao ay naglilingkod lamang sa Diyos udyok ng sakim na mga dahilan, at siya ay desperadong patunayan ang kaniyang sinabi. Minsan ay nagbabala si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Hiningi ni Satanas na kayo ay mapasakaniya upang salain kayong gaya ng trigo.” (Lucas 22:31) Alam na alam ni Jesus na pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na subukin tayo sa pamamagitan ng nakapipighating mga suliranin. Sabihin pa, hindi naman nangangahulugan iyan na bawat kahirapang dinaranas natin sa buhay ay tuwirang nagmumula kay Satanas o sa kaniyang mga demonyo. (Eclesiastes 9:11) Subalit sabik si Satanas na gamitin ang anumang paraan na mayroon siya upang sirain ang ating integridad.

2 Sinasabi sa atin ng Bibliya na hindi natin dapat na ipagtaka ang mga pagsubok sa atin. Anuman ang sumapit sa atin, hindi iyon kakaiba o di-inaasahan. (1 Pedro 4:12) Sa katunayan, “ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng [ating] mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:9) Sa ngayon, matindi ang panggigipit ni Satanas sa bawat lingkod ng Diyos. Tuwang-tuwa ang Diyablo na makitang pinahihirapan tayo ng pinakamaraming tulad-tinik na mga suliranin hangga’t maaari. Upang magawa ito, ginagamit niya ang kaniyang sistema ng mga bagay sa paraang malamang na makadaragdag ito o makapagpalubha sa anumang ‘mga tinik sa ating laman.’ (2 Corinto 12:7) Gayunpaman, hindi naman dapat sirain ng mga pagsalakay ni Satanas ang ating integridad. Kung paanong si Jehova ay ‘gagawa ng daang malalabasan’ upang mabata natin ang tukso, gayundin ang gagawin niya kapag napaharap tayo sa mga suliraning tulad ng mga tinik sa ating laman.​—1 Corinto 10:13.

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Isang Tinik

3. Paano tumugon si Jehova nang hilingin sa kaniya ni Pablo na alisin sana niya ang tinik sa laman ng apostol?

3 Nagsumamo si apostol Pablo sa Diyos na alisin sana ang tinik sa kaniyang laman. “Dahil dito ay tatlong ulit akong namanhik sa Panginoon na maalis ito sa akin.” Ano ang naging tugon ni Jehova sa marubdob na hiling ni Pablo? “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” (2 Corinto 12:8, 9) Suriin natin ang tugon na ito at tingnan kung paano ito makatutulong sa atin na mapagtagumpayan ang anumang tulad-tinik na suliraning pumipighati sa atin.

4. Sa anu-anong paraan nakinabang si Pablo sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?

4 Pansinin na hinimok ng Diyos si Pablo na pahalagahan ang di-sana-nararapat na kabaitang ipinaabot na sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo. Totoo naman, lubhang pinagpala si Pablo sa maraming paraan. Maibiging pinagkalooban siya ni Jehova ng pribilehiyong maging isang alagad, bagaman siya ay naging isang panatikong mananalansang noon sa mga tagasunod ni Jesus. (Gawa 7:58; 8:3; 9:1-4) Mula noon ay may-kabaitang binigyan ni Jehova si Pablo ng maraming kapana-panabik na mga atas at mga pribilehiyo. Maliwanag ang aral para sa atin. Kahit na sa pinakamahihirap na panahon, marami pa rin tayong mga pagpapala na dapat ipagpasalamat. Hindi tayo kailanman dapat na makalimot sa saganang kabutihan ni Jehova dahil lamang sa mga pagsubok sa atin.​—Awit 31:19.

5, 6. (a) Paano itinuro ni Jehova kay Pablo na ang kapangyarihan ng Diyos ay “pinasasakdal sa kahinaan”? (b) Paano pinatunayan ng halimbawa ni Pablo na si Satanas ay isang sinungaling?

5 Ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay napatutunayang sapat na sa isa pang paraan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay labis-labis pa nga upang matulungan tayo sa ating mga pagsubok. (Efeso 3:20) Itinuro ni Jehova kay Pablo na ang kapangyarihan ng Diyos ay “pinasasakdal sa kahinaan.” Paano? Siya ay maibiging nagbigay kay Pablo ng lahat ng lakas na kailangan niya upang makayanan ang kaniyang pagsubok. Ang pagbabata at lubusang pagtitiwala naman ni Pablo kay Jehova ay nagsiwalat sa lahat na ang kapangyarihan ng Diyos ay nagtatagumpay sa kalagayan ng taong ito na mahina at makasalanan. Isaalang-alang ngayon ang epekto sa Diyablo, na nag-aangking naglilingkod lamang sa Diyos ang mga tao kapag ang buhay ay maalwan at hindi masalimuot. Tunay ngang tulad ng isang sampal sa mukha ng maninirang-puring iyon ang integridad ni Pablo!

6 Narito si Pablo, ang dating kakampi ni Satanas sa pakikipaglaban sa Diyos, isang walang-pakundangang mang-uusig sa mga Kristiyano, isang masigasig na Pariseo na, walang alinlangan, minsang nagtamasa ng maraming kaalwanan sa buhay dahil sa siya ay isinilang sa isang mariwasang angkan. Si Pablo ay naglilingkod ngayon kay Jehova at kay Kristo bilang “pinakamababa sa mga apostol.” (1 Corinto 15:9) Sa pagiging gayon, siya ay mapagpakumbabang nagpapasakop sa awtoridad ng Kristiyanong lupong tagapamahala noong unang siglo. At siya ay nagbata nang buong katapatan sa kabila ng tinik sa kaniyang laman. Ang mga pagsubok sa buhay ay hindi nagpahina sa sigasig ni Pablo na siya namang ikinagalit nang husto ni Satanas. Hindi kailanman nalimutan ni Pablo ang pag-asa na makikibahagi siya sa makalangit na Kaharian ni Kristo. (2 Timoteo 2:12; 4:18) Walang tinik, gaano man katindi ang kirot na dulot, ang makapagpapahupa ng kaniyang sigasig. Manatili rin sanang maningas ang ating sigasig! Sa pamamagitan ng pag-alalay sa atin sa ating mga pagsubok, binibigyang-dangal tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pribilehiyong tumulong sa pagpapatunay na si Satanas ay isang sinungaling.​—Kawikaan 27:11.

Mahalaga ang mga Paglalaan ni Jehova

7, 8. (a) Sa pamamagitan ng ano binibigyang-lakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa ngayon? (b) Bakit napakahalaga ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya sa araw-araw upang mapagtagumpayan ang isang tinik sa ating laman?

7 Sa ngayon, binibigyang-lakas ni Jehova ang tapat na mga Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ng kaniyang Salita, at ng ating Kristiyanong kapatiran. Tulad ni apostol Pablo, maaari nating ihagis kay Jehova ang ating mga pasanin sa pamamagitan ng panalangin. (Awit 55:22) Bagaman maaaring hindi alisin ng Diyos ang mga pagsubok sa atin, mapagkakalooban niya tayo ng karunungan upang mapagtagumpayan ang mga ito, kahit na yaong sadyang mahirap batahin. Maaari rin tayong paglaanan ni Jehova ng katatagan​—na binibigyan tayo ng “lakas na higit sa karaniwan”​—upang tulungan tayong magbata.​—2 Corinto 4:7.

8 Paano natin natatamo ang gayong tulong? Dapat na masikap nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, sapagkat doon natin masusumpungan ang kaniyang tiyak na mga pang-aliw. (Awit 94:19) Sa Bibliya, nababasa natin ang nakaaantig na mga salita ng mga lingkod ng Diyos habang nagsusumamo sila para sa Kaniyang tulong. Ang mga tugon ni Jehova, na kadalasang may nakaaaliw na mga salita, ay napakainam na bulay-bulayin. Ang pag-aaral ay magpapatibay sa atin upang ‘ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa ating sarili.’ Kung paanong kailangan tayong kumain ng pisikal na pagkain sa araw-araw bilang panustos at pampalakas, dapat din tayong kumain nang regular mula sa mga salita ng Diyos. Ginagawa ba natin ito? Kung oo, makikita natin na ang pagtatamo natin ng “lakas na higit sa karaniwan” ay tumutulong sa atin na mabata ang anumang makasagisag na mga tinik na maaaring nagpapahirap sa atin ngayon.

9. Paano maaalalayan ng matatanda yaong mga nakikipagpunyagi sa mga suliranin?

9 Ang Kristiyanong matatanda na may takot sa Diyos ay maaaring maging “gaya ng taguang dako sa hangin,” o isang “dakong kublihan sa bagyong maulan,” samakatuwid nga, proteksiyon laban sa kabagabagan at mga suliranin. Ang matatanda, na nagnanais na umangkop sa paglalarawang ito, ay mapagpakumbaba at taimtim na humihiling kay Jehova na bigyan sila ng “dila ng mga naturuan” upang malaman nila kung paano tutugon sa mga nagdurusa taglay ang tamang mga salita. Ang mga salita ng matatanda ay maaaring maging tulad ng banayad na patak ng ulan na nagpapalamig at nagpapaginhawa sa ating pag-iisip sa mahihirap na panahon sa buhay. Sa pagsasalita “nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo,” tunay na inaalalayan ng matatanda ang kanilang mga kapatid sa espirituwal na maaaring nanghihimagod o nasisiraan ng loob dahil sa tinik sa kanilang laman.​—Isaias 32:2; 50:4; 1 Tesalonica 5:14.

10, 11. Paano mapatitibay-loob ng mga lingkod ng Diyos ang iba na dumaranas ng matitinding pagsubok?

10 Ang lahat ng lingkod ni Jehova ay bahagi ng kaniyang nagkakaisa at Kristiyanong pamilya. Oo, tayo ay “mga sangkap na ang bawat isa ay nauukol sa isa’t isa,” at tayo ay “may pananagutan na mag-ibigan sa isa’t isa.” (Roma 12:5; 1 Juan 4:11) Paano natin tinutupad ang pananagutang ito? Ayon sa 1 Pedro 3:8, ginagawa natin iyon sa ‘pagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, [at pagiging] mahabagin na may paggiliw’ sa lahat ng kaugnay natin sa pananampalataya. Kung tungkol sa mga nakikipagpunyagi sa sadyang makirot na tinik sa laman, sila man ay bata o matanda, tayong lahat ay makapagbibigay sa kanila ng pantanging konsiderasyon. Paano?

11 Dapat nating sikapin na maging sensitibo sa kanilang pagdurusa. Kung tayo’y manhid, malamig, o walang malasakit, baka di-sinasadyang mapalubha natin ang kanilang pagdurusa. Ang kabatiran natin sa kanilang mga pagsubok ay dapat na magpakilos sa atin na maging maingat sa kung ano ang sinasabi natin, kung paano natin sinasabi iyon, at kung paano tayo kumikilos. Ang ating pagiging positibo at nakapagpapatibay ay makatutulong upang maibsan ang matinding kirot ng anumang tinik na nagpapahirap sa kanila. Sa gayon tayo ay magiging isang nagpapalakas na tulong sa kanila.​—Colosas 4:11.

Kung Paano Naging Matagumpay ang Ilan

12-14. (a) Ano ang ginawa ng isang Kristiyano upang makayanan ang kanser? (b) Paano inalalayan at pinatibay ng kaniyang mga kapatid sa espirituwal ang babaing ito?

12 Habang papalapit tayo sa katapusan ng mga huling araw na ito, ang “mga hapdi ng kabagabagan” ay tumitindi sa araw-araw. (Mateo 24:8) Kaya naman, ang mga pagsubok ay maaaring magpahirap sa lahat ng nasa lupa, lalo na sa tapat na mga lingkod ni Jehova, na naghahangad na gawin ang kaniyang kalooban. Halimbawa, isaalang-alang ang isang Kristiyano na naglilingkod sa buong-panahong ministeryo. Siya ay nasuri na may kanser at kinailangang alisin ang kaniyang mga glandulang naglalabas ng laway at kulani sa pamamagitan ng operasyon. Nang malaman nilang mag-asawa na siya ay may ganitong sakit, agad silang bumaling kay Jehova sa isang mahaba at nagsusumamong panalangin. Nang maglaon ay sinabi niyang nadama nila ang isang di-kapani-paniwalang kapayapaan. Gayunman, siya ay dumanas pa rin ng maraming mabubuti at masasamang kalagayan, lalo na kapag binabata niya ang di-magagandang epekto ng paggamot sa kaniya.

13 Upang makayanan ang kaniyang situwasyon, sinikap ng kapatid na ito na alamin ang lahat ng impormasyon na makukuha niya tungkol sa kanser. Kumonsulta siya sa kaniyang mga doktor. Sa Ang Bantayan, Gumising!, at kaugnay na mga publikasyong Kristiyano, nakasumpong siya ng personal na mga salaysay na nagpapakita kung paano nakayanan ng damdamin ng mga indibiduwal ang karamdamang ito. Binasa rin niya ang kaugnay na mga talata sa Bibliya na nagpapakita ng kakayahan ni Jehova na alalayan ang kaniyang bayan sa panahon ng kahirapan, at iba pang nakatutulong na impormasyon.

14 Isang artikulo tungkol sa pagdaig sa pagkasira ng loob ang bumanggit sa mga salitang ito: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin.” (Kawikaan 18:1) Kaya naman nagbigay ang artikulo ng ganitong payo: “Labanan ang pagbubukod ng iyong sarili.” * Ganito ang inilahad ng kapatid: “Marami ang nagsabi sa akin na sila’y nananalangin para sa akin; ang iba naman ay tumatawag sa akin sa telepono. Dalawang matanda ang regular na tumatawag sa akin upang kumustahin ako. Nakatanggap ako ng mga bulaklak at maraming kard. Ang ilan ay naghanda pa nga ng pagkain. Gayundin, marami ang nagboluntaryong samahan ako sa pagpapagamot.”

15-17. (a) Paano nakayanan ng isang Kristiyano ang mga kahirapang bunga ng mga aksidente? (b) Anong tulong ang inilaan ng mga nasa kongregasyon?

15 Isang matagal nang lingkod ni Jehova sa New Mexico, E.U.A., ang nasangkot sa dalawang aksidente sa sasakyan. Napinsala ang kaniyang leeg at mga balikat, na nagpalubha sa kaniyang artritis na nagpapahirap na sa kaniya sa loob ng mahigit nang 25 taon. Ganito ang inilahad niya: “Hirap na hirap akong iangat ang aking ulo at buhatin ang anumang bagay na labis sa dalawang kilo ang timbang. Subalit ang marubdob na panalangin kay Jehova ay totoong nagpalakas sa akin. Gayundin ang mga artikulo sa Ang Bantayan na pinag-aralan natin. Ang isa ay nagkomento tungkol sa Mikas 6:8, na sinasabing ang pagiging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos ay nangangahulugan ng pagkilala sa mga limitasyon ng isa. Nakatulong ito sa akin na matantong sa kabila ng aking kalagayan, hindi ako dapat masiraan ng loob, bagaman ang panahong ginugol ko sa ministeryo ay mas kaunti kaysa sa nais ko. Ang paglilingkod sa kaniya nang may malinis na motibo ang siyang pangunahing mahalaga.”

16 Iniulat din niya: “Laging pinapupurihan ng matatanda ang aking mga pagsisikap na dumalo sa mga pulong at lumabas sa ministeryo sa larangan. Binabati ako ng mga kabataan sa pamamagitan ng mga yakap. Napakatiyaga sa akin ng mga ministrong payunir at madalas nilang baguhin ang kanilang mga plano sa mga araw na masama ang aking pakiramdam. Kapag masungit ang panahon, may-kabaitang isinasama nila ako sa mga pagdalaw-muli o inaanyayahan akong sumama sa kanilang mga inaaralan sa Bibliya. At dahil sa hindi ko kayang magbitbit ng isang bag para sa mga aklat, inilalagay ng ibang mamamahayag ang aking mga literatura sa kanilang bag kapag lumalabas ako sa larangan.”

17 Pansinin kung paano tinulungan ng matatanda sa kongregasyon at ng mga kapananampalataya ang dalawang kapatid na babaing ito na makayanan ang kanilang tulad-tinik na mga karamdaman. Sila’y nagbigay ng praktikal at may-kabaitang tulong na nilayong makatugon sa espesipikong espirituwal, pisikal, at emosyonal na mga pangangailangan. Hindi ba pinasisigla ka nito na tumulong sa ibang mga kapatid na dumaranas ng mga suliranin? Kayong mga kabataan ay makatutulong din naman sa mga kabilang sa inyong kongregasyon na nakikipagpunyagi sa mga tinik sa kanilang laman.​—Kawikaan 20:29.

18. Anong pampatibay-loob ang masusumpungan natin sa mga talambuhay na inilathala sa mga magasing Bantayan at Gumising!?

18 Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay naglathala ng maraming talambuhay at karanasan ng mga Saksi na nakapagbata, at nagbabata pa rin, ng mga suliranin sa buhay. Habang regular na binabasa mo ang gayong mga artikulo, makikita mo na marami sa iyong mga kapatid sa espirituwal sa buong daigdig ang nagbata ng mga suliranin sa kabuhayan, pagkamatay ng mga minamahal dahil sa mga kasakunaan, at ng mapanganib na mga kalagayan sa panahon ng digmaan. Ang iba ay namumuhay taglay ang nakalulumpong mga karamdaman. Marami ang hindi makagawa ng ilang simpleng bagay sa buhay na hindi gaanong pinahahalagahan ng mga taong malulusog. Ang kanilang mga karamdaman ay talagang sumusubok sa kanila, lalo na kapag hindi nila magawang magkaroon ng malaking bahagi sa mga gawaing Kristiyano na gaya ng nais nila. Tunay ngang pinasasalamatan nila ang tulong at suporta ng kanilang mga kapatid na lalaki at babae, mga bata at matatanda!

Ang Pagbabata ay Nagdudulot ng Kaligayahan

19. Bakit nagawa ni Pablo na magalak sa kabila ng kaniyang tulad-tinik na mga pagsubok at mga kahinaan?

19 Nagalak si Pablo na makita kung paano siya pinalakas ng Diyos. Sinabi niya: “Buong lugod . . . akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko. Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, sa mga insulto, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, para kay Kristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Corinto 12:9, 10) Dahil sa kaniyang personal na mga karanasan, buong pagtitiwalang masasabi ni Pablo: “Hindi sa ako ay nagsasalita may kinalaman sa pagiging nasa kakapusan, sapagkat natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili. Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan. Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:11-13.

20, 21. (a) Bakit tayo maaaring makasumpong ng kagalakan sa pagbubulay-bulay sa “mga bagay na di-nakikita”? (b) Ano ang ilang “bagay na di-nakikita” na inaasahan mong makita sa makalupang Paraiso?

20 Kung gayon, sa pamamagitan ng pagbabata ng anumang makasagisag na tinik na nasa ating laman, makasusumpong tayo ng malaking kaligayahan sa pagpapakita sa lahat na ang kapangyarihan ni Jehova ay pinasasakdal sa ating mga kahinaan. Sumulat si Pablo: “Hindi kami nanghihimagod . . . Tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw. Sapagkat bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, ito ay gumagawa sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo pang nakahihigit na bigat at ito ay walang hanggan; habang itinutuon namin ang aming mga mata . . . sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay . . . na di-nakikita ay walang hanggan.”​—2 Corinto 4:16-18.

21 Karamihan sa bayan ni Jehova ngayon ay umaasang mabuhay sa kaniyang makalupang Paraiso at magtamasa ng mga pagpapalang ipinangako niya. Ang gayong mga pagpapala ay maituturing na “di-nakikita” natin sa ngayon. Gayunman, mabilis na dumarating ang panahon na makikita natin ang mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng atin mismong mga mata, oo, at tatamasahin natin ang mga iyon magpakailanman. Ang isa sa gayong pagpapala ay ang ginhawang idudulot ng pagkawala nang tuluyan ng anumang tulad-tinik na suliranin sa ating buhay! ‘Sisirain [ng Anak ng Diyos] ang mga gawa ng Diyablo’ at ‘papawiin ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan.’​—1 Juan 3:8; Hebreo 2:14.

22. Anong pagtitiwala at determinasyon ang dapat nating taglayin?

22 Samakatuwid, anumang tinik sa ating laman na pumipighati sa atin ngayon, patuloy nating pagtiisan ito. Tulad ni Pablo, magkakaroon tayo ng lakas na gawin iyon dahil kay Jehova, na bukas-palad na nagbibigay sa atin ng kapangyarihan. Kapag nabubuhay na tayo sa makalupang Paraiso, pagpapalain natin si Jehova na ating Diyos araw-araw dahil sa lahat ng kamangha-manghang bagay na ginagawa niya alang-alang sa atin.​—Awit 103:2.

[Talababa]

^ par. 14 Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kung Paano Haharapin ang Pagkasiphayo,” sa Mayo 8, 2000 na labas ng Gumising!

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit at paano sinisikap ng Diyablo na sirain ang integridad ng mga tunay na Kristiyano?

• Paano “pinasasakdal sa kahinaan” ang kapangyarihan ni Jehova?

• Paano mapatitibay-loob ng matatanda at ng iba pa yaong mga pinipighati ng mga suliranin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Tatlong ulit na nanalangin si Pablo na alisin sana ng Diyos ang tinik sa kaniyang laman